Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Hindi ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama't mas tama ang pagsasalin sa tagalog na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal". May kuwento na minsan daw ay may isang magnanakaw na pinasok ang bilihan ng mga alahas ng madaling araw. Nagawa niyang makapasok sa loob na pinaglalagakan ng mga alahas ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas ay pinagpalit-palit niya ang mga presyo nito. Ang mga mamahaling alahas ay naging mura ang halaga at ang mga pekeng alahas naman ang naging mahal ang presyo. Kinaumagahan ay bumalik ang magnanakaw at binili ang ang mga mamahaling alahas sa murang halaga... ang mahal naging mura... ang mura naging mahal!
Kung ating titingnan ay ganito rin ang nangyayari sa pagdiriwang natin ng Semana Santa, ang mga Mahal na araw ay nagiging "mumurahin". Hindi na nabibigyang halaga. Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi kundi sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo!
Ang "MAHAL" din ay nangangahulugang "close to our hearts o dear to us." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Katulad ng nangyari sa kuwento ay hindi na natin nakikita ang mga tunay na mahalaga sa mga araw na ito. Sa halip na magnilay at manalangin ay pinagpapalit natin ang "presyo" sa mga walang kabuluhang bagay.
Hindi ko alam kung nakatulong ang mas istriktong pagpapatupad ng NCR- Plus Bubble dito. May mga ilan kasi sa atin na ang mga Mahal na Araw ay pagpunta sa isang magandang beach tulad ng Boracay. Kahapon sa balita ay may taong nagrereklamo sa airport dahil naabutan sila ng travel ban, papunta sana sila ng Boracay para doon mag Holy Week, pero dahil "non-essemtial travel" nga ang vacation tour ay hindi sila napayagan. "Buti nga!" sabi ko sa aking sarili. Pinagpapalit kasi nila ang "Mahal at Banl" sa walang saysay na gawain. Mabuti na lang at restricted pa rin ang panood ng sine at pagpunta sa mga "amusement park" o shopping malls! Marami pa rin kasi na pinagpapalit ang pagdarasal at pagninilay sa pamamasyal! Huwag din naman sanang gugulin natin ang mga araw na darating para matulog na lang ng buong araw. Kung nais nating magpahinga ay magpahinga tayo sa Panginoon, "Rest with the Lord" sana ang ating gawin sa buong Linggong ito. Puwede tayong magpunta ng Simbahan o kaya naman ay sumunod at makibahagi "on-line" sa mga pagdiriwang na gagawin sa ating mga parokya.
Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula sa Lunes ang tawag natin sa mga araw na ito ay Lunes Santo, Marters Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo at Biyernes Santo... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Makiisa tayo sa mga espirituwal na gawain ng ating parokya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ibinigay ng Simbahan upang palalimin ang ating buhay kristiyano.
Bagamat sa darating na mga Mahal na Araw ay balik muli tayo sa Enhance Community Quarantine, at dahil d'yan ay muling isasarado ang mga Simbahan at sa ON-LINE na naman tayo magkikita-kita, ay ipakita pa rin natin na mahalaga sa atin ang mga araw na darating! Gawin natin MAHAL AT BANAL ang mga ito. Ang tanging panalangin ko lang talaga na sana ay maituring ng "essential" ang pagsismba at pagpunta ng Simbahan. Masyado ng mahaba ang "quarantine". Marami na ang hindi nagdarasal. Nahinto na naman ang sama-samang pagsamba. Nagsara na naman ang ilang simbahan. Pero huwag tayong mabahala dahil lagi namagn bukas ang puso ng Diyos para sa atin.
Mag-ingat tayo at baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabibigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang naman. Makiisa tayo sa paggunita sa dakilang paghihirap ng ating Panginoong Jesus. Tandaan natin ang sinabi ni San Pablo na "kung mamatay tayong kasama ni Kristo tayo rin ay makakasama niya sa kanyang muling pagkabuhay."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento