Totoo nga naman... ang templo o ang simbahan ay hindi lamang ang mga bato, o mga poste at haligi, o ang pisikal na straktura na napapalamutian ng magagandang ornamento o disenyo. Ang sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Korinto (1 Cor 3:10-11, 16-23) "You are God's temple!" Tayo ang templo ng Diyos! Tayo ang bumubuo sa Simbahan! Ito rin ang mensaheng nais iparating ni Jesus sa atin sa Linggong ito. Sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay nakita nating galit na galit si Jesus sapagkat tila baga hindi nabigyan ng tamang paggalang ang kanilang templo. May mga nangangalakal sa loob mismo ng templo at hindi maiiwasan na sa pangangalakal ay may mga nandaraya at nanlalamang sa kanilang kapwa. Pinagtataob ni Jesus ang kanilang mga paninda. Nang tinanong si Jesus kung ano ang kanyang karapatan para gawin iyon ay may sinabi siyang ikinagulat ng mga Hudyo at mga pinuno ng bayan: "Gibain ninyo ang templong
ito at muli kong itatayo sa loob ng
tatlong araw." Ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang templong bato kundi ang templo ng kanyang katawan. Kaya nga't ng muling mabuhay si Jesus pagkatapos ng tatlong araw ng pagkakahimlay sa libingan ay marahil ay naging malinaw sa mga alagad ang kahulugan ng templong kanyang tinukoy na gigibain at itatayong muli.
Ang Simbahan din ay tinatawag na "Templo ng Espiritu Santo." At dahil tayo ang bumubuo sa Simbahan, bilang iisang katawan ni Kristo, ay nabahaginan din tayo ng kabanalang ito at tayo ay naging buhay na templo ng Diyos! Sa pagbubuhos ng tubig noong tayo ay bininyagan ay hindi lamang tayo nalinis sa ating kasalanang taglay ngunit higit sa lahat ay tinanggap natin ang "buhay ng Diyos" at ang kanyang kabanalan. Ang tubig ng binyag ang nagbigay sa atin ng karangalang tawagin ang Diyos na ating Ama, ituring si Jesus na ating tunay na kapatid, at taglayin natin ang pagiging templong banal sa pananahan sa atin ng Espiritu Santo.
Kaya nga't kung tayo pala ay "Banal na templo" ng Diyos ay dapat mabuhay tayong marangal at banal. Huwag nating ituring na parang basurahan ang ating katawan; ibig sabihin ay panatilihin nating banal ang templo ng Diyos. Sa papaanong paraan? Isabuhay natin ang ating pangako sa Binyag na ating tatalikuran ang lahat ng masama at ating sasampalatayanan ang Diyos. Ito ay ginagawa natin sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Bakit ba natin kailangang sundin ang mga utos ng Diyos? Kapag bumili tayo ng gamit sa bahay tulad ng mga appliances ay lagi itong may kasamang "Manual". Mahalagang sundan ang manual sapagkat nanggaling ito sa kumpanyag gumawa ng gamit na ating binili. Gayundin naman, nilikha tayo ng Diyos at nag-iwan Siya ng "manual" sa atin. Naririyan ang ating budhi na nagsasabi sa atin kung ano ang tama at mali; ngunit higit sa lahat ay naririyan din ang Kanyang "Sampung Utos" upang ipaalam sa atin ang dapat nating gawin upang maalagaan natin ang buhay na kaloob Niya sa atin. Ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay pagpapakita natin ng paggalang at pagpapahalaga sa templong ito na nananahan sa atin at sa ating kapwa.
Mataimtim ko bang sinusunod ang mga utos ng Diyos? O baka naman pinipili ko lang ang nais kong sundin? Ang panahon ng Kuwaresma ay laging nagpapaalala sa atin na suriin ang ating mga sarili at tingnan ang ating katapatan sa pagsunod kay Kristo. Alagaan natin ang "templo ng Diyos", pagnilayan natin at isabuhay ang Kanyang mga utos. Sa ganitong paraan tayo magiging banal at mga BUHAY N'YANG TEMPLO!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento