Minsan, sa isang Bible Study Group na binubuo ng mga bata ay nagtanong ang kanilang guro. "Pedro, halimbawang nakita mo ang mas bata mong kapatid na nangungupit ng pera sa wallet ng inyong tatay anong sasabihin mo sa kanyang gamit ang Salita ng Diyos?" Sumagot si Pedro: "Pastor, ipapaalala ko po sa kanya ang Deuteronomio 5:16 na nagsasabing: "Huwag kang magnanakaw!" "Magaling!" sabi ng Pastor. "Ikaw naman Pablo, halimbawang makita mong nag-aaway ang iyong dalawang kaibigan, paano mo gagamitin ang Salita ng Diyos para pagkasunduin sila?" tanong ni Pastor. "Aba, e sasabihin ko po sa kanila ang Mateo 5:3 na nagsasabing: "Ibigin mo ang iyong kaaway!" "Magaling! paghanga ng Pastor. "Ikaw naman Juan, halimbawang makita mo ang dalawa mong kalaro na may tangan-tangang pusa sa magkabilang paa at pilit na hinihila sa magkasalungat na direksiyon, anung sasabihin mo sa kanila gamit ang Salita ng Diyos?" Sumagot si Juan: "Pastor, sasabihin ko po ang nakasaad sa Mateo 19:6... "Ang pinagsama ng Diyos 'wag paghiwalayin ng tao!"
Mukhang mali ata ang pagkakagamit ng Salita ng Diyos ni Juan. Ang Mateo 19:6 ay binanggit ni Jesus upang pahalagahan ang pagbubuklod ng Diyos sa mag-asawang ikinasal at hindi sa isang pusang pinag-aagawan ng dalawang bata. "Always read the text in context!" Ito ang turo sa amin ng aming propesor sa pag-aaral ng Bibliya. Sapagkat ang Bibliya ay hindi karaniwang libro. Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store na naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Lalong lalo na, ang Bibliya ay hindi "science book" na magpapaliwanag sa atin ng paglikha ng mundo o ng lagay ng panahon at parating na mga kalamidad.
Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Maari rin nating sabihin na ang Bibliya ay ang "Love Letter" ng Diyos sa atin na nagpapahayag ng kanyang pagmamahal sa kabila ng ating pagiging hindi karapat-dapat.
Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus sa Galilea ng buong sigasig pagkatapos na dakpin si Juan Baustista. Ang buod ng kanyang pangangaral ay: "Dumating na ang
takdang panahon, at malapit na
ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan
ninyo at talikdan ang inyong mga
kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito!" Ang Bibliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon. Kung paanong Siya ay naglibot at nagpahayag ng "mabuting balita" sa mga Hudyo, Siya rin ay patuloy na nagpapahayag ng parehong "mabuting balita ng kaligtasan" na ibinigay niya sa atin. Ang "mabuting balitang" ito ay unang pinagpasa-pasahan sa pamamagitan ng salita o pangangaral, na ang tawag din natin "oral tradition", ngunit kinalaunan ay isinulat ng kanyang mga alagad, na tinatawag ding "written tradition". upang mapangalagaan ang katotohanan nito at upang mas malawak pang maipamahagi ito sa mga tao.
Mapalad tayo sapagkat ang mayroon tayo ngayon ay ang naisayos ng mga aklat ng Salita ng Diyos. Ang Simbahan ang unang nagsikap na pagsama-samahin ang mga ito, bigyan ng patunay ang pagiging makatotohanan nito at sabihing isinulat ang mga ito sa inspirasyon ng Espiritu Santo. Kaya dapat lang nating pahalagahan ang "Mga Aklat" na ito. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga akong tapusin ang mga pocketbooks o magbabad sa "wattpad", bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: "Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan!"
Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Maglaan tayo ng oras para dito. Kapag tayo ay nagdarasal, tayo ay nakikipag-usap sa Diyos. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa at sa kaluluwa ng iba!
At panghuli, subukan din nating ibahagi ang Salita ng Diyos sa ating kapwa. Ito ang ating pagiging misyonero sa ating maliit na paraan. Sa ika-500 Taon ng Pagdiriwang ng Anibersaryo ng ating bansa ay hinihikayat tayong magbahagi. "We are gifted to give." Naipahayag sa atin ang Mabuting Balita. Taas noo nating sinasabing tayo lamang ang Kristiyanong bansa sa Timong-Kanlurang Asia. Tayo lamang ang nabibiyaan nito. Kaya't malaki rin ang inaasahan sa ating magbahagi ng mabuting balita ni Kristo. Ang pananampalatayang mayroon tayo ay regalong galing sa Diyos, at ito rin ang regalong nais Niyang ibahagi natin sa iba. Kung maraming oras tayong kayang sayangin sa mga walang kuwentang bagay o mga gawain na hindi naman talaga mahalaga, bakit hindi natin gugulin ang ating oras sa pagbabasa ng Salita ng Diyos at pagbabahagi nito. Sa panahon ngayon na kung saan ay maunlad na ang teknolohiya ay dapat nating isabay ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Gamitin natin ang mga makabagong paraan tulad ng internet at social media upang mas marami pa ang marating ng Kanyang Mabuting Balita. Basahin, pagnilayan, isabuhay at ipamahagi natin ang Salita ng Diyos! Ito ang dapat gawin ng isang tunay na Bible Christian.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento