Biyernes, Disyembre 18, 2020

ANG DIYOS NA KAPUSO AT KAPAMILYA NATIN: Reflection for 4th SIMBANG GABI Year B - Decmeber 19, 200 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Anim na tulog na lang at Merry CHRISTmas na!  Ito na ang pang-apat na araw ng ating pagnonobena para sa pagdiriwang ng kapaskuhan, ang kapanganakan ng ating Panginoong Jesus.  Ang sabi ng mga matatanda ay kapag nakumpleto mo raw ang siyam na araw at may hiniling ka sa Panginoon, ito ay kanyang ipagkakaloob.  Mayroon ba sa inyo ritong walang pang absent mula nung unang Simbang Gabi?  Huwag kang mag-alinlangan! Huwag mong pagdudahan ang katapatan at kabutihan ng Diyos!  Tayo lang naman kasing mga tao ang may pusong mapagduda o doubting heart!

May kuwento ng isang padre de pamilya na may asawa at tatlong anak na maliliit pa ang tinamaan ng "veerus" na  Covid19 at nasa bingit na ng kamatayan kaya't ipinatawag niya ang kanyang asawa sa kanyang tabi.  Sinabi niya rito na nararamdaman na niya ang kanyang katapusan ngunit nais niya lumisan sa mundong ito na mapayapa ang kanyang isip at kalooban, kaya't tinanong niya ang kanyang asawa: "Sabihin mo nga sa akin ang totoo...  matagal ko na kasing pinagduduhan kung anak ko talaga itong mga anak natin. Tingnan mo ang mga mukha nila, wala man lang nakuha sa akin.  Matatangos ang ilong nila gayong pango ako.  Matatangkad sila gayong pandak ako.  Mapuputi ang kutis gayong maitim ako. Aminin mo nga sa akin ang totoo!"  Sinagot siya ng kanyag asawa: "Ano ka ba naman, bakit hanggang ngayon nagdududa ka pa rin.  Manalig ka!  Yung una at pangalawa siguradong mga anak mo yan.  Yung pangatlo... kay kumpare yun!"  Ayun, natigok ang tatay, hindi sa Covid kundi sa atake sa puso! hehehe

Kahapon ay nabanggit ko sa inyo na sa kabila ng kabutihan ng Diyos ay posible pa rin natin siyang pagdudahan.  Ito ang nangyari kay Zacarias at Elizabeth, ang mga magulang ni Juan Bautista. Nilingap ng Diyos ang abang kalagayan ng mag-asawang ito.  Ang hindi magkaroon ng anak ay tila bago sumpa o parusa para sa mga Hudyo, kaya ngat kung minsan ay nagbibigay ito ng kahihiyan sa mag-asawa.  Sa kabila ng kanilang katandaan at kalagayan na imposibleng magkaanak ay kinalugdan ng Diyos ang mag-asawang ito.  Inihatid sa kanila ng Arkanghel Gabriel ang mabuting balita mula sa Diyos: "Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang panalangin mo. Kayo ni Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipangangalan mo sa kanya."  Ngunit sinalubong ito ng Zacarias ng pag-aalinlangan na sa aking palagay ay makatwiran naman dahil sa lagay nilang mag-asawa!  Pinarusahan si Zacarias ng anghel dahil sa hindi niya paniniwala.  Pinagdudahan ni Zacarias ang kabutihan ng Diyos at dahil dito ay nawala ang kanyang kakayahang magsalita.  

Isang magandang aral na makukuha natin ay huwag na huwag nating pagdududahan ang kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Kung minsan ay nagwawalang bahala tayo, nagagalit, nagtataksil sa halip na magpakita ng pusong mapagpasalamat sa Kanya.  Tandaan natin na, bawat problemang ating kinahaharap ay pagkakataong ibinibigay sa atin  para magtiwala sa Panginoon.  Paanong ipinahayag ng Diyos ang kanyang kabutihan sa atin?  Una, dahil sa ating binyag ay ginawa niya tayong kanyang mga ampon na anak. Tinanggap natin ang buhay ng Diyos, bilang Ama, Anak at Espiritu Santo.  Naging KAPUSO natin ang Diyos!  Dahil d'yan ay naging banal niya tayong mga templo at binigyan tayo ng karangalang tawaging: mga anak Niya at si Jasus ay nagiging tunay nating kapatid!  

Pangalawa, hindi lang natin nagiging kapuso ang Diyos.  Siya rin ay naging KAPAMILYA natin.  Tandaan natin ipinakita niya ang kanyang kabutihan ng isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak, at ang Anak na ito ay nanirahan kapiling natin.  Siya ng Emmanuel, ang Diyos na sumaaatin.  Nagpakita siya ng malasakit sa atin sa pamamagitan ng pag-ako niya sa ating abang kalagayan na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus.  Kaya nga't wag nating isiping tinutulugan niya tao.  Hindi natutulog ang Diyos.  Hindi rin n'ya tayo pinapanood mula sa malayo.  Napakalapit niya sa atin sapagkat pinili niyang maging bahagi ng ating pamilya.  Sa panahong ito ng pandemya ay huwag natin isiping nagwawalang bahala ang Diyos sa ating kahirapan.  Sinasabi niya sa atin na huwag tayong mabalisa at manalig tayo sa kanya.  "I know how you feel... I am bigger than that (our problems)! 

Lagi nating pakatatandaan na ang Diyos ay kapuso at kapamilya natin!  Puwede naman palang  pagsamahin ang dalawa na walang iringan at away!  Tanggalin lang natin ang pag-aalinlangan at pagdududa sa ating mga puso at punuin natin ito ng kanyang pagmamahal.    


Walang komento: