Isang araw si Pedro ay umuwi ng bahay na umiiyak at hawak-hawak ang kanyang ulong wala nang buhok. "Anung nangyari sa ulo mo? Bakit nagpakalbo ka? tanong ng kanyang nanay. "Paano po kasi naglaro kami ng bunutan ng buhok ng kaibigan kong si Juan. Kada banggit ng pangalan ng isang Santo ay bubunutan ng buhok! Halimbawa po, San Juan Bosco, isang buhok po yun! Banal na mag-anak na Jesus Maria at Jose... tatlo po yun! Labindalawang apostol... labindalawang buhok po yun!" sagot ni Pedro. "O eh bakit naman buong buhok mo ang naubos?" tanong ng nanay. "Kasi po ng naubusan na siya ng maibibigay na pangalan ng santo bigla ba namang sinigaw niya ang TODOS LOS SANTOS! Ayun sa barbero ang tuloy ko!
Tama nga naman, dahil ang todos delos santos ay nangangahulugan ng "lahat ng mga banal." Sa katunayan nga ay kulang pa ang lahat ng buhok natin upang mabilang ang lahat ng mga banal sa langit. Mas marami kasi sa kanilang mga "nasa itaas" ang wala sa opisyal na listahan ng Simbahan na tinatawag natin ngayon sa titulong Santo o Santa. Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa. Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?"
Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Nasa itaas ang duktor!
Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na hindi kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil marami sa kanila ay hindi natin kilala. Sila ang mga "unsung heroes" ng ating Simbahan na naging tapat at nag-alay ng kanilang buhay para kay Kristo. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Sila ang mga "mapapalad" na tinukoy ni Jesus sa Ebanghelyo. Marahil sa mata ng mundo sila ang mga aba, nagugutom, tumatangis, inuusig, inaapi. Ngunit sa mata ng Diyos, sila ang tinuturing Niyang "mapapalad" sapagkat noong sila ay nabubuhay pa ay lubos ang kanilang pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos.
Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang maging banal! Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila. Sa katunayan, ito ay para sa atin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal. Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa. Ang kasalanan ang hadlang sa ating pagiging banal. Sa tuwing tayo ay gumagawa ng kasalanan ay nalilihis tayo sa pagtawag ng Diyos na maging banal. Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat. Akuin natin ang pagiging banal. Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo. Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantimpala ng kalangitan. Balang araw ay makakasama rin tayo sa kalipunan ng mga Banal o TODOS LOS SANTOS!