Hindi ba't ang larong ito ay para ring nagsasalamin sa ating buhay? Kung minsan ay pabigla-bigla tayo sa ating mga desisyon sa buhay. Sugod tayo ng sugod. Hindi natin pinag-iisipang mabuti ang susunod nating galaw. Hindi natin pinoprotektahan ang ating "Hari." Kaya ang kinalalabasan ng ating laro... CHECKMATE! Sa laro ng ating buhay ay kinakailangan nating gamitin ang ating isip. Gamitin natin ang karunungang ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Paghandaan natin ang mga mangyayari sa ating buhay lalo na ang mga suliranin at pagsubok.
Ang Ebanghelyo sa linggo ay nagbibigay sa atin ng isang magandang aral: Maging matalino tayo. Huwag tayong padaos-daos at sugod ng sugod. Paghandaan ang pagdating ng Panginoon sa ating buhay. Protektahan ang ating "Hari." Narinig natin ang talinhaga. Sampung dalaga ang naghahanda sa pagdating ng lalaking ikakasal. Kakaiba ang kasal ng mga Hudyo. Mahaba ang seremonya at maraming ritwal. Kasama na rito ang paghihintay sa lalaking ikakasal. Mayroon silang mga "abay" na dapat maghintay sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ang problema ay sadyang hindi ipinapaalam ng ikakasal ang kanyang pagdating. Maaaring sa umaga, sa hapon, o sa gabi. Kaya ang mga nahirang na sumalubong ay dapat laging handa. Ito ang hindi nagawa ng limang hangal na dalaga. Hindi sila nagdala ng ekstrang langis. May limang matalino na nag-isip na baka gabihin ang lalaking ikakasal kaya't nagbaon sila ng langis para sa kanilang ilawan. At tulad ng hindi inaasahan ay dumating ng hatinggabi ang lalaking ikakasal. Nagpanik ang mga mga hangal na dalaga sapagkat aandap-andap na ang kanilang ilawan, paubos na ang kanilang langis. Wala silang nagawa at sila ay umalis upang bumili nito. Dumating ang lalaking ikakasal at ang tanging sumalubong ay ang limang matatalino na nagbaon ng ekstrang langis at sila lamang ang nakapasok sa kasalan.
Ang talinhagang isinalaysay ni Jesus ay patungkol niya unang-una sa mga Hudyo na hindi pinaghandaan ang kanyang pagdating kaya't hindi rin sila naging bukas sa kanilang pagtanggap sa Kanya. Ngunit ito rin ay patungkol ng Diyos sa atin.
Una, maging matalino tayong mga Kristiyano. Gamitin natin ang ating "karunungan" upang mabuhay sa biyaya ng Diyos at ayon sa kanyang kaloooban. Maging tuwid ang ating pagpapasya lalo na kung ang hinihingi nito ay ang kaligtasan ng ating kaluluwa. Batid natin na masama ang kahahantungan ng isang maling desisyon ngunit bakit pa natin ito ipinagpapatuloy? Alam nating mali ang isang relasyon na ating pinasok ngunit bakit ayaw nating kumalas? Alam nating ang pagsuway sa utos ng mga magulang ay hindi pagsunod sa kalooban ng Diyos ngunit bakit matigas pa rin ang ating ulo at patuloy ang ating paglabag sa kanilang pinag-uutos?
Pangalawa, maghanda tayo sa pagdating ng Panginoon sa ating buhay. Ang malaking kasinungalingang ibinubulong sa atin ng demonyo ay ang marami pa tayong oras at mahaba pa ang ating buhay. Ang katotohan ay hindi natin hawak ang oras ng ating buhay. Maari tayong tawagin ng Panginoon at ngayon ay babagsak ka sa iyong kinatatayan at hihinto ang iyong paghinga. Kaya nga mahalaga ay lagi tayong handa. Ang buong buwan ng Nobyembre ay nagpapaalala sa atin nito. Ang mga nauna na sa ating namatay, silang mga unang natodas, ay nagsasabi sa ating mabuhay tayo para sa Panginoon. Isabuhay ang ating mga pangako sa binyag at gumawa ng maraming kabutihan na siyang babaunin natin pagharap sa Diyos Ama.
Panghuli ay protektahan natin ang ating "hari." Alagaan natin ang biyaya ng kaligtasang ibinigay ng Diyos sa atin. Huwag nating hayaang kainin ng ating pang-araw-araw na alalahanin at suliranin ang ating pananampalataya sa Kanya. Mas madali ang maging hangal kaysa maging mabuti. Mas madali ang magpabaya kaysa maging responsable sa buhay. Mas maluwag ang daan patunging impiyerno kaysa langit. Ngunit sa huli, ang gantimpala ay mapupunta sa mga nagsikap at nagtiyaga, sa mga naging matalino at matuwid ang pamumuhay. Huwag nating hayaang sa huli ay maubusan tayo ng "langis." Siguraduhin natin may baon tayo nito sa ating buhay Kristiyano. Ang langis ng matalinong pamumuhay kristiyano ay nagsasabi sa ating laging maging handa sa pagdating ng Panginoon sapagkat darating siya sa araw at oras na hindi natin inaasahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento