Sa kabila ng pagroroll-out ng bakuna at halos dalawang linggong ECQ ay patuloy pa rin ang pagtaas ng mga nagkakaroon ng Covid19. Sa pinakalatest na update kahapon, April 10, ay nakapagtala ng 853, 209 na kabuuang bilang ng mga tinamaan ng virus na ito at 14,744 na bilang naman ng mga namatay. Kaya nga marahil ay hindi pa rin gaaanong magbabago ang lagay ng ating quarantinne. Nakapanlulumo ngunit dapat nating aminin na dumarami na ang namamatay at ilan sa kanila ay mga kakilala natin at naging bahagi ng ating buhay. Kapag may namamatay ay lagi nating sinasabing: "May you rest in peace." Bakit nga ba sa kamatayan lang tayo nakapagpapahinga? "Why do we only rest in peace? Why not LIVE IN PEACE?"
Kung ating pagninilayan ang kahulugan ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ay makikita natin ang biyayang nais niyang ipagkaloob sa atin. Ano ba ang biyayang dala ng kanyang muling pagkabuhay? Nang magpakita si Jesus sa mga alagad ay ito ang kanyang pambungad na bati: "Sumainyo ang kapayapaan!" Hindi lang isa ngunit tatlong ulit niyang sinabi ito. Sa Bibliya ang pag-uulit ay naghahayag ng kahalagahan. Kapayapaan ang hatid ng muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ang pumawi sa kaguluhan ng isip at pag-aalinlangan ng mga alagad. Ito ang sumakop sa kamatayang dulot ng kasalanan. Ito ang nagbigay daan sa liwanag na dala ng kadiliman ng kasalana. Ang muling pagkabuhay ni Kristo ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at kapayapaan. Ngunit paano ba natin maibibigay ang kapayapaan?
Kung minsan, may pagbibigay ng kapayapaan na hindi tama! Paano ba natin nakakamit ito? Posible nga bang maranasan ang kapayapaan? Sabi nila ang kapayapaan daw ay mararanasan mo lang kapag patay ka na. Kaya nga R.I.P. ang inilalagay sa puntod ng mga yumao... Rest in Peace! Patay na siya... payapa na siya! Sa katunayan ay parang ibong napakailap nito kaya siguro hanggang ngayon ay naghahanap pa rin tayo ng kapayapaan. Sa ating bansa ay isa ito sa nais nating makamtan lalo na sa mga kapatid natin na nasa bundok at nakikibaka sa marahas na pamamaraan. Naririyan pa rin ang problema sa usaping pangkapayapaan ng pamahalaan laban sa mga NPA na hanggang ngayon ay wala pa ring maliwanag na katugunan. Nakakabahala ang pagpasa sa anti-terror bill na kung saan ay may mga probisyon na nabibigyang katwiran ang RED TAGGING na ginagawa sa mga nais maghayag ng kanilang saloobin na laban sa pamahalaan. At mas lalo sigurong nakakabahala ang "All Out War" o "kill, kill, kill" sa mga taong itinuturing na salot ng lipunan para lamang makamit ang kapayapaan at kaayusan sa ating lipunan. Kung gayon ay paano ba natin ito makakamit?
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ay may nais ipahayag sa atin kung papaano natin ito makakamit at maibabahagi sa iba. Ang kapayapaang hatid ni Kristo sa mga alagad ay kapayapaang naghahatid ng awa at habag. Sa halip na sumbatan ni Jesus ang mga alagad sa kahinaan ng kanilang pananampalataya ay pagpapatawad ang kanyang hatid sa kanila. Ang mga katagang "Sumainyo ang kapayapaan" ay nagpapakita ng pagmamahal at pagpapatawad ni Jesus sa kanilang kahinaan at kakulangan ng pananampalataya. Kahit kay Tomas na may katigasan ang puso at dumating pa sa paninindigang "to see is to believe", ay hindi nagalit si Jesus. Bagkus ay pinaalalahanan Niya si Tomas na "Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na... Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita!"
Ngayong ikalawanng Linggo ng Muing Pagkabuhay ang ang kapistahan ng "Divine Mercy". Sariwa pa rin sa atin ang tema ng pagdalaw ng Santo Papa Francisco: Mercy and Compassion, o Awa at Malasakit. Maibabahagi natin ang kapayapaang kaloob ni Kristo kung una sa lahat ay naranasan natin ang awa at malasakit ng Diyos. Siya ang bukal ng awa at habag at ito ang Kanyang alok sa atin upang mapuno ang ating puso ng Kanyang pagmamahal. Pangalawa, pagkatapos nating maranasan ito ay dapat na makapagpakita tayo ng AWA at MALASAKIT sa ating kapwa. Kapag kaya nating akuin ang paghihirap ng iba, lalong-lalo na ng mga mahihirap at magdala ito sa pagpapadama ng awa, ay doon lamang magkakaroon ng kapayapaan sa ating mga puso.
Naniniwala ako na ang kapayapaan ay dapat muna na nasa atin bago natin maibigay sa iba kaya dapat tayo ang unang nagpapakita ng awa at malasakit sa ating mga sarili. Mahal mo ba ang buhay mo? Inaalagaan mo ba ang katawan mo? Baka naman inaabuso mo ito at mas masaklap binababoy mo ang iyong sarili? Nagiging tulay ba tayo ng awa ng Diyos sa iba? Anong pagmamalasakit na ba ang aking ginawa sa mga taong naghihirap? Marami tayong katangungang dapat sagutin kung nais nating maghari ang kapayapaan sa ating puso... sa ating mundo.
Nawa sa ating pang-araw-araw na buhay ay lagi tayong maging tagapagdala ng kapayapaan. Gawin nating pansariling panalangin ang panalangin ni San Franciso ng Asisi... "Lord, make me a channel of your peace!" Ang kapayapaang nasa ating sarili at naibabahagi natin sa iba ang biyaya ng Muling Pagkabuhay ni Kristo!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento