Sabado, Nobyembre 28, 2020

ADBIYENTO: PAGHAHANDANG MAY GINAGAWA - Reflection for the 1st Sunday of Advent - November 29, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Isang maligayang Bagong Taon sa inyong lahat!  Ngayon ang unang araw sa Bagong Taon ng ating Simbahan.  Ang Unang Linggo ng Adbiyento ay hudyat na tayo ay nagsisimulang muli ng ating Taong Liturhiko pagkatapos nating ipagdiwang ang Kapistahan ni Kristong Hari noong nakaraang Linggo na siya namang hudyat ng pagtatapos nito.  May kaibahan nga lang  ang pagdiriwang ng bagong taon ng Simbahan sa nakagawiang pagsalubong natin sa pagpapalit ng taon.  Kapansin-pansin dito ang kawalan ng ingay na dala ng mga torotot at paputok! Walang count down party sa mga lansangan! Ang mayroon tayo ay ang tahimik na pananalangin habang sinisindihan natin ang unang kandila ng ating Korona ng Adbiyento. 

Ang salitang Adbiyento ay hango sa salitang Latin na ADVENTUS na ang ibig sabihin ay "pagdating."  Dahil may darating kaya tayo ay nararaapt maghanda.  Kaya nga ang Adbiyento ay "time of preparation".  Una, ito ay paghahanda sa taunang pagdiriwang ng unang pagdating ni Jesus, ang tawag natin ay Pasko o Christmas, na kung saan siya ay isinilang at naging tao.  Pangalawa, ito ay ang paghahanda sa muling pagdating ni Jesus na hindi natin alam kung kailan at saan magaganap ngunit alam natin at inaasahang mangyayari.  Sa gitna ng dalawang pagdating na ito, ay ang tinatawag nating "mahiwang pagdating" ni Jesus na nangyayari araw-araw sa ating buhay.  Dahil dito ay nangangahulugan na ang ating paghahanda ay hindi dapat paghahanda na nakatunganga ngunit 
paghahanda na may ginagawa!  Hindi puwede ang tatamad-tamad at pa-easy-easy lang!  

May kuwento na may dalawang katulong na pinagbilinan ng kanilang amo na magtrabaho at huwag tatamad-tamad.  May lakad siya sa umaga at sa kanyang pagdating sa gabi ay ayaw niyang makikita na wala silang ginagawa.  Nagtrabaho naman ang dalawa ng buong araw  at marahil dala na rin ng pagod ay kinuha ng isa ang remote control ng TV at nanood ng kanyang pinakaabangang K-drama sa Netflix.  Natapos na niya ang CLOY  o Crush Landing On You, at maging ang THE KING, the Eternal Monarch, kaya ang pinagkakaabalahan naman niya  ay ang bagong series na START-UP.  "Inday!  Anung ginagawa mo? Ihinto mo na yan!  Baka dumating na si Mam at malilintikan ka pag naabutan ka niyang nanonood ng TV!"  "Bakit naman ako malalagot?" sagot ni Inday.  "Hindi ba ang sabi niya na dapat ay hindi niya tayo makitang walang ginagawa?"   May punto nga naman si Inday. Mayroon siyang ginagawa.  Ngunit ang ginagawa niya ay hindi tama.  Hindi tama sapagkat hindi ito ang inaasahan ng kanyang among gagawin.  

Ang unang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa ating maghanda sa muling pagdating ni Jesus na may ginagawa!  Darating ang Panginoon sa araw at oras na hindi natin inaasahan.  “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras," ang sabi ni Hesus sa Ebanghelyo.  Ang Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Pasko. Ang kapaskuhan ay ang paggunita sa Diyos na dumating na noong Siya ay nagkatawang tao. Mas dapat nating paghandaan ang muling pagbabalik ni Hesus na hindi natin alam ang araw at oras. "Maging handa kayong lagi, sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog." Kapag patuloy tayo sa ating masasamang pag-uugali tulad ng katamaran, kayabangan, katakawan, kalaswaan ng pag-uugali, pagiging maramot at makasarili, pagsasayang ng oras, pang-aapi at pagsasamantala sa kapwa... ay masasabi nating hindi pa tayo handa sa kanyang biglaang pagdating! 

Wala tayong pinagkaiba kay Inday na may ginagawa nga ngunit hindi naman ang nararapat niyang gawin. May isang kasabihang latin na maaring makatulong sa ating paghahanda: "Age quod agis!" Sa ingles, "Do what you are supposed to do!" Kung isasabuhay lamang natin ito ay marami tayong maiiwasang pagkakamali. Kung ginagawa lamang natin ang dapat nating gawin ay malalayo tayo sa pagkakasala. Sa pagdiriwang na ito ng Unang Linggo ng Adbiyento ay gawin natin ang dapat nating gawin.  Unti-unting tanggalin ang masasamang pag-uugali at pag-ukulan ng pansin ang pagpapakabuti at pagtulong sa kapwa. Sa ganitong paraan ay hindi lang Pasko ng Pagsilang ang pinaghahandaan natin kundi pati na rin ang muling pagbabalik ni Kristo!  

Ang kulay ng Adbiyento ay lila o violet.  Nangangahulugan ito ng pagsisisi sa ating mga kasalanan at  pagbabalik-loob sa Diyos.  Ito dapat ang diwa na mamayani sa atin sa buong Panahon ng Adbiyento.  Ito ang tamang paghahanda na may ginagawa.  Pinaalalahanan tayo ng Santo Papa Francisco na hindi dapat natin tingnan bilang parusa ang pandemic na ito bagkus ito ay dapat natin ituring na isang PAGHUHUSGA sa atin ng Diyos.  Bakit? Sapagkat nakalimutan na natin ang tinatawag na mga  "essential" sa ating buhay.  Marahil ay nabalot na tayo ng makamundong pagnanasa sa mga materyal na bagay at nawalan na ng halaga sa atin ang pakikitungo sa Diyos, ang pagmamahal ng isang pamilya, ang pakikipagkapwa sa iba.  Kaya nga ang panyaya sa atin ay pagbabalik-loob.  Ibalik natin ang ating sarili sa Diyos.  Muli nating buhayin ang ating pagdarasal at pagsisimba.  Marahil, ngayong pandemia ay marami na sa atin ang nanlamig sa pagpunta ng simbahan.  Magsimula tayong muli.  Ibalik natin ang ating sarili sa ating pamilya.  Ang mahigit walang buwan na quarantine sa ating mga tahanan ay dapat magsabi sa ating may kasama ako sa aking buhay at hindi lang ako mag-isa.  Marahil mas pairalin natin ang pang-unawa at pagpapatawad sa mga kasama natin sa bahay kung sila ay nagkakamali.  Ibalik natin ang pakikipagkapwa at lagi nating tingnan kung paano tayo makakatulong sa iba.  Napakarami nating maaaring gawin. 

Alam mo bang tayong mga Kristiyano na bukod sa COVID19 ay maari ring mahawaan ng sakit na AIDS?  Mag-ingat tayos sapagkat mas grabe at malala ang epekto nito sa atin kapag tayo ay tinamaan.  Kapag ginagawa natin ang hindi dapat natin ginagawa o nagkukunwari tayong gumagawa ng mga kabutihan para sa iba, tayo ay may sakit nang AIDS.  Marami sa atin ay "As If Doing Something" pero sa totoo lang ay wala naman ang tunay na diwa ng paglilingkod.  Sa taong ito ay pinagdiriwang natin ang YEAR OF MISSIO AD GENTES (Mission to the nations).  Ipinapaalala sa atin, na pagkatapos ng 500 taon ng ating pagiging Kristiyanong bansa ay dapat na muli nating panibaguhin ang ating pagtatalaga bilang mga "kristiyanong misyonero" sa ating mga pamilya (ad intra) at sa labas nito (ad extra).  Nangangahulugan ito ng masipag at masigasig na pagbibigay ng ating sarili sa paglilingkod para sa ating kapwang nangangailangan hindi lang ng materyal na bagay ngunit lalong-lalo na sa mga naghihikahos sa kanilang buhay espirituwal.  Ang minumungkahi ng ating Simbahan ay ang maging tagapagdala tayo ng kaligayahan (joy) at awa (mercy) sa ating kapwa.  Sa panahong ito ng pandemia at sa mga sunod-sunod na kalamidad na dumating sa atin ay naaakma ang paghahatid ng ligaya at awa sa iba.  Sikapin nating maging misyonero sa kanila.  Buksan natin ang ating mga kamay sa pagbibigay. Ito ang PAGHAHANDA NA MAY GINAGAWA na nais na makita ng Panginoon sa atin sa kanyang muling pagdating.  


  

Walang komento: