Martes, Pebrero 16, 2021

HUWAG PAKITANG TAO: Reflection for Ash Wednesday Year B - February 17, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Miyerkules na naman ng Abo! Susugod na naman tayo sa simbahan upang madumihan ang ating noo.
Ngunit dahil ngayon ay pinapairal pa rin ang "no touch policy" may pagbabago tayong gagawin sa pagtanggap ng abo.  Hindi na ito itatak sa ating mga noo bagkus ito ay ibubudbod sa ating bumbunan ayon sa nakaugalian ng mga tao sa Lumang Tipan at bilang pag-iingat na rin upang hindi lumaganap ang COVID19 na hanggang ngayon ay pinangangambahan pa rin ng marami lalo na't may mga bagong variant na lumabas.  Subalit tandaan natin na hindi mahalaga sa Diyos kung saan o paano ilalagay sa iyo ang abo.  Higit na mahahalaga sa Diyos ang estado o kalagayan ng puso mo.  Kung may krus ka ng abo sa iyong noo o sa ibabaw ng iyong ulo, hindi ibig sabihin na sikat ka, o kaya naman ay "pabanal effect" lang ito, o ubod ka na ng linis! Tandaan mo na ang abo sa iyong ulo ay nagsasabing makasalanan ka kaya humihingi ka ng tawad sa Diyos at ang krus ni Kristo lamang ang nagmamay-ari sa iyo at magliligtas sa iyo! 

Ang Miyerkules ng Abo ang nagpapasimula sa ating apatnapung araw na paglalakbay sa Panahon ng Kuwaresma na kung saan ay makikiisa tayo sa paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Panahon na naman na kung saan ay hihikayatin tayong palalimin ang ating buhay panalangin. Panahon na naman na kung saan ay makakaramdam tayo ng gutom sa paggawa ng ayuno at abstinentia.  Panahon na naman upang makapagbigay tayo ng tulong sa ating kapwa lalo na ang higit na nangangailangan.  Ngunit pinaaalalahanan tayo na gawin natin ang mga ito sa tamang diwa at iwasan natin ang pagiging mapagpaimbabaw.

Nakagawian na ni "Pepeng Mandurukot" ang dumaan sa Simbahan ng Quiapo at magdasal sa kanyang paboritong patrong Poong Nazareno pagkatapos ng maghapong pagtratrabaho. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng matalas na mata! Nakadukot ako ng cellphone sa katabi ko kanina sa bus na walang kahirap-hirap!" Bigla siyang may narinig na mahiwagang tinig: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulat siya sa sagot na kanyang tinanggap. Hindi niya ito gaanong binigyang pansin. Kinabukasan pagkatapos ng kanyang "trabaho" ay muli siyang dumaan sa simbahan. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng mabilis na kamay at paa. Hindi ako inabutan ng pulis na humahabol sa akin!" Muling lumabas ang mahiwagang tinig na ang wika: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulumihanan si Pepe at sa puntong ito ay di na napigilang magtanong. "Panginoon, ikaw ba yan? Anung ibig sabihin mong mapalad ako?" At sumagot ang tinig: "Mapalad ka Pepe at mabigat itong krus na pasan-pasan ko. Kung hindi ay ibinalibag ko na ito sa iyo!" hehehe...

Marahil ay kuwento lamang ito ngunit may inihahatid sa ating mahalagang aral: Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at panlabas na pagsasabuhay nito.  Sa ating Ebanghelyo ay tinukoy ni Jesus ang tatlong gawain ng mga Hudyo na kanilang metikulosong isinasagawa:  ang pagsamba o pagdarasal, ang pagkakawanggawa, at ang pag-aayuno.  Sinabi ni Jesus na gawin nila ito ng sikreto at hindi upang makita ng iba upang malubos nila ang gantimpala mula sa Diyos.  "Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang nakaaalam nito. Siya, na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo ng lihim, ang gaganti sa iyo."  

Pinag-iingat tayo ni Jesus sapagkat baka matulad din tayo sa kanila at maging mga tila "modernong pariseo" na mas binibigyan ng halaga ang panlabas na pagpapakita ng pananampalataya.  Marami sa ang tila nagiging mga "banal na aso" at "santong kabayo sa ating buhay Kristiyano.  Ang panahon ng Kuwaresma ay hindi lang pakikiisa sa paghihirap ni Kristo.  Ito rin ay mga araw ng pagdidisiplina sa ating katawan upang mas mangibabaw ang kagandahan ng atin kaluluwa.

May kuwento ng isang dalagita na nagsabi sa isang pari : "Father, di ko na kailangang magfasting ngayong Lent! Matagal ko po'ng ginagawa yan... nagdidieting naman po ako!" "Ineng," ang sabi ng pari, "ang dieting na gingagaw mo ay para maging kahali-halina ang figure ng iyong katawan, ang fasting ay para maging kaaya-aya ang kaluluwa mo."  Ito dapat ang iniisip natin tuwing papasok ang kuwaresma: "Paano ko ba magagawang kahali-halina ang aking kaluluwa?  Paano ko ba mapapabanal ang aking sarili?" Madami na tayong pagdisiplinang ginagawa sa ating katawan. Kung tutuusin ay labis na ang ating pag-aalaga dito. Pansinin mo na lang ang mga produktong lumalabas sa mga advertisements sa television: may non-fat milk, may sugar free na cofee, may mga diet softdrinks, at marami pang iba. Halos lahat ay para sa mapanatili ang magandang pangangatawan. Kailan pa natin pagtutuunan ng pansin ang ating kaluluwa?

Ang panahon ng Kuwaresma ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang mapahalagahan ang ating kaluluwa.  Sa pamamagitan ng pag-aayuno ay madidisiplina natin ang ating kaluluwa. Sa pamamagitan ng panalangin ay mapapalalim natin ang ating kaugnayan sa Diyos. At sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa ay tinatalo natin ang ating pagkamakasarili! Ngunit pansinin na balewala ang lahat ng ito, kahit na ang mismong paglalagay ng abo sa ulo, kung di naman bukal sa ating sarili ang pagnanais na magbago. Muli ay pansinin natin ang mensahe ng ebandhelyo ngayon: Balewala ang paggawa ng mabuti, pagdarasal at pag-aayuno kung pakitang-tao lamang!

Isapuso natin ang tunay na pagbabago! Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa kaibuturan ng puso ng tao at hindi sa panlabas na pagpapakita nito. Pakinggan mong mabuti ang sasabihin ng pari kapag nagpalagay ka ng abo... "Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya sa Ebanghelyo!" Iyan ang tunay na pagbabago at iyan ang dapat na isasaloob natin sa apatnapung araw ng Kuwaresma.











Walang komento: