May isang sorbetero na lubos na kinagigigiliwan ng mga bata dahil sa kanyang masarap na ice cream. Ngunit higit sa ice cream ay ang kanyang pagkamasayahin, magaling siyang mag-entertain sa mga batang kanyang suki! Minsan sinabi n'ya sa kanila: "Alam n'yo bang ako'y magikero? Kayang kong gawin ang lahat ng nais n'yo! " Sabi ng mga bata: "Sige nga po... bigyan n'yo nga kami ng maraming-maraming ice cream na hindi nauubos?" Nalungkot ang sorbetero. Sa isang iglap ay naglaho s'ya at nakita ng mga bata ang napakaraming supply ng ice cream sa kanilang harapan. Masayang-masaya sila! Nakalimutan ang sorbetero. Ngunit pagkatapos ng ilang araw ay nalungkot muli sila... parang may kulang! Hanggang isang araw ay may nakita silang matandang lalaki na malungkot na nakaupo sa daan. "Bakit po kayo malungkot? Sino po kayo?" Biglang may nilabas sa kanyang bulsa ang lalaki, isang maliit na "bell" at pinatunog ito. Laking pagkatuwa ng mga bata. Nagbalik sa kanila ang sorbetero! At doon nila naunawaan na ang nagpapasaya sa kanila ay hindi ang ice cream kundi ang sorbetero!
Si Jesus ang sorbetero ng Pasko! Akala natin ang mga ice cream ang nagpapasaya sa Pasko! May ilang nagsasabi na malungkot ang kanilang Pasko dahil wala munang Christmas Party dahil nga sa pag-iingat ng Covid. Para sa mga bata, malungkot ang Pasko dahil hindi makapagkakaroling o makakapasyal sa Malls. Ang akala natin ang mga regalong bagong damit, sapatos, laruan, gadgets, masasarap na pagkain ang makapagpapasaya sa ating Pasko. Ang hindi natin alam ay ang lahat ng ito ay parang "ice cream" na madaling matutunaw! Ang tunay na nagbibigay ng kaligayahan sa Pasko ay hindi ang ice cream kundi ang sorbetero... si Hesus! Siya ang "reason of the season!" May Pasko sapagkat may Diyos na nagmahal sa atin ng lubos at ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo'y iligtas sa pagkakaalipin sa kasalanan!
Nakakalungkot sapagkat marami sa atin ang nakakalimot sa pagkilala at pagtanggap sa Kanya tuwing sumasapit ang Pasko. Mas nabibigyan natin ang mga "ice cream na natutunaw!" Tandaan natin na ang Adbiyento ay ang agarang paghahanda natin sa pagdating ng Panginoon sa ating piling. At dahil diyan tayo ay naghihintay. Ngunit ito ay paghihintay na hindi tulad ng isang taong bibitayin na nasa death row. Nakakatakot na paghihintay iyon! Hindi rin ito paghihintay na tulad ng isang taong tumaya sa lotto na walang kasiguruhan kung siya ba ay mananalo o hindi. Ang Adbiyento ay hindi nakakatakot at walang kasiguruhang paghihintay. Bagkus ito ay masayang paghihintay sapagkat ang darating ay ang Panginoon at ang kanyang dala-dala ay kaligtasan!
Kaya nga't may kasamang saya at galak ang ating paghihintay sa Panginoong darating at ito ang isinasagisag ng kulay pink o rosas na kandila na ating sinidihan sa ating Korona ng Adbiyento. Ang kaligtasang dala ng Panginoon ang siyang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kagalakan. Katulad ng mga unang Kristiyano, ang dinarasal natin ay "Maranatha!" Halina Jesus sa aming piling! Kaya sa ikalawamg pagbasa ay ito ang sigaw ni San Pablo sa mga taga-Tealonika: "Mga kapatid: magalak kayong lagi...!" Hinahamon niya ang mga Kristiyanong
magsaya sa Panginoon. Ang
sayang ito ay magmumula sa
pagsasabuhay ng pahatid ng
Diyos. Kung nais ng alagad na
mamuhay sa kasiyahan ay dapat
niyang layuan ang masama at
piliin ang mabuti. Gayundin sa ating Unang Pagbasa na galing kay Propeta Isaias ay
nagpapahayag ng dakilang ligayang dadalhin ng Manunubos
sa kanyang pagdating. Ang
bayang hinirang ng Diyos ay
mapupuspos ng kaligtasan. Ang
pag-asa sa kaligtasang ito ang
pinaghuhugutan ng tunay na saya
sa buhay.
Sa ating Ebanghelyo ay pinapaalala naman sa atin na ang pinag-uugatan ng tunay na kasiyahan ay ang kababaang-loob. Ito
ang ipinamalas ni Juan Bautista
sa kanyang tahasang pahayag
na hindi siya ang Mesiyas, ni
si Elias, o ni ang Propeta. Siya
ay isang hamak na tinig lamang
na sumisigaw sa ilang na hindi
karapat-dapat magkalag man
lamang ng tali ng panyapak ng
Mesiyas. May nabasa nga ako na ganito ang sinasabi: "Life is about happiness, happiness comes from humility, humility is about being low and the lower we are the less distance we have to fall." (Joe Walker, 6 Feb, 2013) Kaya nga mahalaga na sa ating paghihintay sa muling pagdating ng Panginoon ay pairalin natin ang pagpapakumbaba sa ating kapwa. Mas makikilala natin ang Panginoon sa iba kung handa tayong umunawa at magpatawad at dahil d'yan ay tunay tayong magiging masaya! "There is joy when we are humble in our relationships with others!" At katulad nga ni Juan Bautista ay mabuhay tayo ng may pagpapakumbaba sa ating sarili. Hindi ibig sabihin na magkakaroon tayo ng mababang pagtingin sa ating pagkatao. Ang sabi nga ni C.S. Lewis, isang sikat na katolikong manunulat: "Humility is not thinking less of yourself, but thinking of yourself less." Ang tema ng taong ito ng Year of Missio Ad Gentes ay nag-aanyaya sa ating magbigay sa iba sapagkat ang bawat isa naman sa atin ay biniyayaan ng Diyos. "We are gifted to give!" Magbigay tayo ng may pagpapakumbaba sapagkat ang lahat naman ay pagpapala ay nagmumula sa Kanya!
Tandaan natin na Jesus ang "sorbetero' ng Pasko na siyang dahilan ng ating pagiging masaya sa panahon ng Kapaskuhan. Huwag natin Siyang isantabi sa araw ng Kapaskuhan at palitan Siya ng mga makamundong kasiyahan. Ngayong "Gaudete Sunday", hinihikayat tayong pag-isipan kung ano ba ang tunay na nagpapaligaya sa atin sa Pasko. Labing dalawang tulog na lang at Pasko na! Baka nasa pagkain ng "ice cream" pa lang nakatuon ang iyong paghahanda. Panahon na upang bigyan mo naman ng ng pansin ang "sorbetero ng Pasko" sa iyong buhay!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento