May isang nanay na pilit na ginigising ang kanyang anak: "Hoy damuho ka! Gumising ka na at mahuhuli ka na sa misa!" Pamaktol na sumagot ang anak, "Inay, bigyan mo ako ng dalawang magandang dahilan para bumangon ako." Sumagot naman ang nanay, "Iho, ang una ay kuwarenta anyos ka na at di ka na kailangan pang sabihang bumangon. Pangalawa, ikaw ang paring magmimisa! Damuho ka! Tayo na!!!"
Tama nga naman si ina sapagkat WALANG MISA KUNG WALANG PARI at WALA RING PARI KUNG WALANG MISA! Ngayong Huwebes Santo ay may dalawang pagdiriwang: Ang Pagtatatag ng Pagpapari at ang Pagkakatatag ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Dalawang sakramentong kailanman ay hindi mapaghihiwalay. "Ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Sa Banal na paghahaing pinangunahan ng ating Panginoong Jesus ay ibinigay niya sa atin ang dalawang malaking tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Ang pagpapari ay ang simbolo ng pagtitiwala sa atin na bagama't hindi tayo karapat-dapat pinili niya tayo at hinirang upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagliingkod. Ang Eukaristiya ay ang simbolo naman ng kayang katapatan at pagmamahal na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan.
Sa araw na ito, ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating mga pari. Ipagdasal natin sila na manatiling tapat at masigasig sa pagsasabuhay ng kanilang bokasyon. Manatili nawa silang maging mabuting kasangkapan upang ang pagmamahal ng Diyos ay maihatid sa mga tao. Sa araw ring ito ay maramdaman nawa natin ang lubos na pagmamahal sa atin ng Diyos sa tuwing ipinagdiriwnag natin ang Santa Misa. Ang kanyang katawan at dugo ay kanyang inialay upang magkamit tayo ng bagong buhay. Kaya nga't bawat paglapit sa komunyon ay dapat magbigay sa atin ng pag-asa na kaya nating tumulad kay Kristo. Magmahal kung pa'no Siya nagmahal. Magpatawad kung paano Siya nagpatawad. Maglingkod kung paano Siya naglingkod.
Kaya nga ang tawag din dito ay MaundyThursday, ang salitang "Maundy" ay isang Anglo-French na salita na hango sa salitang Latin na "mandatum" na ang ibig sabihin ay "utos na dapat gawin". Sa konteksto ng "Huling Hapunan" ay ibinigay ni Jesus ang "bagong utos" sa kanyang mga alagad: "Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo!" (Jn. 13:34) Sa isang taong malapit ng yumao sa mundong ito, mahalaga sa kanya ang pagbibigay ng huling habilin. Ito ay hindi lamang pangkaraniwang utos na dapat gawin, kundi ito ay naglalaman ng kanyang puso at pagkatao. Mawala man siya sa mundong ibabaw ay mananatili pa rin siyang buhay sa puso ng mga taong tumugon sa kanyang habilin.
Ang "mandatum" ni Jesus na mag-ibigan kayo ay tatak ng isang Kristiyanong may katapatan kay Kristo. Kaya nga't ang Banal na Eukaristiya ay Sakramento ng Pag-ibig. Dito ay ibinabahagi ni Jesus ang Kanyang pagmamahal at dito rin ay ibinabahagi natin sa iba ang pagmamahal na ating tinanggap sa pagiging iisang Katawan ni Kristo. Isabuhay natin ang Dakilang Pag-ibig na ito!
Pagkatapos ng misang ito ng Huling Hapunan ng Panginoon ay tahimik tayong babalik sa ating mga gawain. Dati-rati ay maingay ang pagtatapos ng Misa sapagkat ang bawat isa ay kanya-kanya ng punta sa kanilang "Bisita Iglesya". Masaya ang paligid. Maraming naglalakad lalo na ang mga kabataan, Sama-sama natin sinusuyod ang iba't ibang Simbahan. Ngayon, mananatili muna tayo sa apat na sulok ng ating mga tahanan dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng "Enhanced Quarantine" upang malupig natin ang COVID19. Tandaan natin na may Simbahan din na maaring bisitahin din kahit sa loob ng ating tahanan. Para kay San Pablo, ang bawat isa sa atin ay TEMPLO NG DIYOS. Sa puso natin ay nanahan ang Panginoong Jesus. Punuin natin ito ng pagmamahal at paapawin natin sa mga kasama natin sa bahay na kapwa rin mga "Templo ng Panginoon". Bisitahin natin sila at ibahagi natin ang pagmamahal na nagmumula kay Kristo!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento