Sabado, Enero 25, 2014

B.I.B.L.E. (Basic Information Before Leaving Earth) : Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year A - January 26, 2014

Ano ba ang ibig sabihin ng Biblia?  May isang lola na nagbabasa ng Bibliya at habang siya ay nagbabasa ay pinagmamasdan siya ng kanyang apo. Manghang-mangha ang bata sa panood sa kanya.  Lumapit ito at nagtanong: "Lola, alam ko na po ang ibig sabihin ng Biblia!"  Tuwang-tuwa ang matanda at nagtanong: "Ano, yon apo?" Sagot ng bata: "Ang kahulugan ng BIBLE ay nasa limang titik nito: Basic Information Before Leaving Earth! Kailan ka mamamatay lola?"  Ano nga ba ang Biblia? Paano nga ba ang tamang pagbasa at pag-intindi nito? "May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Bibliya. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo."Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... hehe. Ang ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon ay parating inilalaan sa padiriwang ng National Bible Sunday! Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga akong tapusin ang volumes ng Harry Potter bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Kanya. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa! Basahin, pagnilayan at isabuhay! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians". Tatlong paraan upang maging buhay ang Salita ng Diyos sa ating buhay.

Sabado, Enero 18, 2014

KABATAANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of the Sto. Nino Year A - January 19, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Kapistahan ngayon ng Sto. Nino!  Ang tawag din sa kapistahang ito ay "Holy Childhood Day!"  Ibig sabihin ay kapistahan nating lahat sapagkat tayo ay minsan na rin namang dumaan sa ating pagkabata o tinatawag nating "first childhood".  Kaya naman, sinasabi nating ang kapistahang ito ay "Kapistahan ng mga Bata!"  Ngunit din rin naman mapagkakaila na pagkatapos ng "first childhood" ay dumadaan din tayo sa ating "second childhood", ibig sabihin ang kapistahang ito ay "Kapistahan din ng mga Isip-bata!"  Bata ka man o isip-bata, ang kapistahang ito ay para sa iyo!  Sinasabing ring tayong mga Pilipino ay likas ang pagpapahalaga sa pamilya. At kung tayo ay may pagpapahalaga sa pamilya, tayo rin ay dapat may pagpapahalaga sa buhay. Kaya nga para sa atin ang bawat batang ipinapanganak ay maituturing na isang "kayamanan."  Kaya siguro napakalapit ng kapistahang ito sa puso nating mga Pilipino.  Bukod sa ito ay nakaugat sa ating kasaysayan ito rin ay nakaugat sa pagpapahalaga natin sa ating pamilya.  Kaya nga isa sa mga aral na ibinibigay sa atin ng kapistahang ito ay: pahalagahan natin ang mga bata at kabataan bilang bahagi ng ating pamilya. Sa ating Ebanghelyo ngayon ay narining natin si Jesus na labis din ang pagpapahalaga sa kanila: "Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliit na ito." (Mt. 18:10)  Ang hindi paghamak ay nangangahulugan din na huwag ipahamak.  Ito ba ang nangyayari sa ating panahon ngayon?  Nitong nakaraang mga araw ay headline sa mga pahayagan ang tungkol sa mga batang nasasangkot sa "cybersex".  Sinasabing ang Pilipinas ay isa raw sa mga lugar na pinangyayarihan nito at maraming batang Pilipino ang pinagpipistahan ng mga phidopilya sa internet.  Ang nakakalungkot ay sinasabi ng gobyerno na wala tayong sapat na kakayanan upang labanan ito. Hindi ako sang-ayon dito sapagkat meron tayong magagawa!  Hindi man sapat ang ating batas o pondo upang labanan ito ay nasa atin naman ang pinakamabisang sandata at ito ay ang ating pagpapahalaga sa pamilya.  Maiiwasan ang anumang uri ng "child trafficking", 'sex trade" man ito o "child labor", kung mapatatatag natin ang mahigpit na pagbubuklod ng ating mga pamilya. Kaya nga ang hamon sa ating ng kapistahang ito ay magkaroon ng isang pamilyang "marangal" at "banal".  Isang pamilya na marangal sapagkat pinahahalagahan ang dignidad ng bawat miyembro nito at banal sapagkat ito ay naka-sentro sa Diyos.  Sa pagdiriwang na ito ng Kapistahan ng Sto. Nino ay ipanalangin natin ang bawat pamilyang Pilipino. Labanan natin ang mga lumalapastangan sa dignidad ng ating mga kabataan upang sila rin ay maging mga kabataang MARANGAL at BANAL! Ito ay kapistahan nating lahat! VIVA SENOR STO. NINO!

Sabado, Enero 11, 2014

BINYAGANG LAYKO...TAGASUNOD NI KRISTO: Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year A - January 13, 2014

Ang Taong 2014 ay Taon ng Mga Layko o Year of the Laity.  Ang "LAITY" ay hindi ang mga dumarating sa Misa ng late! Ang "laity" ay ang mga hindi kabilang sa mga itinalaga o inordenahan bilang ministro tulad ng diakono, pari at obispo.  Sa madaling salita sila ang mga "karaniwang binyagan" na nakikibahagi sa Misyon ni Kristo! Sino ba ang dapat na binibinyagan? Isang katolikong matandang mayamang babae ang lumapit sa pari at nagtanong kung maari bang binyagan ang kanyang alagang aso. Napasigaw ang pari na ang sabi: "Ginang, ang binyag ay ibinibigay lamang sa tao at hindi sa hayop! Hindi maaring binyagan ang alaga mong aso!" Sagot ng matanda: "Ay ganoon po ba Father, sayang magdodonate pa naman sana ako ng isang milyong piso para sa simbahan. Hindi na bale, d'yan ko na lang siya sa simbahan ng Aglipay pabibinyagan!" sabay talikod. Panghabol naman ang pari at sinabing: "Ginang, bumalik ka... ba't di mo sinabing Katoliko ang aso mo!!!" Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano? Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral. Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang. misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at kaaya-aya.Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano... Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo, lubos na kinalulugdan ng Ama!

Sabado, Enero 4, 2014

REGALO (Reposted & Revised) : Reflection for the Feast of the Epiphany Year A - January 5, 2013

Nabigyan ka ba ng regalo noong nakaraang Pasko? Kung hindi pa ay huwag kang malungkot.  May kasabihan tayong "huli man daw at magaling ay maihahabol pa rin!"  Mga kapatid puwede pang magbigayan ng regalo ngayon sapagkat ngayon ang huling Linggo ng kapanahunan ng Pasko. Sa ibang bansa ang Epipanya ay tinatawag na "Ikalawang Pasko" na kung saan ay araw ito ng pagbibigayan ng regalo. Dito rin kasi nakukumpleto ang mga tauhan sa Belen... sa pagdalaw ng mga "pantas" o sa mas kilala nating tawag na "Three Kings". May kuwento ng isang kura paroko na niregaluhan ng kanyang mga parokyano. Dahil sa liit ng kanyang parokya ay halos kilala niya lahat ang mga tao at ang mga kabuhayan nila. May isang batang lumapit na may bitbit na kahon na ang pamilya ay may "bake shop". Sabi ng pari: "Ah, alam ko yang dala-dala mo... cake yan 'no?" Sagot ng bata: "Ang galing mo Father, pano mo nahulaan?" "Obvious ba? e may bakeshop kaya kayo?" Sagot sa kanya ng pari. Lumapit ang ikawalang bata na may dala ring regalo na ang pamilya naman ay may pagawaan ng sapatos. "Alam ko yang regalo mo... sapatos yan!" Sabi ng pari. Laking gulat ng bata at tanong sa pari: "Pano mo nalaman Father?" "Obvious ba? May pagawaan kayo ng sapatos di ba? hehehe" Patawang sagot ng pari. Lumapit ang isa pang bata na may dalang kahon na medyo basa pa ang ilalim. May tindahan sila ng mga alak. Sabi ng pari: "Alam ko yan... alak yan." Hinipo ang basang bahagi ng kahon at tinikman. "Aha! Champagne ito... maasim!" Sabi ng pari. "Hindi po padre!" Sabi ng bata. "Mompo?" "Hindi rin po!" "E, ano ito...?" Sagot ng nakangiting bata: "Tuta po!" Kaya mag-ingat sa susunod na pagtanggap ng regalo! Ngunit kung titingnan natin ay kakaiba ang pagbibigayan ng regalo sa Pasko. Ang karaniwang paraan ay tayo ang nagreregalo sa may birthday. Ngunit sa pagdiriwang ng Pasko, ang may birthday ang nagbibigay ng regalo... tayo ang tumatanggap! Ang Epipanya ay nagsasabi sa atin na may Diyos na nagbigay ng dakilang regalo sa atin nang ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayong lahat ay maligtas! Walang pinipili ang Diyos! Lahat ay nais Niyang maligtas. Wala tayong ibang masisisi kundi ang ating sarili kung tinanggihan natin ang dakilang regalong ito mula sa Kanya. Kaya nga ang kahulugan ng Epipanya ay "pagpapakita". Dito ipinakita ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak bilang tunay na Diyos, tunay na tao at tunay na Hari sa pamamagitan ng tatlong regalo sa kanya: ang kamanyang, mira at ginto. Paano ko ba pinahahalagahan ang kaligtasang bigay sa akin ng Panginoon? Patuloy ba ako sa paggawa ng kasalanan? Sa pagkakahumaling sa mga bisyo? Sa pagpapa-iral ng masamang pag-uugali? May magandang ginawa ang mga pantas pagkatapos nilang makita ang sanggol at pagbawalan ng anghel sa panaginip, nag-iba sila ng landas. Hindi sila bumalik kay Herodes. Marahil oras na, na tulad ng mga pantas, na talikuran natin ang DATING DAAN at tahakin ang BAGONG DAAN! Huwag na nating balikan ang malawak na daan ng masasamang pag-uugali at pilitin nating tahakin ang daang makitid ng pagbabagong-buhay! Ang kaligtasang regalo ni Jesus ay para lamang sa mga "wais" tulad ng mga "wise men." "Wise" na Kristiyano ka ba?   Tandaan mo na ang mga tunay na WISE MEN ay patuloy pa rin sa paghahanap kay Jesus.  Natagpuan mo na ba Siya?

Sabado, Disyembre 28, 2013

PAMILYANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of the Holy Family Year A - December 29, 2013

"SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig at ginagamit ang mga katagang ito kapag tayo ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH? Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng salitang ito.Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang batang pangit, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sis, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!" Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan nito. Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay... ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin. Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya!  Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL.  Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi.   Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago.  Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO."  Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito.  Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya.  Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA.  Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga.  Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya.  May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA.  Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga.  Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang.  Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA!  At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN.  "The family that prays together, stays together!"  Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL.  Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban.  Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan.  Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig  ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!

Martes, Disyembre 24, 2013

SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO! (SMP) Reposted and Revised : Reflection for Christmas Day - Year A - December 25, 2013

Naitanong mo na ba kung bakit may Pasko? Bakit nga ba pinili ng Diyos na maging tao gayong kaya naman Niya tayong iligtas sa isang pitik lamang ng Kanyang kamay? May kuwento ng isang grupo ng mga bibe na tuwang-tuwang nagtatampisaw sa ilog. Sa kanilang katuwaan ay di nila namalayan ang papalapit na unos. May isang magsasakang nagmagandang loob na dalhin sila sa isang kuweba upang mailigtas sa paparating na bagyo. Ngunit sa halip na magpuntahan doon ay nagkanya-kanya sila at hindi sumunod sa pambubugaw na ginawa ng magsasaka. Ang tanging nasabi ng magsasaka ay: "Sana, maging katulad din ako nila, makapagalita sa kanilang lengguwahe ng maintindihan nila ako at mailigtas ko sila!" Bakit nga ba naging tao ang Diyos? Simple lang ang sagot: dahil mahal Niya tayo! Nais niya tayong mailigtas sa pamamagitan ng pag-ari sa ating pagkatao at ng sa ganoon ay maipadama sa ating ang kanyang pagmamahal. Ang bawat pagdiriwang ng Pasko ay pagdiriwang ng malaking pag-ibig ng Diyos sa tao. Sa pananalita ni San Juan: "Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa mundo kaya't ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na anak upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan!" (Jn. 3:15) Kung mauunawaan natin ito ay mas magiging makahulugan ang ating Pasko. Magiging kakaiba sa mga nagdaang Pasko na ating naipagdiwang. Kung nais mong maging kakaiba ang Pasko mo ay isama mo si Kristo sa iyong pagdiriwang. Ang mga nagsasabing matamlay ang kanilang Pasko, tulad ng mga miyembro ng SMP ay may maling pag-intindi ng masayang Pasko. Hindi lang ang mga materyal na bagay ang nakapagsasaya sa atin sa Pasko. Hindi masaya ang Pasko sapagkat marami kang pera, may bago kang jowa, may bag o kang damit, o maraming nagregalo sa 'yo. Ang sukatan ng isang masayang Pasko ay kung si Kristo ba ay nasa puso mo! At kung si Kristo ay nasa puso mo, nararapat lang na ibahagi natin naman Siya sa iba.  Ngayong Pasko, subukan mong mas maging mabait sa mga taong mga makakasalubong mo.  Wala naman masama kung ikaw ay ngingiti at babatio ng Merry Christmas!  Wala namang masama kung kakausapin mo ang mga taong hindi mo nabibigyang pansin sa mga karaniwang panahon.  At wala rin namang msama kung magpapatawad ka sa mga taong nakasamaan mo ng loob nitong taon.  Tandaan mo, ikaw lang ang makakapagdesisyon kung nais mong maging masaya ngayong Pasko.  Kung magagawa mo ito ay makakasama ka sa mga tunay na SMP... ang SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO! Masaya ang Pasko sapagkat kasama natin si Kristo!

Sabado, Disyembre 21, 2013

KATAPATAN AT PAG-AALINLANGAN: Reflection for the 4th Sunday of Advent - Year A - December 22, 2013

Ang Pasko ay ang pagdiriwang ng "katapatan ng Diyos!"  Ito ang ating pinagninilayan sa tuwing sumasapit ang araw ng Kapaskuhan:  May isang Diyos na naging tapat sa atin sa kabila ng ating pagiging salawahan.  Isinugo niya ang Kanyang bugtong ng Anak dala ng Kanyang malaking pagmamahal sa sangkatauhan.  Ngunit paano ba natin sinasagot ito bilang mga tao?  Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Pinagdududahan mo ba ako? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako... Yung dalawa, kay kumpare 'yun!" Inatake sa puso ang mister! May karapatang magduda ang lalaki kung papaanong si Jose rin ay may karapatang magduda sa kanyang asawang si Maria. Bago sila magsama ay naratnan niyang nagdadalang-tao ito. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa syang taong matuwid at ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria ay nagdesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Katulad ng sino mang tao, si Jose ay pangarap sa buhay. Pangarap niya marahil ang magtayo ng pamilya. Isa siyang taong matuwid at alam ang kanyang gusto sa buhay. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari: Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabho. Nasunugan ka ng bahay. Namatayan ka ng mahal sa buhay.... Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Tandaan mo, ang Diyos ay lubos na nagtitiwala sa iyo tulad ng pagtitiwalang ipinamalas Niya kay Jose.   "Believe in a God who believes in you!"

Sabado, Disyembre 14, 2013

SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO (S.M.P.) : Reflection for 3rd Sunday of Advent Year A - December 15, 2013

Siyam na tulog na lang at Pasko na! Excited ka ba? Marami sa atin ang siguradong masaya sa araw ng Pasko. Ngunit di mapagkakaila na may ilan-ilan sa atin ang  magiging malungkot ang paskong darating. Hindi ko tinutukoy ang mga naging biktima ng earthquake sa Bohol o supertyphoon Yolanda sa Tacaloban.  Ang mga taong tinutukoy ko ay yung masahol pa sa bagyo at lindol ang pinagdaraanan.  Mga taong patuloy na nadudurog ang puso at gumuguho ang pagkatao dahil sa lungkot at pagdadalamhati. Sila ang mga bumubuo ng SMP... ang Samahan ng Malalamig ang Pasko!  Isa ka rin ba sa mga kasapi ng grupong ito? Kung sabagay, unti-unti nga namang lumalamig ang paligid. Masarap matulog. Masarap maghilik sa kama. Masarap namnamin ang malamig na simoy ng hangin. Ngunit pati rin ba ang nararamdaman mo ay palalamigin mo? Para sa akin ay sapat na ang lamig ng paligid. Ang Pasko ay araw na dapat tayong lahat ay maligaya! Bawal ang nakasimangot! Bawal ang malungkot! Bawal ang SMP ngayong Pasko! Sa katunayan sa lahat ng Simbahan ngayong Linggo ay sisindihan ang kandilang kulay "pink" ng Korona ng Adbiyento. Sumasagisag sa kaligayahang ating nadarama dahil papalapit na ang pagdiriwang ng Pasko. Ang tawag sa pagdiriwang natin ngayon ay "Gaudete Sunday".  Ibig sabihin ay "Magsaya!" Dapat tayong magsaya sapagkat si Kristo ay naririto na!" Siya ang dahilan ng ating pagdiriwang. He is the reason of the season! Kaya nga't mayroon tayong lahat na dahilan upang magdiwang! Sa Ebanghelyo ngayon ay nagtanong si Juan Baustista kung si Jesus na nga ba ang kanilang hinihintay na Mesiyas.  Magandang katanungan din na dapat nating itanong sa ating mga sarili: "Sino ba ang hinihintay ko ngayong Pasko?" Kung ang hinihintay ko ay ang pagbabalik ng jowa kong ipinagpalit ako sa iba ay certified member nga ako ng SMP. Kung ang hinihintay ko ay ang darating na 13 month pay o Christmas Bonus na pinatatagal ibigay ng amo kong kuripot ay siguradong magiging certified SMP member ako. Kung ang hinihintay ko lang ay regalong matatanggap ngayong Pasko ay malamang na isa rin akong SMP. Kung ang hinihintay ko ay ang paghingi ng patawad ng kagalit ko certified SMP din ako. Bakit di mo hintayin si Jesus na darating sa iyong puso? Maging maunawain, mapagpatawad, mapagkawang gawa, matulungin at maalalahanin sa kapwa! Magagawa mo lang ito kapag si Jesus ay nasa puso mo. Sapagkat tanging ang Diyos lang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan na hindi kailanman maibibigay ng mundong ito.  Simulan mo ng lininisin ang puso mo upang makapasok si Jesus at maibigay sa iyo ang "Gaudete" o LIGAYA ng Pasko! Kapag ginawa mo ito ay magiging TUNAY KANG S.M.P. Hindi na Samahan ng Malalamig ang Pasko ang grupong kabibilangan mo kundi... SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO!

Linggo, Disyembre 8, 2013

SA LAKAS NG DIYOS POSIBLE: Reflection for the Solemnity of Immaculate Conception - December 8, 2013

Minsang pumasyal ako sa Bicol at pinuntahan ko ang matayog at magandang Mayon volcano. Swerte ako at maganda ang panahon. Maaliwalas ang kalangitan kitang-kita ang "perfect cone" ng bulkan. Ang sabi ng ilang tagaroon: "May paniniwala na tanging ang mga birhen lang ang nakakakita ng perfect cone ng bulkan." Nang sumunod na araw ay naroroon uli ako at napansin kong may grupo ng mga madreng tinatanaw ang bulkan at ang sabi nila: "Ay sayang! Maulap di natin makita ang perfect cone ng bulkang Mayon!" hehehe! Uso pa ba ang pagiging birhen ngayon? Sa ibang progresibong pag-iisip ay makaluma na ang kahinhinan at kalinisan. Ngunit ang kapistahang ipinagdiriwang ngayon ay nagsasabing posible pa rin ang kalinisan! May ilan pa ring nalilito sa kapistahang ito: ang "Immaculate Coneception". Akala ng iba, ito ay ang mahimalang paglilihi ni Maria kay Jesus o ang tinatawag nating "virgin birth" ni Jesus. Sino ba talaga ang ipinaglihi? Si Jesus o si Maria? Ang Immaculate Conception ay ang "kalinis-linisang paglilihi kay Maria" na pinaniniwalaan nating totoo bilang mga Kristiyano. Paano nangyari na ang isang tao ay ipinaglihing walang kasalanan gayung lahat ng taong isinisilang sa mundo ay nababahiran ng "original sin?" Marahil imposible para sa ating mga tao, ngunit hindi sa Diyos! Kung hihiramin ko ang slogan ng Globe telecom: "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!" Isang natatanging pribelihiyo ang ibinigay ng Diyos kay Maria na ipinaglihi siyang walang kasalanang mana sapagkat siya ang magdadala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Hindi ata tama ang maglagay ng maputing bigas sa maruming kaldero! Dapat malinis muna ang paglalagyan! Ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay ihinihanda na ng Diyos sapul pa nung ipaglihi siya ng kanyang mga magulang. At ang kalinisang ito ay kanyang pinanatili! Kaya nga ang tawag natin din sa kanya ay "Ever-virgin!" Isang magandang paalala sa ating lahat. Marahil ay hindi natin mapapantayan ang kalinisan ng Mahal na Birhen. Ngunit inaanyayahan tayong mabuhay ng may malinis na puso! Nakakalungkot sapagkat kalat na sa mundo ang kalaswaan at sinisira ang murang pag-iisip ng ating mga kabataan. Hingin natin na sana ay protektahan ng Mahal na Birhen ang bawat isa sa atin. Wag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat kaya din nating maging malinis tulad niya. Tandaan natin... "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!"

Sabado, Disyembre 7, 2013

MAGPANIBAGO: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year A - December 8, 2013

Kailan ba ang huli mong pagkukumpisal? Marami sa atin ang tumatanggap ng "Katawan ni Kristo" sa Banal na Komunyon kapag nagmimisa ngunit ilan kaya ang palaging nagkukumpisal? "Next time na lang po Father... kapag malapit na akong mamatay! Bata pa naman ako. Mahaba pa ang buhay ko!" Tingnan natin kung may katotohanan ito. Mayroong isang lumang kwento na minsan daw ay nagkaroon ng pagpupulong ang kalipunan ng mga demonyo, isang Devils' Assembly na ipinatawag ni Lucifer. Ang layunin ng pagpupulong ay upang humanap ng pinakamagandang paraan upang makahikayat pa sila ng maraming tagasunod. Nagtaas ng kamay ang isa at ang sabi: "Boss Luci, bakit hindi tayo bumaba na lang sa lupa at sabihin sa mga tao na wag na silang magpakabuti sapagkat wala namang langit?" Sinigawan siya ni Lucifer na ang sabi: "Talagang demonyo ka! Di ka nag-iisip! Sinong maniniwala sa 'yong walang langit? Di mo ba nakikita ang napakaraming taong nagsisimba pag Linggo? Tanga!" Sabad naman ng isa: "E bakit di na lang natin sabihin sa kanila na wala namang impiyerno kaya wag silang matakot na gumawa ng masama?" "Isa ka pa!" Sagot ni Luci, "Sinong maniniwala sa yong walan impiyerno? E saan tayo titira? Sa langit? Tanga!" Walang makapabigay ng magandang panukala hanggang isang bagitong demonyo ang nagsalita: "Bossing, sabihin natin sa mga tao na ganito: totoong may langit at may impiyerno, pero... wag n'yo munang intindihin yun! Mahaba pa ang buhay n'yo sa mundo. Magpakasarap muna kayo habang buhay pa!" At umani siya ng masigabong palakpakan! Ang ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin ng agarang pagtugon sa tawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay!Ito ang isinisigaw ni Juan Baustista sa ilang: "Magpanibagong-buhay kayo. Malapit ng dumating ang kaharian ng Diyos... Ngayon pa'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy." Wag sana tayong padala sa malaking kasinungalingang ikinakalat ng demonyo na mahaba pa ang ating buhay... marami pa tayong oras! Mas mabuti na lagi tayong handa. Baka bukas hindi na tayo magising. Baka yung kinain natin ay huling hapunan na. Walang makapagsasabi. Ngunit wag sanang takot ang magtulak sa atin sa pagbabalik- loob. Tandaan natin, ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... ang nais Niya ay atin Siyang mahalin! Tatalikuran ko ang aking masamang pag-uugali dahil mahal ko ang Diyos. Mabubuhay ako ng mabuti dahil mahal ko Siya! Ito ang pagbabagong-loob na kinalulugdan N'ya.  Ang pagnanais magbago ay hindi dapat ipinagpapaliban sapagkat hindi natin maiiwasan ang muling pagdating ni Jesus.  Kaya nga ang diwa ng Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Kapaskuhan kundi ito rin ay paghahanda kay Kristong muling darating sa atng piling at ang pagbabago ang pinakamagandang paghahanda na magagawa natin.  Kapag Pasko naghahangad tayo ng maraming bago.  Bagong damit, bagong sapatos, bagong gadgets, at marami pang iba.  Bakit hindi naman natin hangarin na magbago ang ugali natin?  Huwag natin munang hangarin na magbago ang kapwa natin.  Simulan natin ito sa ating mga sarili. Ang sarili lamang natin ang mapanghahawakan natin at tayo lang ang makapagpapabago sa ating sarili.  Ano ang magagawa natin?  Una ay ang pagsusuri ng ating sarili kung ano ba ang ating mga nagawang mali at pagkukulang.  Pangalawa ay ang pag-ako o pag-amin nito.  At pangatlo ay ang pagsisisi sa ating mga kasalanan.  Kung kinakailangang magkumpisal at may pagkakataon ay gawin natin ito.  "Baguhin ninyo ang inyong pamumuhay sapagkat nalalapit na ang paghahari ng Diyos"  Iti ang panawagan ni Juan Bautista at pinakamahusay na paghahanda sa pagtanggap kay Jesus.