May kwento ng isang batang nakakita ng "pupa" na malapit ng maging paru-paro na nakasabit sa isang puno. Tamang-tamang nakita niya ang unti-unting paglabas ng tila isang uod sa kinalalagyan nitong cocoon. Nakita ng bata ang hirap na hirap na pagpupumilit nitong lumabas. Sa sobrang habag nito ay kumuha siya ng gunting at ginupit ang pupa. Nakalabas naman ang kaawa-awang nilalang ngunit sa laking pagkadismaya niya ay isang "malnourished na paro-paro" ang kanyang nakita na hindi halos maibukas ang di pa kumpletong pakpak. Hindi naunawaan ng bata na kinakailangan talaga nitong maghirap sa paglabas upang makakuha ng kinakailangang "fluids" sa katawan at magamit ito upang magkaroon ng isang malakas at magandang pakpak upang maging isang ganap na paruparo.
Ang ID ng isang Kristiyano para makapasok sa pintuan ng langit ay katulad din ng ID na ginamit ni Jesus para makamit ang kaluwalhatian ng pagkabuhay... ang KRUS NG PAGPAPAKASAKIT AT PAGHIHIRAP. Kaya nga sa panahon ng Kuwaresma ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Jesus. Sa panahong ito ay hinihikayat tayong pagnilayan ang tinatawag na "Passion of the Cross". Sa katunayan, isang debosyon na dinarasal tuwing sa panahon ng Kuwaresma ay ang "Daan ng Krus". Sapagkat ito ang daan na piniling tahakin ni Jesus. Sa katunayan ay maari namang iligtas ni Jesus ang tao sa paraang mas madali at walang paghihirap. Pero bakit niya pinili ang mahirap at masakit na paraan? Ito ay upang ipaalam sa atin ang laki ng kanyang pagmamahal na hindi kailanman mapapantayan at mababayaran. Ngunit alam naman nating hindi nagtapos sa paghihirap at kamatayan ang pag-aalay ni Jesus ng buhay, ito ay magbibigay daan sa kanyang kaluwalhatian... ang kanyang muling pagkabuhay!
Ang Ebanghelyo sa tuwing ikalawang Linggo ng Kuwaresma ay tungkol sa "Pagbabagong Anyo ni Jesus" na nasaksihan ng kanyang tatlong piling alagad na sina Pedro, Santiago at Juan noong sila ay dinala ni Jesus sa bundok ng Tabor. Sa anung kadahilanan sila dinala ni Jesus? May layunin si Jesus kung bakit sila isinama. May mensahe siyang nais ipabatid sa kanila upang maunawaan nila kung sino ba talaga siya at kung ano ang dapat niyang maging misyon. "Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanayang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang harapin ni Jesus ang Kanyang paghihirap at kamatayan. Kailangan N'yang daanan muna ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay.
Bakit kinakailangan masaksihan ng mga alagad ang pagbabagong anyo ni Jesus? Batid na ni Jesus ang kanyang daang tatahakin upang masunod ang kalooban ng kanyang Ama ngunit hindi ng kanyang mga alagad. Ang "Daan ng Krus" na pinili ni Jesus na tahakin ay siguradong magpapahina sa kanilang kalooban. Kaya't minabuti ng Panginoon na bigyan sila ng sulyap ng kaluwalhatiang mayroon siya. Ang kanyang pagbabagong-anyo at ang paglabas sa kanyang tabi ng dalawang dakilang tao ng Lumang Tipan si Moises at si Elijah, ay sapat ng patunay upang mapasigla at mapalakas ang puso ng mga alagad sa sandaling masaksihan nila ang paghihirap ni Jesus. May kaluwalhatian sa kanyang pagbabagong-anyo, ngunit bago makamit ito ay dapat munang tahakin ni Jesus ang "Daan ng Krus" na inilatag sa kanya ng kanyang Ama.
Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin. 'Wag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. Ito ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus. May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin. Magsakripisyo tayo sa matapat na pagtupad ng ating mga tungkulin ito man ay maliit o malaki. "Sacrum facere" ang pinagmulan ng salitang "sacrifice". Dalawang salitang Latin na ang ibig sabihin ay "to make holy" o gawing banal. Tandaan natin na sa tuwing tayo ay gumagawa ng sakripisyo ay nagiging banal tayo. Ibig sabihin ang paghihirap na dala ng ating pagtratrabaho, pag-aaral o simpleng pagtupad ng ating mga gawaing bahay ay maaring magpabanal o magpabuti sa atin.
Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin. 'Wag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. Ito ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus. May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin. Magsakripisyo tayo sa matapat na pagtupad ng ating mga tungkulin ito man ay maliit o malaki. "Sacrum facere" ang pinagmulan ng salitang "sacrifice". Dalawang salitang Latin na ang ibig sabihin ay "to make holy" o gawing banal. Tandaan natin na sa tuwing tayo ay gumagawa ng sakripisyo ay nagiging banal tayo. Ibig sabihin ang paghihirap na dala ng ating pagtratrabaho, pag-aaral o simpleng pagtupad ng ating mga gawaing bahay ay maaring magpabanal o magpabuti sa atin.
Ang pagbibigay din ay nangangahulugan ng paggawa ng sakripisyo. Bakit? Sapagkat sa tuwing tayo ay nagbabahagi ng kung anung mayroon tayo ay may nawawala sa atin. Kaya nga ang kawang-gawa sa panahon ng Kuwaresma ay isang uri ng pagbabanal para sa atin. Kasama ng malalim na panalangin at pag-aayuno o abstinensiya, ang kawangga ay maaring maging daan natin sa kabanalan. Kaya nga may dapat patunguhan ang ating mga sakripisyo at iyon ay walang iba kundi ang pagtulong o pagkakawang-gawa sa ating kapwa. Tangkilikin natin ang "Alay-Kapwa" na ating isinasabuhay tuwing panahon ng Kuwaresma ng sa gayon ay magiging mas makatotohanan ang pagdarasal at pagsasakripisyo na ating gagawin.
Sa araw na ito ay pinagsuot tayo ng kasuotang kulay puti. Bahagi ito ng katekesis na nais ibigay sa atin ng Simbahan para sa ika-limangdaang anibersaryo ng ating pananampalatayang Kristiyano dito sa Pilipinas. Nais bigyang diin nito ang "kaluwalhatian" at "karangalang" ating tinanggap noong tayo ay bininyagan. Kung paanong si Jesus ay nagbagong anyo at "nagningning ang kanyang kasuutan
na naging puting-puti" ay gayun din ang nangyari noong tayo ay bininyagan. Tinaggap natin ang dakilang karangalan bilang mga anak ng Diyos na siyang sinasagisag ng puting damit na isinuot natin. At ang hamon sa atin ay panatilihin nating malinis at walang bahid dungis ang karangalang ito.
Ang sabi ni San Pablo: "If we died with Christ, we believe that we shall also rise with him!" Ang "Daan ng Krus" ay ang ID na dapat ay suot-suot natin kung nais nating makapasok sa pintuan ng langit kasama ng "puting kasuotan" o karangalan ng isang pagiging anak ng Diyos. Ngayon maiintindihan na natin kung bakit ko sinabing NO PAIN, NO GAIN. NO GUTS, NO GLORY. NO ID, NO ENTRY!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento