Gising pa ba kayo? Sa haba ng binasa natin Ebanghelyo ay marahil ilan sa inyo ang dinapuan ng antok. Aminin ninyo. Siguro yung iba sa inyo pabulong na sinasabi... "Please, Father, tapusin mo na... paabutin mo na kay Jose na asawa ni Maria!" Hindi ko kayo masisisi. Pero mag-ingat ang mga antukin sa inyo.
O di ba? Nandamay pa si lola sa impiyerno? Totoo nga namang nakakaantok itong oras ng Misa natin. Sa totoo lang mas masarap ang manatili sa ating mga kama. Lalo na't binasahan pa tayo ngayon ng mga pangalan na marahil ay hindi naman natin kilala ang marami sa kanila at tila 'alien' sa ating pandinig. Ngunit kailangang ipahayag sa atin ito. Sinadya itong isulat ni San Mateo sa kanyang ebanghelyo upang patunayan na si Jesus ay tunay na tao at nanggaling sa angkan ni David. Ang tawag dito ay tala-angkanan o Genealogy. Subukan ninyong saliksikin ang tala-angkanan ninyo at magugulat kayo kung sino ang mga ninuno ninyo.
Ngunit hindi lang naman ito para patunayan na may angakang pinanggalingan si Jesus. Ito rin ay inilahad ng Ebanghelista upang ipakita sa atin ang lubos na kabutihan ng Diyos. Mabuti siya sapagkat ipinakita niya ang kanyang katapatan sa tao. Tapat siya sa kanyang ipinangako na isusugo niya ang Mesiyas upang tayo ay mailigtas! Ang katapatang ito ng Diyos ay sinasagot naman ng atin ding katapatan sa pamamagitan ng pananampalataya. Totoo na sa maraming pagkataon, ay hindi naging tapat ang tao sa kanyang pakikipagtipan sa Diyos. Maraming beses niyang nilabag ang kanyang mga utos at naging matigas ang kanyang ulo. Ngunit ganun pa man ay nanatiling tapat pa rin ang Diyos sa kanyang tipan. Parang dalawang mag-asawa na kahit na pinagtaksilan siya ng kanyang iniirog ay nananatili pa rin ang kanyang pagmamahal sa kanya!
Sa kabila ng ating kakulangan at kahinaan ay sinisikap pa rin natin maging tapat sa kanya. Ang ating katapatan ito ay posible lamang sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa katunayan ang pinanggalingan ng salitang fidelity ay fides, salitang latin na ang ibig sabihin ay FAITH. Kaya nga sa ating paghihintay sa muling pagdating ng Panginoon ay ginagamitan natin ito ng pananampalataya. We wait with faith! At ano ba ang pananampalataya? Ang turo sa amin ng aming propesor sa seminaryo ay ito ang sam-pala-taya! Tatlong salita na nagsasabing isa lang palagi ang tatayaan mo! Sa Diyos ko lang itataya ang buhay ko kahit na ito'y magkaloko-loko! At kasama ng paghihintay ng may pananampalataya ay ang paghihintay ng may PAG-ASA. Umaasa tayo na hindi tayo pababayaan ng Diyos. Na sa kabila ng kahirapang dala ng pandemic ngayon ay may naghihintay sa ating kaginhawaan. Ang isa nga sa mga natutunan ko sa buhay ay ito: "Good things come to those who wait!" Maghintay ng may pag-asa at pagtitimpi. Darating din ang liwanag sa kabila ng maraming kadiliman sa buhay. At panghuli, ito ay paghihintay na may ginagawa... at iyon ay ang MAGMAHAL. We wait with love! Gawin natin ng may pag-ibig ang lahat ng ginagawa natin at makikita nating mas magiging tapat tayo sa Kanya! Ang sabi ni San Agustin: "Love and do what you want!" Totoo nga naman na kapag ikaw ay nagmamahal ay hindi ka magkakamali sa iyong pagdedesisyon sa buhay. Ngayong panahon ng pandemiya ay tingnan natin kung ang atin bang mga iniisip, sinasabi at kinikilos ay may kasamang pagmamahal. Sikapain nating pag-alabin ang apoy ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa ating mga puso upang ilaw nito ay maibahagi naman natin sa iba.
Tandaan natin ang slogan ng YEAR of MISSIO AD GENTES... "We are gifted to give!" Ang unang tinanggap natin noong tayo ay bininyagan ay ang biyaya ng PANANAMPALATAYA. Isabuhay natin ito ng may pag-asa at pagmamahal ngayong Panahon ng Adbiyento at hindi tayo mabibigo sa ating paghihintay sa Kanya. MARANATHA!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento