Dalawa ang kinikilalang Patron ng Misyon. Una, ay si San Francisco Xavier, isang paring Heswita na nagpakita na kakaibang sipag at dedikasyon sa pamamagitan ng paglalakbay sa malalayong lupain. Nangaral siya at maraming nahikayat sa ating pananampalatayang Katoliko at ginugol niya ang kanyang buhay hanggang sa huli niyang hininga sa pagpapalaganap ng kanyng Mabuting Balita. Ang pangalawa naman ay Santa Teresita ng Batang Jesus. Hindi siya kasing sigasig ni San Francisco na naglakbay sa maraming bansa. Sa katunayan ay nakakulong lamang siya sa apat na sulok ng kanilang kumbento, ngunit sa kanyang pag-iisa ay mas marami pa siyang kaluluwang nakatagpo at naihatid kay Kristo sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo at panalangin.
Marahil ay sinadya ng Simbahan na ideklara siyang Patron ng Misyon upang ipaalala sa atin na tayong lahat ay MISYONERO! Katulad nga ng sinabi ng banal na Santo Papa Juan Pablo II, "Ang mamatay para sa pananampalataya ay pagtawag lamang para sa ilan, ngunit ang ISABUHAY ang pananampalataya ay pagtawag sa LAHAT!" Ibig sabihin, kahit sino ay maaring magpatotoo kay Kristo. Lahat tayo ay maaaring maging MISYONERO.
Ito ang pagiging misyonero na maari nating gawin. Ito ang pagiging misyonero na nais ni Jesus para sa atin. Siya na naparito "hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod" at nag-alay ng kanyang buhay para sa lahat ay nag-aanyaya sa atin sa isang buhay paglilingkod. Ano ba ang magagawa ko para sa misyon? Una sa lahat ay ang pag-aalay ng panalangin para sa kanila. Malayo ang mararating ng ating mga panalangin at marami ang matutulungan nito sa ating mga misyonero. Pangalawa ay ang pagtulong sa gawain ng misyon. Maraming paraan upang gawin ito. Mula tulong pinansiyal hanggang pagboboluntaryo para sa gawain ng misyon ang maari nating isakatuparan ang ating pagtulong. At pangatlo ay ang pagsasabuhay ng ating bokasyon bilang mga misyonero. Tayong lahat ay isinugo ng ating Panginoon: "Sumainyo ang kapayapaan... kung paanong isinugo ako ng Ama gayundin naman ay isinusugo ko kayo."
Ang pagsusugong ito ay hindi lamang personal na pagtawag. Ito rin ay ginagampanan natin bilang isang Simbahan. Sama-sama tayong naglalakbay upang isakatuparan ang misyong iniatang sa atin ng Panginoon at hinihingi nito ang ating pakikibahagi. Ang tawag dito ng ating Inang Simbahan ay SYNODALITY. Ang sama-samang paglalakbay na ito bilang isang Simbahan ay maisasakatuparan natin sa pamamagitan ng pakikinig, pag-unawa, at pakikibahagi. Maglaan tayo ng ating panahon, oras at kakayahan upang magampanan ito. Kung bukas ang ating palad sa pagtanggap ng mga biyayang mula sa Diyos ay dapat maging bukas din ang ating palad sa pagbibigay ng ating sarili... ang pagbibigay ng ating sarili ay paglilingkod. Tandaan natin parati na tayong lahat ay misyonero. At tanungin natin ang ating mga sarili: "Kumbinsido ba ako sa aking pagtawag bilang misyonero? Paano ko ito isinasabuhay?"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento