Tayo ay nasa huling araw na ng ating Simbang Gabi o ng ating siyam na araw na pagnonobena para sa pagdiriwang ng Kapanganakan ng Panginoon. Marahil ay may mga ilan-ilan sa atin na talgang sineseryoso o kina-career ang paggising ng maaga upang makumpleto ang siyam na araw dahil mayroon silang espesyal na ipinagdarasal na nais nilang hingin sa Panginoon. Ngunit may ilan din naman na nagninilay sa siyam na araw na ito tungkol sa katuparan ng mga pangako ng Diyos na walang iba kundi si Jesukristong ating Panginoon. Siya ang REASON OF THE SEASON, ang tanging kadahilanan kung bakit tayo nagdiriwang ng Pasko,
Siya ang SAYA na daladala ng Kapaskuhan! Kaya isa sa mga imahe ng Pasko na hindi dapat mawawala ay ang BELEN! Ang tahimik na pagninilay dito ay nakapagbibigay sa atin ng kapayaaan at kaligayahan sa ating puso.
Ano sa palagay ninyo? Uso pa ba ngayon ang Belen? Sa aking palagay ay hindi pa rin nawawala ang kahulugan at kahalagahan ng pagtatayo ng Belen dito sa ating bansa. Sa Tarlac, ito pa nga ay ginagawanang patimpalak ng taon-taon na na ang tawag ay Belenismo. Kapag ako ay nagpupunta sa mga bahay-bahay ay lagi kong nakikita ang Belen na dekorasyo na tila baga bahagi na ng ating kulturang Pilipino. Upang matawag na Belen dapat ay naglalaman ito ng mga imahe nina Jesus, Maria at Jose. Dapat din ay naroroon ang mga imahe ng mga pastol, ng mga wise men, ng mga hayop. Kapag may kulang puwedeng sabihing hindi kumpleto ang Belen at dahil diyan ay WALANG BELEN!
Ang Belen marahil ang isa sa pinakapopular na simbolo ng Pasko ngunit mukhang unti-unti na atang nawawalaang pagtatayo nito sa ibang bansa. Maraming bansa ngayon ang wala ng Belen! Sa Amerika na namumuhay sa sekularismo ay masasabing wala nang Belen sapagkat WALA NA SILANG WISE MEN! Isang konkretong halimbawa ay ang hindi nila paniniwala sa COVID19 na kung saan, kahit lumagpas sa 500 million ang nagkaroon nito at halos 2,000 katao ang namamatay araw-araw, ay pilit pa ring tinatawag itong isang malaking HOAX o panloloko! Sa Japan na napakaprogressibo ang teknolohiya at marangya ang pamumuhay ay tila wala ring Belen sapagkat WALA NA SILANG POOR shepherds. Ibig sabihin ay kinain na ng sobrang paghahangad sa mga bagay na materyal ang kanilang buhay. Sa Amsterdam na kung saan ay legal ang prostitusyon at pornograpiya ay wala ring Belen sapagkat WALA NG VIRGIN! Pero ibahain natin ang Pinas! Dito sa atin ay maraming Belen! Bakit? Sapagkat MARAMING HAYUP! Bahala na kayong mag-isip kung sino at ano ang mga hayop na tinutukoy ko... hehehe.
Ang ligayang dulot ng Belen sa puso ng maraming tao ay siyang ligaya ring taglay ng mga taong nananalig sa katapatan ng Diyos. Ito ang kaligayahang nadama ni Zakarias sa ating binasang Ebanghelyo. Bagamat nagkulang siya sa pananampalataya ay nagawa niya pa rin magpahayag ng papuri sa Panginoon dahil sa pagtupad Niya sa Kanyang pangakong pagliligtas! "Purihin ang Panginoong
Diyos ng Israel! Sapagkat nilingap
niya at pinalaya ang kanyang
bayan... Sapagkat
lubhang mahabagin ang ating Diyos;
magbubukang-liwayway sa atin ang
araw ng kaligtasan...:
Sa kabila ng ating kakulangan ng pananamalataya ay sikapin nating maging tapat lagi kay Kristo at sa ating pakikipagtipan sa Kanya noong tayo ay bininyagan. Talikuran natin ang lahat ng gawaing masama at panibaguhin natin ang pagpapahayag ng ating pananampalataya. Maging saksi tayo ng Kristo sa ating tahanan, lugar ng paggawa, paaralan at sa ating pakikitungo sa isa't isa. Huwag natng dungisan ang pangalang Kristo na nakakabit sa ating pagkatao. Ang Belen ay hindi lamang dapat makikita sa labas ng bahay bilang palamuti o dekorasyon. Ang mensahe ng Belen na KATAPATAN ay dapat nakatangghal sa ating mga puso at ibinabahagi natin ito sa ating kapwa. Ang Belen ay dapat nasa PUSO MO!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento