Totoo nga namang walang katuturan ang lahat, maging ito man ay kagandahan, katalinunan, angking kakayahan, kapangyarihan o maging kayamanan. "Vanity of vanities, everything is vanity!" sabi nga sa aklat ng Eclesiastes (Ec 1:1) Kaya nga ang sukatan ng mundo sa pagiging dakila ay isang malaking kasinungalingan! Mayaman man tayo o mahirap, may kapangyarihan o mahina, may angking kagandahan man o wala, iisa lang ang ating patutunguhan! Kung gayon ay saan ngayon nakasalalay ang tunay na kadakilaan? Maliwanag ang paalala sa atin ng Panginoon: “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” (Mk 9:35) Hindi pa rin matanggap ng mga alagad na si Jesus, ang kanilang kinikilalang dakilang pinuno ay maghihirap at mamamatay sa kamay ng mga matatanda ng bayan. Hindi pa rin nila matanggal sa kanilang isipan ang isang Mesiyas na marangya! Upang mas lubos nilang maunawaan ay ginamit ni Jesus ang imahe ng isang bata na sa kanilang kultura noong panahong iyon ay mababa ang katayuan sa lipunan. Larawan ang isang bata ng kababang-loob at kapayakan ng pamumuhay. At ito ang nais ni Jesus na matutunan ng kanyang mga alagad: Ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod ng may pagpapakumbaba!
Kaya nga ito rin ay paalala para sa ating lahat na iwaksi ang kayabangan at kapalaluan. Kapag tayo ay puno ng kayabangan ay mas lalo tayong nagiging makasarili at mapanlait sa kapwa. At dahil dito ay hindi natin nakikita ang kabutihan ng iba at sa halip na makatulong ay nakasisira pa tayo ng buhay nila. Ang mga taong mapagkumbaba ay maraming bunga samantalang ang taong mayabang ay wala! Masdan ninyo ang uhay ng mga palay sa bukid. Ang mga uhay na may palay ay nakayuko at mababa samantalang ang mga walang palay ay nakatayo at matayog. Mag-ingat tayo at baka katulad tayo ng mga uhay na nakatayo at matuwid ang tingin sa sarili.
Sa ikatlong linggo ng Panahon ng Paglikha ay hinihimok tayo ng Panginoon na pairalin ang pagiging payak at mapagkumbaba sa ating pamamahala bilang mga katiwala sa mundong ibinigay sa atin ng Diyos bilang ating tahanan. Kung bakit may mga pagsira sa ating kapaligaran at paglapastangan sa ating kalikasan ay sapagkat may mga taong mataas ang pagtingin sa sarili at pinaiiral ang kayabangan. Ang mga taong ito ay handang isakripisyo ang mundo para lamang mapunuan ang kanilang pagkaganid sa kayamanan at kapangyarihan. Ang masamang epekto nito ay nararanasan natin ngayon sa tinatawag nating "climate change" na nagdudulot na ng maraming trahedya sa ating mundo tulad ng tsunami, malalakas na bagyo at labis na pagbaha. Kung maibabalik lang natin ang pagpapakumbaba at payak na pamumuhay ay marahil ay maari nating masolusyunan ang mga problemang ito. Sikapin nating pakinggan ang imbitasyon ni Jesus na "maging katulad ng maliliit na bata."
Ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod. Ang tunay na kasikatan ay nasa pagpapakumbaba! Ngayong ipinagdiriwang natin ang ika-500 taon ng ating pagiging Kristiyanong bansa ang panawagan ng ating Inang Simbahan ay ang maging saksi sa ating pananampalataya sa pamamagitan ng payak at mapagkumbabang paglilingkod sa ating kapwa. Hindi lang ito para sa aming mga pari at mga taong konsegrado. Ito rin ay para sa lahat sapagkat tayo'y nakibahagi sa pagkapari ni Kristo noong tayo ay bininyagan. Sa katunayan ay malapit na nating ipagdiwang ang Linggo ang Pambansang Araw ng mga Layko o "National Laity Week." Paigtingin natin ang responsibilidad ng bawat isa upang ang bawat Layko ay maging magigiting na misyonero sa kasalukuyang panahon na kung saan ang Simbahan ay dumaraan sa matinding krisis at paninira ng mga taong hindi nakakaunawa sa tunay na misyon nito. Ang pagtugon sa panawagan ni Jesus sa paglilingkod ay ang sukatan sa kadakilaan ng isang Kristiyano. Nawa ay maging kapwa lingkod tayo sa isa't isa!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento