Sabado, Enero 16, 2021

SA KAMAY NG STO. NINO: Reflection for the Feast of Sto. Nino Year B - January 17, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ang Kapisthan ng Sto. Niño ay tinatawag din na "Holy Childhood Day!"  Hindi "ibang Jesus" ang ating pinagdiriwang bagkus ito rin ang Jesus na naghirap, namatay at muling nabuhay ngunit bago mangyari ito ay dumaan muna sa kanyang pagkabata o pagiging "Niño."  Katulad ng debosyon sa Itim na Nazareno, ang Sto. Nino ay debosyong napakalapit sa puso nating mga Pilipino.  Kung iiisipin natin ay nararapat lang sapagkat ang ating pananampalatayang Kristiyano, bilang mga Pilipino, ay naka-ugat sa Sto.  Nino.  Sa katunayan, ito ang unang imaheng ating tinanggap sa mga misyonero noong unang dumaong sa ating isla.  Nalalapit na tayo sa pagdiriwang ng ika-500 taong anibersayo ng ating pagiging Kristiyanong Katolikong bansa at kasama nito ay ang pag-alala sa pagbibigay sa atin ng imaheng ito ng Banal na Sanggol.  Ngunit isaisip sana natin na ng Kapistahan ng Sto. Nino ay hindi lang para sa mga bata.  Ito rin ay para sa ating lahat na minsan ng dumaan sa ating pagkabata o childhood.  Inaanyayahan tayo ng kapistahang ito na "maging tulad ng isang bata."  Bakit? Ano bang meron sa isang bata?  

May kuwento ng isang batang nagdarasal sa simbahan at humihingi ng bisikleta sa Diyos.  Ito ang paulit-ulit na binbanggit niya: "Lord,  bigyan mo naman ako ng bike." Kinabukasan wala siyang natanggap na bisekleta. Kaya nagdasal na naman siya at paulit-ulit na humihingi ng bike.  Pero wala pa rin siyang natanggap.  Kinabukasan napansin ng pari na nawawala ang estatwa ni Mama Mary.  Nakita niya ang isang sulat na nakalagay sa altar.  Ito ang nakasaad sa sulat: "Lord, kung gusto mo pang makita ang nanay mo, ibigay mo sa akin ang bike ko!"  Napakapayak mag-isip ng bata. Simple. Walang pakeme-keme.  Direct to the point!  Puwede rin nating sabihing siya ay tapat at totoo sa kanyang sarili.  Ngunit sa kabila nito ay nakikita rin natin ang kanyang kakulangan at kawalang kakayahan. Sabi ng isang kanta: "Batang-bata ako nalalaman ko 'to. Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan..." 

Ang dalawang katangiang ito ang ating magandang pagnilayan sa kapistahang ito.  Ito rin ang nais ni Jesus na tularan natin sa isang bata.  Ang sabi nga niya sa Ebanghelyong ating binasa:  "Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya."  Kaya't nais ni Jesus na matulad tayo sa mga bata.  Ano ang ibig sabihin nito?  Ano bang mayroon ang bata na dapat nating matularan?  Ang mga bata ay may taglay na kakulangan at katapatan sa kanilang mga sarli. 

Una ang kanilang KAKULANGAN at kawalang kakayahan ay hindi isang kahinaan.  Bagkus ito pa nga ang nagpapatingkad sa isang katangiang dapat taglayin ng isang kristiyano, ang PAGTITIWALA.  Ang kalakasan ng isang bata ay ang kanyang pagtitiwala sa kanyang mga magulang.  Pansinin ninyo kapag ang isang bata ay nawalay sa kanyang ina. Siguradong iiyak siya at hindi siya titigil hanggat hindi nakikita ang kanyang nanay.  Ito rin dapat ang maramdaman nating mga kristiyano kapag nalalayo ang ating kalooban sa Diyos!  At araw-araw ay dapat na ipinapahayag natin ang ating pagtitiwala sa Kanya at inaamin natin ang pangangailangan natin sa Kanya sapagkat Siya ang ating lakas sa sandali ng ating kahinaan.  

Pangalawa ay ang KATAPATAN at pagiging totoo sa sarili.  Ang isang bata ay madaling umamin sa kanyang pagkakamali.  Ang matatanda ay laging "in denial" sa kanilang mga pagkukulang.  Lagi nilang makikita ang kamalian ng iba ngunit hindi ang kanilang mga sarili.  Ang isang kristiyano ay tinatawag sa katapatan at pagiging totoo sa kanyang "identity" bilang alagad ni Kristo.  Hindi puwede ang "doble-karang kristiyano" sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at pakikitungo sa kapwa.  Hindi puwedeng ang dinarasal sa Simbahan ay kabaliktaran ng inaasal natin sa labas.  Nawa ang Kapistahan ng Sto. Niño ay magtulak sa ating umasa sa Diyos at maging tapat sa Kanya.  

Saksi tayo sa mga nangyari nitong nakaraang taon. Hindi lang pandemiyang dala ng COVID19 ang nagpahirap sa atin.  Tinamaan din tayo ng mga bagyo, pagbaha at paglindol.  Marami ngayon ang walang tahanan at ari-arian.  Marami ang lugmok sa kahirapan at walang kasigurahan ang pamumuhay.  Ngunit ang pangyayaring ito ay nagbigay daan din upang lumabas ang malasakit at kabutihan ng ating mga kababayan.  Marami ang nagsasakrisiyo ngayon at patuloy ang pagtulong sa mga nangangailangan.  Ang debosyon sa Sto. Nino ay makapagbibigay sa atin ng lakas upang muli nating ibalik ang ating malakas na pagtitiwala sa Diyos sa gitna ng hirap at dalamhati.  Huwag tayong matakot tumulong at magbahagi.  Ang sabi nga ng isang post sa FB na nakita ko: "As we grow older, you will discover that you have two hands, one for helping yourself, the other for helping others."  At tandaan natin na kapag tayo ay nagbibigay, bagamat nabubutasan ang ating bulsa, ay napupuno naman ng kagalakan ang ating puso kaya't ipagpatuloy natin ang pagpapakita ng kabutihan sa ating kapwa. 

Tandaan nating lahat tayo ay minsan nang dumaan sa ating pagkabata. Ngunit hindi dahilan ang ating pagiging matanda upang hindi na isabuhay ang mga magagandang katangian taglay nila.  Sa katunayan, lahat tayo ay bata sa mata ng Diyos.  Lahat tayo ay NIÑO na nangangailangan ng Kanyang gabay at pagkalinga.  Tandaan lang natin na tayong lahat ay nasa kamay ng Sto. Nino.  Hindi Niya tayo pababayaan.

Maligayang Kapistahan ng Sto. Niño sa ating lahat! VIVA PIT SEÑOR!

Walang komento: