Proud ka bang maging katoliko? Kung minsan sinasabi ng ilan na sila ay "Katoliko-Sarado", anung ibig sabihin nito? Ang Katoliko-Sarado ba ay nangangahulugan ng matibay na paninindigan sa ating pananampalataya at pagiging Katoliko sa ating isip, salita at gawa? Ano nga ba ang dapat ipakahulugan kapag sinabi nilang Katoliko ka? Sabi raw nila... tayong mga Katoliko ay may "katok" na "liko" pa! Papayag ka ba? Maraming Katoliko ang binansagang KBL sapagkat makikita mo lang sila sa simbahan sa tatlong sandali ng kanilang buhay: sa kasal, binyag at libing. Ano ba ang kahulugan ng ating pagiging "katoliko?"
Isang mayamang matandang biyuda ang lumapit sa pari at hiniling na misahan ang kanyang namatay na alagang pusa sapagkat mahal na mahal niya ito at itinuturing na tunay n'yang anak. Tumanggi ang pari at sinabing hindi maaaring alayan ng misa ang isang hayop. "Ganoon po ba Father, sayang... Sampung libo pa naman ang iaalay kong donasyon para sa Misa . Di bale, d'yan na lang sa kabilang simbahan ng Aglipay ko siya pamimisahan." Biglang napasigaw ang pari: "Misis... hindi puwede yan!!! Isa kang Katoliko kaya't Katoliko rin dapat ang pusa mo! Tara na! Misahan na natin siya! hehehe...
Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang "Katoliko" na nakakabit sa ating pangalang Kristiyano? Makikita ba ito sa Bibiliya? Kung si Bro. Eli ang tatanungin, ang sagot ay hindi! Hindi naman kasi tagalog ang salitang Katoliko. Ito ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay "universal" o para sa lahat! Sapagkat malakas ang ating paninindigan na ang kaligtasan ay ibinigay ni Kristo ay para sa lahat... Kristiyano ka man o hindi. Ang langit ay hindi lamang para sa ilang grupo katulad ng pag-aangking ginagawa ng ibang sekta na sila lamang ang maliligtas. Bagamat hindi tahasang makikita sa Bibliya ang salitang Katoliko, makikita naman natin ang "pangkalahatang" pananaw na walang pinipili ang gawaing mabuti at kalugod-lugod sa Diyos.
Sa unang pagbasa at Ebanghelyo makikita natin ang tema na ang biyaya ng Diyos ay malaya niyang ibinibigay kahit kanino. Ang sabi ni Moises ng may nagprotestang mayroong nangangaral na hindi naman nila kasama sa grupo: "Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita at mapuspos sila ng espiritu ng Panginoon.” Sa Ebanghelyo ay ganito rin ang winika ni Hesus nang ibalita ni Juan na may gumagamit ng kanyang pangalan sa pagpapalayas ng demonyo: “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin."
Hindi ba't napakabuti ng Diyos? Napakalawak ng Kanyang pagmamahal at pang-unawa. Ang kanyang kaligtasang handog ay walang pinipili! Ang handog niyang pagmamahal ay para sa lahat! "KATOLIKO!" Sana ganito rin tayo sa ating pagpapakita ng pagmamahal sa iba... walang pinipili! Ang magmahal ay para sa lahat! Hindi lang para sa mga kaibig-ibig pero sa mga kapos sa pag-ibig! Hindi lang para sa mga kaibigan pero para rin sa mga kaaway. Nawa maging bukas ang ating isipan at puso sa pagtanggap sa iba at sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila lalong-lalo na sa mga mahihirap.
Ang ika-apat na Linggo ng Panahon ng Paglikha ay nagpapaalala sa ating maging bukas ang ating puso sa panaghoy ng mundo at ng taong mahihirap... the cry of the earth and the cry of the poor. Nakabatay ito sa integral ecology na sinasabing may kaugnayan ang lahat nilikha ng Diyos. Sa tuloy-tuloy na pagkasira ng kalikasan ang lubos na naaapektuhan ay ang mga taong mahihirap! Kaya nga masasabi nating "a true ecological approach always becomes a social approach!" Ang ating Santo Papa mismo, si Pope Francis, ay nagpapaalala sa atin sa dokumentong Laudato Si: "Care for the environment is always a social concern as well. Let us hear both the cry of the earth and the cry of the poor."
Ang tunay na Katoliko ay may pagpapahalaga sa kalikasan at sa mga mahihirap. Hindi maari ang salitang "wala akong pakialam" kapag ang pinag-uusapan ay ang kalagayan ng mga taong mahihirap. Ang sabi ng Banal na Kasulatan: "Whoever shuts their ears to the cry of the poor will aslo cry out and not be answered." (Proverbs 21:13) Nawa
ang panaghoy ng ating mundo at pagtangis ng mga taong mahihirap ay mag-udyok sa
ating mamuhay ng may pananagutan upang pahalagahan at pagyamanin ang handog
niyang nag-iisang tahanan, ang mundong ating pinananahanan.
May pinipili ba ang pag-ibig mo? Kung gayon isang kang certified na "katok na liko pa!" Magmahal ka ng walang kinikilingan at hinihintay na kapalit at magiging karapat-dapat ka sa pangalan mo... KATOLIKO!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento