May mag-asawang piang-uusapan ang tungkol sa kakaibang abilidad ng kanilang anak. Ang sabi ng lalaki: "Alam mo ba na ang anak natin ay may kakaibang abilidad? Nagkakatotoo ang kanyang napapanaginipan. Naalala mo nung namatay ang tatay ko nung nakaraang buwan? Narinig ko siya isang gabi na nagsasalita habang siya ay natutulog at sinisigaw niya ang "Lolo, lolo..." at kinabukasan natanggap natin ang tawag na namatay ang tatay. Pagkatapos lang ng isang linggo pagkatapos mailibing si tatay, narinig ko na naman siyang sumisigaw sa kanyang panaginip ng "Lola, lola...." at kinabukasan din nattanggap natin ang balitang si nanay naman ang namatay!" Ang sabi ng babae: "Naku, 'wag ka ngang magpapaniwala d'yan sa mga panaginip na 'yan! Nagkakataon lang yan!" "Siguro nga" sabi ng lalaki, "baka nagkakataon lang!" Nung gabing iyon, narinig na naman niyang nagsasalita ang kanyang anak sa kuwarto. Sinilip niya ito at nakita niyang nananaginip na naman ang siya! "Tatay! Tatay!" Natakoy ang tatay at hindi na s'ya nakatulog. Hinintay n'ya kung may mangyayari sa kanya kinabukasan. Kabadong-kabado siya buong araw. Sumapit na ang gabi at wala pa ring nangyayari sa kanya, kaya't tuwang-tuwa siyang lumapit sa kanyang asawa at sinabi: "Dear totoo nga! Nagkataon lang ang pagkamatay nina tatay at nanay! Hindo totoo ang panaginip ni Junior!" Ngunit parang walang narinig ang kanyang asawa. "Bakit, dear. Bakit ka malungkot? May nangyari ba?" "Honey", ang sabi ng babae. Nakatanggap ako ng tawag kanina... namatay daw ang driver natin! Patay! Totoo nga pala ang panaginip ni Junior! hehehe...
Para sa iba ay totoo ang panaginip! Tulad ng panaginip ni Junior! Para naman sa iba ay nagbibigay ng suwerte ang panaginip. Kaya nga may iba ay itinataya sa lotto o sa huweteng ang kanilang napanaginipan. Para naman sa iba ay kabaliktaran daw sa tunay na pangyayari ang ating panaginip kaya hindi sila naniniwala dito. Mayroon tayong tinatawag na "magagandang panaginip' at meron din namang tinatawag na bangungot o masamang panaginip na kung minsan ay nakamamatay! Kung Banal na Kasulatan ang tatanungin kung ano nga ba ang panaginip ay ito ang ating makikita: Sa Lumang Tipan, ang panagnip ay tinatawag na "forgotten language of God." Bakit? Sapagkat sa panaginip nakikipag-usap ang Diyos sa mga tao. Tulad nang nangyari kay Jacob at sa ilang mga propeta. Ngunit sa Bagong Tipan ay nagkaroon ng mas malalim na kahulugan ang panaginip. Ito ay ang medium na kung saan ay ipinahahayag ang katuparan ng pangako ng Diyos sa tao!
Katulad ng nangyari kay Jose. Nang maharap si Jose sa isang mahalagang desisyon kung ano ang kanyang gagawin sapagkat nagdadalang-tao si Maria, na hindi pa naman sila kasal, ay marahil gulong-gulo ang kanyang pag-iisip. Isang taong matuwid si Jose, alam niya ang nilalaman ng batas at batid niyang maaaring mapahamak si Maria kapag kumalat ang balita na siyay buntis at hindi siya ang ama ng kanyang dinadala kaya't nagpasya siyang hiwalayan na lamang si Maria ng lihim. Naidlip marahil si Jose sa sama ng loob at nagpakita ang anghel sa kanyang panaginip. "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya'y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at pangangalanan mong Jesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan." Sapat na ang kanyang narinig sa anghel upang tanggapin si Maria at bilang kanyang asawa at ituring na anak ang kanyang supling!
Dito ay makikita natin ang pagsang-ayon ni Jose sa plano ng Diyos para sa sangkatauhan. Siguradong may sarili ng plano si Jose sa kanyang buhay. Ngunit iniba ng Diyos ang plano ni Jose para sa kanyang sarili. Nagrebelde ba si Jose sa Diyos? Nagalit ba siya? Tinakasan n'ya ba ang plano ng Diyos para sa kanya? Hindi. Sa halip ay tinaggap niya ng buong-puso ang nais ng Diyos na mangyari. Isang magandang katanungan para sa ating lahat: "Ano ba ang gusto ng Diyos para sa akin?" Kalimitan ay naliligaw tayo ng landas sapagkat hindi natin sinusunod ang gusto ng Diyos para sa atin. Dasal tayo ng dasal ng "sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit..." ngunit patuloy pa rin tayo sa pagsuway sa planong inihanda niya para sa atin. Mga kapatid, huwag nating ipagdasal na sana ay tanggalin ng Diyos ang mga kahirapan pasanin natin sa buhay. Marahil ay hindi yun ang plano niya para sa atin. Bagkus, ang dapat nating dasal ay: "Panginoon, bigyan mo ako ng lakas upang mabuhat ko ng may pagmamahal ang mga pasanin ko sa buhay. Mangyari nawa ang kalooban mo para sa akin!" Ito ang dasal na pinakikinggan ng Diyos.
Ngayong panahon ng pandemya ay sikapin nating tularan si San Jose. Kahapon ay nabanggit natin ang paghihintay ng may pananampalataya. Ngayon naman ay isabuhay natin ang paniniwala, pagtitiwala at pagsunod sa kalooban ng Diyos, lalung-lalo na sa mga nais niyang mangyari sa ating buhay. Dapat tayong maniwala na kaya niyang gawin ang lahat dahil siya ay makapangyarihan. Dapat tayong magtiwala na ang Diyos ay nagmamalasakit sa atin at siya ay puno ng awa at habag! Hindi niya tayo pababayaan. Pagkatapos paniniwala at pagtitiwala ay dapat tayong sumunod sa kanyang kalooban. "Ang pananampalatayang walang pagsunod ay pananampalatayang patay!" ang sabi sa atin ni Apostol Santiago. Maahirap sundin ang kalooban ng Diyos sa mga madilim na pangyayari sa buhay. Mas madaling mag Praise the Lord kung panay biyaya ang natatanggap natin. Mahirap magsabi ng Amen, sa mga masamang nangyayari sa ating buhay. Ngunit dito nasusukat ang lalim ng pananampalataya ng isang Kristiyano.
Taglayin natin ang isang pusong marunong magpasalamat hindi lang sa tuwing tayo ay tumatapak sa mga "rosas" ng ating buhay, kundi maging sa mga kirot na dala ng mga "tinik" na tumutusok sa ating talampakan habang tayo ay naglalakbay sa mundong ibabaw. Pagkatapos ng 500 taon ng Kristiyanismo ay dapat na madarang na tayo sa apoy ng pagsubok at hirap ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Ang adbiyento ay paghihintay na may paniniwala, pagtitiwal at pagsunod sa Diyos na muling darating sa ating piling. Tumahimik tayo sandali at tangungin ang ating mga sarili: "Ako ba ay nagpapasalamat sa Diyos sa kabila ng kahirapang dinaranas ko dala ng pandemyang ito o panay pag-angal at pagsuway ang ginagawa ko sa kanya?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento