May kuwwento ng isang pari na masyado nang na-stress sa mga gawin ng parokya. Ang pakiramdam niya ay magkakaroon na siya ng mental health problems kapag nagpatuloy pa siya kaya't naisipan niyang magkaroon ng kaunting break. Naisip niyang magpunta sa isang beach resort na may dolomite sands dahil nakatutulong daw ito sa mental health ng isang tao! hehehe... Siyempre, nagbihis turista siya upang hindi makilala ng iba. Ngunit laking pagkagulat niya ng may biglangnlumapit sa kanyang dalawang babae na naka-swimming attire din at binati siya: "Hello Father! Nandito ka rin pala!" Laking pagkagulat niya ng tawagin siyang Father! May nakakilala sa kanya! "Sino po kayo?" tanong ng pari sa dalawa. "Paano ninyo ako nakilala" Sagot ng isang babae: "Ikaw, naman Father, hindi mo ba kami kilala? Ako si Sister Maria. Ito naman si Sister Fatima. Nagmimisa ka sa kumbento namin!" O di ba? Nakakita na ba kayo ng mga madreng naka-swim suit? Yung iba nga, makita lang ang mga madreng walang belo naiiskandalo na! Naabutan ko pa rin dati na kapag lumalabas kaming mga pari ay dapat naka-sutana o cassock dahil ito ang "pangmundong attire namin." Ngayon puede ng clerical polo o polo shirt na may cross necklace o pin. Ngayon nga ang mga pari o relihiyosong tao at makikita mong nakikibagay na rin sa mundo sa kanilang pananamit.
Uso pa ba ang kahinhinan ngayon? Ang tipong Filipinang Maria Clara ay tila kabahagi na lamang ng Noli Me Tangere ng ating kasaysayan. Sa pananamit, pananalita, pagkilos, lalo na ng mga kabataan sa kasalukuyang panahong ito, ay masasabi natin malayong malayo na ang pagkakaiba ng panahon noon at ng panahon ngayon. Nag-eevolve na talaga ang "Modernong Maria Clara ni Rizal." Sa ibang progresibong pag-iisip ay makaluma na ang kahinhinan at kalinisan. Ngunit ang kapistahang ipinagdiriwang ngayon ay nagsasabing posible pa rin ang kahinhinan at kalinisan sa ating makabagong mundo! Si Mariang pinaglihing walang bahid na kasalanan ay huwaran ng isang malinis na pamumuhay at nagbibigay ng pag-asa sa ating lahat na POSIBLE PA RIN ANG KALINISAN sa kasalukuyan.
May ilan pa ring nalilito sa kapistahang ito: ang "Immaculate Coneception". Sino ba talaga ang ipinaglihi? Si Jesus o si Maria? Ang pagkakaintindi ng iba ay ito ang mahimalang paglilihi ni Maria kay Jesus o ang tinatawag nating "virgin birth" ni Jesus. Hindi si Jesus kundi ang kanyang inang si Maria na ipinaglihi ng kanyang mga magulang na sina San Juaquin at Santa ang ating pinatutungkulan natin ng titulong "Immaculate Concption". Hindi rin ito katulad ng nangyari kay Jesus noong ipnaglihi siya bago siya nagkatawang tao. Ang Immaculate Conception ay ang "kalinis-linisang paglilihi kay Maria" na pinaniniwalaan nating totoo bilang mga Kristiyano. Ito ay isa ng popular na paniniwala ng mga tao noong panahong iyon bago pa ito ideklara ng bilang turo ng Simbahan. Kung inyong naalala, ang itulong ito ay naabanggit ng Mahal na Birhen noong siya ay nagpakita sa tatlong bata ng Fatima. Ginawa itong dogma, o isang turong totoo na hindi naglalaman ng kamalian at dapat nating paniwalaan bilang mga tapat na Kristiyano, noong taong 1854, ika-8 ng Disyembre ni Santo Papa Pio IX. Ang wika niya: "The Virgin Mary was preserved from original sin from the very moment of her conception."
Paano nangyari na ang isang tao ay ipinaglihing walang kasalanan gayung lahat ng taong isinisilang sa mundo ay nababahiran ng "original sin?" Marahil imposible para sa ating mga tao, ngunit hindi sa Diyos! "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!" Isang natatanging pribelihiyo ang ibinigay ng Diyos kay Maria na ipinaglihi siyang walang kasalanang mana sapagkat siya ang magdadala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Hindi ata tama ang maglagay ng maputing bigas sa maruming kaldero! Dapat malinis muna ang paglalagyan! Ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay ihinihanda na ng Diyos sapul pa nung ipaglihi siya ng kanyang mga magulang. At ang kalinisang ito ay kanyang pinanatili!
Kaya nga ang tawag natin din sa kanya ay "Ever-virgin!" Siya ay nananatiling malinis, bago isilang, habang isinisilang at pagkatapos isilang si Jesus. Ang kanyang pagpapasya na maging Ina ng Diyos o "Mother of God" ay kanyang pinangatawanan lalo na noong pagkatapos isilang si Jesus. Nagkaroon ba ng ibang anak si Maria pagkatapos isilang si Jesus. Ang sinasabi ng ating pananampalatay ay hindi na! Sapagkat itinalaga na ni Maria ng buong-buo ang kanyang sarili sa paglilingkod sa Diyos sa pagsunod sa Kanyang kalooban. Dahil dito ay ginantimpalaan si Maria ng hindi pagkabulok ng katawan pagkatapos ng buhay niya sa lupa. Kaya nga ang ipinahahayag ng turo ng Simbahan ay iniakyat siya sa langit katawan at kaluluwa! Ito naman ang doktrina ng "Assumption of Mary into heaven". Posible ba ito? Ang sabi naman ng Santo Papang si Pio XII, : "Potuit, decuit, ergo fecit!" Kayang gawin ito ng Diyos, dahil wala namang imposible sa Kanya, ginusto niya na gawin ito bilang bahagi ng kanyang planong kaligtasan, kaya sa kahuli-hulihan ay ginawa niya ito!" Isapuso sana natin na ang tamang pananampalataya Kay Jesus ay maghahatid sa atin sa tamang pang-unawa sa ating debosyon sa Mahal na Birhen.
Nagsimula ang gawain ni Don Bosco sa mga kabataang mahihirap noong Dec. 8, 1841 nang una niyang makita sa loob ng sakristiya si Bartolome Gareli. Ang ating patrong si Santo Domingo Savio ay nagtalaga ng sarili kay Maria, sa pahintulot ni San Juan Bosco, at itinatag ang Sodality of the Immaculate Conception noong 1856. At sa kanyang maikling buhay na labinlimang taon ay ipinakita niya, lalong-lalo na sa mga kabataan, na posibleng makamit ang isang buhay na malinis!
Isang magandang pagpapaalala ito sa ating lahat. Marahil ay hindi natin mapapantayan ang kalinisan ng Mahal na Birhen. Ngunit inaanyayahan tayong mabuhay ng may malinis na puso! Nakakalungkot sapagkat kalat na sa mundo ang kalaswaan at sinisira ang murang pag-iisip ng ating mga kabataan. Hingin natin na sana ay protektahan ng Mahal na Birhen ang bawat isa sa atin.
Ipanalangin din natin na magkaroon tayo ng masidhing pagnanais na magkaroon ng malinis na pamumuhay. Ito naman talaga ang panawagan ng Panginoon, lalo na ngayong panahon ng adbiyento: "Tuwirin ang daang liko-liko..." Kaya nga ang Adbiyento ay nangangahulugan para sa atin na "agarang pagtugon sa pagtawag ng Diyos na magbagong buhay!" Ayusin natin ang ating buhay. Tanggalin ang masamang pag-uugali. Mabuhay ng malinis at kaaya-aya sa harap ng Panginoon. Mabuhay tayong may malinis na puso! Huwag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat kaya din nating maging malinis tulad niya. Tandaan natin... "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento