"Life is difficult!" Ito ang panimulang pangungusap ng isang manunulat na si Scottpeck sa Best Seller n'yang libro na pinamagatang "The Road Less Treavelled." Totoo nga namang mahirap ang buhay! Naalala ko yung aming religion teacher noong ako sa 1st Year High School na laging itinuturo sa amin na ang buhay daw ay "hirap... hirap... hirap... ginhawa!" Ito rin ang pinaalala sa atin sa unang pagbasa sa Aklat ni Job: "Ang buhay ng tao'y sagana sa
hirap, batbat ng tiisin at lungkot na
dinaranas." Lalo ngayong panahon ng pandemia ay sigurado akong hindi ninuman maitatanggi ang katotohananng ito. Maraming problema, pagsubok, pasanin... tayong kinakaharap sa buhay!
Nabibigatan ka na ba sa mga suliranain at problemang hinaharap mo ngayon? Paano mo ba hinaharap ang maraming paghihirap na dumarating sa iyo araw-araw bilang isang Kristiyano? Bakit di mo subukang magPASALORD? Hindi natin marahil namalayan ngunit noong nakaraang February 4, ika-12 ng tanghali ay sabay-sabay na dinasal sa buong bansa ang PASALORD PRAYER. Sinimulan ito noong July 7, 2017 ng grupong Pasalord Movement bilang tugon sa maraming kahirapang kinakaharap ngayon ng ating bansa. Maganda ang nais ipahiwatig ng salitang "PASALORD". Sinasabi nito na may mga bagay na hindi natin kayang gawin, may mga prolemang hindi natin kayang lutasin at may mga pasaning di natin kayang buhatin na tanging Diyos lang ang makabubuhat. Kaya nga't kung sa palagay mo ay hindi mo na kayang pasanin ang mga problemang dala-dala mo... ipagPASADiyos mo! Bakit dapat natin ipagPASAlord ang ating mga tiisin at hirap sa buhay? Sapagkat ramdam n'ya tayo. Alam niya ang ating abang kalagayan! Kung minsan ay pinagdududahan natin ang kanyang maka-amang pag-aaruga sa atin. "Lord, mahal mo ba ako?"
Isang ngo-ngo ang despiradong nagdasal sa loob ng Simbahan. Lagi na lang siyang niloloko ng kanyang mga kasama dahil sa kanyang kapansanan kaya madalas siyang nadadala ng depression. Sa sobra niyang pagkalungkot ay buong tapang niyang tinanong ang Diyos kung talagang mahal pa siya nito. Nakita niya ang isang malaking krusipiho sa bandang sacristy at buong lakas niyang sinabi: "Mainoon, maal mo ma ao? (Panginoon, mahal mo ba ako?) Mait ao niloloo ng mga ao? Mait mo ako inawang ngo-ngo? Anung aalanan o? Tahimik ang paligid. Walang sumagot. Kaya't muli niyang isinigaw: "Mainoon maal mo ma ao? Umaot ka kun undi, magpapaamatay ao!" May nakarinig pala sa kanya, ang sakristan na isang ngo-ngo rin na nakasimpatya sa kanyang abang kalagayan kaya't sumagot siyang patago: "Ngo-ngo... maal na maal ita. Iniiip nilay indi maalaa. Maal ita maing ino a man..." Sagot si ngo-ngo: "Mainoon... ngo-ngo a rin?"
Sa Ebanghelyo ay ating narinig na si Jesus ay anging takbuhan ng mga taong nakararanas ng paghihirap dala ng kanilang karamdaman. Naging
takbuhan siya ng mga taong maysakit at inaalihan ng demonyo. Binigyan niya
ng lunas ang kanilang mga hilahil. Subalit siya rin naman ay nabagabag sa
mga hirap na dinaranas ng mga tao. Kaya nga madaling araw pa lamang
ay tumutungo na siya sa isang ilang na pook upang dalhin sa kanyang Ama
ang mga pinapasang hirap ng mga tao. "Madaling-araw pa'y bumangon
na si Hesus at nagtungo sa isang
ilang na pook at nanalangin." Kailan ko ba ipinasa sa Diyos, sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal, ang aking mga hinanaing sa buhay? Itong bang hirap na dala ng pandemiya ay tinuruan akong lumapit sa Panginoon at magtiwala sa kanya? Nakapanlulumong isipin na may ilan sa atin na hindi na nagdarasal, hindi na nagsisimba, hindi na marunong tumawag sa Diyos! Marami sa ating mga Katoliko ang napaniwalang ang pagsisimba ay "non-essential" sa ating buhay.
Kaya maganda sigurong ibalik nating ang ating sigasig sa ating pananampalataya. Kahapon ay nagkaroon ng simpleng sermonya ng pagbubukas ng ika-500 taong anibersaryo ng ating pagiging Kristiyanong bansa. Natutugma ito sa krisis ng pananampalataya na ating kinakaharap ngayon. Simbolikong tinanggap ng mga dumalo ang "Mission Cross" na ipapamahagi din namin sa inyo bilang paalaala na tayong lahat ay mga misyonero na may pananagutan sa ating pagpapalaganap at pagpapalalim ng ating pananampalataya!
Matuto tayong magPASALORD ng ating mga pasanin sa buhay. Magtiwala tayo sa Diyos na hindi niya tayo pababayaan at patuloy siyang mag-aaruga sa atin. Gawin natin ang lahat ng may pagmamahal at ang ating mga pasanin ay magiging magaang. Binayayaan tayo ng Diyos ng kanyang pag-ibig upang maiparamdam din natin sa iba. "We are gifted to give not only our faith but also our love!" Mas nababawasan ang hirap ng buhay kapag marunong tayong magmahal.
1 komento:
Maraming salamat po sa pagbabahaging ito. Napakahusay po at talaga namang nagdadala sa amin sa Diyos. Lablab po father father 🥰🥰
Mag-post ng isang Komento