Pansinin ninyo ang mga dekorasyon natin ngayon sa Simbahan. Bakit ganyan ang design ng ating malalaking wreath? Tinanong ko yung mga gumawa, salamat pala sa kanila, pero ang sagot nila sa akin ay "Wala lang Padre, trip trip lang!" Ang sabi ko sa kanila, alam n'yo bang malalim ang kahulugan ng design ninyo? Yung madekorasyon na bahagi, yun ang SEASON ng Pasko. Yung parang kahoy na na nakapalupot ay sumasagisag naman sa REASON, yung dahilan nung season na pinagdiriwang natin, walang iba kundi si JESUS! He is the REASON OF THE SEASON! Siya ang lang naman talaga ang dahilan kung bakit may pagdiriwang tayo ng Pasko. Kung si Jesus ang dahilan ay muli kong ibabalik ang tanong na ano bang uring paghahanda ang ninanais niya na gawin natin? Walang iba kundi ang ating agaran at tuloy-tuloy na pagbabago ng isip, ng puso at ng uri ng ating pamumuhay. Ang tawag diyan sa Griego ay METANOIA.
Sa unang pagbasa sa Aklat ni Propeta Isaias ay mababasa natin: "Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan: Ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin..." Ang pagiging matuwid, lalo na ang paninindigan sa katotohanan, ay sinasalamin ni Juan Bautista, "Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan..." Tayo rin ay hinahamon ni Jesus na magpatototo at manindigan para kay Kristo, ang Katotohanan. Ito ay nangangahulugan ng paninindigan sa kung ano ang tama at hindi sa mali. Sa panahon ngayon na laganap ang fake news ay tila lumalabnaw na ang ating pagtingin sa katotohanan. At kapag nawawala na ang katotohanan ay nawawala din ang ating pagkilala kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas! Pansinin ninyo kung paano ipinagdirawang ang Pasko ngayon, pilit na tinatanggal si Kristo. Hindi ko tinutukoy ang mga practical atheist na hindi kumikilala sa Diyos. Nakakalungkot na mismong mga Kristiyano ang hindi na kumikilala kay Kristo dahil sa taliwas nilang pamumuhay na hindi kumikilala sa katotohanan. Kaya nga sa Paskovid na ito ay ibalik natin si Kristo sa ating buhay. "Let us put Christ back in Christmas!" Pero ang paalala nga ng isang post na nabasa ko: "Before we can put "Christ back in Christmas, first the "Christ" has to be put back in millions of "Christians." Aminin natin na maraming Kristiyanong Katoliko ang K.B.L. Kristiyano lang sila kapag Kasal-Binyag-Libing! Ngayong panahon ng pandemya ay kitang-kita natin ito. Nabawasan na ang bilang ng nagsisimba. Marami na ang hindi nagdarasal. Marami na ang hindi naniniwala sa turo ng Simbahan. Marami na ang nagsasama na hindi kasal. Marami na ang hindi na nakakaramdam na mali pala ang pagmumura at pagsisinungaling. Unti-unti ng nawawala ang ating pinahahalagahang Christian values.
Kaya nga ang taong ito ng 2021 ay isang magandang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Simbahan upang panibaguhin ang ating sigasig bilang mga Kristiyano. Ang Year of Missio ad Gentes ay nagpapaalala sa atin na ibahagi natin ang ating pananampalataya sa iba. We are gifted to give. Pero tandaan natin na hindi natin puwedeng ibigay ang wala sa atin! Dapat ang pagiging mabuting Kristiyano ay nasa atin munang sarili upang maibahagi sa ating kapwa. Tanungin natin ang ating sarili: "Paano nagpapakatotoo bilang Kristiyano?"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento