Sabado, Enero 29, 2022

TUNAY NA PROPETA: Relection for 4th Sunday in Ordinary Time Year C - January 30, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ayaw na ayaw nating makarinig ng "bad news."  Sino nga ba naman ang may gusto nito?  Kaya nga sa misa ang pinahahayag ay ang "Mabuting Balita" o "Ebanghelyo" ng Panginoon.  Sa ating buhay mas katanggap-tanggap ang mabuting balita kaysa masamang balita.  

"Isang mister ang nagsabi sa misis niya, na kapag-uuwi siya ng bahay ay huwag na siyang sasabihan ng "badnews" o anumang problema.  Isang araw, pag-uwi ni mister sa bahay, sinabi niya kaagad sa kanyang aligagang misis, na tila baga may nais na mahalagang sasabihin,  "Ohh, 'yung pinag-usapan natin ha? Walang sasabihing bad news na dapat sasalubong sa akin. Hapong-hapo na ako sa maghapong trabaho." Sagot ng misis: "Alam ko ang bilin mo... Walang badnews di ba?" Tahimik namang nakinig si mister.  "Mahal, di ba apat yung anak natin? Good News... isa sa kanila ay negative sa Omicron!" pagbabalita ni misis."  

Ang mga propeta sa Bibliya ay tagapagdala ng mensahe ng Diyos sa mga tao.  Marami sa kanila ay hindi tinanggap ng kanilang mga kababayan sapagkat ang kanilang dala-dalang mensahe ay lagi nilang itinuturing na "badnews" para sa kanila.  Sa unang pagbasa ay nakita natin ang pagtawag ni Propeta Jeremias at ang pagsusugo sa kanya ni Yahweh. "Bago ka ipinaglihi, kilala na kita. Bago ka ipinanganak, itinalaga kita sa akin upang maging propeta sa lahat ng bansa."  Kasama sa pagtawag na ito ay ang pagsalungat na kanyang haharapin mula sa mga tao. Gayunpaman, wala siyang dapat ipangamba sapagkat mananaig pa rin ang kapangyarihan ng Diyos.  "Magpakatapang ka: humayo ka at sabihin mo sa kanila ang lahat ng iuutos ko. Huwag kang matatakot sa kanila ngayon... Hindi ka nila matatalo sapagkat ako ang mag-iingat sa iyo. Akong Panginoon ang nagsasabi nito."

Ito rin ang paniniwala ni Jesus bago pa siya mangaral sa kanyang mga kababayan.  Alam n'yang hindi magiging maganda ang pagtanggap sa kanya:  "Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan!" At narinig nga natin na hindi siya kinilala ng kanyang mga kababayan. Hindi nila matanggap ang mga pananalitang binitiwan ni Jesus at nagtangka pa silang patayin siya dala ng kanilang matinding galit sa kanya!  

Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga propeta sa kanilang tungkulin na ipahayag ang kalooban ng Diyos kahit na ito ay hindi maganda sa pandinig ng mga tao.  Ang Simbahan ay may taglay na tungkuling magpahayag ng katotohanan sapagkat taglay nito ang pagiging isang propeta.  Kapag lumalapit na ang eleksiyon ay laging nakakatanggap ang Simbahan ng kritisismo kapag nagpapangaral na siya tungkol sa tamang pagpili ng mga kandidato.  Ang sasabihin agad ay "Ayan... namumulitika na naman ang Simbahan!"  Kapag nangangaral na siya tungkol sa kasamaan ng pagnanakaw, korapsiyon at maling pamamalakad ng pamahalaan ay sasabihin ng ilan na nangingialam ang Simbahan o sumasawsaw na naman sa usaping panlipunan.  Nalala ko ang sinabi ng ating mga obispo noong kasagsagan ng War on Drugs, nung taong 2019, na kung saan ay kaliwa't  kanan ang tokhang at extra-judicial killing: 

“As bishops, we have no intention of interfering in the conduct of State affairs. But neither do we intend to abdicate our sacred mandate as shepherds to whom the Lord has entrusted his flock. We have a solemn duty to defend our flock, especially when they are attacked by wolves(!) We do not fight with arms. We fight only with the truth. Therefore, no amount of intimidation or even threat to our lives will make us give up our prophetic role, especially that of giving voice to the voiceless. As Paul once said, ‘Woe to me if I don’t preach the Gospel!'"  

Sa katunayan, tayong lahat din ay dapat maging propeta lalo na ngayong kasalukuyang panahon na kung saan ay laganap ang "false o fake news" at panlilinglang na ikinakalat lalo na sa social media. Ang iba sa atin ay agad-agad nagpapaniwala sa mga napapanood sa Youtube o nakikita sa Facebook at hindi man lamang pinag-iisipan kung totoo ba ito.  Lalo ngayong panahon ng eleksiyon, sangkatutak na kasinungalingan ang pinapakalat sa mga internet at madali tayong mabibiktima kung hindi tayo mag-iingat!  Nangyari na ito dati at maaaring mangyayari na naman ngayon kung hindi tayo matututo sa pagkakamali ng nakaraan.  

Matapang nating salungatin ang mga kamaliang ating nakikita.  Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang propeta.  Ang bawat isa sa atin ay tinanggap ang misyon ng pagiging propeta noong tayo ay bininyagan.  Pagkatapos nating mabuhusan ng tubig sa ating ulo tayo ay pinahiran ng langis o "krisma".  Nangangahulugan ito ng pagtanggap natin ng misyon na maging pari, hari at propeta katulad ni Jesus.  Ibig sabihin, tayong lahat ay dapat na maging tagapagpahayag ng katotohanan ayon sa turo ni Jesus.  Hindi lang ito gawain ng mga obispo, pari , mga relihiyoso o relihiyosa.  Ito ay misyon para sa lahat na ipinagkatiwala sa ating lahat. Bilang isang "Propetang Simbahan" ay dapat na tahasan natin itong tinututulan at hindi sinasang-ayunan ang kasamaang ating nakikita sa ating lipunan. 

At naririyan pa rin sa kasalukuyan ang maraming usapin tulad ng divorce, same sex-mariage, abortion, at iba pang social issues .  Kailanman ay hindi sinasang-ayunan ng Simbahan ang mga maling aral kahit siya na lamang mag-isa ang naninindigan dito.  Halimbawa ay ang divorce bill na isinusulong ngayon sa kongreso.  Ang pagsasama ng mag-asawa na pinagbuklod ng Sakramento ng Kasal ay sagrado.  May mga kadahilanang sinasang-ayunan ang Simbahan upang ipawalang bisa ang kasal ngunit nanatili itong matatag sa panininidigang "Ang pinasama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao." Ang panghuli ay ang usapin ng abortion na alam naman natin ay tahasang pagpatay. Ang paalala sa atin ay maging tagapagtanggol ng buhay "mula sinapupunan hanggang natural na kamatayan." Ang buhay na ibinigay sa atin ng Diyos ay banal kaya't anumang dahilan upang ito ay kitilin ay labag sa kanyang kalooban.  Ang kahirapan dala ng lomolobong populasyon ay hindi sapat na dahilan upang ikatwiran ang pangangailangan nito.  May ibang paraan pang maaring gawin ang estado upang maibsan ang kahirapan ng mga mamamayan at hindi lamang sa pamamagitan ng pagpatay ng mga walang kamuwang-muwang na mga bata sa sinapupunan.  

Ang hindi pagsang-ayon sa mga ito ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pagmamahal ngunit sa halip ito ay nagpapaalala ng pagtatama ng kanilang kamalian at pagbabalik-loob sa Diyos.  Huwag sanang masaktan ang mga taong iba ang kanilang paniniwala sapagkat bahagi ito ng pagiging propeta nating lahat bilang isang Simbahan...  ang manindigan sa katotohanan!  Ito ang ating Kristiyanong pagsaksi.  Ang tunay na propeta ay nanininigan sa katotohanan kahit mag-isa na lamang siyang nakatayo:  stand for what is right even if you stand alone!  Ang sabi nga isang quote na nabasa ko: "Wrong is wrong even if everyone is doing it. Right is right even if only you are doing it!"  Hindi dapat tayo badnews para sa iba.  Ang Kristiyano ay dapat laging maging "GOODNEWS!"  Tandaan nating lahat na ikaw at ako ay tinatawag ni Kristo na maging tunay na PROPETA.

Biyernes, Enero 21, 2022

ANG MABUTING BALITA: Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year C - January 23, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ang ikatlo na Linggo sa Karaniwang Panahon ay tinatawag nating Sunday of the Word of God.  Akmang akma ito sa buwang ng Enero na kung saan ay naideklara ito bilang Bible Month para sa buong bansa noong Enero 5, 2017 sa pamamagitan ng Proclamation Number 124. Batid natin ang kahalagan ng Salita ng Diyos sa ating buhay kristiyano.  Nagsisilbing ilaw ito upang gabayan ang ating paglalakbay sa mundong ibabaw.  Kaya nga't nararapat lang sigurong ating pahalagahan ang Salita ng Diyos sa ating buhay.  May mga taong ang tawag sa kanilang sa sarili ay "Bible Christians" ngunit nakikita naman nating hindi naaayon sa Salita ng Diyos ang uri ng kanilang pamumuhay.  Nakakalungkot lang na nagagamit ang Salita ng Diyos sa pag-aalipusta ng kapwa na may ibang paniniwala.  Sa halip na pagkakaisa ay pagkakawatak-watak ang idinudulot nito.  Gaano ba kahalaga dapat sa atin ang Salita ng Diyos?

May isang lola na nagbabasa ng Bibliya at habang siya ay nagbabasa ay pinagmamasdan siya ng kanyang apo. Manghang-mangha ang bata sa panood sa kanya.  Lumapit ito at nagtanong: "Lola, alam ko na po ang ibig sabihin ng Biblia!"  Tuwang-tuwa ang matanda at nagtanong: "Ano, yon apo?" Sagot ng bata: "Ang kahulugan ng BIBLE ay nasa limang titik nito: Basic Information Before Leaving Earth! Lola... mamamatay ka na ba?"

Kung ating pag-iisipan ang sinabi ng bata ay may makikita tayong katotohanan.  Marami sa ating mga Kristiyano ay naisasantabi ang Bibilya at hindi na napapahalagahan ito sa ating buhay espirituwal.  May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may plastic cover pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito!  Kung me tiyaga kang tapusin ang libro ng paborito mong nobela o kaya naman ay wala kang sawa sa pagdodownload at pagbabasa ng mga e-books ay bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi mo matagalang basahin?

May ilan sa atin, lalo na sa mga kabataan ngayon, na hindi mo maihihiwalay ang smart phones sa kanilang buhay.  Ikamamatay nila kapag tinanggal mo ito.  Pagtulog at paggising sa umaga ay dapat katabi nila ang kanilang smart phones.  Ano kaya kung ituring nating parang smart phones ang ating Biblia sa bahay?  Sabi nga ng isang post na nakita ko sa FB:  "What if we... carried it with us everywhere?.... turned back to go get it if we forgot it?... checked it for messages throughout the day?... used it in case of emergency?... spent an hour or more using it each day?"  Ang problema, marami sa atin na mas mahal ang cellphone kaysa Bible! Aminin!!!

Ano ba ang Biblia para sa ating mga Krisitiyano? Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS!  Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan.  Kaya nga maaaring sabihing ito ang Love Letter ng Diyos sa atin.  Ipinahahayag nito ang kanyang kalooban sa atin kung paanong sa ating Ebanghelyo ay ipinahayag ni Jesus ang Mabuting Balita sa lahat lalong-lalo na para sa mga mahihirap. "Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakikita; upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil, at ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon."   

Kaya para sa ating mga Kristiyano ang Biblia dapat ay GOOD NEWS!  Hindi bad news at lalong-lalong hindi fake news!  Sa panahon ngayon ng pandemya ay marahil ay kailangan natin ang mabubuting balita at hindi masasama o mali-maling balita upang mabigyan ang mga tao ng pag-asa.  Kaya nga dapat ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya!  Maglaan tayo ng oras para dito. Kapag tayo ay nagdarasal, tayo ay nakikipag-usap sa Diyos. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin.  Idulog natin sa Diyos ang mga kahirapang nararanasan natin ngayon panahon ng pandemya at humugot tayo ng lakas at pag-asa sa kanyang mga Salita.  Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pahahangain ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia.  Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito?  Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa at sa kaluluwa ng iba!  

At panghuli, subukan din nating ibahagi ang Salita ng Diyos sa ating kapwa.  Ito ang ating pagiging misyonero sa ating maliit na paraan.  Sa ika-500 Taon ng Pagdiriwang ng Anibersaryo ng ating bansa ay hinihikayat tayong magbahagi.  "We are gifted to give."  Naipahayag sa atin ang Mabuting Balita.  Taas noo nating sinasabing tayo lamang ang Kristiyanong bansa sa Timog-Kanlurang Asia.  Tayo lamang ang nabibiyaan nito.  Kaya't malaki rin ang inaasahan sa ating magbahagi ng mabuting balita ni Kristo.  Ang pananampalatayang mayroon tayo ay regalong galing sa Diyos, at ito rin ang regalong nais Niyang ibahagi natin sa iba.  Kung maraming oras tayong kayang sayangin sa mga walang kuwentang bagay o mga gawain na hindi naman talaga mahalaga, bakit hindi natin gugulin ang ating oras sa pagbabasa ng Salita ng Diyos at pagbabahagi nito.  Sa panahon ngayon na kung saan ay maunlad na ang teknolohiya ay dapat nating isabay ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos.  Gamitin natin ang mga makabagong paraan tulad ng internet at social media upang mas marami pa ang marating ng Kanyang Mabuting Balita.  Basahin, pagnilayan, isabuhay at ipamahagi natin ang Salita ng Diyos!  

  

Sabado, Enero 15, 2022

SA KAMAY NG STO. NINO: Reflection for the Feast of Sto. Nino Year C - January 16. 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Sto. Nino.  Sa Tondo, na kung saan ako ay lumaki, ang Sto. Nino ang nakagisnan kong Patron bago kami lumipat sa Bo. Magsaysay na sakop na ng Parokya ni San Juan Bosco noong ako ay nasa unang taon ng aking high school.  Tandang-tanda ko pa ang kasiyahan ng kapistahang ito lalo na't ang mga bata ang bida sa mga nakakaaliw na mga palaro na isinasagawa sa mga kalsada sa araw ng pista.  May mga patimpalak at palabas sa mga entablado na kinagigiliwan ng marami sa bisperas ng kapistahan.  Siyempre ang pinakaabangan ng marami ay ang napakahabang street dance na punong-puno ng kulay at ingay!  At higit sa lahat, hindi kumpleto ang pista kung hindi ka magsisiba at sasama sa prusisyon na dala-dala mo ang personal mong imahe ng Sto. Nino.  

Ngunit ngayong kapistahang ito, katulad noong nakaraang taon, ay tahimik na namang magdiriwang ng kapistahan ang mga taga-Tundo.  Walang kainan at inuman sa kalsada, walang street dance, walang mga programa, walang palaro para sa mga bata, walang prusisyon, walang face-to-face na misa... muling ipinagbawal ang mga ito dahil sa banta ng Omicron variant ng Covid.  Patuloy na naman kasing tumataas ang bilang ng mga nagkakaroon nito. Ayon sa latest update, ang sabi sa balita ay umabot na ng 39,004 ang bilang ng mga bagong kaso kahapon, January 15.  Kaya nga hindi imposible na umabot ito ng mahigit 50,000 sa isang buwan.  

Katulad ng debosyon sa Itim na Nazareno, ang Sto. Nino ay debosyong napakalapit sa puso nating mga Pilipino.  Kung iiisipin natin ay nararapat lang sapagkat ang ating pananampalatayang Kristiyano, bilang mga Pilipino, ay naka-ugat sa Sto.  Nino. Bahagi ito ng ating kasaysayan.  Sa katunayan, ito ang unang imaheng ating tinanggap sa mga misyonero noong unang dumaong sa ating isla.  Nasa taon tayo ng pagdiriwang ng ika-500 taong anibersayo ng ating pagiging Kristiyanong Katolikong bansa at kasama nito ay ang pag-alala sa pagbibigay sa atin ng imaheng ito ng Banal na Sanggol.  

Maraming kapistahan ang Panginoong Hesus na ating ipinagdiriwang.  Ang pinaparangalan natin sa kapistahang ito ay ang kanyang Banal na Pagkabata.  Kaya nga tawag din sa kapistahang ito ay HOLY CHILDHOOD DAY.  Pinapaalala sa atin na ang ating Panginboong Hesus, katulad nating mga normal na tao, ay dumaan din sa pagkabata.  Kaya nga, ang ating binasang Ebanghelyo ay ang isang tagpo sa kanyang buhay pagkabata, ang pagkawala ay pagkatagpo kay Jesus sa templo na pinagninilayan natin sa ikalimang Misteryo ng Tuwa sa Sto. Rosaryo.  Medyo nagpasaway pa nga si Hesus sa kanyang mga magulang ng humiwalay ito sa kanila para lamang matagpuan sa loob ng templo pagkatapos ng tatlong araw at marinig ang pangangatwirang: "Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako'y dapat na nasa bahay ng aking Ama?"  

Ang kapistahan ng Banal na Sanggol ay nagsasabi sa ating tumulad sa mga bata.  Hindi mag-ugaling bata kundi isabuhay ang magagandang katangian ng isang bata... to be childlike and not childish!  Ano bang katangian ang taglay nila?

Una ang kanilang KAKULANGAN o kawalang kakayahan.  Tulad nga ng sinabi ng kanta ng Apo Hiking Society: "Batang-bata ka pa at marami ka pang kailangang malaman at intindihin sa mundo..."  Ngunit ang kahinaang ito ang nagpapatingkad sa isang katangiang dapat taglayin ng isang kristiyano, ang PAGTITIWALA.  Ang kalakasan ng isang bata ay ang kanyang pagtitiwala sa kanyang mga magulang.  Pansinin ninyo kapag ang isang bata ay nawalay sa kanyang ina. Siguradong iiyak siya at hindi siya titigil hanggat hindi nakikita ang kanyang nanay.  Ito rin dapat ang maramdaman nating mga kristiyano kapag nalalayo ang ating kalooban sa Diyos!  At araw-araw ay dapat na ipinapahayag natin ang ating pagtitiwala sa Kanya at inaamin natin ang pangangailangan natin sa Kanya sapagkat Siya ang ating lakas sa sandali ng ating kahinaan.  

Ang pagtitiwala sa magpagkalingang awa ng Diyos ay dapat din nating isabuhay ngayong panahon ng pandemya na kung saan ay marami sa ating mga kababayan ang patuloy na naghihirap.  Ang pagkapit sa Diyos ang tanging makapagbibigay sa atin ng pag-asa upang magpatuloy sa ating buhay.  Hindi Niya tayo iniwanan.  Hindi Niya tayo pinababayaan.  Siya ang Diyos na sumasaatin at namuhay na kasama natin.

Pangalawa ay ang KAPAYAKAN at pagiging totoo sa sarili. Ang isang bata ay walang arte sa kanyang sarili, payak... simple!  Kung may mga bata mang maarte sa buhay ay sapagkat natutunan niya iyon sa mga nakatatanda.  Ang isang bata ay madaling umamin sa kanyang pagkakamali.  Ang matatanda ay laging "in denial" sa kanilang mga pagkukulang.  Lagi nilang makikita ang kamalian ng iba ngunit hindi ang kanilang mga sarili.  Kaya nga't kakambal ng kapayakan ay ang pagpapakumbaba na kung saan ay kaya nating ibaba ang ating kayabangan at aminin ang ating mga pagkukulang at kamalian.  

Nawa ang Kapistahan ng Sto. Niño ay magtulak sa ating magtiwala sa Diyos at maging mapagkumbaba sa Kanya.  

Saksi tayo sa mga nangyari nitong nakaraang taon. Hindi lang pandemiyang dala ng COVID19 ang nagpahirap sa atin.  Tinamaan din tayo ng mga bagyo, pagbaha at paglindol.  Marami ngayon ang walang tahanan at ari-arian.  Marami ang lugmok sa kahirapan at walang kasigurahan ang pamumuhay.  Ngunit ang pangyayaring ito ay nagbigay daan din upang lumabas ang malasakit at kabutihan ng ating mga kababayan.  Marami ang nagsasakrisiyo ngayon at patuloy pa rin ang pagtulong sa mga nangangailangan.  

Ang debosyon sa Sto. Nino ay makapagbibigay sa atin ng lakas upang muli nating ibalik ang ating malakas na pagtitiwala sa Diyos sa gitna ng hirap at dalamhati.  Huwag din tayong matakot tumulong at magbahagi.  At tandaan natin na kapag tayo ay nagbibigay, bagamat nabubutasan ang ating bulsa, ay napupuno naman ng kagalakan ang ating puso kaya't ipagpatuloy natin ang pagpapakita ng kabutihan sa ating kapwa. Maging mapagkumbaba tayo sa pagtulong sa iba. 

Tandaan nating lahat tayo ay minsan nang dumaan sa ating pagkabata. Ngunit hindi dahilan ang ating pagiging matanda upang hindi na isabuhay ang mga magagandang katangian taglay nila.  Sa katunayan, lahat tayo ay bata sa mata ng Diyos.  Lahat tayo ay NIÑO na nangangailangan ng Kanyang gabay at pagkalinga.  Tandaan lang natin na tayong lahat ay nasa kamay ng Sto. Nino. Tayo ay nasa Kanyang mapagpalang kamay.  Hindi Niya tayo pababayaan.

Maligayang Kapistahan ng Sto. Niño sa ating lahat! VIVA PIT SEÑOR!

Sabado, Enero 8, 2022

ANAK NA KINALULUGDAN NG AMA: Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year C - January 9, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ngayon ay ika-9 ng Enero, Kapistahan ng Pagbibinyag ng Panginoon.  Ngunit ipinagdiriwang din natin ngayon ang kapistahan ng TRASLACION ng Poong Nazareno.  Noong nakaraang mga taon ay nasaksihan natin ang maladagat na mga tao na sumasama sa pagdiriwang na ito.  Bago tumama ang pandemya ay puno ng ingay at saya ang paligid ng simbahan ng Quiapo.  Ngayong panahon ng pandemya ay dalawang taon ng tahimik ang lugar.  Walang ingay.  Walang saya.  May mga pulis na nakabantay upang harangin at paalisin ang mga debotong magtatangkang magtipon-tipon sa paligid ng simbahan.  Nakakalungkot ngunit ito ang isa sa mga masamang naidulot ng Covid19 sa ating pananampalataya.  

Ang Traslacion ay ang ang taunang paggunita sa paglilipat ng Imahe ng Poong Nazareno mula sa Luneta patungong Simbahan ng Quiapo.  Hindi ito ang Kapistahan ng Nazareno, sapagkat ang paggunita sa paghihirap ni Jesus ay ginagawa natin tuwing Biyernes Santo.  Hindi rin ito kapistahan ng Quiapo sapagkat ang patron ng Simbahan ng Quiapo ay si San Juan Baustista.  Ito ay isang malaking pagdiriwang na may anyong kapistahan dahil sa dami ng mga debotong nakikibahagi taon-taon.  Saan ka nga ba naman makakakita ng uri ng pananampalatayang ipinakikita ng mga deboto ng Poong Nazareno?  Mahigit isang milyong taong parang along sumasabay, dumuduyan at nagpapagalaw sa andas ng Poong Nazareno.  Hindi maikakaila ang mga tunay na debotong nabiyayaan ng Kanyang mahimalang tulong.  Hindi rin maikakaila ang maraming taong binago ang buhay ng Poon. Mula sa magulong buhay tungo sa mapayapang pamumuhay, mula sa pagiging makasalanan tungo sa kabanalan, lahat sila ay may magandang kuwentong maibabahagi sa pakikipagtagpo nila sa Poong Nazareno.  Sila ang mga debotong namamanata sa Poon. 

Ngunit kung may mga tunay na deboto ay mayroon din namang mga "debote" kung tawagin.  Sila naman ang nag-aakala na ang pagsunod sa Nazareno tuwing "traslacion" ay sapat na upang matanggal ang kanilang kasanalan kaya't pagkatapos ng kapistahan ay balik uli sa dating pag-uugali at buhay... "debote" uli!  Wala silang pinagkaiba sa mga "kristiyanong paniki" kung tawagin. 

Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki.  Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila.  Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!"  Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray.  ginamit ko ito at simula ay effective naman.  Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical."  Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig.  Binasbasan ko ito.  Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!"  

Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking winisikan ng tubig!  Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok!  Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang.   Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano?  

Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral.  Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan. 

Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi ng kasalanan!  Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos.  At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos

Ano ang itinuturo nito sa atin?  Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay inampon tayo ng Diyos bilang mga tunay na anak at kapatid ni Jesus at isabuhay natin ang ating pangako na tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na anak ng Diyos.  Ikalawa, ang ating binyag ay pagsisimula ng ating misyon bilang mga anak ng Diyos na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at banal.  Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos.  Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. 

Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano.  Sana hindi lang tayo mga "Kristiyanong Paniki".  Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo, lubos na kinalulugdan ng Ama!  Ngayong tayo nasa ika-500 Taon ng Pagdiriwang ng Ating Pananampalatayang Kristiyano ay  ipakita natin ang isang pananampalatayang punong-puno ng buhay!  Isang pananampalatayang masigasig at napapatunayan sa gawa.  Isang pananampalatayang may pakialam sa mga nangyayari sa ating lipunan at nagtataguyod na mga saksi ng Simbahan.  Isang pananampalatayang kinalulugdan ng Ama sa Kanyang mga anak. 

Sabado, Enero 1, 2022

ANG HANDOG NG MGA PANTAS: Reflection for the Solemnity of the Epiphany - Year C - January 2, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES


Happy Three Kings sa inyong lahat!  Alam n'yo bang MALI ang pagbating ito?  Una, hindi naman sila talaga HARI.  Sa binasa nating Ebanghelyo ayon kay San Mateo ay wala namang binanggit na mga hari ang bumisita kay Jesus.  Ang sabi sa Ebanghelyo, sila ay mga PANTAS na nagmula sa silangan, mga taong matatalino at may kakaibang kaalaman sa siyensya na may alam sa pakahulugan ng mga bituin sa kalawakan.  Sa ingles sila ay tinaguriang "wise men."  Ikalawa,  hindi sila TATLO.  Wala namang binanggit na bilang ng mga pantas si San Mateo.  Ang sinabai ni San Mateo ay may tatlong regalong inihandog ang mga pantas nang matagpuan ang sanggol na Jesus sa sabsaban. Kaya't maaari silang higit pa sa tatlo.  Ikatlo, ay parang hindi angkop ang salitang HAPPY sa ating pagbati.  Bakit kamo? Sapagkat mukhang hindi na masasaya ang mukha ng marami sa atin!  Marahil  naubos na ang pera noong nakaraang Pasko at Bagong Taon! Idagdag pa natin ang perwisyong dala ng Covid19 na kung saan ay lumalaki na naman ang bilang ng mga tinatamaan ng virus na ito.  Hindi rin "happy" ang marami sa ating mga kapatid na nasalanta ng bagyong Odette.  Maraming buhay ang nawala, maraming bahay ang nasira, maraming pangarap ang naglaho! 

Kaya nga ang tamang pagbati pa rin ay MERRY CHRISTMAS! Sapagkat ngayon ay bahagi pa rin naman ng panahon ng Pasko.  Sa katunayan, sa ibang bansa, ang tawag dito ay ikalawang Pasko at sa araw na ito sila nagbibigayan ng regalo.  Kaya ang mga ninong at ninang na tinaguan ang kanilang mga inaanak ay hindi pa rin ligtas ngayon. Ibig sabihin puwede pang habulin ang mga ninong at ninang na nagtago noong nakaraang December 25.  

Ang tamang pagtawag sa kapistahang ito ay EPIPANYA na ang ibig sabihin ay PAGPAPAKITA.  At ano ba ang nais ipakita o ipahayag sa atin ng kapisthang ito?  Una sa lahat, ito ay pagpapakita na si Jesus ang tagapagligtas ng lahat maging ng mga hentil.  Ang sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso: "sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus."  Ang mga pantas ay nagmula sa silangan, ibig sabihin ay hindi sila mga Hudyo.  Ipinapakita ng kapistahang ito na si Jesus ay tagapagligtas ng lahat.  Ikalawaipinakita nito kung sino si Jesus sa pamamagitan ng kanilang tatlong handog na ginto, kamanyang at mira.  Ang ginto na sumasagisag sa "royalty" ay kumakatawan sa pagkahari ni Jesus, ang kamanyang na karaniwang inihahandog sa templo  ay sa sumasagisag naman sa kanyang pagka-Diyos at ang mira na ipinapahid sa mga patay ay sumasagisag sa kanyang pagiging tao na kung saan ay mararanasan niya rin ang paghihirap at kamatayan. Ikatloipinapakita ng kapistahang ito na ang pagmamahal ay nabibigyang katuturan sa pamamagitan ng PAGBIBIGAY.  Na ang pagiging tunay na pantas ay wala sa halaga ng regalong inihahandog kundi sa pagmamahal na kalakip ng taong nagbibigay nito.

Hindi ko alam kung pamilyar kayo sa kuwentong "The Gift of the Magi" ng isang manunulat na nagngangalang O. Henry noong taong 1905.  Una kong narinig ang kuwentong ito sa aming English Literature Class noong ako ay nasa high school.  Ito ay kuwento ng mag-asawang Jim at Della na nagplanong magregalo sa isa't isa sa araw ng Pasko.  Sapagkat mahirap ang buhay noon ay kinapos ang kanilang budget sa pagbili ng regalo.  Naisipan ni Jim na regaluhan si Della ng magandang suklay para s kanyang mahabang buhok.  Sapagkat kapos sa budget ay ibinenta n'ya ang kanyang relong de kadena na minana n'ya pa sa kanyang magulang.  Naisipan naman ni Della na regaluhan si Jim ng isang bagong chain o kadena para sa kanyang relo sapagkat nakita n'ya kung paano pinahahalagahan ni Jim ang manang ito mula sa kanyang mga magulang.  Ngunit dahil kapos din sa budget ay naisipan n'yang ipaputol ang kanyang mahabang buhok at ipagbili ito upang mabili ang nais niyang iregalo kay Jim.  Pasapit ng araw ng Pasko, pag-uwi sa bahay ay nagulat si Jim ng makita niyang maikli na ang buhok ng kanyang asawa.  Umiiyak na nagpaliwanag ito na kailangan n'ya itong gawin upang makabili ng regalo para sa kanya.  Nang buksan ni Jim ang regalo ni Della ay napangiti ito.  Isang magandang kadena para sa kanyang relo na wala ng pagbabagayan dahil ibinenta na ni Jim ang kanyang pinakaiingatang minanang relo.  Sinabi niya ito sa kanyang asawa at kapwa sila napaiyak, hindi gawa ng lungkot sapagkat tila baga nawalan ng saysay ang kanilang mga regalo, ngunit sa tuwa dahil nadama nila ang pagmamahal nila sa isa't isa dahil sa sakripisyong kanilang ginawa upang mapaligaya ang isa't isa.

Ang mga tunay na  WISE MEN ay ang mga taong nakakaunawa na "sila rin ay mga regalo!"  Si Jim at si Della ay tunay na mga pantas sapagkat nabatid nila na hindi mahalaga ang materyal na handog ngunit higit na mahalaga ang pagmamahal nila sa isa't isa na ipinakita ng kanilang "selfless sacrifice" para sa isa't isa.  Sila ang mga tunay na regalo para sa isa't isa!  We are gifts and WE ARE GIFTED TO GIVE!  Ang slogan ng ika-500 Anibersaryo ng Pagsisimula ng ating Pananampalatayang Kristiyano ay "We are Gifted to Give!"  Hinahamon tayo ng ating Inang Simbahan na maging regalo para sa isa't isa.  Hinihimok tayong labanan ang ating pagiging makasarili at matuto tayong magbigay!  Ang ating pananampalatayang tinanggap ay hindi lang para sa atin.  Ito ay tinanggap natin sa Diyos upang ipamahagi sa iba.  Kaya nga ang tawag din sa taong ito ay Year of Missio Ad Gentes, salitang latin na nagsasabing tayong lahat ay may misyon sa ating kapwa. 

May magandang ginawa ang mga pantas pagkatapos nilang makita ang sanggol at pagbawalan ng anghel sa panaginip, nag-iba sila ng landas. Hindi sila bumalik kay Herodes. Marahil oras na, na tulad ng mga pantas, na talikuran natin ang DATING DAAN at tahakin ang BAGONG DAAN! Huwag na nating balikan ang malawak na daan ng masasamang pag-uugali at pilitin nating tahakin ang daang makitid ng pagbabagong-buhay! Ang kaligtasang regalo ni Jesus ay para lamang sa mga matatalino tulad ng mga "wise men.  At ang mga tunay na "WISE MEN" ay tuloy-tuloy sa "paghahanap" sa Kanya.  "Wise men still seek Him."  Araw-araw nating hanapin ang Diyos sa ating buhay.