Sinimulan natin noong nakaraang Miyerkules ng Abo ang ating apatnapung araw na paglalakbay sa panahon ng Kuwaresma o ang ating Lenten Journey. Ano ba ang Kuwaresma? Ang Kuwaresma ay ang apatnapung araw na paghahanda natin para sa pagdiriwang ng Misteryo Paskuwa ni Jesus: ang kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay. Ngunit hindi lang ito mga araw ng paghahanda. Ito rin ay mga araw ng pagdidisiplina sa ating sarili sapagkat "malakas ang ating kalaban". Sa katanuyan ang Kuwaresma ay maaring tawaging "taunang pagsasanay sa pagiging mabuting kristiyano." Pansinin na sa Panahon ng Kuwaresma tayo ay hinihikayat na magdasal, mag-ayuno at magkawangga. Sinasanay natin ang ating mga sarili sa tatlong gawaing ito upang mailayo natin ang ating sarili sa kasalanan at nang sa gayon ay mapalapit naman tayo sa Diyos. Hindi ba't ito ang ibig sabihin ng pagiging mabuting Kristiyano? Pagtatakwil sa kasalanan at pagsampalataya sa Diyos na siyang ipinangako natin sa binyag. Ano bang malakas na kalaban ang ating pinaghahandaan? Walang iba kundi ang TUKSO ng demonyo na mahirap tanggihan o labanan kapag ito ay nasa atin ng harapan.
May kuwento na minsan ay may isang lalaki na nagdiwang ng kanyang kaarawan. Laking gulat niya na pagkagising niya sa umaga ay walang bumati sa kanya. Walang pagbati mula sa kanyang asawa at mga anak. Parang isang ordinaryong umaga lang ang nangyari... abala ang nanay sa paghahanda ng agahan at nagmamadali ang mga anak sa pagpasok sa eskwela. Maging sa pagpasok niya sa opisina ay tila walang nakaalala ng kanyang kaarawan. Mula sa security guard hanggang sa kanyang mga kaibigan ay walang bumati sa kanya. Kaya't gayun na lamang ang kanyang pagkalungkot. Mabuti na lang at bago matapos ang araw ay nilapitan siya ng kanyang maganda at batang-batang sekretarya at mapanghalinang bumati ng "Happy birthday sir...!" At sinundan pa ng panunuksong "Sir, mamya magcelebrate tayo ng birthday sa apartment ko!" Medyo kinabahan siya ngunit dahil sa sobrang lungkot ay pumayag din s'ya. Pagdating sa apartment ay laking gulat niya sapagkat parang nakahanda na ang lahat. Malamig ang aircon, nakadimlights ang kuwarto, may red wine sa tabi ng sofa. "Sir maghintay ka lang ng kaunti ha? Magpapalit lang ako ng mas kumportableng danit." Lalong kinabhan ang lalaki. Hindi niya alam ang kanyang gagawin. Paglipas ng nga labinlimang minuto biglang bumukas ang mga ilaw at lumiwanag ang paligid. Sabay labas ng mga taong nagtatago at sumigaw ng "HAPPY BIRTHDAY!!!" Naroon pala ang kanyang asawa, mga anak, mga katrabaho at kaibigan. Laking gulat nila ng makita ang lalaki na wala ng suot na pantalon at damit! hehehe...
Ang tao talaga, madaling bumigay sa tukso! Likas sa tukso ang lumapit. Lalapit at lalapit ito sa atin hanggang mahalina niya tayo sa paggawa ng kasalanan. Kaya nga't mali ang sinasabi ng kantang "O tukso layuan mo ako!" sapagkat kailanman ay hindi lumalayo ang tukso sa atin. Sa halip tayo ang dapat na lumayo dito! Tama nga ang kasabihang "Kung ayaw mong SUNDAN ng TUKSO, wag kang UMARTE na parang INTERISADO!"
Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay nilapitan din ng tukso. Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay alam niya kung paano labanan at pagtagumpayan ang tukso. Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma para mapagtagumpayan ang tukso: ang PANALANGIN at PAG-AAYUNO. Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw at gabi ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nangyari nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Ngunit sa kahinaan ng kanyang katawan ay naroon naman ang kalakasan ng kanyang espiritu na pinatatag ng panalangin at pag-aayuno.
Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina. Ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo tulad ng ginawa ni Jesus. Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin at sanayin natin ang ating sarili sa paggawa ng mga sakripisyo. Tapatin natin ang ating mga sarili at tanungin: "Ilang oras ba ang ginugugol ko sa pagdarasal sa isang araw?" Magugulat tayo na kakaunti kung ikukumpara natin sa ibang gawain ang ginugugol natin sa pagdarasal. At lalo na siguro ang paggawa ng sakrispisyo dahil hindi natural sa ating pagkatao ang hanapin ang kahirapan at yakapin ito. Mas nais natin ang buhay na masaya, magaang at maaliwalas! Tingnan natin dalawang gawaing ito:
Una ay ang pagdarasal. Ito ay ang paglalaan natin ng oras para sa Diyos. Sa pagdarasal ay binibigyan natin ang Diyos ng puwang sa ating maabalang pamumuhay. Ano ang parating dahilan natin paghindi tayo nakapagsimba? "Nawalan po ako ng oras sa dami ng aking ginagawa!" Ngunit kung iisipin ay hindi naman dapat tayo nawawalan ng oras para sa pagdarasal sapagkat hindi naman nababawasan ang ating ginagawa magsimba man tayo o hindi. Ang problema marahil ay ang ating "priorities" o pinahahalagahan sa buhay. Kung talagang mahalaga sa 'yo ang panalangin ay maglalaan ka ng oras para dito. Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos. Ito rin ay pakikinig sa Kanya. Madalas kapay ag nagdarasal tayo ay tayo parati ang nagsasalita. Bakit hindi naman nating subukang ang Diyos ang magsasalita sa atin? Magandang ugaliin na sa maraming kaabalahan natin sa buhay ay binibigyan natin Siya ng puwang para mangusap sa atin.
Pangalawa ay pag-aayuno na isang paraan ng pagsasakripisyo. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan. Hindi kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kasarapan sa buhay tulad ng pagkain, libangan, hilig o bisyo. Kapag gumagawa tayo ng pag-aayuno o abstinensiya ay tinatanggihan natin ang kasarapan ng katawan at dahil d'yan ay napapalakas ang ating kaluluwa. Ngunit hin lang nito napapalakas ang ating kaluluwa, nagiging banal din tayo kapag tayo ay gumagawa ng sakripisyo. Sa katunayan ay ito ang kahulugan ng pinanggalingan ng salitang sacrifice sa latin: "sacrum facere" na sa ingles ay "to make holy". Ang paggawa ng sakripisyo ay nahahatid sa atin sa kabanalan!
Magandang ang ating paggawa ng sakripisyo ay may pinatutunguhan. Tuwing Panahon ng Kuwaresma ay hinihikayat tayong magkawanggawa. Ang Simbahan ay may taunang proyekto na ang tawag ay ALAY-KAPWA. Bakit hindi natin ipunin, kung mayroon man, ang salaping matitipid natin sa ating pag-aabstinensiya? Sa bawat Linggo ay may "second collection" na gagawin at magandang dito natin ialay ang mga malilikom natin. Mas magiging makahulugan ang ating pagbibigay kung ito ay mangagaling sa ating paghihirapan ngayong panahon ng Kuwaresma.
'Wag na nating hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at pagkapehin! Huwag natin siyang bigyan ng pagkakataon na aliwin tayo. Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo, panalangin at pagkakawang-gawa ay mapagtatagumpayan natin ang anumang pang-aakit ng diyablo! Tandaan natin na ito ay ginagawa natin sa diwa ng pag-ibig. PRAY is love for God. FAST is love for yourself. GIVE is love for others.
'Wag na nating hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at pagkapehin! Huwag natin siyang bigyan ng pagkakataon na aliwin tayo. Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo, panalangin at pagkakawang-gawa ay mapagtatagumpayan natin ang anumang pang-aakit ng diyablo! Tandaan natin na ito ay ginagawa natin sa diwa ng pag-ibig. PRAY is love for God. FAST is love for yourself. GIVE is love for others.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento