Biyernes, Agosto 28, 2020

ANG TAONG MANLILIKHA AT MANINIRA: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year A - August 30, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE / SEASON OF CREATION

Dalawang tulog na lang at papasok na ang "ber months" at para sa marami sa atin ay hudyat ito ng paglapit ng Panahon ng Kapaskuhan.  Ang tanong siguro ng marami ay: "Maririnig pa kaya natin ang national anthem ng Kapaskuhan sa panahong ito ng pandemic?"  Kasi nga naman ngayong may pandemia pa rin sa ating paligid ay nanganganib na ang ang PASKO 2020 ay maging PASCOVID 2020.  Kaya nga ang panimulang lyrics ng "national anthem" na tinutukoy ko ay baka maging ganito: "Whenever I see girls and boys wearing FACE MASKS on the streets..."  Nakakalungkot na baka wala nang karoling tayong maririnig ng mga bata sa kalsada.  Nakakalungkot na baka mabawasan o mawalan ng Christmas Sales sa mga shopping mall.  Nakakalungkot na hindi makakabisita ang mga bata sa kanilang ninong at ninang (pero baka para sa ilan ay masaya ito!).  Ngunit gayun pa man, kahit may peligro ng Covid19 na naglalakbay sa hangin ay siguradong mayroon pa ring simoy ng Kapaskuhan tayong malalanghap.  Tuloy pa rin ang Pasko!  

Ngunit huwag tayong magmadali sapagkat bago ang Panahon ng Kapaskuhan ay mayroon muna tayong Panahon ng Adbiyento o Paghahanda.  At bago ang Panahon ng Adbiyento, sa ating arkediyosesis ay may sinimulan, walong taon na ang nakararaan, na  "bagong panahon" sa kalendaryong liturhikal ng Simbahan.  Ito ang PANAHON NG PAGLIKHA o ang SEASON OF CREATION.  

Nagsisimula ito sa unang araw ng Setyembre at magtatapos sa kapistahan ni San Fransisco ng Asisi sa ika-apat ng Oktubre. Ang Panahon ng Paglikha ay apat na linggong pagdiriwang, pagninilay at panalangin na nakatuon sa pagpapahalaga sa inang kalikasan na ipinagkatiwala ng Diyos sa atin.  Ang Diyos bilang Manlilikha ay ginawa ang mundo at ibinigay sa atin bilang ating "common home" na dapat nating ingatan, pangalagaan at pagyamanin.  Dahil dito ay ginawaran N'ya rin tayo ng kapangyarihan maging manlilikha ngunit sa kasawiang palad ay hindi natin ito nagagampanan ng mabuti.  Sa halip na maging "manlilikha" ay mas nangigibabaw ang ating pagiging "maninira" ng ating kapaligiran at ng ating kalikasan. 

Sa Encyclical Letter ng ating Santo Papa Francisco na pinamagatang "Laudato Si" ay tinatanong niya ang bawat isa sa atin kung ano na ang nangyayari sa "tahanang" ipinagkatiwa ng Diyos sa atin: What is happening to our common home?"  Kitang-kita naman natin at ramdam na ramdam ang pagbabagong nagaganap sa ating kapaligran.  Ang pabago-bagong panahon at klima, ang sobrang init at malakas na ulan, ang malawakang pagbaha, at ang pagdumi ng mga ilog at karagatan, ang nagbibigay sa atin ng signos o hudyat na unti-unti ng nasisira ang ating "common home".  Kailan kaya tayo matututo? Tuloy pa rin kasi ang masasamang gawain tulad ng iresponsableng pagmimina at pagsira ng natural na eco-system sa ngalan daw ng pag-unlad.  Laganap pa rin ang "throw-away culture" sa bawat isa sa atin na kitang-kita sa pagsasayang ng pagkain at pagtatapon ng mga basura sa ating paligid.  Wala pa rin tayong pakialam sa pagkasira ng ating "tahanan".  

Oras na marahil upang baguhin natin ang ating pananaw sa mga nangyayari sa ating paligid.  Sabi nga ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma sa ikalawang pag-basa ng linggong ito: "Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito.  Mag-iba na kayo at magbago ng isip..."  At ano ba ang takbo ng makamundong pag-iisip?  Ito ang ipinakita ni Pedro ng pinagsabihan niya si Jesus na huwag nawang itulot ng Diyos na siya ay maghirap. "Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo."  Marahil ay mahal ni Pedro si Jesus kaya't ayaw niya itong mapahamak.  Ngunit tandaan natin na ito rin ang Pedro na kinilala si Jesus na "Mesiyas" na kanilang hinihintay.  Ayaw rin ni Pedrong masira ang kanilang pagnanais na maligtas sa kamay ng mga mananakop na Romano katulad ng inaasamng maraming Hudyo.  Hindi ba't may pagkamakasarili ang kanyang tugon? At ano naging tugon ni Jesus kay Pedro?  Nakakagulat. Pagkatapos purihin ni Jesus si Pedro ay sinabi nitong:  "Lumayo ka, Satanas!  Hadlang ka sa aking landas.  Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao."  Ang makamundong pag-iisip ay ang pag-iwas sa paghihirap at sakripisyo.  Sa tuwing nagbibigay tayo ng daan upang unahin ang ating sariling kapakanan at kaligtasan, at iniiwasan natin ang makaranas ng paghihirap sa ating buhay ay nahahaluan na ng makamundong pag-iisip ang ating pagpapasya at pagkilos.  Tandaan natin ang tatlong kundisyong inilatag ni Jesus kung nais nating kanyang maging mga alagad: "Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.Paglimot sa sarili, pagpasan ng ating mga krus, at pagsunod kay Jesus ang susi kung nais nating tunay na mga Kristiyano.  

Ang pag-aalaga sa ating tahanan o common home, ay nangangailangan ng malaking sakripisyo sa ating mga sarili.  Ang simpleng tamang pagtatapon ng basura ay pagdidisiplina sa ating sarili.  Ang pagpapanatiling malinis ang mga daluyan ng tubig ay hindi madaling gawin at nangangailangan ng pakikiisa at pagtutulungan nating mga mamamayan.  Tandaan natin na tayo ang nakatira sa mundong ito. Nasa ating mga kamay ang pag-aalaga at pag-iingat sa mga biyaya ng kalikasan na ipinagkatiwala lamang sa atin ng Panginoong Diyos.  Nawa ay magising na tayo sa katotohanan bago pa mahuli ang lahat.  Sa unang Linggong ito ng Panahon ng Paglikha ay maging mabubuti tayong katiwala ng ating iisang tahanan o common home!  Sa ating pangangalaga sa inang kalikasan ang Diyos ang ating pinapupurihan. "Laudato Si!"  Purihin natin Siya sa Kanyang mga nilikha! 

Sabado, Agosto 22, 2020

ANG KAPANGYARIHAN NG BATO AT SUSI: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year A - August 23, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Nitong nakaraang Agosto 5, 2020 ay nagpalabas ang  Episcopal Commission on Prison Pastoral Care of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP-ECPPC) ng kanilang paninindigan at muling pagtutol sa muling pagsasabatas ng death penalty sa liham pastoral na pinamagatang "Stand for Life".  Sinusugan ito ng pahayag ng Archdiocese of Manila na kung saan ay sama-samang nanindigan ang ating mga kaparian na ito ay tutulan at muling ipagtanggol ang kabanalan at dignidad ng buhay.  "We, the Clergy of the Archdiocese of Manila, are both alarmed and disturbed at the ease with which our lawmakers responded to the call for its re-imposition and to the dangers such penalty poses to life and society." Naging maingay din ang Simbahan sa
pagpasa ng anti-terror bill at ngayon ay kasalukuyan pa rin itong tinututulan sa kadahalinang maari itong gamitin upang labagin ang karapatang pantao ng mga mamamayan.  Naririyan pa rin ang patuoy niyang paglaban sa "War on Drugs" dahilan sa maling pamamaraan ng pagpapatupad nito na ang nabibiktima ay ang mga mahihirap at mga taong walang kalaban-laban sa lipunan.

May mga natutuwa. May mga tumataas ang kilay.  Mayroon ding nagsasawalang-kibo.  At may mga pumupuna sa Simbahan kung bakit lagi itong "kontrabida" sa gobyerno.  May ilan pa ngang nagsasabing mas pinapanigan daw ng Simbahan ang mga terorista, ang mga drug addict, ang mga kriminal at hindi ang mga nabibiktima nito.  Alam naman nating hindi ito totoo.  Kailanman ay hindi pinapanigan at sinasang-ayunan ng Simbahan ang anumang masasamang gawain.  Ang pagtatanggol sa dignidad ng tao at sa pagiging sagrado ng buhay ang pinapahayag nito na bahagi ng kanyang iniingatang aral na tinanggap mula kay Kristo.  

At saan nagmula ang karapatan ng Simbahang magturo at magpasya sa usapin ng pamumuhay moral nating mga tao?  Ang ating mga pagbasa ngayon ay tumatalakay tungkol sa kapangyarihang taglay ng "susi."  Alam naman natin kung para saan ang susi.  Ginagamit natin ito sa pagsasara o pagbubukas. Ang susi ay sumisimbolo sa kapangyarihang taglay ng nagdadala nito.  Ang may susi ay maaring lumabas at pumasok sa isang bahay.  Nagbibigay ito ng pahintulot, karapatan at kapangyarihan.  

Noong panahon ni Propeta Isaias sa ating unang pagbasa ay narinig nating ginamit ang simbolo ng pagbibigay ng susi upang upang palitan si Sabna bilang katiwala ng templo at ibinigay ito kay Eliakim. Sa ating Ebanghelyo ay ginamit ni Jesus ang simbolo ng susi upang ibigay kay Simon ang kapangyarihang pamunuan ang kanyang Simbahan. "Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit."  At ang kapangyarihang ito ay ang ipinasa ni Pedro sa kanyang mga kahalili, ang Santo Papa at ang mga obispo.  Kapag ang ating Santo Papa at ang mga obispo na kanyang kinatawan sa bawat diyosesis ay nagtuturo sa atin tungkol sa pananampalataya at pamumuhay moral ay ginagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang tagapangalaga ng aral ni Kristo.  Kaya maari nating sabihin na ang kapangyarihan ng susi ng langit ay hindi lang para kay Pedro, ito rin ay para sa Simbahan.  

Kaya nga't bilang mga Kristiyanong Katoliko ay hinihikaya't tayong ipagdasal ang ating mga namumuno, simula sa ating Santo Papa at mga obispo upang magampaman nila ng tapat at masigasig ang tungkuling pangalagaan ang Simbahan.  Ngunit hindi lang sapat ang panalangin, tayo rin ay inaasahang maging tapat at susunod sa kanilang mga aral kahit na ito ay hindi maging katanggap-tangap sa ating sariling paniniwala.  At isa na nga rito ang pagpapahalaga at paggalang sa buhay.  Naninindigan ang Simbahan na igalang natin ang buhay mula sinapupunan hanggang kamatayan.  Kaya nga ang pagpatay ay walag puwang sa bokabularyo ng isang Kristiyano.  

Isa lamang ito sa maraming isyu na kung saan ay hinamon ang ating Simbahan sa kanyang pagiging propeta!  Ang propeta ay naghahatid ng mensahe ng katotohanan at nagbibigay saksi dito.  Kung minan ito ay masakit na mensahe na dapat lunukin nating mga tao at hindi mangigiwi ang Simbahan na ipahayag ito kahit na ito ay hindi popular sa marami.  Sana ang bawat isa din sa atin ay gampanan ang ating pagkapropeta. Huwag sanang mangyari na ang isang bagay na mali tulad ng pagpapatay ay maging katanggap-tanggap at normal na lamang sa ating mga Kristiyano.  Tandaan natin na tayo rin ang Simbahang itinatag ni Kristo at nasa atin pa rin ang susi ng kaharian ng langit!  

Marahil ay marami sa atin ang pinipiling manahimik dahil ang pakiramdam nila ay mahihina lang sila at walang lakas ang tinig sa lipunan.  Ngunit tingnan natin ang pagpiling ginawa ni Jesus kay Pedro. Ano ba ang nakita ni Jesus kay Pedro? Ang sagot ay ang kanyang KAHINAAN.  Batid ni Jesus na ang alagad niyang ito ay magtatatwa sa kanya ng tatlong beses.  Batid ni Jesus na iiwan siya ng alagad na ito sa paanan ng krus.  Batid ni Jesus ang kahinaan ni Pedro.  Gayunpaman, batid ni Jesus na ang kahinaang ito ang magbibigay daan upang manaig sa kanya ang KALAKASAN ng Diyos!  Maganda ang sabi ni San Pablo tungkol dito: "I'm willing to boast of my weakness because in my weakness.. God is strong!"  Kaya nga pinalitan ni Jesus ang pangalan niyang Simon at ginawang Pedro na ang ibig sabihin ay "bato".  Ito nga marahil ang nais ding makita sa atin ni Jesus, ang masabing  "ang Diyos ang ating lakas sa kabila ng ating kahinaan!" Kalimitan ay madali tayong panghinaan ng loob kapag lagi tayong tinatalo ng ating kahinaan: paulit-ulit na kasalanan, masamang pag-uugali, masamang hilig. Tandaan natin na tayong lahat ay maaring maging "Pedro" o bato kung taos puso nating aaminin ang ating pagkakamali at tatanggapin natin ang Diyos bilang ating lakas!   Sa tuwing tayo ay humihingi ng tawad sa ating mga pagkakasala dapat ay hinihingi din natin ang Biyaya ng Diyos upang tulungan tayo sa ating pagbabago. Tandaan natin na sa lakas ng Diyos para tayong "nakasandal sa bato". 

Kaya huwag tayong mangiwi sa mga maling nangyayari sa ating paligid.  Huwag lang tayong manahimik at sa halip ay maging mapagmatyag tayo at huwag matakot na manindigan sa ating mga paniniwala bilang mga Kristiyano.  Tandaan natin na sapat lang na tayo ay manahimik at lalaganap ang kasamaan sa mundo.  Ang simbolo ng susi at bato ay para sa ating lahat dahil tayo ang bumubuo sa Simbahan.  Hindi tayo magkakamali, sa kabila ng ating kahinaan dahil ang Diyos ang ating lakas at kapangyarihan.  Hindi Niya tayo pababayaan!  

Sabado, Agosto 15, 2020

PANALANGING PINAKIKINGGAN: Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year A - august 16, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Ngayon ay ipinagdiriwang ang kapistahan ng isang santong hindi naman ganoon kabigat ang kanyang pangalan sa listahan ng mga banal, ngunit kilalang kilala nating mga Pilipino.  Sa katunayan noong bata pa ako ay lagi kong inaabangan ang karosa niya sa prusisyon at manghang-mangha akong pinagmamasdan ang "asong may kagat-kagat na tinapay" na nasa kanyang tabi.  At ngayong panahon ng pandemia ay muli nating binabangit ang pangalan niya at ang kanyang pamamagitan na matapos na sana ang covid virus na ito. Sino ang santong tinutukoy ko?  Walang iba kundi si San Roque. Bagama't hindi natin maipagdidiwang sa liturhiya ang kanyang kapistahan , dahil tumapat ito sa araw ng Linggo na araw ng Panginoon, ay minabuti kong magbigay ng kaunting pagninilay tungkol sa kanya at ang aral na maaari nating makuha sa kanya kasabay ng pagninilay sa ebanghelyo ng Linggong ito.

Napakamakulay ang kuwento ng buhay ni San Roque.  Siya nga pala ang patron na tinatawag kapag nahaharap tayo sa panahon ng peste o pandemya tulad nitong COVID19.  Siya rin ang tinanghal na patron ng mga naaakusahan ng mali, ng mga walang pang asawa, at kahit ng mga taong mapagmahal sa aso o ng aso mismo!  Tinatawag natin ngayon ang kanyang pangalan sa panahong ito ng pandemya sapagkat may tagpo sa kanyang buhay na tumulong siya sa mga maysakit na tinamaan ng epedemic sa Italya noong ika-13 tatlong siglo.  Pinuntahan niya ang maraming lugar na tinamaan nito at mapaghimalang nawawala ang epidemiya sa mga lugar na kanyang binibisita.  Muli itong nangyari pagkatapos ng kanyang kamatayan noong taong 1414 sa Germany nang bisitahin ito ng peste. Nag-utos ang mga obispo na manalangin sa kanya at magdaos ng prusisyon sa kanyang karangalan at mahimalang naglaho din ang peste!  Dahil dito ay kumalat ang kanyang pangalan at mahimalang gawa at natanghal siya bilang patron ng mga tinatamaan ng peste o plague.  Hindi ko na isasalasay ang tungkol sa aso ni San Roque.  Saliksikin na lamang ninyo o i-google ninyo sa internet at malalaman ninyo kung bakit lagi siyang kabuntot ng dakilang santong ito.  

Ilang buwan na rin tayong nasailalim sa quarantine dahil sa pandemyang ito.  Marahil ay araw-araw, o kung hindi man ay linggo-linggo nating dinarasal ang Oratio Imperata laban sa COVID-19.  Bakit tila nagtatagal pa rin ang virus na ito at patuloy na sinasalanta ang maraming kabuhayan at kinikitil ang buhay ng maraming tao hindi lang sa ating bansa ngunit sa buong mundo?  Tinatawag naman natin ang pangalan ni San Roque?  May kulang ba sa ating panalangin? Ano ba ang panalanging pinakikinggan ng Maykapal?  Paano nagiging kalugod-lugod ang ating pananalangin sa Diyos?  

Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay makikita natin ang panalangin ng isang taong may malalim na pananampalataya ang pinakikinggan ng Diyos. Kung minsan dasal tayo ng dasal para sa isang kahilingan ngunit parang hindi Niya tayo pinakikinggan.  Malamang ay sapagkat mali o may kulang sa ating pagdarasal. Tadaan natin na ang panalangin na may malalim na pananampalataya ang nakahuhulog ng Kanyang kalooban nang sa gayon ay maipagkaloob Niya sa atin ang ating hinihingi.   Tandaan natin na "ang kalakasan ng tao at ang kahinaan ng Diyos ay ang panalanging puno ng pananampalataya!" Mayroon itong dalawang katangian:

Ang una ay ang ating pagtitiyaga at pagpupumilit. Pansinin ninyo ang panalangin ng isang babae. "A lady's prayer... At 20 years: Lord, I want the best man. At 25: Lord, I want a good man. At 30: Lord, I want any man... at 45: Lord, na- mannnnn..." Sigurado akong maawa din ang Diyos sa kanya! hehehe... Pero ito naman talaga ang gusto ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Una, nais Niya na "kinukulit" natin siya! Katulad ito ng pangungulit ng babaeng Cananea sa ating ebanghelyo.  "Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan." Ito ang sinisigaw niya habang sinusundan si Jesus at ang kanyang mga alagad.  Sa sobrang pagpupumilit niya ay nasabi na ng mga alagad: "Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya'y nag-iingay at susunud-sunod sa atin!"  Makulit hindi ba?  Kung minsan tayo rin ang may kasalanan sapagkat kulang tayo sa pagtitiyaga sa ating paglapit sa Diyos. Masyado tayong mainipin! Gusto agad natin na maipagkaloob ang ating kahilingan. Ang turing natin sa Diyos ay parang vendo machine na kapag naglagay ka ng pera ay dapat may lalabas na softdrink sa iyong harapan. Ngunit ang Diyos ay may sariling oras na kalimitan ay hindi tugma sa ating orasan. Sapat lang na magtiwala tayo sa pakikinggan Niya tayo sa ating mga kahilingan: "Ask and you will receive. Seek and you shall find. Knock and the door will be opened!" Ang tawag dito ay "persevering prayer".  Ang matiyagang panalangin ay hindi pinanghihinaan ng loob kahit na nakikita niyang tila nasasalungat ang kanyang ipinagdarasal.  "Persevering in prayer is like rowing a boat upstream; if you do not persevere, you will be carried downstream by the current."  Kaya't magtiyaga tayo sa ating pagdarasal.

Pangalawa ay pagpapakumbaba.  Ang  babaeng Cananea sa ebangelyo ay nagpakababa sa harapan ni Jesus. Tinawag siyang "tuta" o isang maliit na aso ni Jesus upang sabihin sa kanya  na wala siyang karapatang makisalo sa hapag ng kanyang panginoon ngunit sumagot siya na kahit ang aso ay kumakain sa mga mumong nalalaglag sa hapag! Napakalaking pagpapakumbaba. Tinanggap niya at minaliit ang kanyang sarili! Kaya nga't namangha si Jesus sa kanya at ipanagkaloob ang kanyang kahilingan. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay nagdadala sa atin sa pagsusuko ng ating sarili sa kalooban ng Diyos. "Sundin ang loob mo dito sa lupa at para ng sa langit..."  Ang sabi nga ni St. Mother Teresa ng Calcuta: "Prayer is not asking.  Prayer is putting oneself in the hands of God, at his disposition, and listening to His voice in the depth of our hearts."  

Ganito ba ang ating mga panalangin? Suriin natin ang ating mga sarili sa tuwing tayo ay lumuluhod sa Kanyang harapan. Manalangin tayo ng may pagtitiyaga at pagpapakumbaba. Ito ang dalawang katangian ng isang panalangin na may malalim na pananampalataya.  Ngayong panahon ng pandemya ay i-level up naman natin ang ating pagdarasal.  Totoo na maraming problema pa tayong kailangang harapin.  Pero ang sabi nga ng isang kasabihan: "If your problems are long standing and tired sitting... try kneeling!"  At tandaan natin na kapag tayo ay lumuhod sa Panginoon ay tumatayo naman Siya para sa atin.  "When you kneel down to God, He stands up for you.  And when He stands p for you, no one can stands against you..."  Walang makatatalo sa atin! Kahit na itong veeeeerus na ito! 


Biyernes, Agosto 14, 2020

ANG MAGAANG TUMATAAS! : Reflection for the Solemnity of the Assumption Year A - August 15, 2020 : YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit, Katawan at Kaluluwa.  Marahil ay palaisipan pa rin sa atin kung papaano ito nangyari.  Mayroon ba itong batayan sa Banal na Kasulatan?  Dapat ba natin itong paniwalaan bilang mga Katolikong Kristiyano?

"Paano nga ba nagawang maiakyat sa langit si Maria, katawan at kaluluwa? Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa mga batang kanyang tinuturuan. Nagtaas ng kamay ang isang bata at sumagot:  "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... super gaang tulad ng isang lobo, kaya nagawa siyang iakyat sa langit ng Diyos!"  

Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas!  Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII: "Si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa."  Unawain nating mabuti ang itinuturo sa atin ng ating Inang Simbahan na si Maria ay hindi umakyat sa langit.  Sa ganang kanya, bilang isang tao, ay wala siyang kapangyarihan upang gawin iyon.  Ngunit sa kapangyarihan ng Diyos, ay INIAKYAT SIYA SA LANGIT, KATAWAN at KALULUWA.

Mayroon ngang isang nakakatuwang kuwento tungkol dito.  Alam natid na kapag tayo ay namatay at inilibing, ang ating katawan ay uuurin.  Noong namatay dawa ang Mahal na Birhen ay may kababalaghang nangyari sa kaharian ng mga uod.  Kumalat ang balita na meron daw nakalibing sa sementeryo na isang babae na ang pangalan ay Maria.  "Tara, anupang hinihintay natin... uurin na natin siya!"  Excited na nagpuntahan sila sa sementeryo.  Ngunit laking pagkagulat nila ng makita nilang wala silang nakitang katawan ng babae sa pinaglibingan nito. "Napurnada! Walang katawan dito! Naglaho ang kanyang katawan!"  Sigaw nila.  Ang sabi ng kanilang pinuno: "Isa itong himala... paglabag ito sa batas nating mga uod!"  

Tunay nga naman na kapag tayo ay namatay ay mabubulok ang ating katawan.  Noong nagkasala ang ating mga unang magulang, ayon sa Banal na Kasulatan ay pinalayas sila sa Hardin ng Eden at nabigyan ng taning ang kanilang mga buhay.  Ibig sabihin ay pumasok ang "kamatayan" sa sangkatauhan.  Ang tao ngayon ay nakararanas na ng pagkabulok ng katawan! Ang kamatayan ang kinahantungan ng kanilang paggawa ng kasalanan.  Bagama't ang  lahat ay napasailalim sa batas na ito, sa biyaya at kalooban ng Diyos, ay hindi niya hinayaang mabulok ang katawan ng isang nilalang.  Isang espesyal na prebelihiyo ang ibinigay niya sa isang babae na inihanda Niya upang maging tagapagdala sa sinapupunan ng Kanyang Anak.  Ibig sabihin, walang kasalanan... walang pagkabulok ng katawan!  Walang pagkabulok ng katawan... walang kamatayan.  Kaya nga ang ginamit na kataga sa pagkamatay ng Mahal na Birhen sa ating tradisyon ay DORMITION.  Ang pakahulugan ng salitang ito ay "pagtulog".  Animo'y "natulog" lamang ang Mahal na Birhen sa kanyang paghimlay.  Ayon sa isang kuwentong "Apokripal" ng mga naunang Kristiyano ay ng dumalaw si Tomas upang bigyan ng huling pagsulyap sa labi ng Mahal na Ina, ay bumagsak mula sa langit ang isang "girdle" o balabal na pagmamay-ari niya.  Nasalo ito ni Tomas at sa kasalukuyang panahon ay nakapreseba sa isang simbahan sa Tuscany, na ayon sa ma taga-roon ay pinagdadaluyan ng maraming himala.

Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birheng Maria?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang bahid na kasalanan." Ito ang dogma ng "Immaculate Conception".  Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay.  Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan!  Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! 

Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang labing limang taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan.  

Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay.  Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"

Miyerkules, Agosto 5, 2020

BAKAS NG PRESENSIYA NG DIYOS: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year A - August 9, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Saan nga ba matatagpuan ang Diyos? Alam nating nasa langit ang Diyos at hinihintay Niya tayong lahat na makapiling Niya sa kaluwalhatian at kaligayahang  walang hanggan.  Pero dito sa lupa, saan ba natin matatagpuan ang Diyos?  Kapag sumasakay ako ng jeep, minsan may nakikita akong nag-aatanda ng krus kapag dumaraan ang jeep sa simbahan.  Sa mga paaralan ng Don Bosco, ang mga kabataan ay sanay ng bumisita sa simbahan upang dalawin si Jesus sa Banal na Sakramento bago umuwi sa kanilang mga bahay.  Kaya nga't ang Diyos din ay matatagpuan sa Kanyang tahanan - sa tabernakulo ng ating mga simbahan.  Ngunit ang Diyos din ay matatagpuan sa mga sitwasyon na hindi natin inaasahan.  

May isang bata ngang nagsabi na ang Diyos daw ay nasa kanilang bahay, at sa lahat pa ng lugar ay nasa loob daw siya ng kanilang banyo. Tinanong siya ng kanyang guro kung paano nangyari yun.  Ang sabi niya: "Kasi po tuwing umaga lagi ko na lang naririnig ang tatay kong sumisigaw sa harap ng pintuan ng aming banyo ng 'Diyos ko! Diyos! Anung oras ka lalabas d'yan?  Maleleyt na ako sa trabaho!"

Sitwasyon na hindi inaasahan.  Sa mga nangyayari ngayon sa ating paligid ay marami ang tila naghahanap sa presensiya ng Diyos. Nasaan ang Diyos ngayong pandemic na kung saan ay maraming tao ang nangamatay at nahihirapan sa buhay?  Nasaan ang Diyos sa pagsabog na naganap sa Lebanon na naging sanhi rin ng pagkamatay ng marami at pagkawala ng kabuhayan?  Nasaan ang Diyos kapag may namatay sa aming pamilya?  Nasaan ang Diyos sa mga madilim na bahaging ito ng aming buhay? 

Sitwasyong di inaasahan, ito ang naranasan ni Propeta Elias ng katagpuin niya ang Diyos sa bundok ng Horeb.  Hindi niya nakatagpo ang Diyos sa malakas na hangin, lindol, kidlat at kulog kundi sa isang banayad na tinig.  Ang Diyos ay matatagpuan sa katahimikan at kapayapaan.  Sa ating Ebanghelyo,  natagpuan ng mga alagad si Jesus sa sitwasyon ng takot at pangamba.  Madaling araw noon ng saniban ng takot ang mga alagad sa bangka ng makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. "Multo!" ang sigaw nila, sapagkat karaniwang paniniwala ng mga tao noon ang ang mga espiritu ay naglalakbay at nanahan sa ibabaw ng tubig.  Ngunit pinawi ni Jesus ang kanilang takot at pangamba at sinabi niyang "Huwag kayong matakot si Jesus ito!"  

Sa ating paglalakbay ay karaniwang din tayong pinangungunahan ng takot at pangamba lalo na't nahaharap tayo sa maraming suliranin at kahirapan sa buhay.  Naririyan pa rin ang pangamba ng karahasan dala ng terorismo at patayang dala ng problema sa droga.  Nariyan ang pangambang dala ng hagupit ng kalikasan tulad ng lindol, bagyo at malakas na pag-ulan. At sa kasalukuyan nga ay ang pangambang idinudulot ng patuloy na pagkalat ng COVID19 virus na hindi pa natin alam kung hanggang kailan ito magbibigay ng pahirap sa ating buhay.  

Sa kabila ng maraming pangambang ito ay sinasabihan tayo ni Jesus na wala tayong dapag ikatakot. Manalig tayo Diyos. Manalig tayo sa kanya.  Nagawa ni Pedrong lumakad sa ibabaw ng tubig palapit kay Jesus sapagkat nakatuon ang kanyang pansin sa kanyang Panginoon.  Ngunit ng mapansin niya ang malakas na alon at hangin, nawala ang kanyang pagtuon kay Jesus naging dahilan iyon ng kanyang unti-unting paglubog.  Inabot ni Jesus ang kanyang kamay at sinabi.: "Napakaliit ng iyong pananampalataya! Bakit ka nag-alinlangan?"   Kapag hinayaan nating gambalain tayo ng ating maraming alalahanin sa buhay at malingat tayo sa ating pagtitiwala sa Panginoon ay unti-unti nating mararanaan ang "paglubog" sa buhay!  Tandaan nating malapit lang sa atin ang Diyos kapag tinalo tayo ng ating kahinaan.  Hindi niya tayo pababayaan.  Sapat lang na sambitin nating: "Sagipin ninyo ako, Panginoon!" at makakaranas tayo ng kapayapaang nagmumula kay Kristo.  Patuloy na dumarating ang Diyos sa ating buhay.  Sa kaguluhan sa ating paligid at maging sa ating sarili ay paghariin natin Siya.  Ang Diyos ay dumarating sa kapayapaan.  Kapayapaan ang bakas ng Kanyang presensiya!

Kaya nga sa harap ng maraming kaguluhan at alalahanin sa ating buhay ay turuan natin ipayapa ang ating sarili sa presensiya ng Panginoon.  Ang Diyos ay nagsasalita sa kapayapaan.  Kung hindi tayo marunong makinig sa katahimikan ay hindi natin siya mapakikinggan.  Mayroon dapat tayong malaking tainga para makinig.  Ang malaking tainga na tinutukoy o ay hindi nakakabit sa ating mukha kundi ang nasa loob ng ating puso.  Turuan natin makinig ang puso.  Pansinin ninyo ang salitang puso sa ingles.  Sa salitang hEARt ay makikita natin ang salitang EAR sa gitna.  Kaya nga mayroon tayong tinatawag na "listening heart".  Isang pusong marunong makinig, lalong-lalo na sa mga hinanaing ng mga taong nahihirapan sa buhay at naghahanap ng katarungan. Muli tayong nailagay sa MECQ dahil na rin sa panawagan ng ating mga medical workers na magkaroon ng "time-out" dahil nahihirapan na rin sila sa tila walang direksyon na paglaban sa pandemiang ito.  Pagtigil ng kaunti upang pakinggan ang hinanaing ng marami na magkaroon ng maayos at makatotohanang plano upang hindi masayang ang sakripisyo ng mga taong nagbubuwis ng kanilang buhay araw-araw upang matugunan ang paghihirap ng ating mga kababayan.  Pagkatapos ng ilang araw na MECQ, ipinapakita ba ito ng mga tao sa ating pamahalaan? O ang quarantine na pina-iiral ay naroroon pa rin sa pagharang sa mga naglalakad na walang quarantine pass, mga lumalabag sa patakaran ng social distancing o facemask, etc... Kung pagkatapos ng mga araw na ito ng MECQ ay wala pa ring malinaw na plano ay masasabi nating kulang pa rin talaga sa pakikinig ang mga taong namamahala sa atin.  Matuto tayong makinig sa katahimikan at kapayapaan. 

Kapayapaan ang bakas ng presensiya ng Diyos! Nasaan siya?  Siya ay kapiling natin. Hindi niya tayo iniiwan.  Sa panahong ito ng pandemia, unawain natin na tayo ay hindi binibitawan ng Diyos.  Kaya nga ang GCQ ay nagbibigay dapat sa atin ng bagong kahulugan: God Can't Quit!  Huwag tayong matakot.  Nariyan lang siya sa katahimikan at kapayapaan.