Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 30, 2019
KAHALAGAHAN NG PAGHAHANDA: Reflection for the 1st Sunday of Advent Year A - December 1, 2019 - YEAR OF ECUMENISM & INTER-RELIGIOUS DIALOGUE
Sinisimulan natin ngayon ang bagong panahon sa taon ng Simbahan sa pagdiriwang ng PANAHON NG ADBIYENTO. Dahil bagong panahon, ito rin ang itinuturing na BAGONG TAON ng Simbahan. Marahil ay hindi kasing ingay ng nakagawian na nating pagdiriwang sa pagpapalit ng taon na punong-puno ng paputok, ngunit ito naman ay punong-puno ng aral na nagbibigay kahulugan sa ating pananampalataya. Mas pinaigting pa ito ng pagdiriwang ngayong sinisimulan natin ang "Year of Ecumenism and Inter-Religious Dialogue" na kasama sa ating siyam na taong paghahanda bago natin ipagdiwang ang ika-500 anibersaryo ng ating pananampalatayang katoliko. Gaano ba kahalaga para sa atin ang paghahanda? Marahil ay wala ng napapanaon pang halimbawa ang maari nating ibigay kundi ang paghahandang ating ginawa para sa nangyayari ngayong SEA-Games na kung saan ay tayo ang "host country" na naatasang tanggapin ang mga atletang makikibahagi sa palarong ito na nagmula pa sa ibat-ibang mga bansa ng South East Asia. Naging maayos at maganda naman ang kinalabasan ng pagbubukas nito. Sa aking palagay ay naitanghal naman natin ng marangya sa simpleng pamamaraan ang ating kultura sa pamamagitan ng mga tradisyunal na mga sayaw at musika. Ngunit hindi natin din maipagkakaila ang ilang aberyang nangyari bago natin idaos ang pagbubukas na seremonya nito. Marahil ay maliliit na aberya ngunit nagpapakita ito ng ating kahandaan bilang "host country". Hindi dapat ipagwalang bahala ang kakulangan ng mga organizers sa pagtanggap natin sa mga naunang delegates. Ang problema sa transportasyon, lugar na pagtutuluyan ng mga atleta, lugar na pagdarausan ng pagsasanay, mga pagkaing naayon sa kanilang pangangailangan, at mga tinatapos pang "sports venue" ng ilang palaro ay ilang halimbawa lamang ng ating hindi pagiging handa sa patimpalak na ito. Mahalaga ang paghahanda kung nais nating maging maayos ang ating pagtanggap sa pagiging "host" ng patimpalak na ito. Ganito rin ang sinasabi sa atin ng Panahon ng Adbiyento - ang ating paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko. Muli muna nating balikan ang ibig sabihin ng Adbiyento. Ang ADBIYENTO ang siyang unang panahon ng bawat taong liturhiko. Ito ay apat na linggong paghahanda sa pagsapit ng Araw ng pagsilang ng ating tagapagligatas na si Jesus. Ito ay hango sa salitang latin na "adventus" na ang ibig sabihin'y kapwa "pagdating" at "inaasahan." At dahil may inaasahan tayo, ay nangangahulugan ito paghihintay. Naaakma ito sa ating panahon ngayon na ang kulturang umiiral ay pagmamadali. Lahat ay nagmamadali, lahati minamadali. Instant cofee, instant noodles, instant friendship, instant cuture! Kaya nga't hindi nakapagtataka na kahit ang pagdiriwang ng Pasko ay minamadali. September pa lang ay Pasko na! May Christmas carols ng maririnig sa radio, may mga advance Christmas sale na sa mga malls, may Christmas decors na sa mga bahay at gusali. Ang Simbahan ay nagpapaalala sa atin na huwag madaliin ang Pasko. Mayroon pa tayong tinatawag na ADBIYENTO! Para sa ating mga Kristiyano, ito ay ang ating paghihintay kay Kristo na punong-puno ng pag-asa. Tulad ito ng isang ina na hinihintay ang kanyang pagluwal ng kanyang sanggol, ng isang magsasaka sa araw ng pag-ani ng kanyang mga pananim, ng isang mangingisda na magkakaroon ng isang masaganang huli. Ngunit ito ay paghihintay na mayroong ginagawa at hindi nagpapabaya. Sa mga salitang iniwan ni San Pablo sa mga taga Roma "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti... Mamuhay tayo ng marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan." Ang nais lang sabihin ni San Pablo sa atin ay isapuso natin ang isang makahulugang paghahanda! Sa pagpasok ng bagong taong ito ng ating inang Simbahan, nawa ay maipasok din natin sa ating puso at diwa ang isang makahulugang paghahanda sa pagdating ni Jesus sa ating buhay! Huwag nating madaliin ang pagdiriwang ng Pasko! Pasukin muna natin ang tunay na diwa ng paghahanda para dito. Kasabay ng ating panlabas na paghahandang ginagawa ay ang atin namang PANLOOB na PAGHAHANDA na mas higit na kinalulugdan ng Panginoon. ISANG MAKAHULUGANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento