Lalo na sa ating mga Pilipino na sadlak sa kahirapan ang buhay ngayong panahon ng pandemya, dala ng pagkawala ng mapapasukang trabaho at dala ng pagtaas ng inflation rate at dahil d'yan ay ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, ay nais nating maging maligaya at makaranas kahit man lang saglit na kaginhawaan! Kaya nga patok sa atin ang mga "malls" at "shopping centers", na kahit na naririyan ang banta ng Covid19 ay patuloy pa rin ang operasyon, kasi kahit paano ay naiibsan ang ating problema sa maikling oras ng paggala kahit wala namang bibilhin. Pagmasdan mo ang mga nakakasulubong mo, halos lahat nakangiti, parang may mga pera sila; sa totoo lang marami sa kanila palakad-lakad, patingin-tingin, pahawak-hawak sa mga damit, tapos iiwang magulo hindi naman pala bibili. At kitang-kita rin ito sa haba ng mga taong pumipila upang tumaya sa "ultra lotto" lalo na kung umabot na ng mahigit isang bilyon ang premyo! Ikaw, anung gagawin mo kapag nanalo ka ng isang bilyon sa lotto?
May isang kuwento na minsan daw ay may isang lola ang walang kaalam-alam na nanalo s'ya sa ultra-lotto ng isang bilyong piso. Ang problema ng kanyang mga kasambahay ay kung paano nila ito sasabihin sa kanya sa kadahilanang may sakit siya sa puso at matanda na! Naisip nilang imbitahan ang kanilang kura-paroko dahil kaibigang matalik ito ng kanilang lola at isa pa ay matagal din siyang naglingkod sa simbahan bilang isang Legion of Mary. Hiniling nila sa pari na s'ya na ang magbukas ng balita sa kanilang lola sa maingat na paraan na hindi niya ikabibigla. Sumangayon naman ang pari at isang gabi ay dumalaw ang pari sa bahay at kinausap ang matanda: "Lola, kamusta na ang lagay ninyo?" Sagot ng matanda: "Mabuti naman po padre..." At nagkuwentuhan sila ng matagal. Nang mapansin ng pari na nalilibang na at relax na ang matanda ay tinanong niya ito: "Lola, kung sakaling manalo kayo ng isang bilyon sa lotto... anung gagawin ninyo sa pera?" "Aba padre," sabi ni lola, "kung ako ang mananalo ng isanf bilyon ay ibibigay ko ang kalahati sa Simbahan." Nang marinig ito ng pari ay inatake siya sa puso at namatay! hehehe...
Mahirap din nga naman ang sobrang kasiyahan! Nakamamatay! "Paano nga ba ako magiging tunay na masaya?" Tanong din ito ng binatang mayaman sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito. "Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Ang pakahulugan ng "buhay na walang hanggan" kung isasalin sa ating modernong pananalita ay "kaligayahan". Mabuting tao ang lalaki. Sa katunayan sinabi sa Ebanghelyo na siya ay masunurin sa batas at walang inaargabyadong tao. Sa katunayan ay nalugod si Hesus sa kanya. Tiningnan siya ng magiliw at may paghanga. Ngunit may nakita pang kulang si Jesus sa kanya. "Gusto mong lumigaya, ipagbili mo lahat ng ari-arian mo, ibigay mo sa mahihirap at sumunod ka sa akin..." Nagulat ang lalaki sa kundisyon ni Jesus sapagkat sya'y mayaman. Malungkot ang katapusan ng pagtatagpong iyon. Tumalikod na malungkot ang binata at wala ng narinig pa tungkol sa kanya.
Saan ba nakasalalay ang ating kaligayahan? Sa kayamanan ba? Sa pagiging masunurin ba sa batas ng Diyos? Sa pagiging "masunuring Kristiyano" ba? Ang sagot ni Hesus: pagtalikod sa lahat ng mga sagabal sa ating pagsunod sa Kanya! Hindi Niya sinasabing kawawa ang mayayaman dahil marami silang kayamanan. Ang kanyang nais bigyang diin ay wala dapat maging hadlang sa pagnanais nating sumunod sa kanya. Hindi lang para sa mayayaman ito sapagkat kahit ang mahirap man ay maari ring matali sa mga materyal na bagay sa simpleng maling pagnanasa sa mga ito. Ang nais niyang sabihin ay alam dapat natin ang ating pinahahalagahan sa buhay. Ang kayamanan o ari-arian ay hindi dapat inuuna sa ating pagmamahal sa Diyos at kapwa. Ang Diyos pa rin dapat ang una sa ating buhay. Ang pagtupad sa Kanyang kalooban ang dapat nating pinahahalagahan sa lahat.
Sa katunayan, ang ating sarili ang dapat na pinakahuli sa lahat. "I am third" ang sabi ng isang estudyante ng tanungin siya tungkol sa kanyang motto sa buhay. "Anung ibig sabihin nun?" sabi ng kanyang guro. "Sir, ito po ang nagpapaalala sa 'kin ng dapat kong pahalagahan sa aking buhay: God first, others second, I am third." Ito ang magbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan. Ito ang "Gospel of Joy" ng isang tagasunod ni Kristo. Dito siya magiging tunay na buhay. Kahit na sa mga hindi mabuting pangyayari sa buhay ay makikita niyang ito pa rin ay biyaya ng Diyos na "blessing in disguise" sapagkat alam niyang lahat ay dahil sa malaking pagmamahal Niya.
Ngayon ding araw na ito, kasabay ng pagdiriwang ng Linggo ng mga Katutubo ay ipinagdiriwang din natin ang Araw ng Pagpapagaan ng Lubhang Kahirapan o Extreme Poverty Alleviation Day. Pagkatapos ng ating pagpapahalaga sa Diyos ay susunod naman ang ating pagpapahalaga sa ating kapwa, lalong lano na sa mga kapatid nating sadlak sa kahirapan. Kung talagang pangalawa sila sa ating pinahahalagahan ay dapat lang na mayroon tayong ginagawa kahit na maliit para sa kanila. Ang sabi ni St. Mother Teresa ng Calcutta: "If you cannot feed one hundred people then feed at least one..." Tama nga naman, sapagkat ang kaligayahan sa pagtulong sa iba ay hindi nasusukat sa laki ng halagang ibinigay kundi sa laki ng puso ng nagbibigay.
Nais ng Diyos na masaya tayong lahat sa ating buhay. Nais niyang maligaya tayong kristiyano. Pahalagahan natin Siya ng higit sa lahat at magiging masaya tayo sa ating buhay. Dahil ang gusto ng Diyos ay HAPPY tayong lahat!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento