Ang pagsusulit na ito ay ang magsasabi kung nagamit ba natin ng mabuti ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Panginoon. Kaya nga hindi dapat tayo matagpuang tamad at walang ginagawa. May nabasa ako minsan na ganito ang sinasabi: "Kung may balak kang gawin ngayon, wag mo ng ituloy, para me gagawin ka pa bukas!" Inspiring ba? Ito ang motto ng mga taong tamad! Marahil ay nasasalamin din sa atin kung minsan ang ganitong pag-uugali. Mahilig nating ipagpabukas ang gawaing maari namang tapusin kaaagad. Tayo pa namang mga Pinoy ay may malakas na maƱana habit! Kapag may dapat tayong gawin at tinatamad tayo ang lagi natin sinasabi ay "mamya na"o sa linguwahe ng mga kabataan ngayon... chill lang... later na!
Ano ba ang kasalanang nagawa ng ikatlong aliping pinagkatiwalaan ng pinakamaliit na halaga sa talinhagang isinalaysay ni Jesus? May ginawa ba s'yang masama? Muli nating tingnan ang talinhagang isinalaysay ni Jesus. Ang pamagat ng talinhaga sa Ingles ay "Parable of the Talents". Ang talentong tinutukoy dito ay hindi ablidad kundi halaga ng salapi ayon sa kanilang "money currency" noong panahong iyon. Para magkaroon tayo ng idea, ang isang talento ay nagkakahalaga ng 6,000 denarii. Ang isang denario ay ang sahod ng isang manggagawa sa isang araw. Kaya ang isang talento ay labing anim na taong pagtatrabaho ng isang ordinaryong manggagawa. Ayon sa talinhaga, ay pinagkatiwalaan ng isang maglalakbay ang kanyang alipin ng talento ayon sa kanilang kakayahan. Ipinagkatiwala niya ang lima sa una, dalawa sa ikalawa at isa sa pangatlo. Ang halaga ng salapi sa ating ebanghelyo ay limanlibo, dalawanlibo at sanlibo (tandaan na ang halagang ito ay dapat nating ilagay noong panahon ni Jesus). Humayo agad ang mga alipin ay ipinangalakal ang salaping ibigay ng kanilang amo, maliban sa ikatlong alipin na ibinaon sa lupa ang kanyang natanggap na salapi. Nang bumalik ang amo upang sulitin ang mga salaping kanyang ibinigay ay galit na galit siya sa ikatlong alipin sapagkat wala itong ginawa upang paramihin ang kanyang salapi at dahil doon ay naparusahan siya. Balikan natin ang aking naunang tanong: "May ginawa bang masama ang ikatlong alipin? Di niya naman nilustay ang salapi ng kanyang amo sa sugal o sa bisyo. Ano ang pagkakamaling nagawa niya? Wala! Oo, ang pagkakamali niya ay wala siyang ginawa! At ito ang ipinagkaiba ng naunang dalawang alipin sa kanya. Mayroon silang ginawa sa salapi ng kanilang amo. Pinalago nila ito. Samantalang siya ay literal na sinunod ang bilin ng kanyang amo na "patubuin" ito. Ayun... ibinaon ang salapi sa lupa; akala niya ata ay tutubo ito na parang isang halaman.
Ito ay isang halimbawa ng "mirror parable" na sumasalamin sa bawat isa sa atin. Tayo ang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng talento o salapi. Iba't ibang halaga ayon sa ating kakayahan! Ang salapi ay tumutukoy sa lahat ng mga biyayang ibinigay sa atin ng Diyos: kakayahan, katalinuhan, angking kagandahan, katangian, at maging kayamanan. Huwang nating ikumpara kung mas maraming tinanggap ang iba sa atin. Ang mahalaga ay pagyamain natin ito upang mapalago at ang ating sarili at makatulong tayo sa iba. Para tayong mga "container" ng tubig: May dram, may timba, may tabo; iba-iba ang laki ngunit ang mahalaga ay napupuno natin ito ng tubig! Sinlaki man ng dram ang biyaya mo ngunit wala namang lamang tubig, ibig sabihin ay hindi mo ginagamit, ay balewala ito! Mabuti pa ang tabo na kahit maliit ay nag-uumapaw ang tubig at nabibiyayaan ang iba!
Tandaan natin na tayo ay mga katiwala lamang ng Panginoon. Darating ang araw na susulitin niya ang mga biyayang ibinigay niya sa atin. Nakakatakot na marinig mula sa Diyos ang mga katagang "Masama at tamad na alipin!" sapagkat hindi natin pinalago ang mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin. Wag na wag nating idadahilan na kaunti lang ang ibinigay sa akin ng Panginoong biyaya. Kaunti na nga at wala pa tayong ginawa! Nalulungkot ako sa mga kabataang mahina na nga sa pag-aaral ay nakukuha pang mag-"cutting" o mag-"one day" at magbabad sa computer shop kasama ang barkada. At lalo na ngayong pandemia na ang klase ay on-line o paggawa ng module sa bahay. Ilan kaya ang talagang seryosong nagpapahalaga sa kanilang pag-aaral? O kaya naman ay isang mahirap na ama ng tahanan na wala na ngang makain ang pamilya ay nakukuha pang magsugal at uminom. Kakaunti na nga ang biyaya ay wala pang ginagawa! Naniniwala ako na wala namang taong gustong maging mahirap, mayroon lang mga taong tamad magtrabaho. Wala namang batang bobo, mayroon lang tamad sa pag-aaral.
Tatapusin ko sa isang kuwento: May isang batang may kahinaan sa pandinig ang minsang umuwi pagkatapos ng kanyang klase at may dala-dalang sulat mula sa kanyang guro. Ayaw na nitong pabalikin si Tom sa klase sapagkat hirap daw mag-aral at hindi makaintindi ng aralin. Ngunit hindi naniwala ang kanyang ina na bobo ang kanyang anak na si Tom. Pinagtiyagan niya itong turuan at ipinaunawa sa kanyang anak na hindi siya mangmang at kaya niyang matuto. Pagkalipas ng maraming taon, karamihan sa mga tao sa buong mundo ay nagbigay ng pagpupugay kay Tom noong siya ay mamatay sa pamamagitan ng pagpatay ng kanilang ilaw sa loob ng isang minuto. Si Tom ay walang iba kundi si Thomas Edison na syang nag-imbento ng bombilya na ating ginagamit ngayon.
Lahat tayo ay pinagkalooban ng Diyos ng buhay. Ito ay regalo Niya sa atin at kung paano natin ito ginamit ay ang magiging regalo namang ibabalik natin sa Kanya. Maging responsable tayong mga katiwala ng Diyos at laging maging handa sa pagsusulit ng mga biyayang ipinagkatiwala Niya sa atin!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento