Linggo, Disyembre 20, 2020

AMBASSADORS OF JOY: Reflection for 6th SIMBANG GABI Year B - December 21, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Apat na tulog na lang at PASKONG PASKOVID na!  Sa kabila ng pandemyang kinakaharap natin ngayon ay ipagdiriwang at gugunitain natin ang Kapangangakan ni JESUKRISTO!  Kahapon ay pinagdiwang natin ang MISA AUREA o ang Ginintuang Misa sapagkat binasa natin ang napakagandang salaysay ng pagkakatawang-tao ni Kristo sa pamamagitan ng paglilihi at panganganak ng isang babae na ang pangalan ay Maria!  Wala namang problema kung isang karaniwang pagdadalantao ang mangyayari ngunit alam natin na ang mangyayaring ipinahayag ng Anghel Gabriel ay taliwas sa karaniwan at payak na pag-iisip ng ordinaryong tao.  Ito ay MISTERYO NG PAGKAKATAWANG-TAO ni JESUKRISTO.  

Ano ba ang kaibahan ng MILAGRO sa MISTERYO?  Bibigyan ko kayo ng simpleng paghahambing para inyong madaling maintindihan. Kapag nabuntis ang babaeng otsenta anyos (80 years old) ang tawag ay MILAGRO.  Pero kapag nabuntis naman ang katorse anyos (14 years old) na dalaga, ang tawag ay MISTERYO! hehehe... 

Sa ating Ebanghelyo ngayong ika-anim na Simbang Gabi ay narinig natin ang pagtatagpo ng isang milagro at isang misteryo.  Ang pagkabuntis ni Elizabeth, sa kabila ng kanyang katadaan ay isang milagro para sa kanyang mga kamag-anak, kapitbahay at kakilala.  Ang pagdadalantao ni Maria ay naman ay balot ng misteryo para sa kanyang asawang si Jose.  Ano ang nangyari ng magtapo ang milagro at misteryo?  Isang kaligayahang hindi maipaliwanag ang naghari kay Elizabeth kaya't kanyang naibulalas: "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!"  Banal na kaligayahan ang dala ni Maria sa pagbisita niya sa kanyang pinsan.  Sa katunayan maging ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth ay naglulukso sa tuwa ng madama ang presensiya ng Panginoon.  

Tayong lahat din, bilang mga Kristiyano, tinatawag na maging tagapagdala ng kaligayahan sa ating kapwa.  Tayo ay dapat maging "Ambassadors of Joy" sa mga taong ating nakakatagpo araw-araw.  Naghahatid ka ba ng kaligayahan sa mga kasama mo sa bahay?  O baka naman sa halip na kaligayahan ay dahilan ka pa ng pag-aalitan at hindi pagkakaunawaan sa iyong pamilya?  Ano ang dating mo sa mga taong nakakasalimuha mo araw-araw?  Napapangiti mo ba sila o napapasimangot sila sa tuwing makakasalubong mo?  Naaalala ko ang sabi ng aming propesor sa homiletics noong kami ay nag-aaral pa bilang paghahanda sa papari.  Ang homiletics ay isang semester na kurso upang turuan kami ng tamang pagbibigay ng homiliya o sermon sa Misa.  Ang sabi niya sa amin:  "Kapag kayo ay nangangaral tungkol sa langit, ay hayaan ninyong maliwanag ang inyong mga mukha.  Kung tungkol naman sa impiyerno ang pinapangaral ninyo ay puwede na ang inyong mga mukha ngayon!"  Tingnan mo nga ang mukha mo sa salamin kung ano ang pinapangaral mo sa iyong kapwa?  Langit ba o impiyerno?   

Hindi madali ang magbigay sapagkat ito ay nangangahulugan ng sakripisyo.  Ibig sabihin sa bawat pagbibigay mo ay dapat may nararamdaman kang sakit sapagkat may nawawala dapat sa iyo.  Christian life is a life of giving. Christian life is a life of service!   Katulad ni Mariang taus-pusong naglingkod sa kanyang pinsang si Santa Isabel.  Ang tagapagdala ng kaligayahan ay dapat lang na maging tagapaghatid din ng pag-asa!  Pag-asa sa mga taong nalulumbay, pag-asa sa mga taong nabibigatan sa buhay, pag-asa sa mga taong biktima ng kahirapan at kasalatan!  Ngunit sa aking palagay ay ito naman talaga ang magagawa nating mga karaniwang tao upang matugunan ang kahirapan sa ating paligid:  maging tagapagdala tayo ng PAG-ASA lalo ngayon sa panahon ng pandemya.   Kung may pag-asa ang tao ay magiging masaya siya sa kanyang buhay kahit na araw-araw siyang nakararanas ng hirap at sakit. Ang dala-dala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ay ang PAG-ASA ng sanlibutang nasadlak sa kadiliman.  Pag-asa na nagbibigay ng tunay na KALIGAYAHAN!  Magiging masaya ang ating Pasko kung dadalhin din natin si Kristo sa iba.

Walang komento: