Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng EPIPANYA o ang Pagpapakita ng Panginoon. May ilang bansa na tinatawag itong "The Second Christmas." Dito kasi nila ginagawa ang pagbibigayan ng mga regalo bilang pag-alala sa paghahandog ng regalo ng mga pantas sa sanggol na Jesus. Para sa ating mga Katoliko, ito ang huling linggo ng pagdiriwang ng Kapaskuhan. Kaya nga't hindi pa rin natatapos ang pagdiriwang ng Pasko! Nakatanggap ka ba ng regalo noong nakaraang Pasko? Kung hindi ay huwag kang malungkot. May kasabihan tayong "huli man daw at magaling ay maihahabol pa rin!" Kapatid, puwede ka pang mabigyan ng regalo ngayon sapagkat ngayon nga ang tinatawag nating "Ikalawang Pasko." Puwede mo pa ring habulin ang ninong at ninang mo na tinaguan ka o kaya naman ay ginagamit na palusot ang pandemya at sinasabing bawal kang lumabas ng bahay at magpunta sa kanila. Sabihin mo sa kanila: "Ninong, Ninang... hindi man ako makalabas ng bahay dahil bawal ngang maglibot ang mga bata, puwede mo namang i-GCASH O PAYMAYA ang aguinaldo ko! Kung gusto mo may paraan, kung ayaw mo may dahilan!" Pero mag-ingat din tayong lahat sa pagtanggap ng regalo. Ang nakabalot na regalo kung minsan ay punong-puno ng sorpresa!
May kuwento ng isang kura paroko na niregaluhan ng kanyang mga parokyano. Dahil sa liit ng kanyang parokya ay halos kilala niya lahat ang mga tao at ang mga kabuhayan nila. May isang batang lumapit na may bitbit na kahon na ang pamilya ay may "bake shop". Sabi ng pari: "Ah, alam ko yang dala-dala mo... cake yan 'no?" Sagot ng bata: "Ang galing mo Father, pano mo nahulaan?" "Obvious ba? e may bakeshop kaya kayo?" Sagot sa kanya ng pari. Lumapit ang ikawalang bata na may dala ring regalo na ang pamilya naman ay may pagawaan ng sapatos. "Alam ko yang regalo mo... sapatos yan!" Sabi ng pari. Laking gulat ng bata at tanong sa pari: "Pano mo nalaman Father?" "Obvious ba? May pagawaan kayo ng sapatos di ba? hehehe" Patawang sagot ng pari. Lumapit ang isa pang bata na may dalang kahon na medyo basa pa ang ilalim. May tindahan sila ng mga alak. Sabi ng pari: "Alam ko yan... alak yan." Hinipo ang basang bahagi ng kahon at tinikman. "Aha! Champagne ito... maasim!" Sabi ng pari. "Hindi po padre!" Sabi ng bata. "Mompo?" "Hindi rin po!" "E, ano ito...?" Sagot ng nakangiting bata: "Tuta po!" Kaya nga sa susunod na pagtanggap ng regalo, ay buksan mo muna at tingnan kung ano ang nasa loob bago mo tikman! hehehe...
Ngunit kung titingnan natin ay kakaiba ang pagbibigayan ng regalo sa Pasko. Ang karaniwang paraan ay tayo ang nagreregalo sa may birthday. Ngunit sa pagdiriwang ng Pasko, ang may birthday ang nagbibigay ng regalo... tayo ang tumatanggap! Ang Epipanya ay nagsasabi sa atin na may Diyos na nagbigay ng dakilang regalo sa atin nang ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayong lahat ay maligtas! Ito ang dakilang pagpapahayag ng Diyos ng kanyang pag-ibig sa atin. Kaya nga ang tawag natin dito ay EPIPANYA.
Kaya nga ang tamang pagbati ay HAPPY EPIPHANY at hindi Happy Three Kings! Kahit saan mo kasi tingnan ay maling-mali ang pagbating ito. Una, hindi naman sila talaga HARI. Wala naman binanggit sa Ebanghelyo ni San Mateo na mga hari ang bumisita kay Jesus. Ang sabi sa Ebanghelyo, sila ay mga PANTAS, mga taong matatalino at may kakaibang kaalaman sa siyensya. Ikalawa, hindi sila TATLO. Wala namang binanggit na bilang ng mga pantas si San Mateo. Ang sinabi ni San Mateo ay may tatlong regalong inihandog ang mga pantas nang matagpuan ang sanggol na Jesus sa sabsaban. Ikatlo, ay parang hindi angkop ang salitang HAPPY sa mga nangyayari sa atin ngayon. Mukhang hindi na masasaya ang mukha ng iba sa atin! Marahil naubos na ang pera noong nakaraang Pasko at Bagong Taon! hehe. Hindi masaya sapagkat nandyan pa rin ang pangamba ng COVID19. Ang tamang pagbati pa rin ay MERRY CHRISTMAS dahil hindi pa naman tapos ang Pasko o kaya ay HAPPY EPIPHANY!
Kung ang pagbati natin ay Happy Epiphany o Maligayang Pagpapakita, ang tanong ay ano ba ang ipinapakita sa atin ng Kapistahang ito? Una sa lahat, ito ay pagpapakita na si Jesus ang tagapagligtas ng lahat maging ng mga hentil. Ang sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso: "sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus." Ang mga pantas ay nagmula sa silangan, ibig sabihin ay hindi sila mga Hudyo. Ipinapakita ng kapistahang ito na si Jesus ay tagapagligtas ng lahat. Ikalawa, ipinakita nito kung sino si Jesus sa pamamagitan ng kanilang tatlong handog na ginto, kamanyang at mira. Ang ginto ay kumakatawan sa pagkahari ni Jesus, ang kamanyang ay sa kanyang pagka-Diyos at ang mira ay sa kanyang pagiging tao. Ikatlo, ipinapakita ng kapistahang ito na ang pagmamahal ay nabibigyang katuturan sa pamamagitan ng PAGBIBIGAY. Ang mga tunay na WISE MEN ay ang mga taong nakakaunawa na "sila rin ay mga regalo!" We are gifts and WE ARE GIFTED TO GIVE! Sa katunayan, ang ating buhay ay regalo na nagmula sa Diyos at kung paano natin ito isinabuhay ay ang ito naman ang regalong ibabalik natin sa Kanya. Tanungin natin ang ating sarili: "Ang buhay ko ba ngayon ay masasabi kong kalulugod na handog sa Diyos?"
Ang slogan ng taong 2021, ang ika-500 Anibersaryo ng Pagsisimula ng ating Pananampalatayang Kristiyano ay "We are Gifted to Give!" Hinahamon tayo ng ating Inang Simbahan na maging mapagbigay sa lahat! Walang pinipili ang Diyos! Lahat ay nais Niyang maligtas. Ang kaligtasan ay alok Niya para sa lahat. Sana, tayo rin ay maging mas "Katoliko" sa ating pagbibigay. Para sa lahat! Walang pinipili. Walang itinatangi.
May magandang ginawa ang mga pantas pagkatapos nilang makita ang sanggol at pagbawalan ng anghel sa panaginip, nag-iba sila ng landas. Hindi sila bumalik kay Herodes. Marahil oras na, na tulad ng mga pantas, na talikuran natin ang DATING DAAN at tahakin ang BAGONG DAAN! Huwag na nating balikan ang malawak na daan ng masasamang pag-uugali at pilitin nating tahakin ang daang makitid ng pagbabagong-buhay! Ang kaligtasang regalo ni Jesus ay para lamang sa mga "wais" tulad ng mga "wise men. At ang mga tunay na "WISE MEN" ay tuloy-tuloy sa "paghahanap" sa Kanya. "Wise men still seek Him." Araw-araw nating hanapin ang Diyos sa ating buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento