Sabado, Marso 27, 2021

MAHAL NA ARAW... BANAL NA ARAW: Reflection for the Sunday of the Lord's Passion / Palm Sunday - March 28, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sinisimulan natin ngayon ang SEMANA SANTA o ang MGA MAHAL NA ARAW.  Nagsisimula ito sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas o Palm Sunday na kung saan ay gingunita natin ang marangyang pagpasok ni Jesus sa Jersalem at ang mainit na pagtanggap ng mga tao roon kay Jesus bilang "Anak ni David" o ang kanilang tagapagligtas.  Tinatawag din itong "Passion Sunday" sapagkat sa araw na ito ay sinisimulan natin ang "Passion Week" na kung saan ay pagninilayan natin sa buong linggong ito ang misteryo ng paghihirap at pagkamatay ni Jesus.  Sa katunayan ay binasa na natin ng maaaga ang pasyon ng kanyang paghihirap sa ating Ebanghelyo.  

Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin?  Hindi ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama't mas tama ang pagsasalin sa tagalog na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal".  May kuwento na minsan daw ay may isang magnanakaw na pinasok ang bilihan ng mga alahas ng madaling araw.  Nagawa niyang makapasok sa loob na pinaglalagakan ng mga alahas ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas ay pinagpalit-palit niya ang mga presyo nito.  Ang mga mamahaling alahas ay naging mura ang halaga at ang mga pekeng alahas naman ang naging mahal ang presyo.  Kinaumagahan ay bumalik ang magnanakaw at binili ang ang mga mamahaling alahas sa murang halaga... ang mahal naging mura... ang mura naging mahal!  

Kung ating titingnan ay ganito rin ang nangyayari sa pagdiriwang natin ng Semana Santa, ang mga Mahal na araw ay nagiging "mumurahin".  Hindi na nabibigyang halaga.  Kapag sinabi mong "mahal"  maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi kundi sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! 

 Ang "MAHAL" din ay nangangahulugang "close to our hearts o dear to us." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito!  Katulad ng nangyari sa kuwento ay hindi na natin nakikita ang mga tunay na mahalaga sa mga araw na ito.  Sa halip na magnilay at manalangin ay pinagpapalit natin ang "presyo" sa mga walang kabuluhang bagay.

Hindi ko alam kung nakatulong ang mas istriktong pagpapatupad ng NCR- Plus Bubble dito.  May mga ilan kasi sa atin na ang mga Mahal na Araw ay pagpunta sa isang magandang beach tulad ng Boracay.  Kahapon sa balita ay may taong nagrereklamo sa airport dahil naabutan sila ng travel ban, papunta sana sila ng Boracay para doon mag Holy Week, pero dahil "non-essemtial travel" nga ang vacation tour ay hindi sila napayagan.  "Buti nga!"  sabi ko sa aking sarili.  Pinagpapalit kasi nila ang "Mahal at Banl"  sa walang saysay na gawain.  Mabuti na lang at restricted pa rin ang panood ng sine at pagpunta sa mga "amusement park" o shopping malls!  Marami pa rin kasi na pinagpapalit ang pagdarasal at pagninilay sa pamamasyal!  Huwag din naman sanang gugulin natin ang mga araw na darating para matulog na lang ng buong araw.  Kung nais nating magpahinga ay magpahinga tayo sa Panginoon, "Rest with the Lord" sana ang ating gawin sa buong Linggong ito.  Puwede tayong magpunta ng Simbahan o kaya naman ay sumunod at makibahagi "on-line" sa mga pagdiriwang na gagawin sa ating mga parokya.   

Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula sa Lunes ang tawag natin sa mga araw na ito ay Lunes Santo, Marters Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo at Biyernes Santo... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Makiisa tayo sa mga espirituwal na gawain ng ating parokya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ibinigay ng Simbahan upang palalimin ang ating buhay kristiyano. 

Bagamat sa darating na mga Mahal na Araw ay balik muli tayo sa Enhance Community Quarantine, at dahil d'yan ay muling isasarado ang mga Simbahan at sa ON-LINE na naman tayo magkikita-kita, ay ipakita pa rin natin na mahalaga sa atin ang mga araw na darating!  Gawin natin MAHAL AT BANAL ang mga ito.  Ang tanging panalangin ko lang talaga na sana ay maituring ng "essential" ang pagsismba at pagpunta ng Simbahan.  Masyado ng mahaba ang "quarantine".  Marami na ang hindi nagdarasal.  Nahinto na naman ang sama-samang pagsamba.  Nagsara na naman ang ilang simbahan.  Pero huwag tayong mabahala dahil lagi namagn bukas ang puso ng Diyos para sa atin.  

Mag-ingat tayo at baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabibigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang naman.  Makiisa tayo sa paggunita sa dakilang paghihirap ng ating Panginoong Jesus. Tandaan natin ang sinabi ni San Pablo na "kung mamatay tayong kasama ni Kristo tayo rin ay makakasama niya sa kanyang muling pagkabuhay."

Biyernes, Marso 19, 2021

MAGANDANG BUHAY: Reflection for the 5th Sunday of Lent Year B - March 21, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

MAGANDANG BUHAY!  
"Father, bakit laging kang bumabati ng MAGANDANG BUHAY sa simula ng homily mo?"  tanong ng isang parokyano sa akin.  Ang sagot ko sa kanya, "Mabuti na yun kesa naman, batiin ko kayo ng MAPANGIT NA BUHAY... Gusto n'yo ba yun?"  Siguradong akong ayaw natin ng malas at problemadong buhay.  Ayaw nating "bad vibes" ang ating masisinghot sa umaga sa ating paggising. Dahil sabi nga ng isang kakilala kong pari:  "Every GISING is a BLESSING!"  Ang dugtong ko naman dito ay "Every NGUYA is BIYAYA!"  Huwag lang lalabis sapagkat pagsumobra... bulagta!  Bagamat lahat ay biyaya na nagmumula sa Diyos ay parang ang hirap pa rin bumati ng "magandang buhay" sa kasalukuyang panahon ngayon na nakikita na naman natin ang pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng COVID19.  Ang dami na namang pagbabawal.  May mga curfew na namang pina-iiral.  Hindi na namang pinapayagang lumabas ang batang 17 pababa at mga "super seniors".  Bawal na naman ang malalaking pagtitipon.  Tila baga bumalik na naman tayo sa paghihigpit noong nakaraang taon?  Saan dito ang sinasabi nating "magandang buhay?"   

Ang pagbati ng MAGANDANG BUHAY ay pagbating punong-puno ng pag-asa at ligaya.  Kaya nga ginagamit ko ito kapalit ng magandang umaga o magandang gabi.  Mas maganda nga naman talaga ang pagbating ito sapagkat ang buhay ang pinakamahalagang kaloob sa atin ng Diyos at kapag ito ay ating ibinabahagi sa iba ay para na ring ibinibigay natin ang Kanyang pagpapala sa mga taong ating nakakasalubong at nakakatagpo.  Tunay naman talagang "maganda ang buhay!"  At kapag nabubuhay tayo ng mabuti ang Diyos na nagkaloob sa atin nito ay ating niluluwalhati.  "The glory of God is man ( or woman) who is fully alive!" sabi ni San Ireneo.  

Kaya dapat lang nating pahalagahan ito.  Yun lang nga huwag namang labis ang pagpapahalaga sapagkat ang lahat ng kalabisan ay masama.  Baka sa ating pag-iingat o pag-aalaga ay ikapahamak pa natin ito. Sabi nga ng isang text: "Babala sa mga friends ko na di kumakain ng taba, di nagpupuyat, di nagkakape, di umiinom ng alak, di naninigarilyo. Mabubuhay kang malungkot ! Patay na kaming lahat... buhay ka pa!" hehehe... Hindi ito panghihikayat upang tayo ay malulon sa bisyo.  Hindi rin ito pagbatikos sa mga taong sobra sobra ang pag-iingat sa buhay.  May mga iba na napakarami ang pagbabawal sa buhay, bawal ang pork, hipon, karne, itlog at ba pang pagkain.  Nag-eenjoy pa kaya sila sa buhay nila? Ang motto nga ng isang kaibigan kong maraming dinadalang sakit sa katawan ay: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same... so why not eat and die!"  May pagkapilosopo ang aking kaibigan ngunit kung iisiping mabuti ay may butil ng katotohanan ang nais niyang ipahiwatig. 

Hindi masama ang magmahal sa buhay at mag-alaga ng ating katawan. Ngunit ang labis na pagmamahal ay hindi na natatama.  May babala si Jesus tungkol dito: "Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito..." Markahan ninyo ang salitang... LABIS!  Ibig sabihin wala sa lugar, sobra, di na nakakatulong!  At idinugtong pa niya: "Ngunit ang napopoot sa kanyang buhay ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan."  Hindi ibig sabihin na dapat nating kamuhian ang ating buhay. Ang pagkapoot na sinasabi dito ay ang "paglimot sa sarili upang magbigay buhay sa iba!"  Hinalintulad ni Jesus ang kanyang sarili sa isang butil ng trigo na kinaikailangang mamatay upang magkamit ng bagong buhay.  At ito ay ginawa niya sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus upang tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan. 

Ang kuwaresma ay naayong panahon upang magpraktis tayo ng "self-dying". Hindi "suicide" o pagkitil ng sariling buhay ang pakahulugan nito. Ang "self-dying" ay may kaugnayan sa "self-denial" na nagtuturo sa ating katawan upang maging disiplinado at mapalakas ang ating "will power". Sa self-denial ay itinatanggi natin sa ating katawan ang maraming bagay na hindi naman talagang masama. Ito ay pagtanggi sa mga bagay na nagbibigay ng kasarapan sa ating buhay. Labis na pagkain, panood ng TV, shopping (para sa mga may pera), computer games, labis na pagtetext, at iba pang mga gawain na nakapagbibigay lugod o saya sa ating katawan.  Sa pagsasabi ng NO sa mga bagay na ito ay mas napagtitibay natin ang pagsasabi natin ng YES sa pagtupad sa kalooban ng Diyos.  Patayin natin ang masasamang hilig upang mabuhay tayo na disiplinado at makatulong sa iba. Patayin ang labis na pagmamahal sa sarili upang makapaglingkod sa kapwa!  Hindi lahat pala ng pagpatay ay masama... may pagpatay na buhay ang ibinibigay!
 
May apat akong mungkahi upang maging masaya at mapayapa ang ating buhay at nang sa ganoon ay kapagbigay tayo ng buhay sa iba.  Pang-una: RELEASE the regrets of yesterday. Pangalawa: REFUSE the worries of tomorrow. Pangatlo:  RECEIVE the gifts of the present day. At pang-apat at pinakamahalaga sa lahat:  REMAIN in God's presence.  Isa lang ang ating buhay. Huwag nating sayangin.  Mabuhay tayo ng masaya at maligaya!

MAGANDANG BUHAY SA INYONG LAHAT!  

Biyernes, Marso 12, 2021

ANG DAKILANG PAG-IBIG NG DIYOS: Reflection for 4th Sunday of Lent Year B - March 14, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ang ika-apat na Linggo ng Kuwearesma ay tinatawag na Laetare Sunday.  Ang "laetare" ay salitang Latin na ang ibig sabihin ay MAGSAYA.  Nararapat lang na tayo ay magsaya sapagkat ang Diyos ay nagpakita sa atin ng kanyang malaking pagmamahal sa pamamagitan ng pagsusugo ng kanyang bugtong na Anak para tayo ay mailigtas sa pagkakaalipin ng kasalanan.  Ang sabi nga ni San Juan sa kanyang Ebanghelyo:   "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." (John 3:16)  Ano nga ba ang pag-ibig na tinutukoy dito ni San Juan?  Katulad ba ito ng pag-ibig na karaniwan nating nababasa sa mga romatic novles o napapanood sa mga paborito nating telenobela?  

May isang dalagitang nagpasyang magpakasal.  Subalit marami sa kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan ang tutol sa kanyang desisyon. Ayaw nila sa lalaking kanyang mapapangasawa.  Paano nga naman, ang dalaga ay maganda, matalino, may hanapbuhay, sa isang salita maayos ang buhay.  Samantalang ang lalaki ay tambay, walang pinag-aralan, walang matinong trabaho at higit sa lahat pinagkaitan ng kapalaran ng kaguwapuhan.  Ngunit ayaw patinag ng dalagita. "Siya pa rin ang pakakasalan ko sapagkat I feel in love with him!"  Hnindi maintindihan ng mga tao sa kanyang paligid ang kanyang sinabi, hindi sapagkat ingles kundi sapagkat tila taliwas sa pag-iisip ng isang taong matino kaya't kanyang ipinaliwanag.  "Yes I fell in love with him!  Ang naibigan ko at minahal sa kanya ay hindi ang kanyang mukha kundi ang kanyang puso!"  

Kung minsan nga naman ay totoo ang kasabihang "love is blind!"  Iba kasi ang pamantayan ng mundo sa pagmamahal.  Kaya nga katawa-tawa ang kanta dati ni Andrew E na "Humanap ka ng pangit, ibigin mong tunay!" Ngunit kung ating titingnan ay ito ang ginawa ng Diyos noong ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak para sa atin. Humanap Siya ng pangit at inibig Niyang tunay.  Naging pangit tayo dahil sa ating mga kasalanan. Ngunit sa kabila nito tayo ay lubos Niyang minahal.  Kaya nga sa Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga_Efeso ay nasabi niya na: "Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ng pg-ibig na iniukol niya sa atin..."   At ipinakita ito ng Diyos sa Kanyang patuloy na pagkalinga sa Kanyang "bayang hinirang".  

Sa unang pagbasa ay inilahad ang katapatan ng Diyos sa bansang Israel sa kabila ng kanilang pagtatakwil sa Kanya.  Bagamat nasira ng Jerusalem at napasailalim sila sa pananakop ng mga kanilang kaaway ay gumawa pa rin si Yahweh ng paraan upang muling ibalik sila sa kanilang bayan at muling itayo ang templo ng Jerusalem.  Tunay ngang tapat ang Diyos sa Kanyang pangako!  

Sa Ebanghelyo naman ay inilahad ni San Juan kung paano pinatunayan ng Diyos ang Kanyang malaking pagmamahal sa atin: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."  Kaya nga't sa panahon ng Kuwaresma ay nararapat lang na maunawaan natin ang malaking pagmamahal ng Diyos sa atin at sana ay maging pamantayan din natin ito sa ating pagmamahal sa kapwa.  Hindi natin makikita ang ating pagiging makasalanan kung hindi natin mararanasan ang malaking pagmamahal ng Diyos sa ating lahat.  Ang pag-ibig ng Diyos ay walang itinatangi. Ang pagmamahal Niya ay walang kundisyon. Sana, tayo rin, pagkatapos nating maranasan ang pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos ay magawa rin natin itong maipakita na walang hinihintay na anumang kapalit at walang pinipili.

Ngunit hindi lang tayo minahal ng Diyos.  Tayo rin ay hinirang Niya bilang kanyang mga tunay na anak.  Ang dakilang karangalang ito ang nagpapatunay ng kanyang malaking pagmamahal sa atin.  Ito ang isinasagisag ng langis na tinanggap natin sa binyag.  Ang langis ay nagpapakita ng paghirang ng Diyos sa atin kung paanong hinirang Niya si Jesus bilang Hari, Pari at Propeta.  Sumasagisag din ito sa paglukob ng Espiritu Santo na siyang nagpapabanal sa atin at nagpapaging dapat sa ating paghirang.  Hinahamon tayong isabuhay ang karangalang ito sa pamamagitan ng pagiging buhay na saksi ni Kristo na handang mag-alay ng ating buhay bilang handog at laging handang magpahayag ng kanyang Mabuting Balita sa pamamagitan ng araw-araw ng tapat na pagsasabuhay ng ating pananampalataya. 

Isa sa rin sa mga gawain ng Kuwaresma ay ang pagkakawanggawa.  Ang pagbibigay ng tulong sa mga kapatid nating mahihirap ay ang ating daan ng kabanalan ngayong panahon ng pagninilay sa Misteryo Paskuwa ng ating Panginoong Jesukristo.  Makisa tayo sa kanilang paghihirap bilang pakikiisa sa paghihirap na dinanas ni Kristo.  Matuto tayong umunawa, magpatawad at magmahal ng walang kundisyon o hinahanap na kapalit. Katulad ni Hesus, ibigin natin hindi lang ang mga kaibig-ibig. Hanapin natin ang mga "pangit at ibigin natin silang tunay!

Sabado, Marso 6, 2021

BUHAY NA TEMPLO NG DIYOS: Reflection for the 3rd Sunday of Lent Year B - March 7, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ano ang unang sumasagi sa isip mo kapag narinig mo ang salitang templo o simbahan?  Hindi ba't ang una mong naiisip ay lugar-dalanginan o lugar na kung saan ay nagtitipon-tipon ang mga tao upang magdasal?  Nakakalungkot isipin na dahil sa pandemyang dala ng  COVID19 ay maraming bahay-dalanginan ang nagmistulang museo na bihira ng kakitaan ng maraming tao.  May isang kuwento na minsan daw ay bumisita ang demonyo sa Diyos at nagmamataas na nagsabi: "Kita mo na... isang virus lang pala ang kinakailangan upang "langawin" ang mga simbahan ninyo?  Hindi mo ba napansin na umunti ang mga pagdiriwang ng Misa at ang mga taong dumadalo dito?  Di magtatagal ay magsasara na ang mga simbahan ninyo!"  Kalmado at nakangiting sumgot ang Diyos: "Totoo, parang nabawasan ang bilang mga taong nagsimsimba at nagmistulang nagsasara na ang ilang simbahan.  Pero ang hindi mo alam, mas maraming "simbahan" ang nagbukas ngayon sa kanilang mga tahanan!  Mas maraming pamilya ang muling nagtipon-tipon na nagdarasal... mas maraming puso na ang naging buhay na templo na nagpupuri at nagpapaslamat sa akin!"  

Totoo nga naman... ang templo o ang simbahan ay hindi lamang ang mga bato, o mga poste at haligi, o ang pisikal na straktura na napapalamutian ng magagandang ornamento o disenyo.  Ang sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Korinto (1 Cor 3:10-11, 16-23)  "You are God's temple!"  Tayo ang templo ng Diyos!  Tayo ang bumubuo sa Simbahan!  Ito rin ang mensaheng nais iparating ni Jesus sa atin sa Linggong ito.  Sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay nakita nating galit na galit si Jesus sapagkat tila baga hindi nabigyan ng tamang paggalang ang kanilang templo.  May mga nangangalakal sa loob mismo ng templo at hindi maiiwasan na sa pangangalakal ay may mga nandaraya at nanlalamang sa kanilang kapwa. Pinagtataob ni Jesus ang kanilang mga paninda.  Nang tinanong si Jesus kung ano ang kanyang karapatan para gawin iyon ay may sinabi siyang ikinagulat ng mga Hudyo at mga pinuno ng bayan:  "Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw."  Ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang templong bato kundi ang templo ng kanyang katawan.  Kaya nga't ng muling mabuhay si Jesus pagkatapos ng tatlong araw ng pagkakahimlay sa libingan ay marahil ay naging malinaw sa mga alagad ang kahulugan ng templong kanyang tinukoy na gigibain at itatayong muli.  

Ang Simbahan din ay tinatawag na "Templo ng Espiritu Santo."  At dahil tayo ang bumubuo sa Simbahan, bilang iisang katawan ni Kristo, ay nabahaginan din tayo ng kabanalang ito at tayo ay naging buhay na templo ng Diyos!  Sa pagbubuhos ng tubig noong tayo ay bininyagan ay hindi lamang tayo nalinis sa ating kasalanang taglay ngunit higit sa lahat ay tinanggap natin ang "buhay ng Diyos" at ang kanyang kabanalan.  Ang tubig ng binyag ang nagbigay sa atin ng karangalang tawagin ang Diyos na ating Ama, ituring si Jesus na ating tunay na kapatid, at taglayin natin ang pagiging templong banal sa pananahan sa atin ng Espiritu Santo.

Kaya nga't kung tayo pala ay "Banal na templo" ng Diyos ay dapat mabuhay tayong marangal at banal.  Huwag nating ituring na parang basurahan ang ating katawan; ibig sabihin ay panatilihin nating banal ang templo ng Diyos.  Sa papaanong paraan? Isabuhay natin ang ating pangako sa Binyag na ating tatalikuran ang lahat ng masama at ating sasampalatayanan ang Diyos.  Ito ay ginagawa natin sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos.  Bakit ba natin kailangang sundin ang mga utos ng Diyos?  Kapag bumili tayo ng gamit sa bahay tulad ng mga appliances ay lagi itong may kasamang "Manual". Mahalagang sundan ang manual sapagkat nanggaling ito sa kumpanyag gumawa ng gamit na ating binili. Gayundin naman, nilikha tayo ng Diyos at nag-iwan Siya ng "manual" sa atin. Naririyan ang ating budhi na nagsasabi sa atin kung ano ang tama at mali; ngunit higit sa lahat ay naririyan din ang Kanyang "Sampung Utos" upang ipaalam sa atin ang dapat nating gawin upang maalagaan natin ang buhay na kaloob Niya sa atin. Ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay pagpapakita natin ng paggalang at pagpapahalaga sa templong ito na nananahan sa atin at sa ating kapwa. 

Mataimtim ko bang sinusunod ang mga utos ng Diyos? O baka naman pinipili ko lang ang nais kong sundin? Ang panahon ng Kuwaresma ay laging nagpapaalala sa atin na suriin ang ating mga sarili at tingnan ang ating katapatan sa pagsunod kay Kristo. Alagaan natin ang "templo ng Diyos", pagnilayan natin at isabuhay ang Kanyang mga utos. Sa ganitong paraan tayo magiging banal at mga BUHAY N'YANG TEMPLO!