Sabado, Pebrero 26, 2022

TRUTH SEEKERS: Reflection for 8th Sunday in Ordinary Time - Year C - February 27, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Paano ba nakikita ang kalooban ng isang tao?  Ang sagot ay... sa pamamagitan ng kanyang mga salita.  May kapangyarihan ang salita! Sa pagbukas ng bibig ng isang tao ay malalaman natin ang nilalaman ng kanyang puso.  Kung panay pagmumura, pagsisinungaling, kalaswaan, panlalait at paninira ang lumalabas sa kanyang bibig ay huwag nating asahang maganda ang kanyang pagkatao!  

May kuwento na noong taong 2019, isang malaking barko, isang inter-continental ship ang naaksidente papalubog sa gitna ng dagat.  Sakay-sakay nito ang mga dalawampu't tatlong presidente ng iba't ibang bansa na dumalo sa isang world summit.  Inihanda ang isang malaking life-boat para sa kanila ngunit sa kasawiang-palad ay dalawampu lamang ang kaya nitong isakay.  Ibig sabihin, kinakailangang magparaya ang tatlo sa kanila upang mailigtas ang dalawampu.  Naunang nag-volunteer ang presidente ng Spain. Tumayo siya at sumigaw ng "Viva Espana!"  sabay talon sa dagat.  Sumunod na nagtaas ng kamay ang presidente ng Estados Unidos, si Pres. Trump,  at sumigaw siya ng "Long live America!"  at sabay talon sa dagat.  At siyempre, papahuli ba naman ang ating mahal na presidente?  Nakangisi siyang tumayo at sumigaw ng "Mabuhay ang Pilipinas!"  Sabay tulak sa presidente ng North Korea! Sigaw ang mga tao sa barko ng "Wow Rodi lodi... ang lakas ng werpa! SAKALAM... PETMALU!!!" May nagtanong sa kanya... bakit hindi presidente ng China ang tinulak mo?  "Ba't ko gagawin yon e BFF ko yun!" hehehe...  Kuwento lang mga kapatid.  Kayo na ang bahalang umunawa!  Pero, may katotohanan nga ang sabi ni Jesus na ang bawat isa ay nagsasalita mula sa kung ano ang nasa puso niya. "... out of the abundance of the heart the mouth speaks." (Luke 6:45)

Ito ang sinasabi sa unang pagbasa sa Aklat ni Sirach: "The fruit of a tree shows the care it has had; so too does a man’s speech disclose the bent of his mind."  Kaya wag muna nating purihin ang tao bago natin siya pakinggan.  Tandaan natin na masusuri natin ang isang tao sa kanyang pagsasalita.  Ito rin ang sinasabi sa Ebanghelyo: "A good man produces goodness from the good in his heart; an evil man produces evil out of his store of evil. Each man speaks from his heart’s abundance."  

Nagpapatuloy sa ngayon ang pangangampanya ng mga kandidato sa darating na eleksiyon.  Hindi ugali ng Simbahan na mag-endorso ng mga kandidatong dapat nating iboto.  Ang sinabi ng Simbahan ay maging mapanuri tayo sa pagpili ng ating mga magiging pinuno.  Pakinggan natin ang ang pananalita ng mga kakandidato dahil makikita natin dito ang kanilang pagkatao.  Dahil sa pagsasalita ay mailalahad nila ang kanilang saloobin at plataporma para sa ating bayan.  Hindi masama ang makipagdebate sapagkat masusukat natin dito ang nilalaman ng kanilang puso at ang mga paniniwala nila.  May mga kandidatong umiiwas sa debate.  Kampante na sila sa mga pakamay-kamay at pasayaw-sayaw sa enteblado.  Pero paano natin malalaman ang kanilang saloobin kung hindi sila magpapaliwanag ng kanilang pinaninindigan? Totoo na mahalaga ang gawa kaysa salita.  "Action speaks louder than voice!"  Pero paano natin malalaman ang kanilang pananaw para sa ating bayan kung mas pipiliin nilang tumahimik na lang?  Kung marumi ang pag-iisip ng isang tao, kahit na gaano pagkaingat-ingatan ang pagbuka ng kanyang bibig, madudulas at madudulas din siya!  

Sa ganang atin naman, bilang mga Kristiyano, ay hinihimok tayong ingatan ang ating pagsasalita at ating pag-iisip.  Magkaroon tayo ng malinis at tuwid na pag-iisp ng sa gayon ay magagawa nating magsabi sa iba ng kanilang kamalian na dapat itama. Kung hindi ay magiging hipokrito tayo tulad ng sabi ni Jesus: "Hypocrite, remove the plank from your own eye first; then you will see clearly enough to remove the speck from your brother’s eye."  Katulad din yan ng kanta ni Rico J:  "Bago mo linisin ang dungis ng yong kapwa, hugasan ang yong putik sa mukha!"  Magagawa natin yan kung may malinis tayong pag-iisip at pananalita.  

Paano natin malilinis ang kalooban natin?  Paano natin maayos ang ating puso at damdamin?  Una, huwag nating pasukan ng dumi ang ating kalooban.  Dumadaan ito sa 'ting mga mata at tainga kaya bantayan natin ang ating nakikita at naririnig.  Pangalawa ay alamin natin ang katotohanan.  Wag tayong makinig sa sabi-sabi ng iba.  Wag tayong mabuhay sa kasinungalingan.  Wag tumangkilik sa mga fake news!  Pangatlo, matuto tayong magpatawad o magpaumanhin kung may masama tayong karanasan sa ibang tao sa halip na magkimkim tayo ng galit at sama ng loob. Tandaan natin na ang magpatawad ay nakabubuti hindi lang sa taong pinatawad kundi sa tao ring nagpapatawad.  At panghuli, piliin natin na isipin ang mga bagay na mabuti.  Kung magagandang bagay ang nasa loob natin, magagandang pananalita ang lalabas sa ating bibig.  Ang sabi ni San Pablo sa kanyang Sulat sa mga taga Efeso: "Let no corrupting talk come out of your mouths, but only such as is good for building up, as fits the occasion, that it may give grace to those who hear." 

Nais ko sanang bigyan pa ng pansin ang pangalawa:  alamin ang katotohan!  Noong nakaraang pagdiriwang ng ika-36 na anibersaryo ng EDSA PEOPLE POWER ay kasabayang naglabas ang ating mga obispo ng "pastoral letter" na pinamagatang "The Truth Will Set You Free" hango sa ebanghelyo ni San Juan (Jn 8:32). Sa anong kadahilanan? Sapagkat nababahala ang mga pastol ng ating Simbahan sa paglaganap ng "Pandemya ng Pagsisinungaling."  Sobrang dami na kasi ng mga kasinungalingang kumakalat sa internet.  Mag-ingat ka at baka isa ka na sa mga nabibiktima nito.  Kung minsan ang bilis nating naniniwala sa mga nababasa natin sa Facebook, o napapanood sa YouTube at Tiktok! Paniwalang-paniwala tayo na totoo ang ating mga nakikita at naririnig at hindi natin namamalayang nabiktima na pala tayo ng fakenews!  

Kaya nga ang panawagan ng ating mga obispo ay isang masusing pagsusuri ng ating mga sarili: "Let us examine ourselves. Perhaps, we too, sow the virus of lies. which spreads wildly and numbs our consciences.  This virus paralyses our capacity to recognize God, respect truth and goodness."  Kaya nga't sa praktikal na pamamaraan ay tinatawagan tayo ng Simbahan na sanayin ang ating sarili sa pagtangkilik sa katotohanan at iwasan natin ang pagsisinungaling!  Ang sukatan ng pagiging mabuting tao ay ang kanyang pagiging totoo sa salita at gawa!  Huwag nating ituring na maliit na bagay ang pagsisinungaling sapagkat ang sabi nga ay ang kapatid ng sinungaling at magnanakaw!  Ang nais lang naman ng ating mga obispo na gawin natin ay saliksikin ang katotohanan: "Let us diligently seek the truth that we may do what is right ang avoid evil."  

Tandaan natin na makapangyarihan ang salita.  Ngunit ang salitang ito ay dapat nababatay sa katotohanan at hindi kasinungalingan.  Mamuhay tayo sa katotohanan sa salita at gawa!




Sabado, Pebrero 19, 2022

UNCONDITIONAL LOVE: Reflection for 7th Sunday in Ordinary Time Year C - February 20, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Tayo pa rin ay nasa "Buwan ng Pag-ibig" at marahil magandang kamustahin natin ang ating relasyon sa isa't isa.  Ano na ba ang relationship status mo?  Sa facebook ay makikita pa ang mga status tulad ng single, married, in a relationship, it's comlplicated at nadagdagan pa ito ng engaged, married, widowed, separated, divorced, in civil union, in a domestic relationship.  Isama na natin ang mga kakaibang jejemon relationship tulad ng MOMOL (Make Out Make Out Lang), MOMOX (Make Out Make Out Extreme), HOHOL (Hang Out Hang Out lang) COCOL (Coffee Coffee Lang) MU (Mutual Understanding?  Hindi... MU for Malanding Ugnayan! hehehe... 

Anuman ang relationship status mo, ang mahalaga pa rin ay ang madama mo na may nagmamahal sa 'yo.  Kapag ako ay gumagawa ng panayam para sa kasal ay labis kong kinaaaliwan ang bahagi na kung saan ay nagtatanong ako ng mga hypothetical questions. Nagsisimula ito sa katagang "kung saka-sakaling bago kayo ikasal ay matagpuan mo na ang asawa mo ay...  itutuloy mo pa ba ang kasal?"  Halimbawa:  may anak na siya sa iba, isa siyang drug addict, lasenggo, sexually pervert, bakla na may karelasyong lalaki, o tomboy na may karelasyong babae, manyakis... May mga ilan na ang sagot sa lahat ay "Opo Father..."  Kapag tinanong ko kung bakit n'ya pa rin papakasalan, ang sagot sa akin ay "kasi Father, mahal na mahal ko s'ya!"  

Naisip ko tuloy na kung ganito tayong mga tao mag-isip ay paano pa kaya ang Diyos?  Mahal na mahal tayo ng Diyos at ang pagmamahal na ito ay walang pagtatangi.  Ibinigay ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak upang matubos ang lahat sa pagkakasala.  Nag-alay ang Anak ng Diyos ng kanyang buhay sa krus upang tayo ay maligtas sa ating pagkakaalipin sa kasalanan.  Ang kanyang pagmamahal ay para sa lahat,  walang kundisyon, walang limitasyon. "Mahal kita, maging sino ka man..." ang sabi nga ng linya ng isang awit.  Ang pagmamahal na ito ay ang tinatawag nating "unconditional love" na patuloy niyang ipinadadama sa ating mga makasalanan.  Mas malaki ang pagkakasala mas malakas dapat nating madama ang pag-ibig ng Diyos!  Dito ay makikita natin ang malaking pagkakaiba ng pag-ibig ng Diyos sa pag-ibig ng tao.  Para sa Diyos ang pag-ibig ay hindi lang feeling kundi willing.  Ginusto ng Diyos na mahalin niya tayo sa kabila ng ating pagiging makasalanan.  

Kaya nga't ang sinabi ni Hesus na: ''...Love your enemies, do good to those who hate you, bless those who curse you, pray for those who mistreat you!" ay hindi imposible kung pagbabatayan natin ang pamantayan ng Diyos sa pagmamahal.   At para bigyan ito ng malinaw na paglalarawan ay sinabi niyang ibigay mo ang kanang pisngi kapag sinampal ka sa kaliwa na alam natin mas masakit.  Ibigay mo na rin ang balabal mo pag hiningi ang iyong baro!  Ang ibig sabihin ng Panginoong Jesus ay "go the extra mile" kung tayo ay magmamahal.  Isang magandang paalala sa ating mundong unti-unting niyayakap ang kultura ng kamatayan: poot, karahasan at paghihiganti.  Kaya hindi siguro mahinto ang kaguluhan sa ating palagid.  Totoo ngang "An eye for an eye will make the whole world blind" (Indira Gandhi).  Kaya ang sunod na paalala ng Panginoon ay: "Be merciful, just as your Father is merciful... Forgive and you will be forgiven!"  

Sana ay matuto rin tayong magmahal katulad ni Kristo na ang panukat ng pagmamahal ay ang magmahal na walang panukat. May mga tao ka bang hanggang ngayon ay nagdadala sa iyo ng sama ng loob?  Tumahimik ka sandali. Alalahanin mo ang kanilang mga mukha.  Subukan mong magpatawad mula sa iyong puso.  Isama mo sila sa iyong panalangin sa Misang ito.  Kapag nagawa nating umunawa at magpatawad ay babalik din sa atin ang pagpapala ng "siksik, liglig at nag-uumapaw!"  "Give, and gifts will be given to you; a good measure, paced together, shaken down, and overflowing, will be poured into your lap!"  

Sabado, Pebrero 12, 2022

ANG TUNAY NA MAPAPALAD: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year C - February 13, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Advanced Valentines Day sa inyong lahat!  Bukas ang Araw ng mga Puso... Feb 14.  Pero may nagsabi sa akin na ang Valentines daw ay hindi 2-14.  Kundi ito ay 3-16.  Hindi nito tinutukoy ang petsang March 16 kundi ang nakasulat sa Ebanghelyo ni San Juan, 3:16.  Ito daw ang tunay na kahulugan ng Valentines:  "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Sa ingles ay mas makikita natin ang VALENTINE sa talatang ito... literally!  

Totoo nga naman, ang tunay na pag-ibig ay "sacrificial love" at ito ay ipinakita ng Diyos Ama sa pagbibigay ng kanyang bugtong na Anak.  Ang Anak na ito ng Diyos ang nag-alay ng kanyang buhay sa krus dahil itinuring n'ya tayong lahat na kaibigan!  Walang siyang kundisyong ibinigay sa kanyang pagmamahal.  Minahal niya hindi lang ang mabubuti ngunit kahit na rin ang mga masasama... hindi lang ang mga banal ngunit gayun din ang mga makasalanan.  Ang pag-ibig ng Diyos ay unconditional love.  Ito rin ang pag-ibig na ninanais ng Diyos na sana ay maipadama natin sa iba.  Ang mga taong marunong magpakita nito ay ang mga taong tunay na "mapapalad."  

Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging mapalad sa mata ng Diyos?  Ang binasa nating Ebanghelyo ngayon ay ang tinatawag nating "The Beatitudes" o ang Mga Mapapalad.  Sa pamantayan ng mundo ay tila baga katawa-tawa ang mga salitang binitiwan ng Panginoong Jesus.  Ganito kasi mag-isip ang mga taong makamundo: Kaaw-awa ang mga nagdadalamhati.  Kaaw-awa ang mga mahihirap. Kaawa-awa ang mga nagugutom... Sapagkat ang sukatan ng mundo ay kung ano ang meron ka ang siyang magpapaligaya sa 'yo!  Ngunit iba ang pag-iisip ng Diyos.  Para kay Jesus: mapalad ang mga dukha.  Mapapalad ang ma nagugutom.  Mapapalad ang mga tumatangis...  Parang namang katawa-tawa naman ata mag-isip ang Diyos! Ngunit kung ating pag-iisipan ng malalim at itataas mo ang iyong pang-unawa sa pamantayang makamundo ay matatanto mong tama ang tinatawag ni Jesus na "Mapapalad."  Sapagkat ang kaligayahan ng mga taong kawawa sa mata ng mundong ito ay ang pagtitiwala sa Diyos na kanilang tanging mapanghahawakan.  

At ito nga sinabi ni Propeta Jeremias sa unang pagbasa: "Ngunit maligaya ang taong nananalig sa Poon, pagpapalain ang umaasa sa kanya. Ang katulad niya'y halamang nakatanim sa tabi ng batisan, ang mga ugat ay patungo sa tubig; hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init, sapagkat mamamalaging luntian ang mga dahon nito, kahit di umulan ay wala itong aalalahanin; patuloy pa rin itong mamumunga."   Hindi ba't napakapalad ng gayong mga tao?

Lagi nating pakatandaan na hindi ang mundong ito ang sukatan ng ating pagiging mapalad sapagkat ang kaligayahang ibinibigay ng mundo ay panandalian lamang at may katapusan.  Sa mundong ito ay binibigyan lamang tayo ng dalawang pagpili.  Ang magpakabuti o maging masama. Ang maging masaya o malungkot.  Ang magmahal o manghamak ng kapwa.  Ang sumuway sa mga utos ng Diyos o maging masunurin.  Nasa atin ang pagpili kung nais ba nating maging mga taong mapapalad o sawimpalad sa ating buhay.

Ang panahong ito ng pandemya ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang ipakita kung kaya ba nating maging "mapapalad."  At tulad ng anumang pagsubok ay inilalabas nito sa tao ang mabuti at ang masama sa kanya.  Sino ba ang mga taong tunay na masasaya? Hindi ba't ang mga taong sa kabila ng kanilang hikahos na pamumuhay ay nagawa pang tumulong sa iba?  Bumabalik sa isipan ko yung mga oridnaryong taong nagbigay sa mga "community pantries" sa kabila ng kanilang kakulangan sa buhay. Mababakas mo sa mga mukha nila ang tunay na kaligayahan.  Malaking kabaliktaran naman sa mga taong nagsamantala at gumamit sa pandemyang ito upang magkamal ng kayaman, hindi ba't sila ang nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso na isasampa sa hukuman?  

Magmahal tayo na may kasamang sakripisyo.  Magmahal tayo kahit na nangangahuugan ito na masasaktan tayo sa ating pagbibigay.  Magmahal tayo kahit na may kasamang sakit at paghihirap. 
Kaya nga't para sa isang Kristiyano, ang simbolo ng pag-ibig ay hindi ang puso kundi ang krus. Bakit?  Sapagkat ang puso ay tumitigil sa pagtibok, samantalang ang nakapako sa krus ay PATULOY SA PAGMAMAHAL.  "The measure of love is to love without measure!" At ito ang pakahulugan ng pagiging tunay na mapalad.   

Sabado, Pebrero 5, 2022

MAMAMALAKAYA NG MGA TAO: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time Year C - February 6, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Mayroong kwentong pabula (fable) tungkol sa tatlong magkakaibigang manok, baka at baboy na naglalakad sa kalsada at nakakita sila ng isang batang pulubi na buto't balat ang katawan.  Naawa sila at nangako silang tutulungan ang bata at magbigay ng maaari nilang ibahagi sa bata.  Sabi ng manok... "ako nangangakong magbibigay ng aking itlog araw-araw!"  Ang sabi naman ng baka... "ako naman nangangakong magbibigay ng aking gatas tuwing umaga!"  At natahimik ang baboy.  Naisip niya: "Wala akong itlog na maibibigay.  Lalo namang hindi siya umiinom ng gatas ng baboy... anong ibibigay ko?"  Ang sabi niya sa dalawang kaibigan.  "Hindi ko kayang magbigay ng itlog at gatas pero may maibibigay ako na kapag ginawa ko ay katapusan ko na!  Puwede kong ibigay ang aking buong PAGKABABOY!" 
 

Ang tawag sa ganyang uri ng pagbibigay ay "total commitment". Ito rin ang ipinakita ng mga unang alagad ni Jesus, ang mga mangingisdang sina Simon, Juan at  Santiago. "Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus." Siguradong hindi naging madali sa kanila ang iwan ang kanilang pamilya at kabuhayan upang sundan ang isang karpentero ng Nazareth. Walang kasiguraduhan ang naghihintay sa kanila sa pagsunod kay Jesus ngunit nagawa nilang isuko ang lahat para lamang sundan Siya. 

Ang pagtawag na ito ay nangangailangan ng agarang pagtugon sa kabila ng ating kakulangan at hindi pagiging kaapat-dapat.  Tulad ito ng pagtawag kay Propeta Isaias sa unang pagbasa. "Narinig ko ang tinig ng Panginoon,'Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?' Sumagot ako, 'Narito po ako. Ako ang isugo n'yo!"  Nagpapatuloy ngayon ang pagtawag na ito sa mga hinirang ng Diyos na nag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod.  Nabiyayaan ang Simbahan ng mga kalalakihan at mga kababaihan na nagtalaga ng kanilang sarili upang maging mamamalakaya ng Panginoon.  Ngunit sa kasalukuyan, sa paglipas ng panahon at mabilis na pagbabago ng kultura a teknolohiya, ay unti-unting nababawasan ang bilang ng mga taong ito.  Nangangahulugan ito ng mas malawakang pagtawag at pagtugon.

Sa pagdiriwang natin ng ika-500 taon ng ating pananampalatayang Kristiyano ay pinaalalahanan tayo na tayong lahat ay tinatawag din ng Panginoon.  Ang pagtawag ni Jesus sa mga unang alagad ay pagtawag din para sa ating lahat. Hindi lamang ito para sa mga pari, relihiyoso o mga madre.  Ito ay pagtawag sa ating lahat sapagkat tayong lahat ay hinirang ng Diyos bilang kanyang mga alagad!  Lahat tayo ay ipinadadala ng Diyos at isinusugo Niya upang magbigay saksi tungkol sa kabutihan ng Diyos at sa Kanyang biyayang pagliligtas.  Ito ang paalala sa atin ng turo ng ating Simbahan:  "Incorporated into Christ's Mystical Body through baptism, and strengthened by the power of the Holy Spirit through confirmation, the laity are assigned to the apostolate by the Lord himself."  

Ito ang kahulugan ng ating pagiging "mamamalakaya ng tao".  Lahat tayo ay may pananagutang maging "misyonero" para sa iba.  Kaya nga ang tawag sa taong ito ay YEAR OF MISSIO AD GENTES.  Ang ating misyon ay para sa mga tao, para sa ating kapwa, para sa bawat isa!  At hindi mo kinakailangang lumayo upang maisakatuparan ito.  Kung ikaw ay may pamilya ay doon ka ipinapadala ng Diyos. Kung ikaw ay nag-aaral ay ipinapadala ka naman sa iyong paaralan. Kung ikaw ay manggagawa ay ipinapadala ka naman sa lugar na iyong pinagtatrabahuhan.  Ibig sabihin ay walang dahilan upang hindi mo magampanan ang pagiging alagad ni Kristo.  Kailan ka huling gumawa ng kabutihan para sa iba sa ngalan ng Diyos?  Nagawa mo na bang magsalita o magbahagi ng tungkol sa Diyos sa iyong kapwa?  

Isang malaking hadlang para maisakatuparan ang  misyong ito ay ang pag-iisip lamang sa ating sarili. Ito ang dapat nating iwaksi at iwanan kung paanong iniwan ni Pedro at ng mga unang alagad ang lahat-lahat.  Sa kabila ng ating kakulangan ay mas tumitingkad ang kapangyarihan ng Diyos na siyang nagpupuno sa ating pagkukulang.  

Kung nababatid natin ito ay maiintindihan natin na ang misyong ibinigay sa atin ay hindi lamang para sa ating sarili kundi ito ay para sa Diyos.  Tayong lahat ay tinatawagang "manghuli ng mga tao" para sa Kanya sa pamamagitan ng ating mabuting halimbawa at pagsaksi bilang mga tunay na Kristiyano.