"Isang batang retarded na pipi at bingi ang umakyat sa isang mataas na puno ng niyog. Nakita siya ng maraming tao at pilit siyang pinabababa sa pangambang siya ay mahulog. Ngunit ayaw bumaba ng bata. Tumawag sila ng tulong sa mga baranggay tanod pero bale wala lang bata. Tinawag na nila ang kapitan ng baranggay ngunit nagmistulang tanga lamang ang kapitan... ayaw bumaba ng bata. Nagkataong napadaan ang parish priest ng lugar. "Father, kayo na nga ang magpababa. Baka sa inyo sumunod." Napilitang sumunod ang pari. Lumapit sa puno. Tumingala sa itaas at iwinasiwas ang kamay na tila nagbabasbas sabay bulong ng ilang salita. Agad-agad ay bumaba ang bata. Laking gulat ng mga tao at manghang-mangha sa pari. "Ang galing mo talaga ni Father! Isa kang taong banal! Binasbasan lang ang bata napasunod na!" Tugon ng pari: "Anung binasbasan? Sinenyasan ko lang ang bata ng ganito, ikaw baba o putol puno... baba o putol puno!" Habang pakrus na iwinasiwas ang kamay! hehehe.
Kung minsan ay masyado tayong natatali sa panlabas na ritwal ng ating pananampalataya. Kung minsan ay may lumalapit sa akin na mga estudyanteng pinababasbasan ang kanilang lapis na gagamitin sa exam tapos hindi naman nag-aral ng mabuti. Akala ata nila na kapag binasbasan ang kanilang panulat ay hindi na sila magkakamali sa pagsusulit. Manghang-mangha tayo kapag naipagkakaloob sa atin ang ating kahilingan ngunit ayaw naman nating kilalanin ang Diyos na pinagmumulan ng lahat ng biyaya.
Para tayong mga Hudyo na manghang-mangha sa kapangyarihan ni Jesus na nagpanauli ng pandinig ng isang bingi ngunit hindi naman nakilala kung sino Siya. Nakita nila ang ritwal na pagpasok ng daliri ni Jesus sa tainga at ang paglura at paghipo sa dila ng bingi ngunit hindi naman naintindihan ang ipinahihiwatig nito. Kaya nga ang sigaw ni Jesus ay "Effata!" Ibig sabihin ay "Mabuksan!" Hindi lamang ito para sa taong bingi ngunit ito rin ay para sa mga Hudyong nakapaligid sa Kanya. Nais ni Jesus na buksan ang kanilang mga pag-iisip at makitang Siya ang katuparan ng sinasabi ng mga propeta sa Lumang Tipan katulad ng panandang ibinigay ni Propeta Isaias sa pagdating ng Mesias, "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay lulundag, aawit sa galak ang mga pipi."
Nakilala ba Siya ng mga tao bilang Mesiyas? Hindi! Ipinagkalat lamang nila ang nangyari ngunit hindi ang kanyang pagdating sa kanilang piling bilang Panginoon. Mag-ingat din tayo sa ating pagiging Kristiyano. Baka katulad rin tayo ng mga Hudyong ang pagkilala kay Jesus ay panlabas lamang at nananatili pa ring mga pipi at bingi sa pagtanggap sa Kanya bilang ating Tagapagligtas. Mas masaklap ang lagay ng taong nakakarinig ngunit bingi naman sa panawagan ni Jesus na manindigan sa katotohanan at mamuhay na banal. Kasing saklap din ang lagay ng mga taong nakapagsasalita ngunit iba ang kanilang isinasagawa sa kanilang ipinahahayag!
Mamuhay tayong tapat bilang mga Krisitiyano. Buksan natin ang ating puso at isipan sa mga aral ni Jesus na makikita sa Bibliya at ipinapaliwanag naman sa atin sa mga turo ng Simbahan. Isabuhay nating ang tunay na "Effata!" Hilingin natin sa Panginoon na buksan ang tainga ng ating puso upang makita ang pangangailangan ng ating mga kapatid na mga mahihirap. Kung may mabuting naidulot ang panahong ito ng pandemya ay dapat mas nabuksan ang ating puso at isip sa panaghoy ng mga taong naghirap at patuloy na naghihirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang boses ng ating mga health workers at frontliners, na tinagurian nating mga bagong bayani, ay patuloy na umaalingaw-ngaw ngunit tila baga nagbibingi-bingihan ang pamahalaan sa kanilang kalagayan. Ang mga nawalan ng trabaho at dahil diyan ay nagdadala ng pagkagutom sa kani-kanilang pamilya, ay patuloy na kumakatok sa ating mga puso upang mas maging sensitibo sa kanilang kalagayan at magbigay ng ayon sa ating makakayanan.
Ngayong unang Linggo ng Panahon ng Paglikha ay hinihikayat din tayong maging mulat at mapagmatyag sa maling paggamit at patuloy na pagsasamantala o pang-aabuso sa ating "inang kalikasan." Hinikiyat tayong itayong muli ang "oikos" (tahanan) na ibinigay sa ating Diyos na Manlilikha sa pamamagitan ng tamang "ecological education" na naglalayong linangin at ating kaalaman sa tamang pagpapahalaga at pagpapayaman ng mga nilikhang ibinigay sa atin ng Diyos. Hindi lang sapat mayroon tayong kaaalaman tungkol dito. Mas makabubuti kung ang ating kaalaman ay mailalagay natin sa mga praktikal na gawain at adbokasiya upang mas higit nating maalagaan ang ating nag-iisang tahanan. Ang Panahon ng Paglikha ay hindi lamang upang papurihan ang Diyos para kanyang mga nilikha ngunit ito ay upang ipaalala sa atin na tayo ay ginawa niyang mga responsableng katiwala upang pamahalaan ng may pananagutan at hindi upang sirain at yurakan ang dangal ng tahanang ibinigay niya sa atin.
Kung ating titingnan ay hugis puso ang ating dalawang tainga. Kapag pinagkabit mo ang kanan at kaliwang tainga mo ay magkakaroon ka ng hugis puso. Sa katunayan sa gitna ng salitang hEARt ay mayroong saitang EAR. Kaya pala mayroong salitang LISTENING HEART sapagkat ang ginagamit natin sa tunay na pakikinig ay ang ating puso! Gamitin natin ang ating puso sa pakikinig sa mga hinanaing ng ating mga kapatid na mahihirap lalo na ngayong panahon ng pandemya. Huwag tayong magbingi-bingihan sa kanilang pagdaing. Hindi naman kinakailangang malaki ang ating pagtulong na gagawin. Sabi nga ng Pondo ng Pinoy: "Anumang magaling, kahit na maliit, kapag ginagawa ng malimit ay patungong langit!" Gawin nating malimit ang pagtulong at paggawa ng kabutihan. Hilingin din natin ang biyayang buksan ng Panginoon ang ating mga tainga ng ating puso at ng magawa rin nating buksan ang puso ng iba sa isang tunay na pakikinig. EFFATA!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento