Isang fakenews din ay ang sabihing talo ng kadiliman ang liwanag. Kailanman ay hindi magagapi ng kadiliman ang liwanag! Hindi magagapi ng masama ang mabuti. Hindi mapapasailalim ng kamatayan ang buhay! Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay!
Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan.
Sa mata ng mga hindi naniniwala ay isang malaking fakenews na si Jesus ay muling nabuhay. Hindi tinatanggap ang patotoo ng "libingang walang laman." Sa halip na paniwalaan ay pinuno nila ng kasinungalingan ang kanilang puso dahil hindi nila matanggap ang katotohanan. Ito ang nangyayari ngayon sa ating lipunan. Hindi pa rin matanggap ng ilan sa atin, lalo na ang mga naatasang gumawa ng mga batas at panuntunan sa pandemyang ito, na ESSENTIAL ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos. Hindi nila ang makita ang katotohanan na mahalaga ang pagdarasal lalo na ang pagsisimba. Ano ba ang dapat nating ituring na essential? May nakakatuwang nangyari nitong mga nakaraang araw na nag-viral at trending sa social media. Ito ang usapin tungkol sa LUGAW na pinagtatalunan kung ito ba ay essential o hindi. Siyempre ay alam naman natin ang sagot. Essential ito bilang pagkain. Para sa mga mahihirap at lalo na sa mga maysakit, ang lugaw ay napaka-essential na pagkain!
Para sa akin ay ganito rin ang ating pakikipag-ugnayan, kapareho rin ito ng lugaw na essential. Hindi dapat maging dahilan ang mga quarantine na ito, ECQ man o GCQ, upang sabihing hindi essential ang pagdarasal lalo na ang pagsisimba. Kung naniniwala tayo na may kaluluwa tayong dapat alagaan at iligtas ay dapat lang nating ituring na essential ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos! Kaya nga sinususugan ko ang sabi ng isang post sa Facebook na nakita ko: "Let us take L-U-G-A-W this Holy Week and onwards: Listen to the Lord. Understand one another. God's ways are not man's ways. Accomodate especially the last, lost and least. Worship God in words and works." Mahalaga ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at mahalaga din ang kaligtasan ng ating kaluluwa. Ito ay hindi fake news! Huwag maging bingi, bulag at manhid sa katotohanang ito.
Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag.
Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Ito ang tunay na GOOD NEWS at hindi FAKE NEWS. Magpakatotoo tayo sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Iwaksi ang mali at gawin ang tama. Isabuhay natin ang ating mga pangako sa binyag. Kung magiging totoo tayo sa ating mga sarili ay madali na lang magpahayag ng katotohanan sa iba. Hindi tayo manlilinlang ng kapwa. Hindi natin lalamangan sila. Hindi natin ipapahamak ang isa't isa. Maging mga buhay tayong tagapagdala ng Mabuting Balita ni Kristo. Let us be bearers of GOOD NEWS not FAKE NEWS!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento