Sabado, Nobyembre 28, 2020

ADBIYENTO: PAGHAHANDANG MAY GINAGAWA - Reflection for the 1st Sunday of Advent - November 29, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Isang maligayang Bagong Taon sa inyong lahat!  Ngayon ang unang araw sa Bagong Taon ng ating Simbahan.  Ang Unang Linggo ng Adbiyento ay hudyat na tayo ay nagsisimulang muli ng ating Taong Liturhiko pagkatapos nating ipagdiwang ang Kapistahan ni Kristong Hari noong nakaraang Linggo na siya namang hudyat ng pagtatapos nito.  May kaibahan nga lang  ang pagdiriwang ng bagong taon ng Simbahan sa nakagawiang pagsalubong natin sa pagpapalit ng taon.  Kapansin-pansin dito ang kawalan ng ingay na dala ng mga torotot at paputok! Walang count down party sa mga lansangan! Ang mayroon tayo ay ang tahimik na pananalangin habang sinisindihan natin ang unang kandila ng ating Korona ng Adbiyento. 

Ang salitang Adbiyento ay hango sa salitang Latin na ADVENTUS na ang ibig sabihin ay "pagdating."  Dahil may darating kaya tayo ay nararaapt maghanda.  Kaya nga ang Adbiyento ay "time of preparation".  Una, ito ay paghahanda sa taunang pagdiriwang ng unang pagdating ni Jesus, ang tawag natin ay Pasko o Christmas, na kung saan siya ay isinilang at naging tao.  Pangalawa, ito ay ang paghahanda sa muling pagdating ni Jesus na hindi natin alam kung kailan at saan magaganap ngunit alam natin at inaasahang mangyayari.  Sa gitna ng dalawang pagdating na ito, ay ang tinatawag nating "mahiwang pagdating" ni Jesus na nangyayari araw-araw sa ating buhay.  Dahil dito ay nangangahulugan na ang ating paghahanda ay hindi dapat paghahanda na nakatunganga ngunit 
paghahanda na may ginagawa!  Hindi puwede ang tatamad-tamad at pa-easy-easy lang!  

May kuwento na may dalawang katulong na pinagbilinan ng kanilang amo na magtrabaho at huwag tatamad-tamad.  May lakad siya sa umaga at sa kanyang pagdating sa gabi ay ayaw niyang makikita na wala silang ginagawa.  Nagtrabaho naman ang dalawa ng buong araw  at marahil dala na rin ng pagod ay kinuha ng isa ang remote control ng TV at nanood ng kanyang pinakaabangang K-drama sa Netflix.  Natapos na niya ang CLOY  o Crush Landing On You, at maging ang THE KING, the Eternal Monarch, kaya ang pinagkakaabalahan naman niya  ay ang bagong series na START-UP.  "Inday!  Anung ginagawa mo? Ihinto mo na yan!  Baka dumating na si Mam at malilintikan ka pag naabutan ka niyang nanonood ng TV!"  "Bakit naman ako malalagot?" sagot ni Inday.  "Hindi ba ang sabi niya na dapat ay hindi niya tayo makitang walang ginagawa?"   May punto nga naman si Inday. Mayroon siyang ginagawa.  Ngunit ang ginagawa niya ay hindi tama.  Hindi tama sapagkat hindi ito ang inaasahan ng kanyang among gagawin.  

Ang unang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa ating maghanda sa muling pagdating ni Jesus na may ginagawa!  Darating ang Panginoon sa araw at oras na hindi natin inaasahan.  “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras," ang sabi ni Hesus sa Ebanghelyo.  Ang Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Pasko. Ang kapaskuhan ay ang paggunita sa Diyos na dumating na noong Siya ay nagkatawang tao. Mas dapat nating paghandaan ang muling pagbabalik ni Hesus na hindi natin alam ang araw at oras. "Maging handa kayong lagi, sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog." Kapag patuloy tayo sa ating masasamang pag-uugali tulad ng katamaran, kayabangan, katakawan, kalaswaan ng pag-uugali, pagiging maramot at makasarili, pagsasayang ng oras, pang-aapi at pagsasamantala sa kapwa... ay masasabi nating hindi pa tayo handa sa kanyang biglaang pagdating! 

Wala tayong pinagkaiba kay Inday na may ginagawa nga ngunit hindi naman ang nararapat niyang gawin. May isang kasabihang latin na maaring makatulong sa ating paghahanda: "Age quod agis!" Sa ingles, "Do what you are supposed to do!" Kung isasabuhay lamang natin ito ay marami tayong maiiwasang pagkakamali. Kung ginagawa lamang natin ang dapat nating gawin ay malalayo tayo sa pagkakasala. Sa pagdiriwang na ito ng Unang Linggo ng Adbiyento ay gawin natin ang dapat nating gawin.  Unti-unting tanggalin ang masasamang pag-uugali at pag-ukulan ng pansin ang pagpapakabuti at pagtulong sa kapwa. Sa ganitong paraan ay hindi lang Pasko ng Pagsilang ang pinaghahandaan natin kundi pati na rin ang muling pagbabalik ni Kristo!  

Ang kulay ng Adbiyento ay lila o violet.  Nangangahulugan ito ng pagsisisi sa ating mga kasalanan at  pagbabalik-loob sa Diyos.  Ito dapat ang diwa na mamayani sa atin sa buong Panahon ng Adbiyento.  Ito ang tamang paghahanda na may ginagawa.  Pinaalalahanan tayo ng Santo Papa Francisco na hindi dapat natin tingnan bilang parusa ang pandemic na ito bagkus ito ay dapat natin ituring na isang PAGHUHUSGA sa atin ng Diyos.  Bakit? Sapagkat nakalimutan na natin ang tinatawag na mga  "essential" sa ating buhay.  Marahil ay nabalot na tayo ng makamundong pagnanasa sa mga materyal na bagay at nawalan na ng halaga sa atin ang pakikitungo sa Diyos, ang pagmamahal ng isang pamilya, ang pakikipagkapwa sa iba.  Kaya nga ang panyaya sa atin ay pagbabalik-loob.  Ibalik natin ang ating sarili sa Diyos.  Muli nating buhayin ang ating pagdarasal at pagsisimba.  Marahil, ngayong pandemia ay marami na sa atin ang nanlamig sa pagpunta ng simbahan.  Magsimula tayong muli.  Ibalik natin ang ating sarili sa ating pamilya.  Ang mahigit walang buwan na quarantine sa ating mga tahanan ay dapat magsabi sa ating may kasama ako sa aking buhay at hindi lang ako mag-isa.  Marahil mas pairalin natin ang pang-unawa at pagpapatawad sa mga kasama natin sa bahay kung sila ay nagkakamali.  Ibalik natin ang pakikipagkapwa at lagi nating tingnan kung paano tayo makakatulong sa iba.  Napakarami nating maaaring gawin. 

Alam mo bang tayong mga Kristiyano na bukod sa COVID19 ay maari ring mahawaan ng sakit na AIDS?  Mag-ingat tayos sapagkat mas grabe at malala ang epekto nito sa atin kapag tayo ay tinamaan.  Kapag ginagawa natin ang hindi dapat natin ginagawa o nagkukunwari tayong gumagawa ng mga kabutihan para sa iba, tayo ay may sakit nang AIDS.  Marami sa atin ay "As If Doing Something" pero sa totoo lang ay wala naman ang tunay na diwa ng paglilingkod.  Sa taong ito ay pinagdiriwang natin ang YEAR OF MISSIO AD GENTES (Mission to the nations).  Ipinapaalala sa atin, na pagkatapos ng 500 taon ng ating pagiging Kristiyanong bansa ay dapat na muli nating panibaguhin ang ating pagtatalaga bilang mga "kristiyanong misyonero" sa ating mga pamilya (ad intra) at sa labas nito (ad extra).  Nangangahulugan ito ng masipag at masigasig na pagbibigay ng ating sarili sa paglilingkod para sa ating kapwang nangangailangan hindi lang ng materyal na bagay ngunit lalong-lalo na sa mga naghihikahos sa kanilang buhay espirituwal.  Ang minumungkahi ng ating Simbahan ay ang maging tagapagdala tayo ng kaligayahan (joy) at awa (mercy) sa ating kapwa.  Sa panahong ito ng pandemia at sa mga sunod-sunod na kalamidad na dumating sa atin ay naaakma ang paghahatid ng ligaya at awa sa iba.  Sikapin nating maging misyonero sa kanila.  Buksan natin ang ating mga kamay sa pagbibigay. Ito ang PAGHAHANDA NA MAY GINAGAWA na nais na makita ng Panginoon sa atin sa kanyang muling pagdating.  


  

Sabado, Nobyembre 21, 2020

ANG PAGSUSULIT NA SULIT: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year A - November 22, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Ang Kapistahan ni Kristong Hari ang hudyat ng katapusan ng taon ng Simbahan na nagpapaalala sa atin naman ng katapusan ng panahon o ang "Araw ng Paghuhukom".  Ito ay itinalaga ni Pope Pius XI noong 1925 sapagkat ang sekularismong pag-iisip ay unti-unting kinakain ang kulturang "maka-Diyos"  at sinisira ang pananampalatayang itinatag kay Kristo.  Kaya nga't ang kapistahang ito ay nangangahulugan ng ating pagpapasakop at pagtalima sa paghahari ni Kristo.  Siya ay muling darating upang sulitin ang buhay na ipinagkaloob Niya sa atin at ang pananampalatayang ipinunla sa atin noong tayo ay bininyagan.  

Isang malaking palaisipan pa rin sa atin kung ano nga ba ang mangyayari sa araw na 'yon.  Para tayong mga estudyanteng naghihintay sa araw ng pagsusulit na magkahalong takot at pangamba ang nasa puso kung ano ba ang lalabas na mga katanungan. Ngunit kung iisipin, ang takot sa pagsusulit ay para lamang sa mga estudyanteng hindi nag-aral at naghanda.  Sa katunayan ay wala talaga tayong dapat katakutan sapagkat sa pagsusulit na ito ay ibinigay na sa atin ang katanungan. Ang ating exam ay "take home" at hindi "surprise test!"  Kaya nga't katamaran at katangahan na lamang kung hindi pa natin ito maipapasa. 

Ngayong panahon ng pandemia na naka-online studies ang mga estudyante o blended learning na mukhang modular lang ata, ay hindi naman gaanong naiiba ang sitwasyon.  Bagamat wala ata ang tradisyunal na periodical exams na kinatatakutan ng marami ay pinalitan naman  ito ng PeTa o Performance Task na parang isang proyekto na "take home", ibig sabihin ay ibinibigay na kung ano ang dapat nilang gawin.  At sa pagkakaalam ko ay maaari itong gawin na "group work."  O, di ba mas maginhawa yun? May katulong ka sa paggawa ng proyekto mo.  Halos bigay na bigay na ang "katanungan ng pagsusulit."  Wala ka ng hahanapin pa!

At ano ang katanungan?  Ito ang nilalaman ng ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo.  Karaniwan ng tagpo marahil sa atin ang makakita ng lolang nagtitinda ng sampaguita sa harapan ng simbahan, o kaya nama'y mga pulubing may kapansanan na nakaharang sa daan, o mga batang gula-gulanit ang damit na haharang-harang sa daan at kakatok sa bintana ng iyong sasakyan.  Pagkatapos ng sunod-sunod na bagyo ay marahil nakikita natin sa telebisyon ang maraming kababayan natin ang lubog sa baha at nawalan ng kabuhayan.  Napapanood din siguro natin ang mga jeepney drivers na namamalimos sapagkat halos walong buwan na silang walang trabaho at wala ng makain ang kanilang mga pamilya.

Anung nararamdaman mo kapag lumalapit sila?  Napakadali silang iwasan, wag pansinin at dedmahin na parang wala kang nakikita at naririnig! Kung minsan nga nasisisi pa natin sila na tamad at umaasa na lamang sa awa ng iba, ayaw magbanat ng buto kaya't kuntento na lamang sa pahingi-hingi!   Ngunit sa tuwing nababasa ko ang Ebanghelyo ng "huling paghuhukom" ay may takot na naghahari sa akin. 

Balikan natin ang mga salita ng Hukom: ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa! Kayo’y pasaapoy na di-mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ Hindi ba't sila rin ang mga taong nakakatagpo ko araw-araw?  Bakit natatakot akong tulungan sila?  Bakit nagdadalawang isip ako kung kikilos ba ako o hindi? Ang Kapistahan ng Kristong Hari ay muling nagpapaalala sa atin ng dalawang mahalagang dimensiyon ng ating buhay Kristiyano. Sa katunayan hindi sila magkahiwalay... magkadugtong sila. Ang tunay na pag-ibig kay Kristong ating hari ay dapat magdala sa atin sa tunay na pagmamahal sa kapwa nating nangangailangan. ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Wag sana nating paghiwalayin ang pagiging relihiyoso sa pagiging-tao. Ang pagiging maka-Diyos ay pagiging maka-tao din! Tunay kong mahal ang Diyos kung may pagmamalasakit ako sa kapwa kong nangangailangan.  Hinihimok tayo ni Jesus na gamitin natin ang mata ng pananampalataya at hanapin natin siya sa mukha ng ating kapwa.  At ito ang mahirap gawin.  

Si St. Mother Theresa ng Calcutta ay inihayag ang kanyang sikreto tungkol dito.  Para sa kanya, ang matagal na pananatili sa harap ng Banal na Sakramento araw-araw ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon upang makita ang mukha ni Jesus sa mga maysakit at mahihirap.   Kaya nga hindi rin maaring isantabi ang pagsisimba at pagdarasal at sabihing tumulong na lang tayo sa ating kapwa.  Mas nagiging tama ang ating intensiyon sa pagtulong kung alam natin ang dahilan kung bakit natin ginagawa ito.  

Sikapin nating ugaliin ang pagtulong at pagbibigay sa mga nangangaiangan.  Tandaan natin na walang nagiging mahirap sa pagbibigay.  Kung lubos-lubos ang biyayang ating tinatanggap sa Diyos ay dapat na lubos-lubos din ang ating pagbibigay.  Kapag tayo ay nagbibigay ay napaparangalan natin si Jesus bilang ating Hari... ang Hari ng Awa at Pag-ibig! Mabuhay si Kristong Hari!

Biyernes, Nobyembre 13, 2020

PAGYAMANIN ANG KANYANG BIYAYA: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year A - November 15, 2020 - YEAR OF ECUMENISM and INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Habang papalapit ang pagtatapos ng buwan ng Nobyembre, na kung saan ay ating inaalala at ipinagdarasal ang ating mga kapatid na yumao, tayo rin ay papalapit sa pagtatapos ng ating "liturgical year."  Sa katunayan, sa susunod na Linggo ay ipagdiriwang na natin ang dakilang kapistahan ni Kristong Hari na nagpapaalala naman sa atin ng pagsapit ng ARAW NG PANGINOON na binanggit ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Tesalonika (1 Tes 5:1-6) na inilahad sa atin sa ikalawang pagbasa.  Pinapaalalahanan tayo nito na may sandaling haharap tayo sa Panginoon at magsusulit ng ating buhay.   Kaya nga kung ating titingnan ay iisa lang lang mensaheng sinasabi sa atin ng mga paalalang ito at iyon ay ang ating pagiging handa.  Dapat tayong maghanda sapagkat susulitin tayo ng Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay Niya sa atin sa araw na hindi natin inaasahan.  

Ang pagsusulit na ito ay ang magsasabi kung nagamit ba natin ng mabuti ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Panginoon.  Kaya nga hindi dapat tayo matagpuang tamad at walang ginagawa.  May nabasa ako minsan na ganito ang sinasabi: "Kung may balak kang gawin ngayon, wag mo ng ituloy, para me gagawin ka pa bukas!"   Inspiring ba?  Ito ang motto ng mga taong tamad!  Marahil ay nasasalamin din sa atin kung minsan ang ganitong pag-uugali.  Mahilig nating ipagpabukas ang gawaing maari namang tapusin kaaagad.  Tayo pa namang mga Pinoy ay may malakas na maƱana habit!  Kapag may dapat tayong gawin at tinatamad tayo ang lagi natin sinasabi ay "mamya na"o sa linguwahe ng mga kabataan ngayon... chill lang... later na!  

Ano ba ang kasalanang nagawa ng ikatlong aliping pinagkatiwalaan ng pinakamaliit na halaga sa talinhagang isinalaysay ni Jesus?  May ginawa ba s'yang masama?  Muli nating tingnan ang talinhagang isinalaysay ni Jesus.  Ang pamagat ng talinhaga sa Ingles ay "Parable of the Talents".  Ang talentong tinutukoy dito ay hindi ablidad kundi halaga ng salapi ayon sa kanilang "money currency" noong panahong iyon.  Para magkaroon tayo ng idea, ang isang talento ay nagkakahalaga ng 6,000 denarii.  Ang isang denario ay ang sahod ng isang manggagawa sa isang araw.  Kaya ang isang talento ay labing anim na taong pagtatrabaho ng isang ordinaryong manggagawa.  Ayon sa talinhaga, ay pinagkatiwalaan ng isang maglalakbay ang kanyang alipin ng talento ayon sa kanilang kakayahan.  Ipinagkatiwala niya ang lima sa una, dalawa sa ikalawa at isa sa pangatlo.  Ang halaga ng salapi sa ating ebanghelyo ay limanlibo, dalawanlibo at sanlibo (tandaan na ang halagang ito ay dapat nating ilagay noong panahon ni Jesus).  Humayo agad ang mga alipin ay ipinangalakal ang salaping ibigay ng kanilang amo, maliban sa ikatlong alipin na ibinaon sa lupa ang kanyang natanggap na salapi.  Nang bumalik ang amo upang sulitin ang mga salaping kanyang ibinigay ay galit na galit siya sa ikatlong alipin sapagkat wala itong ginawa upang paramihin ang kanyang salapi at dahil doon ay naparusahan siya.  Balikan natin ang aking naunang tanong: "May ginawa bang masama ang ikatlong alipin?  Di niya naman nilustay ang salapi ng kanyang amo sa sugal o sa bisyo.  Ano ang pagkakamaling nagawa niya?  Wala!  Oo, ang pagkakamali niya ay wala siyang ginawa!  At ito ang ipinagkaiba ng naunang dalawang alipin sa kanya. Mayroon silang ginawa sa salapi ng kanilang amo. Pinalago nila ito. Samantalang siya ay literal na sinunod ang bilin ng kanyang amo na "patubuin" ito.  Ayun... ibinaon ang salapi sa lupa; akala niya ata ay tutubo ito na parang isang halaman.  

Ito ay isang halimbawa ng "mirror parable" na sumasalamin sa bawat isa sa atin. Tayo ang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng talento o salapi. Iba't ibang halaga ayon sa ating kakayahan! Ang salapi ay tumutukoy sa lahat ng mga biyayang ibinigay sa atin ng Diyos: kakayahan, katalinuhan, angking kagandahan, katangian, at maging kayamanan. Huwang nating ikumpara kung mas maraming tinanggap ang iba sa atin. Ang mahalaga ay pagyamain natin ito upang mapalago at ang ating sarili at makatulong tayo sa iba. Para tayong mga "container" ng tubig: May dram, may timba, may tabo; iba-iba ang laki ngunit ang mahalaga ay napupuno natin ito ng tubig! Sinlaki man ng dram ang biyaya mo ngunit wala namang lamang tubig, ibig sabihin ay hindi mo ginagamit, ay balewala ito! Mabuti pa ang tabo na kahit maliit ay nag-uumapaw ang tubig at nabibiyayaan ang iba! 

Tandaan natin na tayo ay mga katiwala lamang ng Panginoon. Darating ang araw na susulitin niya ang mga biyayang ibinigay niya sa atin. Nakakatakot na marinig mula sa Diyos ang mga katagang "Masama at tamad na alipin!" sapagkat hindi natin pinalago ang mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin.  Wag na wag nating idadahilan na kaunti lang ang ibinigay sa akin ng Panginoong biyaya.  Kaunti na nga at wala pa tayong ginawa!  Nalulungkot ako sa mga kabataang mahina na nga sa pag-aaral ay nakukuha pang mag-"cutting" o mag-"one day" at magbabad sa computer shop kasama ang barkada. At lalo na ngayong pandemia na ang klase ay on-line o paggawa ng module sa bahay.  Ilan kaya ang talagang seryosong nagpapahalaga sa kanilang pag-aaral?  O kaya naman ay isang mahirap na ama ng tahanan na wala na ngang makain ang pamilya ay nakukuha pang magsugal at uminom.  Kakaunti na nga ang biyaya ay wala pang ginagawa!  Naniniwala ako na wala namang taong gustong maging mahirap, mayroon lang mga taong tamad magtrabaho.  Wala namang batang bobo, mayroon lang tamad sa pag-aaral.  

Tatapusin ko sa isang kuwento:  May isang batang may kahinaan sa pandinig ang minsang umuwi pagkatapos ng kanyang klase at may dala-dalang sulat mula sa kanyang guro.  Ayaw na nitong pabalikin si Tom sa klase sapagkat hirap daw mag-aral at hindi makaintindi ng aralin.  Ngunit hindi naniwala ang kanyang ina na bobo ang kanyang anak na si Tom. Pinagtiyagan niya itong turuan at ipinaunawa sa kanyang anak na hindi siya mangmang at kaya niyang matuto.  Pagkalipas ng maraming taon, karamihan sa mga tao sa buong mundo ay nagbigay ng pagpupugay kay Tom noong siya ay mamatay sa pamamagitan ng pagpatay ng kanilang ilaw sa loob ng isang minuto.  Si Tom ay walang iba kundi si Thomas Edison na syang nag-imbento ng bombilya na ating ginagamit ngayon.  

Lahat tayo ay pinagkalooban ng Diyos ng buhay. Ito ay regalo Niya sa atin at kung paano natin ito ginamit ay ang magiging regalo namang ibabalik natin sa Kanya.  Maging responsable tayong mga katiwala ng Diyos at laging maging handa sa pagsusulit ng mga biyayang ipinagkatiwala Niya sa atin!

Sabado, Nobyembre 7, 2020

KATALINUHAN AT KAHANGALAN: Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year A - November 8, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Isa sa maraming kinahihiligan nating laro na pampatay oras ay ang larong CHESS.  Mapabata man o matanda, babae o lalaki, mayaman o mahirap, ay maaring maglaro nito.  Ginagamit natin dito ang ating malikhaing pag-iisip upang matalo natin ang ating kalaban.  Kaya nga ang larong ay sinasabi para lamang sa mga nag-iisip.  Kaya nga kung minsan ay inaasar natin ang mga ating mga kaibigan kapag nakikita nating naglalaro ng chess na: "Uy, pangmay-utak lang yan ah! Marunong ka palang mag-isip!" Upang manalo sa larong ito ay kinakailangan mong maging mautak! Paghandaan ang galaw ng iyong kalaban.  'Huwag kang sugod ng sugod sa paggalaw ng iyong mga piyesa,  at higit sa lahat ay protektahan mo ang iyong "hari".  

Hindi ba't ang larong ito ay para ring nagsasalamin sa ating buhay?  Kung minsan ay pabigla-bigla tayo sa ating mga desisyon sa buhay. Sugod tayo ng sugod.  Hindi natin pinag-iisipang mabuti ang susunod nating galaw.  Hindi natin pinoprotektahan ang ating "Hari."  Kaya ang kinalalabasan ng ating laro... CHECKMATE!  Sa laro ng ating buhay ay kinakailangan nating gamitin ang ating isip.  Gamitin natin ang karunungang ipinagkaloob ng Diyos sa atin.  Paghandaan natin ang mga mangyayari sa ating buhay lalo na ang mga suliranin at pagsubok.  

Ang Ebanghelyo sa linggo ay nagbibigay sa atin ng isang magandang aral: Maging matalino tayo. Huwag tayong padaos-daos at sugod ng sugod. Paghandaan ang pagdating ng Panginoon sa ating buhay.  Protektahan ang ating "Hari."  Narinig natin ang talinhaga.  Sampung dalaga ang naghahanda sa pagdating ng lalaking ikakasal.  Kakaiba ang kasal ng mga Hudyo.  Mahaba ang seremonya at maraming ritwal.  Kasama na rito ang paghihintay sa lalaking ikakasal.  Mayroon silang mga "abay" na dapat maghintay sa pagdating ng lalaking ikakasal.  Ang problema ay sadyang hindi ipinapaalam ng ikakasal ang kanyang pagdating.  Maaaring sa umaga, sa hapon, o sa gabi.  Kaya ang mga nahirang na sumalubong ay dapat laging handa.  Ito ang hindi nagawa ng limang hangal na dalaga.  Hindi sila nagdala ng ekstrang langis.  May limang matalino na nag-isip na baka gabihin ang lalaking ikakasal kaya't nagbaon sila ng langis para sa kanilang ilawan. At tulad ng hindi inaasahan ay dumating ng hatinggabi ang lalaking ikakasal. Nagpanik ang mga mga hangal na dalaga sapagkat aandap-andap na ang kanilang ilawan, paubos na ang kanilang langis.  Wala silang nagawa at sila ay umalis upang bumili nito.  Dumating ang lalaking ikakasal at ang tanging sumalubong ay ang limang matatalino na nagbaon ng ekstrang langis at sila lamang ang nakapasok sa kasalan.

Ang talinhagang isinalaysay ni Jesus ay patungkol niya unang-una sa mga Hudyo na hindi pinaghandaan ang kanyang pagdating kaya't hindi rin sila naging bukas sa kanilang pagtanggap sa Kanya.  Ngunit ito rin ay patungkol ng Diyos sa atin.  

Una, maging matalino tayong mga Kristiyano. Gamitin natin ang ating "karunungan" upang mabuhay sa biyaya ng Diyos at ayon sa kanyang kaloooban.  Maging tuwid ang ating pagpapasya lalo na kung ang hinihingi nito ay ang kaligtasan ng ating kaluluwa. Batid natin na masama ang kahahantungan ng isang maling desisyon ngunit bakit pa natin ito ipinagpapatuloy?  Alam nating mali ang isang relasyon na ating pinasok ngunit bakit ayaw nating kumalas?  Alam nating ang pagsuway sa utos ng mga magulang ay hindi pagsunod sa kalooban ng Diyos ngunit bakit matigas pa rin ang ating ulo at patuloy ang ating paglabag sa kanilang pinag-uutos?

Pangalawa, maghanda tayo sa pagdating ng Panginoon sa ating buhay.  Ang malaking kasinungalingang ibinubulong sa atin ng demonyo ay ang marami pa tayong oras at mahaba pa ang ating buhay.  Ang katotohan ay hindi natin hawak ang oras ng ating buhay.  Maari tayong tawagin ng Panginoon at ngayon ay babagsak ka sa iyong kinatatayan at hihinto ang iyong paghinga.  Kaya nga mahalaga ay lagi tayong handa.  Ang buong buwan ng Nobyembre ay nagpapaalala sa atin nito.  Ang mga nauna na sa ating namatay, silang mga unang natodas, ay nagsasabi sa ating mabuhay tayo para sa Panginoon.  Isabuhay ang ating mga pangako sa binyag at gumawa ng maraming kabutihan na siyang babaunin natin pagharap sa Diyos Ama.  

Panghuli ay protektahan natin ang ating "hari."  Alagaan natin ang biyaya ng kaligtasang ibinigay ng Diyos sa atin.  Huwag nating hayaang kainin ng ating pang-araw-araw na alalahanin at suliranin ang ating pananampalataya sa Kanya.  Mas madali ang maging hangal kaysa maging mabuti.  Mas madali ang magpabaya kaysa maging responsable sa buhay.  Mas maluwag ang daan patunging impiyerno kaysa langit.  Ngunit sa huli, ang gantimpala ay mapupunta sa mga nagsikap at nagtiyaga, sa mga naging matalino at matuwid ang pamumuhay.  Huwag nating hayaang sa huli ay maubusan tayo ng "langis."  Siguraduhin natin may baon tayo nito sa ating buhay Kristiyano.  Ang langis ng matalinong pamumuhay kristiyano ay nagsasabi sa ating laging maging handa sa pagdating ng Panginoon sapagkat darating siya sa araw at oras na hindi natin inaasahan.