Biyernes, Enero 8, 2021

ANAK NA KINALULUGDAN NG DIYOS - Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year B - January 10, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Minsan ay may batang lumapit sa akin at nagtanong:  "Father, si Jesus ba ay "Katoliko?"  Napaisip tuloy ako ng di oras! Ayaw kong magkamali ng sagot kaya't tinanong ko na lang siya: "Bakit mo naman naitanong yun?"  Sagot ng bata: "Kasi po nabasa ko sa Bibiliya na bininyagan din s'ya... Ibig sabihin naging Katoliko s'ya!"  At doon ko natintdihan na marahil ay nalito siya sa Sakramento ng binyag na kanyang tinanggap at sa binyag na tinaggap ni Jesus kay Juan Baustista.  

Sinabi ko sa kanya na magkaiba ang binyag na tinaggap ni Jesus sa ating binyag na tinanggap noong tayo ay naging Katolikong Kristiyano.  Sa katunayan ay hindi naman kinakailangang magpabinyag si Jesus kay Juan Baustista sapagkat ang binyag na ibinibigay ni Juan ay ang binyag para sa pagsisisi ng kasalanan.  Alam naman nating walang kasalanan si Jesus!  Kahit si Juan ay batid ito kaya nga't ang sabi niya "Ako po ang dapat na binyagan ninyo, at kayo ang pa ang lumalapit sa akin!"  Ang ating binyag sa kabilang dako ay totoong nag-aalis din ng kasalanan ngunit ito ay isang "Sakramento" na itinatag ni Jesus upang tayo ay maging mga anak ng Diyos at maging kabahagi ng "Pamilyang Kristiyano Katoliko" na kung saan ay si Jesus ang ulo at tayo ang nagiging bahagi ng kanyang katawan.  Ngunit sino nga ba ang dapat na binibinyagan? 

Isang katolikong matandang mayamang babae ang lumapit sa pari at nagtanong kung maari bang binyagan ang kanyang alagang aso. Napasigaw ang pari na ang sabi: "Ginang, ang binyag ay ibinibigay lamang sa tao at hindi sa hayop! Hindi maaring binyagan ang alaga mong aso!" Sagot ng matanda: "Ay ganoon po ba Father, sayang magdodonate pa naman sana ako ng isang milyong piso para sa simbahan. Hindi na bale, d'yan ko na lang siya sa simbahan ng Aglipay pabibinyagan!" sabay talikod. Panghabol naman ang pari at sinabing: "Ginang, bumalik ka... ba't di mo sinabing Katoliko ang aso mo!!!" 

Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano? Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral. Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang. misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos

Ano naman ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ang pangakong ito ay iniatang sa atin sa pamamagitan ng ating mga magulang at ninong at ninang noong tayo ay biniyagan sapagkat wala pa tayong kakahayan para gawin ito.  Ngunit ngayong may sapat na tayong pag-iisip ay inaako na natin sa ating sarili ang mga pangakong ito.  Sa katunayan ay sinasariwa natin ito lalo na sa Kapanahunan ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter.  Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at banal.  Magagawa natin ito sa simpleng paraan ng pagiging "mabubuting Kristiyano at tapat na mamamayan!"  Lagi nating sundin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng ating mga pagpili at maging maging mabubuti tayong miyembro ng lipunan na handang manindigan sa katarungan at namumuhay na mabuti na isinasalang-alang palagi ang pagtulong sa nangangailangan.  Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano.  Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan.  Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba.

Sa madaling salita ay masasabi nating "isinusugo tayo ng Diyos sa isang misyon" noong tinanggap natin ang Sakramento ng Binyag.  At ngayong taong ito na ipagdiriwang natin ang ika-500 Anibersaryo ng ating Pananampalatayang Kristiyano sa ating bansa, ay pinaaalalahan tayo sa temang dala nito:  YEAR OF MISSIO AD GENTES - Taon ng Misyon sa Mga Bansa  na tayong lahat ay misyonero.  Ibig sabihin ay may pananagutang dala-dala ang binyag na ating tinanggap at may kaukulan itong responsibilidad.  Muli nating panibaguhain ang pagsasabuhay ng kahulugan ng ating binyag bilang mga Kristiyano.  Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano... Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo... lubos na kinalulugdan ng Ama!


Walang komento: