Noong isinugo ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak ay nagpadala Siya ng mga tagapagpakilala. Sa kasaysayan ng Lumang Tipan ay nariyan ang mga propeta katulad ni Propeta Isaias na nagbigay ng mga pahayag tungkol sa pagdating ng Mesiyas. Sa Bagong Tipan naman lumabas ang katauhan ni Juan Baustista. Siya ang sinasabi ni Propeta Isaias na isang "tinig na sumisigaw sa ilang." Kakaiba ang pagkatao ni Juan sapagkat ang kanyang pananamit at kinakain ay naiiba sa karaniwang tao. Nakadamit siya na hinabing balahibo ng kamelyo at balang at pulot pukyutan ang kanyang pagkain. Ngunit ang talagang nagpadakila sa kanya ay ang kanyang mensahe sa mga tao. “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan," May mga nakinig sa kanyang pangagaral ngunit may mga ilan ding nag-alinlangan at hindi pinakinggan ang kanyang panawagan.
Ito rin ng panawagan sa panahon ng Adbiyento: Magpanibago at magbalik-loob sa Diyos! Ang kulay violet ay dapat magpaalala sa atin ng tunay na diwa ng ating paghahanda sa Adbiyento, ang pagsisisi sa ating mga kasalanan. Sa pananalita ni Propeta Isaias: "...isang patag at matuwid
na lansangan para sa ating Diyos." Sa papaanong paraan? "Tatambakan ang bawat lambak..." ang sabi ng propeta. Hindi ba't ito ang pagpuno sa ating mga pagkukulang? Marami tayong pagkukulang sa Diyos kung atin lamang iisipin. Kalimitan ay hindi natin naibibigay sa Diyos ang dapat ay para sa Kanya. Gaano kalimit ba natin Siyang tawagin? Kailan ba tayo nagdarasal? Kung minsan ang trato natin sa kanya ay parang "Medicine Cabinet" na binubuksan lang kapag mayroon tayong sakit na dapat gamutin. Kapag wala ay hindi na natin napapansin at napag-iiwanan na lang sa isang tabi. "Titibagin ang bawat burol at bundok..." Hindi ba't tinutukoy naman nito ang maraming "kalabisan" sa ating buhay? Kung minsan ay napupuno tayo ng ating kayabangan sa ating sarili at hindi na natin naiisip na kailangan natin ang Diyos. Iniisip natin na tayo naman ay mga taong palasimba, paladasal, kumikilala sa Diyos kaya't kampante na tayong maliligtas. Hindi na natin nakikita ang pangangailan ng kanyang pagpapatawad. Ayaw na nating lumapit sa kumpisal dahil mabubuti naman tayong tao! "Tutuwirin ang daang liko-liko..." Marami sa atin, lalo na sa pagtagal ng pademiyang ito, ang marahil ay nawawala na sa tamang direksiyon ang buhay. Baka ang ating pag-iisip ay nag-iba na tungkol sa ating pagsisimba, sa ating pagdarasal at pakikipag-usap sa Diyos. Baka ang ating mga konsisyensiya ay nakalyo na ng maraming kasalanang parati natin ginagawaw at hindi na natin makita ang pangangailang pagisihan ito. Baka naging normal na sa atin ang pagmumura, pagsisinungaling, pagkakaroon ng malaswang pag-iisip at gawain, pangungupit, pagnanakaw at marami pang ibang kasalanan. Panahon na marahi lupang ituwid natin ang mga daang liko-liko sa ating buhay. Oras na para ayusin natin ang ating buhay!
Kailan ba ang huling beses kang lumapit sa Sakramento ng Kumpisal? Baka naman masyado na nating pinatagal ang ating mga kasalanan at mistulang nagkakakalyo na ang ating budhi. Kaya nga't ang unang panawagan sa atin ay tapat na pagsusuri ng ating sarili. Pagkatapos nito ay ang tapat na pag-amin sa ating pagkukulang at mga pagkakamali. Kung kailangang magkumpisal ay dapat nating gawin ito. Ang pagkukumpisal ay ang panlabas na pagpapakita ng ating pagpapapkumbaba at pagsisisi sa ating mga pagkakamali. Higit sa lahat ito ay panloob na pagpapahayag na nais nating baguhin ang ating sarili at huwag na muling balikan ang dait nating masamang pamumuhay. Huwag tayong matakot lumapit sa Sakramentong ito na nagpapadama sa atin ng malaking pagmamahal ng Diyos. Kapag lumalapit na ang Pasko nais nating magkaroon ng bagong damit, bagong sapatos, kagamitan at iba pa. Hindi ba maaring ang hilingin naman natin ay ang isang "BAGONG SARILI?"
Ngayong sinisimulang natin ang Taon ng MISSIO AD GENTES ay isinusugo tayo bilang mga alagad na ayusin ang ating buhay at ang ating pakikitungo sa iba. Huwag tayong matakot na tingnan ang ating mga sarili at ayusin ang sira-sirang daan ng ating buhay. Maaari lang tayong magbigay sa iba kung alam natin kung ano ang mayroon tayo. At maging bukas tayo sa ating mga sarili kung may nakita tayong dapat itama o ituwid. Pagnilayan natin: Ano ang dapat kong ayusin sa aking buhay ngayong paparating na Pasko?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento