Happy Valentines Day sa inyong lahat! Ngayon ang Araw ng mga Puso, araw na kung saan ay pinapaalalahanan tayo na dapat tayong magpakita ng pagmamahal sa ating kapwa. Sa pagpapakita ng pagmamahal ay gumagamit tayo ng mga simbolo. May naibigay ka na bang regalo sa minamahal mo? Kung wala pa ay makatutulong ang simpleng tips na ito para naman maging makahulugan ang iyong pagpapakita ng pagmamahal.
Para sa mga "lovers", maganda daw na magbigay ng "Green Roses". Sinasabi nila na ito ay sumisimbolo sa pagmamahal na walang hanggan. Para naman sa "crush" mo, ok ng magbigay ka ng "white chocolates", na sumisimbolo naman sa malinis na pagnanais mo sa kanya. Para naman sa mga "magkaibigan lang" ay puwede na ang "pink baloons" na sumisimbolo naman sa kasiyahan na naibibigay ng presensiya mo sa kanya. At sa huli, para sa mga "pusong sawi" na nadurog ng pagkabigo ay bigyan mo siya ng RED... bigyan mo siya ng RED HORSE, "extra-strong" ha? Para mas maging matatag ang kanyang pagtanggap sa kabiguan! hehehe... Ano pa man ang intensiyon mo sa pagbibigay ay samahan mo ito ng pagmamahal na walang itinatangi at pinipili. Sapagkat ang tunay na pagmamahal ay hindi lang para sa mga taong kaibig-ibig ngunit maging sa ma taong UNLOVABLE.
Kaya nga't para sa isang Kristiyano, ang simbolo ng pag-ibig ay hindi ang puso kundi ang krus. Bakit? Sapagkat ang puso ay TUMITIGL SA PAGTIBOK, samantalang ang nakapako sa krus PATULOY SA PAGMAMAHAL. Ang pagmamahal na ito ay walang pinipili o itinatangi... UNCONDITIONAL LOVE. Ang nakapako sa krus ay patuloy sa pagmamahal lalong-lalo na sa mga taong hindi kaibig-ibig. Sa ating mga pagbasa ngayon ay may mga taong matatawag na "unlovable" sapagkat sila ay iniiwasan, hinihiwalay at pinandidirihan. Sila ang mga "ketongin". Sa Unang pagbasa ay ipinakita ng Aklat ng Levitiko ang kaawa-awang kalagayan ng isang taong may sakit na ketong. "Ang may ketong ay dapat magsuot ng sirang damit, hindi magsusuklay, tatakpan ang kanyang
nguso at laging sisigaw ng 'Marumi!
Marumi!' Hanggang may sugat, siya'y
ituturing na marumi at sa labas
ng kampamento mamamahay na
mag-isa." Ito ay sapagkat ang sakit na ketong ay itinututing na walang lunas at nakakahawa ng panahong iyon. Bagamat ngayon ay may lunas na ang sakit na ketong, gayunpaman ay kinatatakutan pa rin ito ng ilan.
Noong kapanauhan ni Jesus ang ketong ay iniuugnay sa kasalanan. Kaya nga't ang isang may ketong na gumaling sa kanyang sakit ay dapat magpasuri sa mga saserdote. Paano hinarap ni Jesus ang "unlovable" na ito? Sa halip na umiwas ay hinayaan niyang magpahayag ang ketongin ng kanyang saloobin, "Kung ibig po ninyo, mapapagaling n'yo ako!" At dahil sa kanyang pagnanais na gumaling ay ipinagkaloob ni Jesus ang kanayang kahilingan, "Ibig ko, gumaling ka!"
Sa ating kasalukuyang panahon, bilang mga tagasunod ni Jesus, ay tinatawagan din tayong magkaroon ng bukas-pusong pagtanggap sa taong "unlovable." Marahil wala tayong biyaya ng pagpapagaling ngunit tandaan natin na hindi lang naman "physical healing" ang maari nating ibigay. Higit sa "physical healing" ay may tinatawag tayong "spiritual healing" na kung minsan pa nga ay nagsisilbing daan ito upang makamit ng isang maysakit ang ganap na kagalingan. Ang sakit na "ketong" sa ating Ebanghelyo ay sumisimbolo hindi lamang sa pisikal na karamdaman. Ito rin ay tumutukoy sa katayuan ng mga taong hinihiwalay, iniiwasan, pinandidirihan. Ang Simbahan ay dapat magbukas ng pintuan para sila ay tanggapin. Ito ang nais ni Papa Francisco na gawin natin: tangkilikin ang mga kapatid nating nahihiwalay dahil sa ating pagtataboy at malamig na pakikitungo sa kanila. Hindi sapat ang magpakita ng pagmamahal, dapat ay maging kaibig-ibig tayo sa kanila. "To let ourselves be loved!" Hindi ito madali sapagkat nangangahuugan ito na dapat nating labanan ang isang bagay na laging nagsisilbing sagabal upang maging "lovable" tayong mga tao... at iyan ay ang ating sarili. Pansinin ninyo na sa salitang "pride", ang nasa gitna ay ang letrang "I", pareho din sa salitang "sin." At ano ang "I" na ito? Walang iba kundi ang ating sarili, ang ating mapagmataas at mayabang na sarili.
Mahirap unahin ang iba kapag ang sarili natin ang umiiral. Mahirap maging "lovable" sa iba kapag ang pagiging makasarili natin ang naghahari. Mas masahol pa ito sa sakit na ketong sapagkat hinihiwalay nito ang ating sarili sa ating kapwa at sa Diyos. "Let go and let God!" Ito ang susi sa isang buhay na masaya. I-let go natin ang ating pagiging makasarili at hayaan natin ang Diyos na gumalaw sa atin. Sa ganitong paraan mas madali nating mabubuksan ang ating puso at mapakikitaan ng pagmamahal ang mga UNLOVABLE.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento