Karaniwang ang mga pangalan ay nanggagaling sa magulang kaya nga't malimit na tayong makakita ng mga Jr, (junior) sa huli ng pangalan. Kung minsan naman ay pinagsamang pangalan ng tatay at nanay ang pangalan bata. Halimbawa ay Jomar sapagkat ang tatay ay Jose at ang nanay ay maria. Pero hindi ito maganda sa lahat ng pagkakataon. May kuwento na minsan daw ay pinagsama ng tatay at nanay ang pangalan nila para makabuo ng maaring itawag sa anak. Kaso ang pangalan ng tatay ay CONrado at ang nanay naman ay DOMinga. Nagulat sila sa kinalabasang pangalan ng kanilang anak... CONDOM! Ang sagwa! hehehe... Nauso rin ang pagbibigay ng pangalan ayon sa kanilang iniidolong mga tambalang artista tulad ng Kathniel, Jadine, Lizquen, JoshLia, at ang nagbabalik na Aldub, hindi pelikula kundi bilang endorser ng isang delivery app na TOKTOK.
Sa Biblia, ang pagbibigay ng pangalan ay nangangahulugan ng pagbibigay ng bagong misyon. Ang pangalan ni Abram ay ginawang Abraham dahil magmumula sa kanya ang maraming angkan. Si Jacob ay ginawang Israel dahil sa kanyang pakikipagbuno sa anghel. Si Simon ay ginawang Pedro na ang ibig sabihin ay bato sapagkat pamumunuan niya ng buong katatagan ang Simbahang itinatag ni Kristo.
Bakit nga ba JUAN ang pangalang ibinigay sa anak ni Zacarias at Elisabet? Kung susundin natin ang tradisyon ng mga Judio ay dapat na ibinigay sa kanya ang pangalang Zacarias tulad ng kanyang ama. Kaya nga laking pagkagulat ng mga taong naroon ng marinig na JUAN ang ipapangalan sa kanya sapagkat wala sa kanilang kamag-anak na may gayong pangalan. Ano ba ang nilalaman ng pangalang Juan? Sa wikang Ingles ang ibig sabihin ng Juan ay GOD IS GRACIOUS! Totoo nga naman, napakabuti ng Diyos sapagkat unang una ay tinanggal Niya sa kahihiyan ang pagiging walang anak ng mag-asawang Zacarias at Elisabet. Pangalawa ay sapagkat ang pagkapanganak kay Juan ay nagpapakita na nilingap ng Panginoon ang kanyang bayan sa kabila ng pagkasalawahan nito!
Tunay ngang "God is good all the time and all the time God is good!" Hindi Niya binigo ng Diyos ang Kanyang bayan sa Kanyang pangako. Ang Diyos nanatiling TAPAT sa tao. Tunay ngang hindi mapapantayan ang katapatan ng Diyos sa atin. Sa kabila ng pagsuway at katigasan ng ating mga ulo ay ipinagpatuloy pa rin Niya ang Kanyang planong kaligtasan! Tayo lang naman kasing mga tao ang nagtataksil at may pusong salawahan. Madalas nating ipagpalit ang Manlilikha sa kanyang mga nilikha! Sa katunayan ay ito ang kahulugan ng kasalanan ayon kay San Agustin. "Aversio a Deo, conversio ad creaturam!" (Turning away from God and turning towards creatures!)
Ilang beses ko na bang ipinagpalit ang Diyos sa mga makamundo at mga materyal na bagay (o kahit tao)? Kung minsan naman ay hindi natin pinaninindigan ang pangalan ni Kristo na ating tinanggap noong tayo ay bininyagan. Ang masama pa nga ay ikinahihiya natin ito sa tuwing hinihingi nito ang ating pagsaksi. Simpleng pagdarasal bago kumain sa isang fastfood restaurant o kaya naman ay pag-aatndanda ng krus pagdaan ng jeep sa isang simbahan ay ating ipinagwawalang bahala dala marahil ng kahihiyan na rin sa ating mga katabi. Paano pa kaya kung buhay na natin ang hinihingi para panindigan ang ating pangalang Kristiyano?
Huwag sana nating biguin ang Diyos kung paanong di Niya tayo pinabayaan bilang Kanyang bayan! Patuloy Niya tayong lilingapin sa kabila ng ating pagkamakasalanan. Sapagkat Siya ay Diyos na mabuti.... napakabuti! At ang kanyang kabutihan ay magpakailanman!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento