Sa pagdiriwang ng Kapistahan ni San Juan Bosco ay inaanyayahan tayong panibaguhin, palalimin at isabuhay ang ating pananampalataya. Ang pananampalataya ay hindi lang paniniwala at pagtitiwala. Higit sa lahat ito ay PAGSUNOD sa kalooban ng Diyos. Hindi lang ito paniniwala na may Diyos na makapangyarihan na kayang gawin ang lahat para sa atin. Hindi lang ito pagtitiwala o sentimiyentong pang-unawa na tayo ay mahal ng Diyos at hindi Niya tayo pababayaan. Ito ay pagsunod na sa kabila ng kakulangan ng ating pang-unawa ay sinasabi nating "maganap nawa sa akin ayon sa kalooban Mo!"
Ito ang pananampalatayang buhay na ipinakita ni San Juan Bosco sapul pa sa kanyang pagkabata nang una niyang matanggap ang kanyang misyon na maging Ama at Guro ng mga Kabataan sa pamamagitan ng isang panaginip noong siya ay siyam na taong gulang. Ito'y isang buhay na pananampalatayang nagtulak sa kanya na sa kabila ng kahirapan ay maari siyang maging pari at magsimula ng kamangha-manghang gawain para sa mga kabataan. Ito ang buhay na pananampalatayang nagbigay daan upang itatag niya ang Kongregasyon ng mga Salesianong Pari at Madre at mga samahang laiko upang maging kanyang katuwang sa pag-aaruga sa mga kabataan. Ang pananampalatayang ito ay parang maliit na batong ipinukol sa tahimik na tubig nr isang lawa na gumawa ng "ripple effect" hanggang sa nagmistulang malalaking alon sa karagatan.
Ang pananampalataya ni San Juan Bosco ay gumawa ng malaking "impact" sa mundo ng mga kabataan kaya nga't tama ang ang titulong ibinigay sa kanyang ng Inang Simbahan bilang "Ama at Guro ng Mga Kabataan." Ganito rin ba katatag ang aking pananampalataya? Baka naman mababaw ang aking pananampalataya na katulad ng mga "Katoliko-Sarado" na sara na ang isipan dahil sa mga tradisyong kanilang kinagisnan at mga ritwal na nakasanayan at hindi na matanggap ang anumang pagbabago upang mas lalo pang mapalalim ang kanilang papanalig sa Diyos?
Ngayong pagdiriwang ng ika-500 Taon ng Anibersaryo ng ating Pananampalatayang Kristiyano sa ating Bansa, ay hingin natin sa Diyos ang biyaya na magkaroon ng pananampalatayang tulad ng kay San Juan Bosco, isang malalim at praktikal na pananampalataya na nakatuon sa langit ngunit nakatapak sa lupa... pananampalatayang hindi lang isinasaip o isinasapuso ngunit higit sa lahat... ISINASABUHAY.
"O San Juan Bosco, guro at ama ng mga kabataan, bigyan mo kami ng bukas na isipan. Bigyan mo kami ng pananampalatayang buhay na laging handang sumunod sa kalooban mo. At pagkatapos ng aming paglalakbay dito sa lupa kami'y hintayin mo sa kalangitan.."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento