Isang malaking palaisipan pa rin sa atin kung ano nga ba ang mangyayari sa araw na 'yon. Para tayong mga estudyanteng naghihintay sa araw ng pagsusulit na magkahalong takot at pangamba ang nasa puso kung ano ba ang lalabas na mga katanungan. Ngunit kung iisipin, ang takot sa pagsusulit ay para lamang sa mga estudyanteng hindi nag-aral at naghanda. Sa katunayan ay wala talaga tayong dapat katakutan sapagkat sa pagsusulit na ito ay ibinigay na sa atin ang katanungan. Ang ating exam ay "take home" at hindi "surprise test!" Kaya nga't katamaran at katangahan na lamang kung hindi pa natin ito maipapasa.
Ngayong panahon ng pandemia na naka-online studies ang mga estudyante o blended learning na mukhang modular lang ata, ay hindi naman gaanong naiiba ang sitwasyon. Bagamat wala ata ang tradisyunal na periodical exams na kinatatakutan ng marami ay pinalitan naman ito ng PeTa o Performance Task na parang isang proyekto na "take home", ibig sabihin ay ibinibigay na kung ano ang dapat nilang gawin. At sa pagkakaalam ko ay maaari itong gawin na "group work." O, di ba mas maginhawa yun? May katulong ka sa paggawa ng proyekto mo. Halos bigay na bigay na ang "katanungan ng pagsusulit." Wala ka ng hahanapin pa!
At ano ang katanungan? Ito ang nilalaman ng ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo. Karaniwan ng tagpo marahil sa atin ang makakita ng lolang nagtitinda ng sampaguita sa harapan ng simbahan, o kaya nama'y mga pulubing may kapansanan na nakaharang sa daan, o mga batang gula-gulanit ang damit na haharang-harang sa daan at kakatok sa bintana ng iyong sasakyan. Pagkatapos ng sunod-sunod na bagyo ay marahil nakikita natin sa telebisyon ang maraming kababayan natin ang lubog sa baha at nawalan ng kabuhayan. Napapanood din siguro natin ang mga jeepney drivers na namamalimos sapagkat halos walong buwan na silang walang trabaho at wala ng makain ang kanilang mga pamilya.
Anung nararamdaman mo kapag lumalapit sila? Napakadali silang iwasan, wag pansinin at dedmahin na parang wala kang nakikita at naririnig! Kung minsan nga nasisisi pa natin sila na tamad at umaasa na lamang sa awa ng iba, ayaw magbanat ng buto kaya't kuntento na lamang sa pahingi-hingi! Ngunit sa tuwing nababasa ko ang Ebanghelyo ng "huling paghuhukom" ay may takot na naghahari sa akin.
Balikan natin ang mga salita ng Hukom: ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa! Kayo’y pasaapoy na di-mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ Hindi ba't sila rin ang mga taong nakakatagpo ko araw-araw? Bakit natatakot akong tulungan sila? Bakit nagdadalawang isip ako kung kikilos ba ako o hindi? Ang Kapistahan ng Kristong Hari ay muling nagpapaalala sa atin ng dalawang mahalagang dimensiyon ng ating buhay Kristiyano. Sa katunayan hindi sila magkahiwalay... magkadugtong sila. Ang tunay na pag-ibig kay Kristong ating hari ay dapat magdala sa atin sa tunay na pagmamahal sa kapwa nating nangangailangan. ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Wag sana nating paghiwalayin ang pagiging relihiyoso sa pagiging-tao. Ang pagiging maka-Diyos ay pagiging maka-tao din! Tunay kong mahal ang Diyos kung may pagmamalasakit ako sa kapwa kong nangangailangan. Hinihimok tayo ni Jesus na gamitin natin ang mata ng pananampalataya at hanapin natin siya sa mukha ng ating kapwa. At ito ang mahirap gawin.
Si St. Mother Theresa ng Calcutta ay inihayag ang kanyang sikreto tungkol dito. Para sa kanya, ang matagal na pananatili sa harap ng Banal na Sakramento araw-araw ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon upang makita ang mukha ni Jesus sa mga maysakit at mahihirap. Kaya nga hindi rin maaring isantabi ang pagsisimba at pagdarasal at sabihing tumulong na lang tayo sa ating kapwa. Mas nagiging tama ang ating intensiyon sa pagtulong kung alam natin ang dahilan kung bakit natin ginagawa ito.
Sikapin nating ugaliin ang pagtulong at pagbibigay sa mga nangangaiangan. Tandaan natin na walang nagiging mahirap sa pagbibigay. Kung lubos-lubos ang biyayang ating tinatanggap sa Diyos ay dapat na lubos-lubos din ang ating pagbibigay. Kapag tayo ay nagbibigay ay napaparangalan natin si Jesus bilang ating Hari... ang Hari ng Awa at Pag-ibig! Mabuhay si Kristong Hari!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento