Mayroon ka bang lubos na kinatatakutan? Noong bata pa ako ay takot na takot ako sa multo! At sino ba sa atin ang hindi? Kahit matanda na nga tayo kung minsan ay tinatayuan pa tayo ng balahibo kapag ito ang pinag-uusapan. At kahit na nga ako ay isang pari na, kung minsan ay pinapangunahan pa rin ako ng takot kapag may lalapit sa akin at magpapabless ng bahay at ang dahilan ay dahil may nagpaparamdam daw sa kanila! Siyempre hindi ko ipanapakitang takot ako ngunit ang lagi kong dinarasal sa aking sarili ay "Lord, huwag sana silang magpakita o magparamdam kapag nagwisik na ako ng tubig dahil mauuna pa akong tumakbo sa kanila!"
Marahil ay karaniwan naman sa atin ang magkaroon ng takot sa mga multo. Sa katunayan, kahit nga ang mga alagad ay nakaramdam din ng pagkatakot sa inaaakala nilang multo nang si Jesus, hindi lang nagparamdam pero nagpakita pa sa kanila. Normal lang na matakot ang mga alagad. Baka nga naman multo ang kanilang nakikita. Saksi silang lahat sa pagkamatay ni Jesus. Kitang-kita nila ang kanyang paghihirap sa krus! Sila ba ay namamalikmata lamang o isang multo ang nasa harapan nila? Ngunit nais ni Jesus na itama ang kanilang maling haka-haka. Ipinakita niya ang kanyang katawan at mga kamay at nagpakuha pa siya ng makakain sapagkat ang multo ay wala namang katawan kaya't imposibleng kumain. Nais Niyang maniwala sila na Siya ay muling nabuhay! Pinanatag ni Jesus ang kanilang takot at nagugulimihanang puso. Ipanuawa niya sa kanila na dapat matupad ang plano ng Diyos para sa kanya.
May mga "multo" rin tayong kinatatakutan sa ating buhay. Ang mga multong ito ay patuloy na nagpaparamdam sa atin at nagbibigay sa atin ng takot upang hindi tayo makapamuhay na masaya at mapayapa. Ang tawag ko d'yan sa ay ang "fear of the present" at "ghosts of the pasts". Isang halimbawa marahil ng fear of the present na ating kinahaharap ngayon ay ang hirap na patuloy na idinidulot sa atin ng pandemyang ito. Kintatakutan natin ang mamatay lalong-lalo na ang mamatay na mag-isa na hindi natin kasama ang ating mga mahal sa buhay! Nakakatakot ang ganitong tagpo at hari nawa ay huwag nating maranasan ito. May isa pang dapat nating katakutan sa kasalukuyan. Ang sabi ng isang nabasa kong post sa facebook: "When I was a child, I was afraid of ghost. As I grew up, I realized that people are more scary." At ano ba ang nakakatakot sa tao? Marami... ngunit sa aking palagay ay mas nakakatakot ang kanyang GREED o kasakiman! Nakakatakot sapagkat nagdadala ito sa panlalamang at pagyurak sa dignidad ng tao. Mas masahol pa ito kaysa sa anumang virus sapagkat pinapatay nito ang angking kabutihan ng isang tao.
Ngunit mayroon din tayong kinatatakutan sa nakaraan. Kung minsan ay may mga pangyayari sa atin sa nakaraan na hanggang ngayon ay hinahayaan nating multuhin tayo sa kasalukuyan. Ang ating ghost of the past ay maaring ang masasamang T.E.R.M. sa ating buhay (Things, Experiences, Relationships at Memories). Kung minsan ay may mga sugat na kung tutuusin ay magaling na naman ngunit ang peklat ay nagbibigay pa rin ng kirot sapagkat hindi natin tanggap na naghilom na ito. Sabi nila "forgive and forget". Hindi totoo yun! Kailanman ay hindi tayo maaaring makalimot sapagkat mayroon tayong pag-iisip na laging bumabalik-balkik sa mga masasakit na ala-ala ng nakaraan. Marahil mas tamang sabihing "Forgive then remember... with healed memories! Wala nang sugat! Magaling na! Ang peklat ay kabahagi na ng nakaraan. Wag nating hayaang multuhin pa rin tayo nito. Dapat ay matuto tayong mag "let go and let God!"
Hayaan nating ang Diyos na magtrabaho sa atin. Lagi nating sundin ang kalooban ng Diyos at ang lahat ay maaayon sa Kanyang kalooban. May mga sandali sa ating buhay na kailangan talaga nating dumaan sa paghihirap at pagdurusa. Ito ang nilinaw ni Jesus sa kanyang mga alagad, na ang "Anak ng Diyos ay dapat magbata ng hirap, mamatay, ngunit pagkatapos ng tatlong araw ay muling mabubuhay!" Sa ating buhay, kinakailangan din nating maramdaman ang "pagkamatay" kung nais nating madama ang biyaya ng "Muling Pagkabuhay!" Ang pagbati ni Jesus ay sapat na upang panatagin ang ating mga takot at pangamba. "Peace be with you!" Ang kapayapaang hatid ni Kristo ang magbibigay sa atin ng lakas ng loob at pag-asa upang mapagtagumpayan ang mga "ghosts of the past" sa ating buhay.
Hayaan nating hilumin nito ang takot sa ating mga puso. Ang kapayapaan ni Kristo ay nangangahulugan ng pakikipagkasundo sa Diyos, sa ating kapwa, sa ating sarili at sa mga pangyayari sa ating buhay. Sumainyo ang kapayapaan ni Kristo! Nais Niya ring ituwid ang kanilang maling pag-aakala tungkol sa Mesiyas, na ang lahat ng nangyari ay naaayon sa plano ng Diyos maging ang kanyang paghihirap at kamatayan.
Kung minsan, ang hirap tanggapin ng Kanyang plano lalo na't kung iba sa ating nais. Kapag hindi nasunod ang gusto natin para tayong batang nagmamaktol, nagtatampo at nagagalit! Sabi ng isang katagang nakita ko sa retreat house: "RELAX... GOD IS IN-CHARGE!" Tama nga naman, kung naniniwala tayo na buhay si Hesus ay wala dapat tayong katakutan! Siya ang dapat na magdikta sa ating buhay at hindi ang multo ng ating lumang sarili o ang takot na dala ng kasalukuyan. Ang Kanyang muling pagkabuhay ay pagpaparamdam ng Kanyang pagmamahal sa atin!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento