Ganito ang kadakilaang ipinakita ni Jesus. Siya ang masasabi nating tunay na "Servant Leader" o "Pinunong Lingkod" sapagkat siya ay dumating hindi upang paglingkuran bagkus ay upang maglingkod. Siya ay isinilang upang maglingkod at magbigay buhay sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay sa krus. Ibang-iba sa ating pag-iisip kung sino ba talaga ang tunay na pinuno. Ang lagi nating iniisip ay ang malakas, makapangyarihan at kinatatakutan. Mayroong isang kuwentong pabula tungkol dito:
Isang isang araw ay nagpulong-pulong daw ang mga hayop sa gubat. Ibig nila na magkaroon ng leader para manguna sa kanila. Madali kasi silang mahuli ng mga tao dahil sa wala silang pagkakaisa at walang tagapagtanggol. Nagbotohan sila at tatlong kandidato ang lumabas - ang leon, ang kuwago at ang usa. Gusto ng ilan ang usaq, sapagkat ito ay mabilis. Mabilis siyang makapagbabalita sa lahat sa pagdating ng tao at makatatakas sila. Ibig ng ilan ang kuwago sapagkat ito ay matalino. Makagagawa siya ng plano para maiwasan ang tao. Ngunit ang karamihan ay pumili sa leon, siya ay malakas at mabangis, maipagtatanggol niya ang mga hayop. Nanalo nga ang leon. Noong naging hari na ang leon, tuwang-tuwa sila. Sa wakas may haharap na sa mga tao. Pero ang sabi ng leon, "Paano ko mahaharap ang mga to kung mahina ako dahil sa gutom ako? Kailangang maging palaging busog ako para pagdating ng tao, mahaharap ko sila." Kaya mula noon araw-araw siyang kumakain ng isa sa mga hayop. Sa halip na makatulong, naging salot pa ang leon sa mga kahayupan.
Ganyan ang mangyayari sa atin kung ang pipiliin nating lider ay ang malakas at makapangyarihan sa halip na ang may mababang loob at mapagbigay. Tandaan natin na ang kayamanan o kapangyarihan ay hindi kumikilala ng hangganan. Walang mayaman o makapangyarihan na magsasabing sapat na ang kanyang kayamanan o kapangyarihan. Mas lalo pa siyang maghahangad nito. Kaya nga't ang kababang-loob ni Jesus at ang kanyang pagiging lingkod ang ating dapat na maging batayan sa pagpili ng ating mga namumuno.
Habang lumalapit ang halalan at nagpapakilala sa atin ang mga maging lider ng ating bansa ay kilatisin natin sila sa pamantayan ng isang "Kristiyanong Lider" at ito ay ang pagiging "pinunong-lingkod" na tulad ng kay Jesus. Siya ay hindi kumabig, siya ay nagbigay. Hindi mahalaga sa kanya ang posisyon. Hindi mahalaga sa kanya ang pangunahing puwesto o ang parangal ng mga tao. Ang mahalaga sa kanya ay ang pagpapakumbaba at paglilingkod. Bilang pinuno nauunawaan niya ang ating kalagayan sapagkat dinanas din niya ang ating kalagayan. Talgang ginusto niya ang ginawa niyang makiisa sa atin. Kaya nga't ang tawag natin sa kanya ay Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin. Si Jesus ang ating tularan sa pagpili ng magiging mga pinuno natin kung gusto nating magkaroon ng maka-Kristiyanong pamunuan. Piliin natin ang isang pinunong-lingkod o Servant Leader.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento