Tatlong tulog na lang at Pasko na! Pitong araw na tayong kulang sa tulog dahil sa paggising sa madaling araw upang ipanalangin sa Panginoon ang ating mga kahilingan. Wala namang masama na humingi tayo sa ating mga panalangin nguni hindi lang dapat ito ang laman ng ating panalangin sa tuwing tayo ay naninikluhod sa harap ng Panginoon. Ano ba ang laman ng iyong panalangin sa tuwing ikaw ay magdarasal? Baka naman puro hingi ka lang at yun lang ang laman ng iyong panalangin?
May kuwento ng isang taong laging nanghihingi sa kanyang panalangin.. Minsang napadaan siya sa isang simbahan at tumapat sa isang imahe ni Jesus na nakapako sa krus. "Panginoon, sana naman bigyan mo ako ng t-shirt na Calvin Klein, maong pants na LEVIS, sapatos na NIKE at relo na G-SHOCK! Laking gulat niya ng sumagot ang Panginoon, "Mahiya ka naman Juan... tingnan mo nga ako, bahag lang ang suot ko, ikaw kung makahingi... WAGAS!" hehehe...
Baka naman sa tuwing nagdarasal tayo ang nasasambit natin ay "PENGE NOON... PENGE NOON..." sa halip na "PANGINOON! PANGINOON!" Hindi ba dapat ang unang lumalabas sa ating bibig ay pagpupuri at pasasalamat? Ang lakas nating humingi sa Diyos ngunit hina naman natin magpasalamat. Ang mga pagbasa natin sa ika-7 araw ng ating Nobena para sa Pasko ay mag tema ng PASASALAMAT.
Sa unang pagbasa ay narinig nating nagpasalamat si Ana sa pagbibigay ni Yahweh sa kanya ng anak na si Samuel at bilang utang na loob ay inihandog niya si Samuel sa templo upang maglingkod. Marahil ay hindi matawaran ang pagpapasalamat ni Ana sa Panginoon kaya't nagawa niyang ihandog sa paglilingkod sa templo ang ibinigay sa kanyang anak. Sa Ebenghelyo naman ay punong-puno ng kagalakan na ipinahayag ni Maria ang kanyang pasasalamat sa Diyos sa kanyang MAGNIFICAT! "Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon at nagagalak ang aking Espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas ... dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan! Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin."
Sa ating buhay ay napakadaling magpasalamat sa Diyos hangga't mabuti ang mga kaganapan natin. Madaling magsabi ng "Praise the Lord!" kapag napromote ka sa trabaho, kapag nanalo ka sa lotto, kapag nakapasa ka sa board exam. Subukan mong mag Praise the Lord kapag nasunugan ka ng bahay, kapag nalugi ka sa negosyo, kapag iniwan ka ng kasintahan mo... ang hirap di ba? Dapat nating pasalamatan ang Panginoon sa mga maganda at maging sa mga di-kaaya-ayang pnagyayari sa ating buhay. Una sa lahat sa regalo ng BUHAY na patuloy niyang ipinagkakaloob sa atin. Pangalawa ay sa biyaya ng PAMILYA na mayroon tayo. Hindi man perpekto ang ating pamilya subalit ito ang "the best" na ibinigay niya para sa atin. At pangatlo ay dapat rin natin siyang pasalamatan sa biyaya ng KALIKASAN na patuloy na umiiral at bumubuhay sa atin! Ngunit tandaan natin na ang pasasalamat ay mayrooon dapat na kaukulang pagbibigay. Sa ingles ito ay THANKS-GIVING! Hindi lang thanks kundi may GIVING na dapat mangyayari. Ang tunay na pasasalamat ay may kaukulang pagbibigay at ang pagbibigay ay dapat may kasamang SAKRIPISYO sapagkat may bahagi sa atin na nawawala kapag tayo ay naghahandog. Kapag nagsabi ka ng THANKS sa mga magulang mo ay dapat may kasama itong pagsunod, paggalang at pagmamahal sa iyong mga magulang. Kapag nagsabi ka ng thanks sa mga teachers mo ay may kasama dapat itong pagsisikap na mag-aaral ka at hindi magpapabaya sa iyong pag-aaral. Kapag nagsabi ka ng thanks sa asawa mo ay may kasama itong pagbibigay ng katapatan sa kanya at pag-aaruga sa iyong pamilya.
At panghuli sa lahat, ang
pagtanaw ng utang na loob sa Diyos ni Maria ay nag-uugat sa
kanyang kababaang-loob. Batid niyang hindi siya karapat-dapat
na maging Ina ng Anak ng Kataas-taasan. Ang sinuman sa ating
nais magpasalamat sa Diyos ay dapat magpakumbaba. Ang nagpadakila sa Mahal na Birhen ay ang kanyang kabawasan ng sarili. Ang sabi ng isang sikat na katolikong manunulat na si C.S. LEWIS: "Humility is not thinking less of yourself but thinking of yourself less." At ito nga ang naging buhay ng Mahal na Birhen. Inangkin niya at isinabuhay ang pagiging "abang alipin ng Panginoon" at dahil diyan siya ay itinaas ng Panginoon at pinagpala!
Pagnilayan natin at tanungin ang ating mga sarili: "Ako ba ay mapagkumbabang nagpapasalamat sa Diyos sa lahat ng mga biyayang pianggkakaloob niya sa akin?"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento