MAGANDANG BUHAY! "Father, bakit laging kang bumabati ng MAGANDANG BUHAY sa simula ng homily mo?" tanong ng isang parokyano sa akin. Ang sagot ko sa kanya, "Mabuti na yun kesa naman, batiin ko kayo ng MAPANGIT NA BUHAY... Gusto n'yo ba yun?" Siguradong akong ayaw natin ng malas at problemadong buhay. Ayaw nating "bad vibes" ang ating masisinghot sa umaga sa ating paggising. Dahil sabi nga ng isang kakilala kong pari: "Every GISING is a BLESSING!" Ang dugtong ko naman dito ay "Every NGUYA is BIYAYA!" Huwag lang lalabis sapagkat pagsumobra... bulagta! Bagamat lahat ay biyaya na nagmumula sa Diyos ay parang ang hirap pa rin bumati ng "magandang buhay" sa kasalukuyang panahon ngayon na nakikita na naman natin ang pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng COVID19. Ang dami na namang pagbabawal. May mga curfew na namang pina-iiral. Hindi na namang pinapayagang lumabas ang batang 17 pababa at mga "super seniors". Bawal na naman ang malalaking pagtitipon. Tila baga bumalik na naman tayo sa paghihigpit noong nakaraang taon? Saan dito ang sinasabi nating "magandang buhay?"
Ang pagbati ng MAGANDANG BUHAY ay pagbating punong-puno ng pag-asa at ligaya. Kaya nga ginagamit ko ito kapalit ng magandang umaga o magandang gabi. Mas maganda nga naman talaga ang pagbating ito sapagkat ang buhay ang pinakamahalagang kaloob sa atin ng Diyos at kapag ito ay ating ibinabahagi sa iba ay para na ring ibinibigay natin ang Kanyang pagpapala sa mga taong ating nakakasalubong at nakakatagpo. Tunay naman talagang "maganda ang buhay!" At kapag nabubuhay tayo ng mabuti ang Diyos na nagkaloob sa atin nito ay ating niluluwalhati. "The glory of God is man ( or woman) who is fully alive!" sabi ni San Ireneo.
Kaya dapat lang nating pahalagahan ito. Yun lang nga huwag namang labis ang pagpapahalaga sapagkat ang lahat ng kalabisan ay masama. Baka sa ating pag-iingat o pag-aalaga ay ikapahamak pa natin ito. Sabi nga ng isang text: "Babala sa mga friends ko na di kumakain ng taba, di nagpupuyat, di nagkakape, di umiinom ng alak, di naninigarilyo. Mabubuhay kang malungkot ! Patay na kaming lahat... buhay ka pa!" hehehe... Hindi ito panghihikayat upang tayo ay malulon sa bisyo. Hindi rin ito pagbatikos sa mga taong sobra sobra ang pag-iingat sa buhay. May mga iba na napakarami ang pagbabawal sa buhay, bawal ang pork, hipon, karne, itlog at ba pang pagkain. Nag-eenjoy pa kaya sila sa buhay nila? Ang motto nga ng isang kaibigan kong maraming dinadalang sakit sa katawan ay: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same... so why not eat and die!" May pagkapilosopo ang aking kaibigan ngunit kung iisiping mabuti ay may butil ng katotohanan ang nais niyang ipahiwatig.
Hindi masama ang magmahal sa buhay at mag-alaga ng ating katawan. Ngunit ang labis na pagmamahal ay hindi na natatama. May babala si Jesus tungkol dito: "Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito..." Markahan ninyo ang salitang... LABIS! Ibig sabihin wala sa lugar, sobra, di na nakakatulong! At idinugtong pa niya: "Ngunit ang napopoot sa kanyang buhay ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan." Hindi ibig sabihin na dapat nating kamuhian ang ating buhay. Ang pagkapoot na sinasabi dito ay ang "paglimot sa sarili upang magbigay buhay sa iba!" Hinalintulad ni Jesus ang kanyang sarili sa isang butil ng trigo na kinaikailangang mamatay upang magkamit ng bagong buhay. At ito ay ginawa niya sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus upang tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan.
Ang kuwaresma ay naayong panahon upang magpraktis tayo ng "self-dying". Hindi "suicide" o pagkitil ng sariling buhay ang pakahulugan nito. Ang "self-dying" ay may kaugnayan sa "self-denial" na nagtuturo sa ating katawan upang maging disiplinado at mapalakas ang ating "will power". Sa self-denial ay itinatanggi natin sa ating katawan ang maraming bagay na hindi naman talagang masama. Ito ay pagtanggi sa mga bagay na nagbibigay ng kasarapan sa ating buhay. Labis na pagkain, panood ng TV, shopping (para sa mga may pera), computer games, labis na pagtetext, at iba pang mga gawain na nakapagbibigay lugod o saya sa ating katawan. Sa pagsasabi ng NO sa mga bagay na ito ay mas napagtitibay natin ang pagsasabi natin ng YES sa pagtupad sa kalooban ng Diyos. Patayin natin ang masasamang hilig upang mabuhay tayo na disiplinado at makatulong sa iba. Patayin ang labis na pagmamahal sa sarili upang makapaglingkod sa kapwa! Hindi lahat pala ng pagpatay ay masama... may pagpatay na buhay ang ibinibigay!
MAGANDANG BUHAY SA INYONG LAHAT!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento