May isang kuwento na hango sa tunay na buhay ng isang paring Inglatero na nagpamalas ng kakaibang kabayanihan. Kasama siya sa mahigit na 1,500 kataong namatay sa barkong Titanic na lumubog noong taong April 15, 1912. Isinalaysay ng ilang mga nakaligtas sa trahedyang ito na may dalawang pagkakataong nailigtas na dapat ng pari ang kanyang sarili ngunit mas pinili niya ang samahan ang mga taong naiwan sa barko at bigyan sila ng lakas ng loob sa pamamagitan ng pagdarasal at pagbibigay ng sakramento ng kumpisal. Ang sabi ni Fr. Thomas Byles: "Be calm, my good people", and then he went about the steerage giving absolution and blessings..."
Ipinakita ng paring ito ang katangian ng isang mabuting pastol. Ang mabuting pastol ay may malasakit sa kanyang mga tupa. Ang wika ni Jesus sa ating ebanghelyo ngayong Linggo: "Ako ang mabuting pastol.
Iniaalay ng mabuting pastol ang
kanyang buhay para sa mga tupa... Ako ang mabuting pastol. Kung
paanong nakikilala ako ng Ama at
siya'y nakikilala ko, gayon din naman, nakikilala ko ang aking mga
tupa at ako nama'y nakikilala nila.
At iniaalay ko ang aking buhay
para sa mga tupa." Hindi pinababayaan ng mabuting pastol na mapahamak ang kanyang mga tupa. Kahit buhay niya ay handa niyang iaalay para sa kanila at lagi siyang handang maglingkod sa kanila. Dito ay mauunawaan natin na ang titulong "mabuting pastol" ay unang iniaangkop natin sa ating Panginoong Jesus. Hindi tayo pinabayaan ng Diyos. Isinugo niya ang kanyan bugtong na anak at ang anak na ito ay nag-alay ng kanyang buhay upang tayo ay maligtas. Ipinakita niya ang kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng mapagkumbabang paglilingkod.
Ito rin ang pagtawag ng Diyos sa bawat isa sa atin. Lahat tayo ay may "bokasyon" o pagtawag na tinanggap mula sa Diyos. Ang bokasyon ay maihahambing sa isang pintuan o bintanang bukas na nag-aanyayang pasukin. Ibig sabihin, ang pagtawag ng Diyos sa atin ay nangangahulugan ng ating pagtanggap sa kanyang paanyaya, paayayang makibahagi sa kanyang buhay. Ginagampanan natin ang pagtawag na ito ayon sa partikular na estado ng ating buhay bilang single, may asawa o kaya naman ay bilang pari o relihiyoso. Ito ay isang buhay-paglilingkod na kung saan inilalaan natin ang ating sarili upang pagsilbihan ang ating mga kapatid na nangangailangan.
Ngayong panahon ng pademya ay nagsisilbing ilaw ng pag-asa ang paglaganap nitong tinatawag nating "community pantry". Nabibigyan nito ng pagkakataon ang marami sa atin na makatulong sa ating kapwa ayon sa ating kakayahan at kakayanan. Masyado nang pinahihirapan ng pandemyang ito ang buhay ng marami sa atin. Ang mas masaklap dito ay sinisira nito ang pag-asa ng marami nating kapatid at pinahihina ang ating pananampalataya sa Diyos. Ngunit sa pamamagitan ng pagbibigay ay kinakalaban natin ang pagiging makasarili at ang kasakiman nating taglay. Nagpapakita rin ito ng malasakit sa ating kapwang naghihikahos sa buhay at pagiging sensitibo sa kanilang kalagayan kaya nga't bawal ang kumuha ng sobra o marami at baka maubusan ang mga mas nangangailangan pa sa iyo.
Ang Panginoong Jesus ay patuloy na kumakatok sa ating puso. Patutuluyin mo ba siya? Ang pintuan natin ay mabubuksan lamang mula sa loob. Kung ayaw natin ay talagang hindi makatutuloy ang Diyos sa ating buhay. May nabasa akong isang magandang quote: "The eyes are the window of the soul. The heart is the door. Open your heart to let love in and out!" Tayong lahat ay tinatawag ng Diyos na magmahal. Kalingain natin ang ating mg kapwang higit na nangangailangan. Huwag tayong matakot sapagkat walang taong nagiging mahirap sa pagbibigay. Ang puso ng mabuting pastol ay mapagkumbabang paglilingkod. Itahimik natin ang ating sarili at ating tanungin kung binubuksan ba natin ang ating puso sa pagtulong sa ating kapwa. Bago matulog sa gabi ay kumuha ka ng isang papel at isulat mo ang mga nagawa mong paglilingkod sa kapwa mong nangangailangan. May maisusulat ka kaya?