Sabado, Agosto 27, 2022

TAPAT AT MAPAGKUMBABANG KATIWALA: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year C - August 28, 2022

Ano ba ang napapala ng pagiging mayabang? Kung minsan may mga taong sadyang isinilang upang manghamak ng iba.  Masaya ang kanilang pakiramdam kapag nakalamang sila sa ibang tao.  Sa kanilang pag-iisip ay sila lang ang marunong, sila lang ang magaling, sila lang dapat ang tama kaya't gayun na lamang ang kanilang panlalait sa iba.  Kasi nga ayaw na ayaw nilang malalamangan sila sa lahat ng bagay. Ngunit alam nating may kinalalagyan ang mga taong mayayabang!  Tulad na lang ng kuwentong ito.  

Isang turistang Japanese tourist ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?" "More or less one year!" Sabi ng driver. "One year? Too slow! In Japan, six months... very, very fast!" Payabang na sagot ng intsik." Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng intsik: "Ah... this building is very big and very wide! How long did you take to build it?" "four months!" sabi ng tsuper para hindi siya mapahiya sa kanyang pasahero. "four months??? hah! very slow! In Japan, only three months... very, very fast!" Payabang na sabi ng Hapon. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay... sa Mall of Asia. "Wow! This building is very, very big and very very wide! How long did you build it?" Payabang na sagot ng driver: "Only two months!" upang huminto na ang kayabangan ng kanyang sakay.  Ngunit sa muling pagkakataon ay simingit ang intsik: "two months??? Very slow... in Japan only one month... very, very fast!" Napahiya na naman ang taxi driver na Pinoy. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Japanese, pay me ten thousand pesos!" Sagot ang hapon: "Ten thousand? Are sure? Very expensive!" Sagot ang driver: "Look sir... my taxi meter... made in Japan... very, very fast!" hehehe... nakaganti rin!  

Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin... yakapin ng mahigpit hanggang sila ay mamatay! hehehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob." Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Anak ko, maging mapagpakumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin, at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos. Habang ikaw’y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba; sa gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon. "  Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas."  Nagbigay siya ng malinaw na halimbawa tungkol sa pagpapakumbaba.  "Kapag inayayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan.  Baka may inayayahang lalong tanyag sa iyo!" "Kapag naghanda ka ng isang piging anyayahan mo ang taong hindi makakaganti sa 'yo at sa gayo'y gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal." 

Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan at kayamanan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito sa ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Anumang pagpapalang mayroon tayo ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos kaya dapat nating gamitin para sa iba at hindi para sa ating sarili lamang.  Ang pagpapakumbaba ay hindi kahinaan na tulad na sinasabi ng mga taong makamundo. Para sa ating mga Kristiyano, ang pagpapakumbaba ay nagbibigay sa atin ng lakas upang masundan natin si Kristo bilang mga tapat niyang mga alagad. 

Pansinin na ang salitang humility sa wikang ingles ay hango sa salitang latin na "humus" na ang ibig sabihin ay lupa.  Kapag tayo ay naglalakad ay hindi naman tayo nakatingin sa lupang ating tinatapakan. Hindi natin napapansin ito habang ating tinatapakan at dinadaanan.  Ngunit alam natin na ang lupang ito ay may taglay na yaman.  Dito tumutubo ang mga pananim na ating kinakain upang tayo ay mabuhay.  Puno ito ng yaman at pinagkukuhaan ng kabuhayan ng marami sa atin.  Ganito raw ang taong mapagkumbaba.  Hindi sila napapansin, dinadaanan at tinatapak-tapakan ngunit sa kabila nito ay punong-puno sila ng yaman sa kanilang sarili at nagbibigay ng buhay sa iba.

Ang mga taong mapagkumbaba ay maihahambing din sa mga uhay ng palay o trigo sa bukid.  Pansinin ninyo na ang mga uhay na may lamang trigo o palay ay mga nakayuko dahil sa bigat nito.  Ang uhay naman na walang laman ang siyang diretsong nakatayo.  Sinasabi sa atin ng imaheng ito na ang mga taong magpagkumbaba ay punong-puno ng bunga sa kabila ng kanilang tila pagyuko sa iba.  Ang mga tao namang mapagmataas ay walang taglay na bungang maipagmamalaki kabila ng kanilang taas noong pagtayo upang ipakitang mas mataas sila sa iba.  

Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano.  Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob... sa paglilingkod.  Tanging ang mga taong mapagkumbaba ang maaring maging mapagbigay!  Kaya nga't itinuturing natin si Jesus na isang Haring Naglilingkod o Servant-King.  Ang kadakilaan ni Jesus ay nasa kanyang magpagkumbabang paglilingkod.  Ang kanyang abang kalagayan sapul pa sa kanyang pagsilang, hanggang sa uri ng kanyang kamatayan ay nagpapakita ng kanyang kapakumbabaan.  At nais niyang ito ang ating pamarisan bilang kanyang mga alagad: "Learn from me for I am meek ang humble of heart..."

Ang mapagkumbabang pagbibigay ay ang katangian ng isang tunay na KATIWALA ng Diyos.  Ang buwan ng Setyembre, sa ibang lugar ay ang itinalaga ring Panahon ng Paglikha o Season of Creation.  Ito ay isang natatanging panahon na ibinigay ng Simbahan upang pagnilayan natin ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos sa pagbibigay Niya sa atin ng biyaya ng kalikasan! Gayundin, ito ay pagninilay din natin bilang mga tapat na katiwala ng Diyos sapagkat ang buong sannilikha ay ipinagkitiwala sa atin ng Diyos upang pamunuan natin ng buong katapatan at kapakumbabaan.  Sa mga kaganapang nangyayari sa ating mundo, tulad na lamang ng pagsira ng mga bundok at kagubatan sa labis na pagmimina,  pagsira sa mga likas na yamang dagat, pagdudumi sa mga estero, kanal, ilog at mga daluyang tubig, at mga marami pang pagsalahula sa ating kapaligiran ay nagpapakita sa atin na sumusobra na ang kayabangan ng tao!  Hindi na siya ang tapat na katiwala!  Ang tingin niya sa kanyang sarili ay ganid na nagmamay-ari ng lahat ng ito.  Panahon na upang pakinggan naman natin ang tinig ng kalikasan. Kaya nga't ito paalala sa ating ngayong ika-10 taon ng pagdiriwang ng Panahon ng Paglikha: pakinggan natin ang tinig ng panaghoy ng kalikasan na dumaraing sa nagsasabing tama na... sobra na... iwaksi na... ang  paglapastangan natin at pagwawalang bahala sa mga iresponsableng paggamit sa mga nilikhang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.  

Mahirap maibalik ang pagiging mabuting katiwala ng Diyos kung pinangungunahan tayo ng pagmamataas at pagkamakasarili. Tanggalin muna ang kayabangan at pairalin ang kapakumbabaan!  Limutin ang ating sarili upang makita natin ang ating pagiging aba sa harapan ng iba.  Pangalagaan natin ang ating "Common Home", ang mundong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.  Ito'y nangangailangan ng sama-samang pagkilos.  Pagkilos na may pananagutan at pagpapakumbaba.  Tandaan natin na ipinagkatiwala ng Diyos ang mundo sa ating mga kamay upang pamunuan ito ng may katapatan at kapakumbabaan.  

Sabado, Agosto 20, 2022

ANG PAGPILI NG PINTUAN: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year C - August 21, 2022

Marami raw surpresa ang naghihintay sa atin sa kabilang buhay.  Isa na ang sinabi ng ating Panginoon sa Ebanghelyo ngayon na "may mga nauunang mahuhuli at nahuhuling mauuna." Alam nating kapag tayo ay pumanaw ay may naghihintay sa ating gantimpala o kaparusahan depende kung paano tayo nabuhay dito sa lupa.  
Ang langit daw ay gantimpala para sa mga taong nabuhay ng mabuti. Ang impiyerno naman ay para sa mga masasama. Ang purgatoryo ay para sa mga nasa gitna: mabuting-masama o masamang-mabuti! Dito ay pinupurga ang kaluluwa upang maging dalisay hanggang sa ito ay maging karapat-dapat sa pagharap sa Diyos.  Kumbaga sa isang apartment na may tatlong palapag, ang langit ay top floor, ang purgatoryo ay middle floor at ang impiyerno ay ang basement.  

Isang araw ay may mga kaluluwang bagong lipat mula sa kabilang buhay na napunta sa purgatoryo. Laking pagkagulat nila nang makita ang kanilang kura-paroko doon. "Hala! Padre! Dito ka rin pala... kelan ka pa dito? Akala pa naman namin nasa top floor ka!  Dapat ay nasa top floor ka! Idol ka kaya namin kapag pinag-usapan ang kabanalan!  Eh bakit nandito ka kasama namin? Pasigaw na sabi ng isa niyang parokyano. "Shhhh... wag kayong maingay! Pakibabaan ninyo ang boses ninyo.  Baka magising si bishop. Natutulog s'ya sa ibaba!"  

O, hindi ba't nakakasurpresa ang ganung senaryo?  Sinong mag-aakalang ang mga nauuna ay mahuhuli at ang mga nahuhuli ay mauuna?  Isa lang naman ang katotohanan sa ating buhay na hindi natin maikakaila, na ang buhay natin dito sa mundo ay may katapusan.  Lahat tayo ay mamamatay!  Dito ay wala tayong pagpipilian.  Darating ang araw na magsusulit tayo ng ating buhay sa Diyos. Bagama't wala tayong pagpili sa kahahantungan ng ating buhay  mayroon naman tayong pagpili kung saan natin nais pumunta pagdating natin sa ating buhay sa kabila.  Ang sinasabi ng Banal na Kasulatan at maging ng ating pananampalataya ay mayroon lang naman tayong dalawang maaring puntahan sa kabilang buhay: langit o impiyerno.  

Ang impiyerno ay pintuang madaling pasukin, walang kahirap-hirap, malawak at maraming pumipili dahil nakakatawag pansin ngunit nagdadala sa walang hanggang kaparusahan. Ang langit ay pintuang  mahirap pasukin. Sa katunayan ay kakaunti ang dumadaan dito sapagkat makipot, mahirap at maraming sakripisyo ang dapat gawin ngunit siguradong magdadala sa atin sa walang hanggang kaligayahan.  

Ngunit ang sabi nga ng Panginoon, ay isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! "Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok."  Ang konteksto nito ay patungo si Hesus at ang mga alagad sa Jerusalem, ang lugar ng kanyang pagpapakasakit at kamatayan, at habang nagtuturo siya sa mga tao ay may isang nagtanong kung kakaunti lang ba ang maliligtas?  Ang sinagot niya ay ang tungkol sa makipot na pintuan na kung saan ay marami ang magtatangkang pumasok.  Sa katunayan ay ipagpupumilit pa nila ang kanilang sarili at sasabihing: "Panginoon, papasukin po ninyo kami... Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa mga lansangan namin."  At ang sagot ng Panginoon sa kanila: "Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na nagsisigawa ng masama!"  Ano ba ang makipot na pintuan na tinutukoy ng Panginoon? 

Ang makipot na pintuan ay ang hinihingi ng ating pagiging tapat na Kristiyano.  Makipot sapagakat mahirap ang maging tapat kay Kristo.  Ito ay nangangahulugan ng paglimot ng ating sarili at pagpasan ng ating krus at pagsunod sa kalooban ni Jesus araw-araw.  Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang sa ating pagiging Kristiyano ay nagkakamali tayo... Hindi rin puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos... sala sa init, sala sa lamig!  Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging katulad ni Kristo!  

Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw.  Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga sa makipot ay marami sa atin ang ayaw daanan.  Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa pamilya. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao. Mas madali ang sumuway sa utos ng Diyos.  Mas madali ang magnakaw.  Mas madali ang mandaya.  Mas madali ang magsinunaling. Mas madali ang mangaliwa kaysa maging tapat sa asawa.  Mas madali ang gumawa ng kasalanan kaysa kabutihan. Mas masarap ang alok ng pintuang maluwag. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan!  Maging matalinong Kristiyano tayo habang naglalakbay tayo dito sa mundo.  

Alam ng Diyos ang pagnanais nating makapasok sa pintuan ng langit at batid niya ang kahinaan ng ating pagpapasya sa pagpili ng mabuti at masama... ng tama at mali!  May gantimpalang naghihintay sa atin kung magtitiwala tayo sa kabutihan ng Diyos na hindi Niya tayo pababayaan sa ating pagsisikap dahil mahal Niya tayo. May "langit" tayong mararating kung magsisikap tayong sumunod sa kanyang kalooban, magtitiyaga at mapagkumbaba nating susundin ang Kanyang mga utos. Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa pintuang pipiliin mo.  

Linggo, Agosto 14, 2022

ANG MAGAANG TUMATAAS (Reposted): Reflection for the Solemnity of the Assumption Year C - August 15, 2022

Ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit, Katawan at Kaluluwa.  Marahil ay palaisipan pa rin sa atin kung papaano ito nangyari.  Mayroon ba itong batayan sa Banal na Kasulatan?  Dapat ba natin itong paniwalaan bilang mga Katolikong Kristiyano?

"Paano nga ba nagawang maiakyat sa langit si Maria, katawan at kaluluwa? Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa mga batang kanyang tinuturuan. Nagtaas ng kamay ang isang bata at sumagot:  "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... super gaang tulad ng isang lobo, kaya nagawa siyang iakyat sa langit ng Diyos!"  

Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas!  Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII: "Si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa."  Unawain nating mabuti ang itinuturo sa atin ng ating Inang Simbahan na si Maria ay hindi umakyat sa langit.  Sa ganang kanya, bilang isang tao, ay wala siyang kapangyarihan upang gawin iyon.  Ngunit sa kapangyarihan ng Diyos, ay INIAKYAT SIYA SA LANGIT, KATAWAN at KALULUWA.

Mayroon ngang isang nakakatuwang kuwento tungkol dito.  Alam natid na kapag tayo ay namatay at inilibing, ang ating katawan ay uuurin.  Noong namatay daw ang Mahal na Birhen ay may kababalaghang nangyari sa kaharian ng mga uod.  Kumalat ang balita na meron daw nakalibing sa sementeryo na isang babae na ang pangalan ay Maria.  "Tara, anupang hinihintay natin... uurin na natin siya!"  Excited na nagpuntahan sila sa sementeryo.  Ngunit laking pagkagulat nila ng makita nilang wala silang nakitang katawan ng babae sa pinaglibingan nito. "Napurnada! Walang katawan dito! Naglaho ang kanyang katawan!"  Sigaw nila.  Ang sabi ng kanilang pinuno: "Isa itong himala... paglabag ito sa batas nating mga uod!"  

Tunay nga naman na kapag tayo ay namatay ay dapat na mabubulok ang ating katawan.  Noong nagkasala ang ating mga unang magulang, ayon sa Banal na Kasulatan ay pinalayas sila sa Hardin ng Eden at nabigyan ng taning ang kanilang mga buhay.  Ibig sabihin ay pumasok ang "kamatayan" sa sangkatauhan.  Ang tao ngayon ay nakararanas na ng pagkabulok ng katawan! Ang kamatayan ang kinahantungan ng kanilang paggawa ng kasalanan.  Bagama't ang  lahat ay napasailalim sa batas na ito, sa biyaya at kalooban ng Diyos, ay hindi niya hinayaang mabulok ang katawan ng isang nilalang.  Isang espesyal na prebelihiyo ang ibinigay niya sa isang babae na inihanda Niya upang maging tagapagdala sa sinapupunan ng Kanyang Anak.  Ibig sabihin, walang kasalanan... walang pagkabulok ng katawan!  Walang pagkabulok ng katawan... walang kamatayan.  Kaya nga ang ginamit na kataga sa pagkamatay ng Mahal na Birhen sa ating tradisyon ay DORMITION.  Ang pakahulugan ng salitang ito ay "pagtulog".  Animo'y "natulog" lamang ang Mahal na Birhen sa kanyang paghimlay.  Ayon sa isang kuwentong "Apokripal" ng mga naunang Kristiyano ay ng dumalaw si Tomas upang bigyan ng huling pagsulyap sa labi ng Mahal na Ina, ay bumagsak mula sa langit ang isang "girdle" o balabal na pagmamay-ari niya.  Nasalo ito ni Tomas at sa kasalukuyang panahon ay nakapreseba sa isang simbahan sa Tuscany, na ayon sa ma taga-roon ay pinagdadaluyan ng maraming himala.

Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birheng Maria?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang bahid na kasalanan." Ito ang dogma ng "Immaculate Conception".  Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay.  Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan!  Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! 

Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang labing limang taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan.  

Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay.  Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti.  Bawasan natin ang pagiging makasarali na siyang ugat ng kasalanan.  Ang gitna titik ng salitang kasalanan sa ingles ay letrang "I".  Ang ibig sabihin ng "I" sa Filipino ay "ako."  Tunay nga naman na kapag tayo ay gumagawa ng kasalanan ay inuuna natin ang ating sarili kaysa sa pagmamahal natin sa Diyos, inuuna rin natin ang ating sarili kaysa kapakanan ng ating kapwa.  Subukan mong tanggalina ng malaking-malaking "I" na iyong sarili at makikita mong maiiwasan mo ang maraming kasalanan.

Maging mapagbigay tayo sa halip na maging makasarili.  Wala ng ibang paraan pa kung nais talaga nating tanggalin ang kasalanan sa ating buhay.  Ngayong panahon ng pandemya ay marami tayong maaring gawin upang maging mapagbigay.  Marami ang naghihikahos ngayon sa buhay, walang makain, walang trabaho.  Ang pagsulpot ng maraming community pantries, malaki man o maliit, at ang iba't ibang uri ng pagkakawang-gawa ay nagpapakita na kaya nating kalabanin ang ating pagiging makasarili.  Matuto sana tayong magbahagi ng ating sarili sa iba lalong-lalo na sa mga higit na nangangailangan.  

Hindi madali ang magbigay.  Ang buhay ng Mahal na Birheng Maria ay taos pusong pagbibigay sa Diyos.  Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"

Sabado, Agosto 13, 2022

LIVING SIGNS OF CONTRADICTION: Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year C - August 14, 2022

Ano ba para sa iyo ang sinisimbulo ng krus? Lagi natin itong ginagamit sa pagdarasal, lagi natin itong nakikita sa mga bahay dalanginan at maging sa ating mga tahanan.  Ang tanda ng krus ang unang simbolo na tinanggap natin noong tayo ay bininyagan. Alam ba natin ang isinasagisag nito? 

May kuwento ng isang batang umakyat sa mataas na punong-kahoy.  Nag-alala ang mga nakakita baka mahulog ito kaya't hinanap nila ang magulang ng bata.  Pilit naman siyang pinabababa ng mga ito ngunit kahit anong pakiusap ay ayaw sumunod ng bata.  Tumawag sila ng barangay tanod ngunit ayaw pa rin nitong bumaba. Nagkataong dumaan ang isang pari at hiningi nila ang kanyang tulong na pakiusapan ang batang bumababa sa puno.  Sumunod naman ang pari. Lumapit s'ya sa puno. Tiningala ang bata. Itinaas niya ang kanyang kamay at binasbasan ito ng tanda ng krus.  Agad agad ay bumaba ang bata. Nagulat ang lahat maging ang pari.  Nang tinanong nila ang bata kung bakit siya bumaba ay sinabi nito: "E pano ba naman sabi ng pari sa akin (winasiwas ang kamay na animong nagbabasbas) Ikaw baba, o putol puno! Baba o putol puno!"  

Parang kontradiksyon hindi ba?  Hindi naman natin ginagamit na panakot ang tanda ng krus bagkus pampasuwerte pa nga ito para sa ilan.  Ang tawag natin d'yan ay SIGN OF CONTRADICTION.  Tunay naman sapagkat noong unang panahon, ang krus ay kaparusahan para sa mga kriminal, sa mga magnanakaw, sa mga taong nakagawa ng masama.  Ngunit nang si Jesus ay mamatay sa krus ay naiba ang ibig sabihin nito.  Ang krus ay naging simbolo ng kaligtasan at kalayaan sa kasalanan!  Ang ating mga pagbasa sa linggong ito nagpapakita sa atin ng maraming sign of contradiction o tanda ng pagkakasalungat.  

Sa Unang Pagbasa ang mga propeta ay laging itinuturing na sign of contradiction sapagkat ang kanilang pangangaral ay laging nagdadala sa kanila sa kapahamakan.  Ang hatid nila ay mensahe mula kay Yahweh ngunit hindi ito katanggap-tanggap sa mga Israelita.  

Si Jesus din ay isang malaking sign of contradiction.  Siya mismo ang nagpahayag nito.  Ano ang sinabi niya sa pagbasa ng Ebanghelyo ngayon?  "Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa?  Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi."  Hindi ba't isa itong malaking kontradiksyon?  Si Jesus ay ang Prinsipe ng Kapayapaan.  Sa katunayan ay ito ang unang handog niya noong siya'y muling nabuhay. Bakit ngayon ay pagkakabaha-bahagi ang kanyang sinasabing iniiwan?  Ito ang sasapitin ng mga taong tunay na sumusunod kay Kristo.  Siya ay magiging sign of contradiction.  

Hindi bat ito ang Simbahang Katolika ngayon?  Isang malaking sign of contradiction!  Kaya huwag tayong magugulat kung marami ngayon ang hindi sumasang-ayon at sumasalungat pa nga sa turo ni Kristo at aral ng Simbahan.  Bakit nga ba maraming sumasalungat sa mga turo ng Simbahan gayung ipinapangaral lamang nito ang turo ni Kristo?  Isang magandang halimbawa ay ang isang isyung lumabas noong nakaraang mga taon, ang kuwento ng transgender na hindi pinagamit ng isang janitress sa palikuran ng mga babae sa kadahilanang hindi siya babae.  Alam nating sensitibong isyu ang tungkol sa ating mga kapatid na transgender at ang Simbahan ay malinaw naman ang posisyon sa pagtanggap sa kanila anuman ang kanilang kasarian.  Ngunit dito papasok ang limitasyon ng bawat isa at ang pagrispeto sa karapatan ng lahat. Aminin natin na ang mga palikuran natin sa ngayon ay "biologically gender based."  Wala kang makikitang urinals sa palikuran ng mga kababaihan.  Minsan na akong naligaw doon at napahiya ako!  Sa ngayon, dahil wala pang palikuran na nakalaan para sa mga transgender ay mas mabuti sigurong igalang na lang muna natin ang karapatan ng lahat!  Ang sabi nga ng isang post ko sa FB: "Huwag ipilit ang hindi tama. Ang palikuran pambabae ay dapat para sa mga tunay na babae lamang. Hindi ito diskrimansyon. Ito ay pagpapakita ng paggalang sa dignidad ng mga tunay na babae.  Igalang din nati ang mga tuna na babae!" Ngunit may mga sasalungat pa rin dito sa ngalan ng pantay-pantay na karapatan.  Kaya ngapost uli ako ng isa pa sa FB ko na galing na mismo sa Banal na Kasulatan:  "God is love, and love rejoices in the truth." (1 Cor. 13:6) What is TRUTH? "That male and female He created them!" (Gen 5:2) God does not descriminate! God is love. But God wants us to respect the truth for this is the best expression of love!  Isang halimbawang isyu lamang ito na kapag pinag-usapan natin ay siguradong magkakaroon ng pagkakahati-hati sa ating mga opinyon.

Isa pang halimbawa na siguradong pagdedebatehan ngayon ay ang isyu ng same sex union.  Ang daming palabas ngayon sa Netflix na nagpapakita na normal na ang pagkakaroon nito.  May panukalang batas na isinusulong ngayon dito at siguradong tatanungin na naman ang Simbahan tungkol dito kahit na malinaw ang Simbahan sa paninindigang ang kasal ay para lamang sa lalaki at babae.  At tungkol din sa usapin ng kasal ay ang humihinang pagkilala ng mag-asawa sa sakramento ng matrimonyo.  Nakakalungkot na marami sa mga mag-asawa ngayon ay nagsasama na walang kasal sa Simbahan.  Para sa kanila ay optional na lamang ang pagpapakasal at hindi naman talaga mahalaga sa pagsasama ng mag-asawa.  

Iba pang halimbawa ay ang paggamit ng mga artificial means of contraception tulad ng implants, IUDs, condom.  Hindi ba't hanggang ngayon ay binabatikos ang Simbahan tungkol dito?  Naririyan pa rin ang usapin ng  divorce, ng death penalty, sa extra-judicial killings, hindi ba't nagmimistulang kontrabida ang Simbahan natin dito?  Pero magbabago ba ang paninindigan ng Simbahan?  Hindi! Kailanman, ang Simbahan ay mananatiing sign of contradiction kahit pa sabihin nating ang buong mundo na ang kanyang kalaban dito.  Hindi magpapadala sa agos ng mundo ang Simbahan sapagkat nakabatay ito sa turo ni Kristo!  At ang paalala sa atin ni St. Mother Teresa ng Calcutta: "We must never be afraid to be sign of contradiction for the world."

Sapat lang na ilagay natin ang ating pagtitiwala sa mga turo ni Hesus na buong katapatang ipinapahayag ng ating Inang Simbahan.  Araw-araw ay hinihikayat tayong isabuhay ang ating pananampalataya.  Mahirap mang tanggapin ang ilang aral na itinuturo sa atin ay buong tapang nating angkinin at isabuhay ito.  Ang sabi naman sa atin ng Panginoon ay naparito siya upang magdala ng apoy sa lupa at nais niyang magningas ito! Ano ba itong apoy ni Kristo?  Hindi ba't ito ang apoy ng pagmamahal niya sa ating lahat? Kaya nga't kasama ng pananampalataya ay ang pag-ibig na dapat nating ipakita sa pgatangap natin sa mga aral ng ating Panginoon at ng Simbahang kanyang itinatag.  Ipagdasal natin ang maraming Kristiyanong nanatiling tahimik sa mga pangkasalukuyang isyu ng ating lipunan. Lalo nating ipagdasal ang taong patuloy na bumabatikos sa aral ng Simbahan. Na sana ay tupukin sila ng "apoy ni Kristo",  ang apoy ng kanyang pagmamahal upang mapalitan ang anumang galit o pagkamuhi o pag-aalinlangan sa kanilang puso.  Sapagkat sa huli, ang Simbahan at ang tunay na alagad ni Hesus ay mananatiling buhay na tanda ng pagsalungat... LIVING SIGNS OF CONTRADICTION! 

Sabado, Agosto 6, 2022

PANANAMPALATAYANG GANAP: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 7. 2022

Pamilyar na sa atin ang salitang PANANAMPALATAYA ngunit ano ba ang pakahulugan nito?  Sa ating ikalawang pagbasa, sa Mga Sulat sa Hebreo na nagbibigay sa atin ng pakahulugan nito;  sinasabi sa ating "Tayo'y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mg bagay na di natin nakikita."  

May kuwento ng isang barrio na nakararanas ng tagtuyot at labis na init ng panahon.  Ang ikinabubuhay ng mga tao ay pagsasaka kaya't malaking dagok sa kanila ang tagtuyot sapagkat nanatiling tigang ang kanilang mga lupain.  Kaya't sa misa ng kanilang ng parokya ay hiniling ng kanilang kura-paroko ang kanilang panalangin upang umulan at ng sa gayon ay matubigan ang kanilang mga lupain at muli silang makapagtanim.  "Nananalig ba kayo na sa isang linggo ay bubuhos ang isang malakas na ulan?"  Sumagot naman ang lahat: "Opo Padre! Nananalig kami!"  Lumipas ang isang linggo at muling nagtipon ang mga tao sa loob ng simbahan.  Nalungkot ang pari sa kanyang nakita sapagkat sa mahigit isang daang nagsisimba, iisa lamang sa kanila ang nagdala ng payong!  

Hindi natin namamalayan na araw-araw ay ginagamit natin ang pananampalataya sa ating buhay.  Sa mga nagtratrabaho sa atin ay masaya nating hinihintay ang kinsenas o ang katapusan ng buwan? Bakit? Sapagkat umaasa tayong makatatanggap ng sahod. Hindi pa dumarating ngunit alam nating tatanggap tayo nito.  Pananampalataya.  Kapag sumasakay tayo ng jeep, paano tayong nakasisiguro na makakarating tayo ng ligtas sa ating patutunguhan?  Nagtitiwala tayo sa driver di ba? E paano kung addict pala ang driver o kaya naman ay isang kriminal na pinaghahabol ng batas?"  Patay tayo dyan! Pero nagtitiwala pa rin tayo.  Kung kaya nating magpakita ng pananampalataya sa mga tao, ang tanong ay bakit hirap tayong magpahayag nito sa ating Diyos?  

Mayroon kasing hinihingi ito sa atin.  Higit pa sa simpleng pagsasabing "Sumasampalataya ako!" o pagpapahayag ng ating pananampalaya kay Hesus,  ang pananampalatayang ating tinanggap sa Binyag ay nangangailangan ng pagpapatunay o pagibibigay saksi kung tunay nga tayong mga tagasunod ni Kristo.  Ang pananampalataya pagkatapos angkinin ay dapat isinasabuhay.  Ang tawag natin dito ay PANANAMPALATAYANG GANAP.  Kailan natin masasabing GANAP ang ating pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala at pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng ganap na pananampalataya at ito ay ang... pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa, saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito. 

Ang isang ganap na pananampalataya ay may kaakibat na gawa na nagpapahayag ng ating pagsunod kay Kristo. Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang, ang isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Ito ang pinapaala-ala sa atin sa Ebanghelyo. "Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan.Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon mula sa kasalan, para pagdating niya ay mabuksan agad ang pinto.

Mnartili tayong gsing at hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo.  

Sa mga nangyayari ngayon sa ating lipunan ay hinihingi ang ating malakas na pananampalataya.  Hindi lingid sa ating kaaalaman na patuloy pa rin ang maraming napapatay sa kampanya laban sa droga.  indi ko tinutukoy ang lehitimong pagtupad ng tungkulin ng ating mga alagad ng batas bagama't nakakabahala kapag maririnig mo lagi ang kadahilanang "nanlaban" kaya napatay!  Ang isa pang dapat na pagtuunan ng pansin ay ang mga tinatawag nating "summary execution" o "extra-judicial killing" na nangyayari sa maraming lugar na kung minsan ay hindi malaban ang motibo kung bakit sila pinatay. Masaya ba tayo kapag may napapatay ang mga "riding in tandem" na vigilante o mga hired professional killers?  Magdarasal ka. Magsisimba ka. Tapos sasabihin mo... "mabuti nga sa kanila! Dapat maubos na ang mga rapists na yan! Dapat maubos ang mga addict sa lipunan!"  Isang magandang halimbawa ay yung nangyaring pagpatay sa Mayor ng Basilan.  Nakakalungkot na sa Facebook ay may mga nagtatanggol pa sa nakabaril at ginagawa pa siyang bayani.   Ayon sa isang survey na ginawa tungkol sa opinyon ng mga Pilipino tungkol sa extra-juducial killing ay aprobado daw ito ng 80.5% na mga Katoliko.

Kung minsan ay nalalagay pa ang Simbahan sa masama kapag ipinagtatanggol niya ang karapatan ng mga tao.  Hindi ipinagttanggol ng Simbahan ang mga krimial o pinapaboran niya ang masasamang gawain ng mga tao.  Ang ipinaglalaban ng Simbahan ay ang paggalang sa karapatan ng bawat isa bilang nilalang na nilikha sa imahe ng Diyos.  Hindi mo kinakailangang maging Kristiyano upang maintindihan na mali ang walang hambas na pagpatay ng mga taong wala namang mandato para gawin ito!  Suportahan natin ang kampanya ng gobyerno laban sa illegal na droga o kriminalidad ngunit huwag tayong mapipi kapag may mga taong nagsasamantala at inilalagay ang batas sa kanilang kamay!  Ito ang ating pagsaksi at pagpapakita ng ganap na pananampalataya. Huwag lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap, pagpapairal ng kaayusan, katarungan at kapayapaan, bagkus ay isagawa natin ito at patunayan sa pamamgitan ng paggalang sa karapatan ng bawat isa.  Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon.  "Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng maraming bagay ay pananagutin sa lalong maraming bagay."

Ang pananampalatayang tinanggap natin noong tayo ay bininyagan ay inaasahan ng Panginoon na ating palalalimin habang tayo ay naglalakabay sa buhay.  Ito ang ibig sabihin ng pagiging matapat  at isang matalinong katiwala ng ng Panginoon, "Sino nga ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba siya ang pamamahalain ng kanyang panginoon sa sambahayan nito, upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa karampatang panahon? Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayon pagbabalik ng kanyang panginoon. Sinasabi ko sa inyo: pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito.

Maging mga tapat tayong alagad ng Panginoon na laging handang magsulit ng mga ipinagkatiwala niya sa atin, anumang oras na maratnan niya tayo sa kanyang "biglaang pagdating."  Ito ang pagpapakita ng isang GANAP NA PANANAMPALATAYA.,