Ang bida hindi dapat nasasaktan at kung masaktan man, ang BIDA HINDI DAPAT MAMATAY! Ganito ang ating natunghayan sa Ebanghelyo. Ginawang "bida" ni Pedro si Hesus ng tanungin niya sila kung "sino ba siya sa mga tao." Ibinigay ni Pedro ang tamang kasagutan: "Ikaw ang Kristo!" Ngunit nang marinig mismo ni Pedro sa bibig ni Hesus na siya bilang bida ay maghihirap, itatakwil ng mga pinuno ng bayan at mamamatay ay agad niyang pinagsabihan si Hesus. Hindi niya matanggap na ang kanyang bida ay maghihirap at mamamatay! Dahil dito ay napagwikaan siya ni Hesus: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao."
Hindi ba't kung minsan ay ganito rin tayo mag-isip tungkol sa Diyos? Sino ba ang Diyos para sa atin? Para sa marami ang ating Diyos ay ang "Diyos ng kaginhawaan!" Ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kaunlaran sa pamumuhay. OK ang Diyos kapag maganda ang takbo ng ating buhay. Ayaw natin ang "Diyos ng kahirapan!" Kaya nga't kapag nakaramdam na tayo ng kaunting kahirapan sa buhay ay nagbabago na ang ating pagtingin Diyos. Ang ating mga "aleluya" at "praise the Lord" ay napapalitan ng "Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako ginaganito? Mabuti naman akong tao. Nagdarasal naman ako. Nagsisimba. Nag-aabuloy sa simbahan..."
Tandaan natin: Ang ating Diyos ay hindi lang Diyos ng kaginhawaan ngunit Siya rin ay Diyos ng kahirapan! Kung ang ating Diyos mismo ay dumaan sa paghihirap, dapat tayo rin ay handang magbata ng anumang kahirapan sa buhay... matuto tayong magpasan ng ating mga "krus." Kaya nga't ibinigay niya ang kundisyon sa mga nagnanais na maging kanyang alagad: "Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin."
Paano ko ba tinatanggap ang mga paghihirap na dumarating sa aking buhay? Isa rin ba ako sa mga ayaw makaramdam ng sakit at paghihirap? May mga taong tinatawag nating "pabigat" sa atin, paano ko sila "binubuhat?" Minsan ay may lalaking umuwi sa kanilang bahay. Ang una niyang ginawa ay hanapin ang kanyang asawa. Nang makita niya ito ay agad-agad niya itong bihuhat at isinayaw. Nagulat tuloy ang babae at nagtanong: "Dear, anong nangyari sa iyo? Hindi ko naman birthday. Lalo namang hindi natin anniversary. Anung nakain mo?" Ang sagot ng lalaki: "Kasi dear... nagsimba ako kanina at tinamaan ako sa sinabi ng pari. Ang sabi niya: ang nagnanais daw na maging alagad ni Hesus ay dapat matutong magbuhat ng kanyang krus!"
Sino ba ang mga pabigat sa buhay ko? Marahil ang asawa kong lasenggo, sugarol at babaero. Siguro ang kapatid kong mabisyo. Siguro ang anak kong pabaya sa pag-aaral. Siguro ang kapitbahay kong walang ginawa kundi ang mantsismis at manghimasok sa buhay ng iba. Siguro ang kaibigan kong traidor at mapagsamantala! Ano ba ang mga krus na dapat kong buhatin ngayon lalo na't nagpapatuloy pa rin ang pandemya at ang maraming paghihirap na dala nito? Marami pa rin ang walang hanap-buhay dahil sa walang katapusang lockdown at quarantinne classifications na nagpapagulo sa halip na nakatutulong sa buhay ng mamamayan, ang mga mentally at physically stressed dahil sa haba ng pagkakakulong sa loob ng bahay, ang mga medical frontliners na sa kabila ng kanilang pagpapakapagod ay hindi man lang nabibigyan ng sapat na sahod at nasusumbatan pa sa kanilang pagnanais na mapabuti ang kanilang kalagayan. May mga iilan din na nagsasamantala pa sa tulong na dapat ay naibibigay sa iba, ninanakaw ang pondo o pera na dapat ay nagagamit sana upang makapagligtas ng buhay lalo na ng mga mahihirap nating kapatid!
Ngayong ikalawang Linggo sa Panahon ng Paglikha ay tinatanong din natin ang ating sarili kung tayo ba ay nagiging pabigat din at nagiging sagabal sa pagtatayo at pagtataguyod ng ating mundo bilang ating iisang tahanan o common home. Nais natin ng isang maunlad at maayos na mundo ngunit ang ating pamumuhay kung minsan ay hindi naman tumutugma sa ating nilalayon. Patuloy tayo sa pang-aabuso sa ating inang kalikasan sa ngalan ng pag-unlad ng antas ng ating pamumuhay. Dahil dito ay nahaharap ang ating mundo sa isang ecological crisis na sabi nga ng mga scientists ay magiging "irreversible" kung wala tayong gagawing hakbang. Ibig sabihin ang kasagutan ay nasa atin din. Baguhin natin ang ating uri ng pamumuhay. Nananawagan ito ng pagbabalik-loob na ang tawag din natin ay "ecological conversion" na mangyayari lamang kung magkakaroon tayo ng ng malalim na "ecological spirituality", isang uri ng pamumuhay na kung saan ay isinasaalang-alang natin ang pag-aaruga sa ating mundo at pagmamahal sa ating inang kalikasan sa ating pang-araw-araw na buhay. Ang ibig sabihin ng spirituality ay way of life, uri ng pamumuhay na tayo lamang ang maaring tumahak at gawin ang nararapat. Huwag na sana nating dagdagan ang maraming pasaning binubuhat ng ating mundo.
Mga kapatid, napakarami nating tinuturing na pabigat sa ating buhay. Huwag nating ipanalanging tanggalin ng Diyos ang mga ito. Kailanman ay hindi mawawala ang mga krus na ating dala-dala, sapagkat ang ating Panginoon mismo ay niyakap ang bigat ng krus hanggang makarating sa Kalbaryo ng kanyang kamatayan. Tandaan natin na ang Kristiyanong walang krus ay isang malaking kontradiksiyon! Sa halip ay ganito dapat ang laman ng ating panalangin: "Panginoon, hindi ko pinagdarasal na tanggalin mo ang mga pabigat na ito sa aking buhay, bagkus bigyan mo ako ng lakas upang mabuhat ko sila ng may pagmamahal..."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento