Ang ika-apat na Linggo ng Kuwearesma ay tinatawag na Laetare Sunday. Ang "laetare" ay salitang Latin na ang ibig sabihin ay MAGSAYA. Nararapat lang na tayo ay magsaya sapagkat ang Diyos ay nagpakita sa atin ng kanyang malaking pagmamahal sa pamamagitan ng pagsusugo ng kanyang bugtong na Anak para tayo ay mailigtas sa pagkakaalipin ng kasalanan. Ang sabi nga ni San Juan sa kanyang Ebanghelyo: "Gayon
na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa
sanlibutan, kaya ibinigay niya ang
kanyang bugtong na Anak, upang
ang sumampalataya sa kanya ay hindi
mapahamak, kundi magkaroon ng
buhay na walang hanggan." (John 3:16) Ano nga ba ang pag-ibig na tinutukoy dito ni San Juan? Katulad ba ito ng pag-ibig na karaniwan nating nababasa sa mga romatic novles o napapanood sa mga paborito nating telenobela?
May isang dalagitang nagpasyang magpakasal. Subalit marami sa kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan ang tutol sa kanyang desisyon. Ayaw nila sa lalaking kanyang mapapangasawa. Paano nga naman, ang dalaga ay maganda, matalino, may hanapbuhay, sa isang salita maayos ang buhay. Samantalang ang lalaki ay tambay, walang pinag-aralan, walang matinong trabaho at higit sa lahat pinagkaitan ng kapalaran ng kaguwapuhan. Ngunit ayaw patinag ng dalagita. "Siya pa rin ang pakakasalan ko sapagkat I feel in love with him!" Hnindi maintindihan ng mga tao sa kanyang paligid ang kanyang sinabi, hindi sapagkat ingles kundi sapagkat tila taliwas sa pag-iisip ng isang taong matino kaya't kanyang ipinaliwanag. "Yes I fell in love with him! Ang naibigan ko at minahal sa kanya ay hindi ang kanyang mukha kundi ang kanyang puso!"
Kung minsan nga naman ay totoo ang kasabihang "love is blind!" Iba kasi ang pamantayan ng mundo sa pagmamahal. Kaya nga katawa-tawa ang kanta dati ni Andrew E na "Humanap ka ng pangit, ibigin mong tunay!" Ngunit kung ating titingnan ay ito ang ginawa ng Diyos noong ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak para sa atin. Humanap Siya ng pangit at inibig Niyang tunay. Naging pangit tayo dahil sa ating mga kasalanan. Ngunit sa kabila nito tayo ay lubos Niyang minahal. Kaya nga sa Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga_Efeso ay nasabi niya na: "Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ng pg-ibig na iniukol niya sa atin..." At ipinakita ito ng Diyos sa Kanyang patuloy na pagkalinga sa Kanyang "bayang hinirang".
Sa unang pagbasa ay inilahad ang katapatan ng Diyos sa bansang Israel sa kabila ng kanilang pagtatakwil sa Kanya. Bagamat nasira ng Jerusalem at napasailalim sila sa pananakop ng mga kanilang kaaway ay gumawa pa rin si Yahweh ng paraan upang muling ibalik sila sa kanilang bayan at muling itayo ang templo ng Jerusalem. Tunay ngang tapat ang Diyos sa Kanyang pangako!
Sa Ebanghelyo naman ay inilahad ni San Juan kung paano pinatunayan ng Diyos ang Kanyang malaking pagmamahal sa atin: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Kaya nga't sa panahon ng Kuwaresma ay nararapat lang na maunawaan natin ang malaking pagmamahal ng Diyos sa atin at sana ay maging pamantayan din natin ito sa ating pagmamahal sa kapwa. Hindi natin makikita ang ating pagiging makasalanan kung hindi natin mararanasan ang malaking pagmamahal ng Diyos sa ating lahat. Ang pag-ibig ng Diyos ay walang itinatangi. Ang pagmamahal Niya ay walang kundisyon. Sana, tayo rin, pagkatapos nating maranasan ang pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos ay magawa rin natin itong maipakita na walang hinihintay na anumang kapalit at walang pinipili.
Ngunit hindi lang tayo minahal ng Diyos. Tayo rin ay hinirang Niya bilang kanyang mga tunay na anak. Ang dakilang karangalang ito ang nagpapatunay ng kanyang malaking pagmamahal sa atin. Ito ang isinasagisag ng langis na tinanggap natin sa binyag. Ang langis ay nagpapakita ng paghirang ng Diyos sa atin kung paanong hinirang Niya si Jesus bilang Hari, Pari at Propeta. Sumasagisag din ito sa paglukob ng Espiritu Santo na siyang nagpapabanal sa atin at nagpapaging dapat sa ating paghirang. Hinahamon tayong isabuhay ang karangalang ito sa pamamagitan ng pagiging buhay na saksi ni Kristo na handang mag-alay ng ating buhay bilang handog at laging handang magpahayag ng kanyang Mabuting Balita sa pamamagitan ng araw-araw ng tapat na pagsasabuhay ng ating pananampalataya.
Isa sa rin sa mga gawain ng Kuwaresma ay ang pagkakawanggawa. Ang pagbibigay ng tulong sa mga kapatid nating mahihirap ay ang ating daan ng kabanalan ngayong panahon ng pagninilay sa Misteryo Paskuwa ng ating Panginoong Jesukristo. Makisa tayo sa kanilang paghihirap bilang pakikiisa sa paghihirap na dinanas ni Kristo. Matuto tayong umunawa, magpatawad at magmahal ng walang kundisyon o hinahanap na kapalit. Katulad ni Hesus, ibigin natin hindi lang ang mga kaibig-ibig. Hanapin natin ang mga "pangit at ibigin natin silang tunay!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento